Chapter 6

1623 Words
Dalawang araw ang nakalipas nang mapagpasyahan kong pumasok na sa shop para asikasuhin ang maliit kong negosyo. Maraming order sa nakalipas na tatlong araw na dapat na mai-deliver ngayon, 'yong iba naman ay for pick-up. Tatlo lang ang tauhan ko sa shop maliban sa driver. Hindi nila kakayanin sakaling hindi pa ako pumasok ngayong araw. Hindi lang kasi paggawa ng mga made to order giveaways for all occasions ang negosyo ko dahil pati party needs ay pinasok ko na rin. Ngayong araw din ide-diliver ng supplier ko ang mga organic materials na siyang ginagamit ko sa paggawa ng pang-giveaway kaya kailangan naroon ako sa shop. Sumakay na lang ako sa taxi mula sa bahay dahil hindi ko pa kaya magmaneho. Bukod kasi sa masakit pa ang aking ulo ay sinisipon din ako sabayan pa ng ubo. Nagdala na lang ako ng gamot para hindi na lumala pa ang nararamdaman ko. Pagbaba ko ng taxi ay diretso akong pumasok sa shop. Tanging ngiti lang ang isinukli ko kay Mang Isko na siyang naunang dumating sa shop. Sa kaniya ko kasi ipingkakatiwala ang pagbubukas ng shop dahil palagi siyang maaga pumasok. Siya na rin ang nagsisilbing tagalinis sa loob at labas ng shop. Halos kalahating taon na rin ang nakalipas nang mag-apply siya bilang driver na taga-deliver ng mga item na pang giveaways at wala akong reklamo sa trabaho niya. Bukod kasi sa mapagkakatiwalaan ay masipag at responsable siya. Kaibigan siya ni papa noon pa man at malapit talaga kaming magkakapatid sa kaniya. Kaya nang masisante siya sa dating trabaho ay minabuti kong tanggapin siya bilang driver. Sa edad na singkwenta ay nagtatrabaho pa rin siya dahil ayaw niyang matigil sa bahay. Ayon sa kaniya ay nakakabagot kapag laging nasa bahay at hindi siya sanay ng walang pinagkakakitaan. Silang dalawa na lang kasi ng asawa niya ang nasa bahay dahil may asawa na ang dalawa nilang anak at may kani-kaniya ng tinitirhan. "Kumusta ka na, Rosel anak?" Nababanaag ko ang pag-aalala sa mga mata niya. Malungkot ang mukha niya na tila nakikiramay sa sakit na nararamdaman ko. "Maayos naman po ako, Mang Isko," tugon ko saka pilit na ngumiti. Sa isang banda ay lihim akong napangiti dahil sa pagtawag niya sa akin ng anak. Noon pa man ay itinuturing na niya akong anak kaya parang ama na rin ang turing ko sa kaniya na kahit pa nagtatrabaho siya sa akin bilang driver, ay hindi ako nagpapatawag ng Ma'am. Gano'n din ako sa iba ko pang tauhan. First name basis ay okay na kapag nakatatanda sila sa akin, ate naman kung mas matanda ako sa kanila. "Tumawag kasi kagabi ang papa mo at kinakamusta ka. Sabi ko ay ayos ka naman. Saka ko lang nalaman ang nangyari sa inyo ni Robert pati na ang tungkol sa anak ni Ka Vering. Naku! Ang pinsan mo talagang iyon..." Nakaplaster pa rin ang ngiti sa labi ko. "Gano'n po talaga ang pag-ibig, Mang Isko. Baka po hindi talaga kami para sa isa't isa ni Robert." Pinilit kong pasiglahin ang aking boses dahil alam kong makakarating sa mga magulang ko sakaling makita ni Mang Isko na nasasaktan ako sa nangyari. Hindi kasi mapaglihim si Mang Isko pati na rin ang asawa niyang si Aling Nita. Para ko na silang mga magulang at kung ano ang nangyayari sa akin ay agad na nakakarating kina mama at papa. Ngumiti siya. "O, baka may nakalaan sa 'yo na mas pa kay Robert, anak. 