“ANGELIKA, due na ngayon ang lipstick mo,” sabi agad ni Cameron sa kaibigan niya pagkaupong-pagkaupo niya sa tabi nito. Unang subject nila sa araw na iyon. Napalabi ito. “Ang aga-aga, Cameron, naniningil ka na.” Napapalatak na kinuha nito ang wallet sa bag. “Wala ka talagang patawad. Hindi ba puwedeng bukas na lang?” “Papatungan kita nang ten percent.” Inilahad niya ang kanyang palad. “`Eto na, `eto na,” anito, sabay lagay ng pera sa nakalahad na palad niya. “Ang tindi mo talaga, mare.” Napailing-iling pa ito. “Ganoon talaga `pag nanay na. Maliit nga lang ang kinikita ko sa direct selling, eh. Kulang pang panggatas ni Hunter.” Hindi niya ikinakaila na may anak na siya ngunit walang asawa. Hindi niya ikakahiya ang anak niya na ang laki-laki na. Paraan na rin niya iyon upang wala nang la

