AMINADO si Cameron na sumagi sa isip niya na ipalaglag ang kanyang dinadala. Hindi man niya sinabi sa iba, alam niya iyon sa kanyang sarili. Alam niyang kasalanan ang pag-iisip man lang niyon, hindi lang niya mapigilan. Tao lang naman siya. Hindi niya ginusto na magkaroon ng anak sa ganoong paraan.
Napagtanto rin agad niya na hindi niya kayang gawin ang naisip niya. Hindi niya kayang dalhin sa konsiyensiya niya kung saka-sakali. Hindi siya mamamatay-tao. Hindi siya masamang tao.
Ngunit kahit paano niya pilitin, hindi niya magawang tuluyang tanggapin ang bata sa sinapupunan niya. Pakiramdam niya ay iyon na ang sukdulan ng pagkasira niya. Wala na siyang ibang magagawa pa dahil magiging ina na siya, maaga siyang nagkaroon ng mabigat na responsibilidad.
Hirap na hirap siya sa kanyang pagbubuntis. Halos wala siyang ganang kumain. Kapag pinipilit niyang kumain ay isinusuka lang niya iyon. Papayat siya nang papayat. Palaging masama ang pakiramdam niya kaya madalas ay nakahiga lang siya. Hindi siya lumalabas ng bahay.
Isa pang nakadaragdag sa paghihirap niya ay ang pangungutya ng ibang mga tao sa kanilang pamilya. Iilan lang ang nakakaalam ng nangyari sa kanya. Nais siyang protektahan ng mga magulang niya kaya itinago ang totoo sa ibang mga tao. Alam niya na madalas siyang paksa sa mga umpukan ng mga tsismosa sa Mahiwaga. Kinukutya siya dahil lumuwas lang siya sa Maynila upang magpabuntis.
Ang palaging sinasabi ng kanyang ina ay mas maigi nang ganoon ang usap-usapan kaysa kumalat ang totoong nangyari.
Awang-awa siya sa mga magulang niya dahil sa labis na kahihiyang inaabot ng mga ito, ngunit wala siyang magawa. Tila tumanda nang husto ang mga ito sa iilang buwang lumipas. Nabawasan lang ang paghihirap ng mga ito nang tuluyan nilang maipakulong si Royce. Walang nagawa ang impluwensiya ng pamilya nito. Nakatulong nang malaki ang pagtestigo ni Yvette. Hindi niya alam kung paano nangyari iyon dahil hindi pa niya nakakausap ang dating kaibigan niya.
Hindi na mababago ang damage sa kanya, ngunit kahit paano ay napagbayad niya sa kasalanan nito si Royce. Ngayon ay alam na niya na nagdurusa na rin ito sa bilangguan. Wala na itong mabibiktima na ibang babae. Tila hindi sapat na kabayaran ang pagkakakulong nito, ngunit wala siyang magagawa kundi ang makontento roon.
Hindi niya ipinaalam ang kanyang totoong kalagayan. Ayaw na niyang makipag-usap dito o sa pamilya nito. Napakahusay ng abogado nila kaya natapos agad ang kaso bago pa man mahalata ang kalagayan niya. Wala siyang makitang rason kung bakit kailangang malaman nito na nagdadalang-tao siya. Ililihim niya iyon habang nabubuhay siya. Hindi na niya nais na magkaroon ng ugnayan pa sa lalaking sumira ng buhay niya.
Kapag tinatanong siya ng mga tao kung ano ang plano niya sa magiging anak niya, wala siyang maisagot sa mga ito. Wala siyang maisip. Ni hindi niya sigurado kung magagawa niyang mahalin ang isang produkto ng kasamaan.
PINILIT na bumangon ni Cameron sa higaan kahit na mabigat na mabigat ang katawan niya. Bisita niya nang araw na iyon si Lola Ancia. Kapag may oras ang matanda ay binibisita siya nito. Madalas na pinapadalhan siya nito ng mga pagkain at prutas. Nakakataba ng puso ang concern na ipinapakita nito sa kanya.
Sapo ang tiyan na nilapitan niya ito at nagmano. Tuwing dumadalaw ito, hindi niya maiwasang hilingin na sana ay sumama si Damian dito. Mula nang tanggihan niya ang inialay nitong pag-ibig ay hindi na ito nagtungo sa kanila, hindi na niya ito nakita. Ayon sa kanyang ama ay kumuha ito ng isang paupahang silid na malapit sa unibersidad nito dahil nakakapagod magmaneho nang mahigit isang oras sa pagpaparoo’t parito.
Naiintindihan niya kung iniiwasan na siya nito, hindi lang niya maiwasang masaktan. Masasanay rin marahil siya sa bago nilang sitwasyon. Ganoon talaga ang nais niyang mangyari.
“Kumusta ka na, hija?” masuyong tanong nito sa kanya pagkaupo niya. “Hindi na nawala ang pamumutla mo. Parang mas pumayat ka ngayon kaysa noong huli tayong magkita. Kinakain mo ba ang mga ipinapadala ko sa `yo? Nagpatingin ka na ba sa doktora mo?”
Nakagat niya ang ibabang labi niya. Labis na siyang nahihiya sa matanda. Napakarami na nitong naitulong sa kanya at sa pamilya niya. “Maayos po ako, Lola,” aniya kahit na obvious naman na hindi maayos ang kalagayan niya. Hindi siya regular na nagpapatingin sa ob-gyn niya. Palagi na nga siyang napapagalitan ng doktora niya dahil palagi siyang pumapalya ng bisita. Bukod kasi sa wala siyang gana, nanghihinayang siya sa gastos ng pagpapa-checkup. Mahirap marahil aminin na sadya niyang pinapabayaan ang kanyang sarili.
Tumabi ito sa kanya. Marahang hinaplos nito ang maumbok na tiyan niya. Malaki na iyon dahil dalawang buwan na lang ay manganganak na siya. May kakaibang mababakas sa mga mata ng matanda na hindi niya mapangalanan.
Napangiti ito ngunit hindi nakaligtas sa kanya ang lungkot sa mga mata nito. “Apo, alagaan mong maigi ang sarili mo. Huwag kang magpapalipas ng gutom dahil magugutom din ang anak mo. Huwag kang masyadong malulungkot para hindi rin siya malungkot. Iparamdam mo ang pagmamahal mo upang hindi niya maramdaman na unwanted siya. Apo, wala siyang kasalanan sa lahat ng nangyari. Ibinigay siya sa `yo ng Diyos, `yan ang lagi mong tatandaan. Biyaya siya at hindi malas. May magandang dahilan kung bakit siya ibinigay sa `yo. Huwag mong isipin na produkto siya ng kasamaan o kasakiman. Mahalin mo siya dahil anak mo siya. Kahit paano pa natin paikot-ikutin ang mundo, anak mo pa rin siya. Parte siya ng pagkatao mo.”
Hindi siya makasagot. Aminado siyang nakaramdam na siya ng kaunting guilt.
Patuloy ito sa masuyong paghimas sa tiyan niya. “Masuwerte ka dahil may kakayahan kang mag-conceive at magsilang ng sanggol. Ang ilan ay hindi nabibigyan ng pagkakataon na magbuntis. Hindi mo alam kung gaano ka kasuwerte. Hindi mo alam kung ano ang nararamdaman ng isang babae na walang kakayahang manganak.” Huminga ito nang malalim. “Masaya ako sa mga anak at apo ko kahit na hindi ko naman sila talaga kadugo. They are my family. Hindi man sila galing sa `kin, mga anak at apo ko sila sa totoong kahulugan ng mga salitang `yon. Pero aaminin ko ngayon sa `yo na maraming pagkakataon noon na hiniling ko na sana ay magkaroon ng himala. Gusto kong magbuntis. Gusto kong magluwal ng sanggol. Gusto kong bigyan si Andoy ng sarili niyang anak. Pero wala talaga akong kakayahan. Masuwerte pa rin ako dahil nagkaroon pa rin ako ng mga anak at apo.
“Apo, `wag mong sayangin ang pagkakataon. Bata ka pa, marami pang mga bagay na maaaring mangyari sa `yo. Hindi pa katapusan ng lahat para sa `yo. Manalig ka pa rin sa Diyos dahil may mas maganda siyang plano para sa `yo. May magandang dahilan ang lahat ng ito. Kaya mo pang bumangon. Mahalin mo nang husto ang magiging anak mo. Ibuhos mo sa kanya ang lahat ng pagmamahal na kaya mong ibigay mula ngayon. Ayokong magsisi ka balang-araw. Ayokong balikan mo ang araw na ito na puno ka ng pagsisisi. Ayokong dumating ang araw na kamuhian ka ng anak mo dahil hindi niya naramdaman ang pagmamahal ng isang ina mula sa `yo.”
Lalong hindi siya nakapagsalita dahil iyak na lang siya nang iyak. Pinunasan nito ang mga luha niya bago siya niyakap at inalo nito.
“Everything will be okay, apo. Manalig ka lang. Don’t lose hope. You’ll be happy, too. Everything will be fine. Tahan na...”
Lubos siyang nagpapasalamat na may isang Lola Ancia na handang dumamay sa kanya. Kahit paano ay naliwanagan siya. Ngunit kaya nga ba niya talagang mahalin ang bata sa sinapupunan niya? Magagampanan ba niya ang mga responsibilidad ng isang ina sa kanyang murang edad?