'Yong mas responsable at mas mayaman." "At kailan naman po naging mayaman si Kuya Robert, Mang Isko?" dinig ko kaya napalingon ako. Naroon si Tin sa bungad ng pinto. Kararating lang niya at nakakunot ang noo pero nawala rin nang tumingin siya sa gawi ko. "Hi, Ate Rosel." Kapitbahay namin si Tin sa Laguna. Kaibigan naman ni Robert ang kapatid niyang lalaki kaya sa tuwing may nangyayaring hindi maganda sa relasyon namin ni Robert ay agad niyang nalalaman. Isa si Tin sa mga tumutulong sa akin dito sa shop. Tumigil siya sa pag-aaral sa kolehiyo para magtrabaho dahil biglang nagkasakit ang kaniyang ina at hindi kayang tustusan pa ang kaniyang pag-aaral. "Kahit papaano ay may natapos naman si Robert hija," katwiran ni Mang Isko at niligpit ang hawak na basahan. "Naku, Mang Isko." Muling nangunot ang kaniyang noo. "Nakapagtapos nga po ng pag-aaral pero hindi naman ganoon kalaki ang kinikita niya kumpara sa kinikita ni Ate Rosel dito sa shop. Malaking kawalan sa kaniya ang paghihiwalay nila ni Ate Rosel." Tumango si Mang Isko. "Totoo 'yon, hija." "Isa pa," muling saad ni Tin. "Tila hindi naman gusto ni Kuya Robert si Mila. 'Yong parang napipilitan lang siya." Naagaw ang atensiyon ko sa sinabing iyon ni Tin. Napansin din pala niya ang napansin ko sa kilos at pananalita ni Robert nang araw na maghiwalay kami. Tila pinipilit niya na maghiwalay kami nang walang konkretong dahilan. "At sa tingin ko, hindi rin sila magtatagal, Mang Isko." "Manghuhula ka na pala ngayon, Tin." Tumawa si Mang Isko. Ako naman ay abala sa pagbabasa ng mga papel na naroon sa ibabaw ng mesa. Listahan iyon ng mga taong umorder kahapon. "Tumpak, Mang Isko! Kilala naman natin ang babaing iyon, masyadong materyosa. Kulang pa ang sahod niya sa isang buwan para sa luho niya sa katawan. Ni minsan nga raw hindi man lang nagkusang magbigay ng tulong pinansiyal sa magulang." Hindi na ako nagkomento pa. Totoo naman kasi 'yon. Maluho si Mila at duda ako kung magkakasya sa kanilang dalawa ni Robert ang isang buwan nilang sahod dahil hindi marunong maghawak ng pera ang pinsan kong iyon. "Kararating mo lang, Tin, tsismis agad?" Pinandilatan ni Mang Isko si Tin. Siya kasi ang nagsisilbing tatay namin dito sa shop. "Mang Isko naman. Totoo naman po 'yon. Karmahin sana sila dahil sinaktan nila si Ate Rosel." Bumaling siya sa akin. "Kumusta ka na, Ate Rosel?" "Ayos lang ako, Tin. Gano'n talaga ang buhay." "Naku, Ate Rosel, kung ako sa 'yo ingungudngod ko ang pagmumukha ng Mila na 'yon. Napakalandi..." "Wala na sa akin 'yo. Tanggap ko na hindi talaga kami para sa isa't isa ni Robert. Mas bagay sila ni Mila." Muli kong tiningnan ang mga papel sa ibabaw ng mesa. May mga listahan pa pala ng mga umorder noong nakaraang araw. Ang iba ay for pick-up na mamaya. Naroon din sa mesa ang mga bagong gawang giveaways at nakahanda na para i-deliver. Matapos kumpirma kung ilan ang ide-deliver ay pumasok na ako sa maliit kong opisina roon. Ayokong madatnan pa ako rito ng dalawa ko pang tauhan dahil mas malala ang tabas ng bibig ng mga 'yon kaysa kay Tin. Lalo na ang pinsan kong si Marco na siyang pinagkakatiwalaan ko pagdating sa graphic design. Overprotective siya pagdating sa akin pati na ang asawa niyang si Jinky na magaling sa paggawa ng mga item na pang-giveaway. Matapos mailapag sa mesa ang dala kong bag ay muli akong lumabas nang mapansin kong wala pa ang party hat na kailangan ma-deliver bago mag-alas onse. Pupunta sana ako sa warehouse para kunin iyon nang makasalubong ko ang mag-asawang Marco at Jinky. Agad akong niyakap ng huli. "Ate Rosel, kahapon pa namin nalaman ni Marco ang nangyari. Walanghiya talaga ang Mila na 'yon." Dama ko ang galit sa boses niya nang mapansin kong nauutal siya. 'Yon ang palataandaan ko kapag nagagalit siya lalong-lalo na kay Marco. "Don't worry, Ate Rosel," sabat naman ni Marco. "Nakatikim na si Robert ng suntok galing sa akin. Hindi siya makakatakas sa galit ko," mayabang niyang turan nang iwagayway sa ere ang kanang kamao. Nagulat ako sa narinig. "What? Bakit mo ginawa 'yon?" "No one's gonna hurt you, Ate," pahayag niya. "Over my dead body." Mahina akong nagsalita. "Hindi mo dapat ginawa 'yon, Marco. Mabuti at hindi ka napahamak." "Naku, Ate walang binatbat sa akin ang Robert na 'yon," mayabang pa niyang pahayag. "Duwag ang lalaking 'yon. Ni hindi man lang gumanti, basta lang sinalo ang mga suntok ko." Sumabat si Tin. "Hindi talaga 'yon gaganti, Kuya Marco, kasi alam niya na siya ang may kasalanan kaya sila nagkahiwalay ni Ate Rosel. Gagawa-gawa siya ng gusot, e, hindi naman pala niya kayang lusutan." "Tama na 'yan," wika ko para matapos na. Nagsasawa na ako na puro na lang tungkol sa akin ang topic ngayong umaga. Naiinis na rin ako dahil imbes na mawala sa utak ko ang paghihiwalay namin ni Robert ay tila pilit na sumasagi dahil patuloy na inuungkat ng mga taong nasa paligid ko. "Nasaan pala si Mang Isko?" tanong ko. "Naroon sa warehouse, Ate," tugon ni Tin habang inaayos sa kahon ang mga finished product na ide-deliver ni Mang Isko. "Nagpakuha kasi ako ng kahon." Tumango lang ako saka inutusan si Marco na siya na lang ang kumuha ng party hat. Tinulungan ko na kasi si Tin habang wala pang customer na dumadating. Si Jinky naman ay inukopa ang mesang naroon sa sulok at nagsimula ng ilagay sa maliit na plastic ang bawat item saka nilagyan ng ribbon ayon sa kulay na ni-request ng kliyente. Lihim akong nagpasalamat dahil buong maghapon ay hindi ko na narinig pa ang pangalan ni Robert. Abala kaming apat sa shop, samantalang si Mang Isko naman ay abala sa pagde-deliver ng mga item. Gabi na nang makauwi ako sa bahay. Dumiretso ako sa kuwarto at agad na humiga sa kama. Napagod ako sa buong maghapon dahil sa pakikipag-usap sa mga walk-in client sabayan pa ng mga materyales na dumating kanina. Mabuti na lang at tinulungan ako ni Marco dahil alam niyang masama pa rin ang pakiramdam ko. Papikit na ang mga mata ko nang tumunog ang cellphone ko. Agad ko 'yong inilapit sa aking tainga nang hindi man lang tinitingnan kung sino ang tumatawag. "Rosel," saad ng nasa kabilang linya. Agad kong nakilala ang boses niya. "Robert?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD