Chapter 1

1779 Words
Inukopa ko ang mesa na naroon sa sulok ng bar. Ako lang mag-isa dahil hindi makakarating ang dalawa kong kaibigan. Um-order ako ng dalawang bote ng mamahaling wine. Sapat na siguro iyon para mamanhid ang puso kong sugatan. Dito sa bar na ito napagpasyahan kong lunurin ang sarili sa alak. Ganito naman ako palagi sa tuwing hihiwalayan ako ng mga naging kasintahan ko noon. Hindi ko alam kung bakit palagi na lang akong iniiwan gayong minahal ko naman sila. Hindi ko alam kung ano ang mali sa akin. "Aba, may himala yatang nangyari," agad na saad ni Sheena matapos bumeso sa akin. Amoy-alak ang hininga niya. Marahil ay nag-bar hopping na naman sila. "Akala ko hindi ka na pupunta rito dahil wala kang kasama. Mabuti na lang pala at dumaan kami Salvador." "Salve," pagtatama ni Salvador. "Salve ang pangalan ko, girl." Inirapan niya si Sheena kaya hindi ko napigilang mapangiti. "Oo na, Baks. Salve na kung Salve ang gusto mong itawag sa 'yo. Wala rin naman magbabago, poor na tayo." Tumabi siya sa akin, si Salvador naman ay pabagsak na umupo ang kabilang upuan. Tipsy na rin siya. Marami siguro silang nainom sa kabilang bar. "Chura nito. E, ano ngayon kung poor na tayo?" "Wala ka ng datung, Baks. Wala ka ng pantustos sa boyfriend mo," tugon ni Sheena. "At sino naman ang ang nagsabi na nagbibigay ako ng pera, aber? Sheena, ha, huwag ako." "Shut up!" saad ko sa mataas na boses saka tinungga ang laman ng baso. "Ang ingay n'yo. Pwede ba? Wala akong panahong makinig sa away n'yo." "At sino naman ang may sabing nag-aaway kami?" magkapanabay nilang tanong. "Teka, Bes." Tinitigang maigi ni Sheena ang mukha ko. Medyo madilim kasi sa parteng iyon ng bar. "Umiyak ka ba?" Doon na kumawala ang luhang kanina ko pa pinipigilan. Naalarma silang dalawa nang panay na lang ang lagok ko ng alak. Kusang kinuha ni Salvador ang baso na hawak ko. "Bes, calm down." Tumabi siya sa akin. "Ano ba ang nangyari?" "Wala na kami ni Robert," sa wakas ay naisatinig ko matapos ang ilang minutong pag-iyak. Nagulat si Sheena. "Ha? Akala ko ba maayos ang relasyon ninyo? At nag-date kayo kanina, di ba?" "Bes," saad ni Salvador. "Akala ko ba magpo-propose na 'yang boyfie mo?" "Nag-assume ako na sa akin siya magpo-propose." "Ay, assume-rang palaka! E, para saan ang binili niyang engagement ring?" "Oo nga," segunda ni Sheena. "Bes." Gumagaralgal na ang tinig ko. "That ring wasn't for me. I thought sa akin, pero hindi pala." Tinakpan ko ang aking mukha gamit ang dalawa kong kamay at humagulgol. Niyakap ako ni Sheena. "Bes..." "Tumawag si Faye kanina," pagkukuwento ko sa pautal-utal na tinig. "Sabi niya ikakasal na raw si Robert sa pinsan naming si Mila." "Ano?" dinig ko ang pagtaas ng boses ni Sheena. "Ikaw ang girlfriend ni Robert. Paano nangyari na sa mahadera mong pinsan siya magpapakasal?" "Malaki ang pagkagusto ng pinsan ko kay Robert. Hindi ko alam kung paano nangyari. Siguro...siguro dahil sa magkatrabaho silang dalawa. Ewan ko, bes, gulong-gulo na ako." "Ang malanding 'yon! Siya ang ipinalit sa 'yo ni Robert?" gigil na saad ni Sheena. "Anong ipinalit, Sheena? Traydor ang mga walanghiyang iyon. Trinaydor nila si Rosel. Imagine, ha, sila pa ni Rosel, pero nagagawa niya pang makipagmabutihan sa bruhang 'yon to think na pinsan siya ng bestfriend natin." Hinaplos ni Sheena ang likod ko. "Sinabi ko na sa 'yo, bes, noon pa wala na akong tiwala sa pinsan mong 'yon. Pilantik pa lang ng daliri ng bruhang 'yon ay hindi na gagawa ng maganda." Hinayaan nila akong umiyak nang umiyak. Tila hindi nauubos ang luha ko. Panay lang ang pagpatak niyon sa aking pisngi. "I'm sure hindi rin magiging maganda ang pagsasama ng mga walanghiyang 'yon," tukoy ni Sheena kina Robert at Mila. "Dahil may isang tao silang inagrabyado," sang-ayon naman ni Salvador. "Di bale, bes." Kinuha ni Sheena ang bote ng alak at nagsalin sa baso. "Hindi ka nag-iisa dahil pare-parehas tayo ng kalagayan ni Salvador. Cheers to us! Cheers for being single!" Itinaas niya ang baso. "Single lang, Sheena, ha. Hindi tayo rich gaya ni Rosel. Wala na tayong work. Nada, zero, zilch." Ikinumpas pa niya ang kanang kamay sa ere. "Nag-resign kayo sa trabaho?" "Sinisante kami!" magkapanabay nilang sagot. "What?" "Yes, girl. Kaya nga kami nag-bar hopping nitong si Sheena para kahit papaano ay makalimutan ang mala-Lucifer naming boss. Imagine, ha, kauupo pa lang niya bilang CEO, aba, aba, sandamakmak na empleyado na ang ni-lay off. Kesyo kailangan daw magtipid ng kompaniya." "Bakit ba kasi kailangan n'yo pang mamasukan kung kaya n'yo namang magtayo ng sariling negosyo?" Pinunasan ko ang aking pisngi. Medyo maayos na ang pakiramdam ko. Kung tutuusin pala ay mas maswerte pa ako sa dalawa kong kaibigan. Boyfriend lang ang nawala sa akin, hindi ang kabuhayan ko. Noon ko pa kasi sinasabi sa kanila na mas mabuti kung magtayo na lang sila ng negosyo. Mahirap maghanap ng trabaho ngayon dahil maraming nangangailangan ng trabaho. Sa isang posisyon ay halos isang daan o mahigit pa ang aplikante. Mamumuhunan ka muna ng ilang libo pangkuha ng requirements at kung mamalasin ay kalahating taon na, wala ka pang nakukuhang trabaho. Kesyo tatawagan na lang. Hanggang sa mamuti na ang mata mo ay wala ka pang natatanggap na tawag. "We're not as smart as you, bes," tugon ni Sheena. "At saka mahirap mamuhunan sa panahong ito, Rosel, di ba, Sheena? At wala kaming ganoong kalaking pera para sa negosyo." "Hindi kagaya mo na may ipon bago umalis sa trabaho kaya nakapagtayo ka ng negosyo kahit papaano. Kami, walang naipon. Isa pa, nagpapadala ako sa amin ng pera buwan-buwan para sa tuition ng mga kapatid ko." Tama naman si Sheena. Naging empleyado rin ako noon at ramdam ko ang stress na dala ng trabahong iyon. Araw-araw ay papasok ka sa opisina. Fixed ang sahod maliban na lang kung may overtime. Nakakapagod ang trabahong iyon kaya nagpursige akong mag-ipon para maitayo ko ang negosyong gusto ko. Para sa akin, mas maganda magnegosyo kaysa mamasukan. Bukod kasi sa hawak mo ang oras mo ay unlimited ang kita basta magsipag ka lang. Ang empleyado, kahit gaano kasipag ay gano'n at gano'n pa rin ang sahod. Nang pumailanlang ang rock music sa loob ng bar ay nag-aya silang sumayaw sa dance floor. At dahil tipsy na rin ako, ay nagpatianod na lang ako. Sumayaw ako nang husto hanggang sa mapagod. Gusto kong makalimutan ang sakit na dala ng paghihiwalay namin ni Robert pati na ang sakit ng pagtatraydor sa akin ng pinsan kong si Mila. Nang mapagod ay bumalik ako sa mesa namin saka muling lumagok ng alak. Ramdam ko ang pagkahilo at gusto ko 'yon. Para akong dinuduyan, napakagaan ng pakiramdam ko. Hindi ko man lubusang nakalimutan ang aking problema, pero at least ay nabawasan iyon dahil sa espiritu ng alak. "So maghanap ka ng ipapalit sa Robert na 'yon, Bes. Anong akala niya, siya lang ang pwedeng gumawa no'n? Kung kaya niya, mas kaya mo," panunulsol sa akin ni Sheena. "Tama!" sang-ayon ni Salvador. "Tayo ang maghahanap, Besh." Nakipag-apir pa siya kay Sheena. Nagbiro ako. "Bakit pa kayo maghahanap kung kaya ko naman?" "That's the spirit!" Itinaas niya ang hawak na baso. "Cheers to our friend Rosel! Operation hanap-jowa." "Cheers!" segunda ni Salvador. "Bakit hindi natin i-dare si Rosel, besh?" "Dare? Why not?" muli kong biro. Malakas ang loob ko sa dami ng alak na nainom ko. I don't care what dare it is. Ang importante ay maging masaya ako sa gabing ito. Isa pa, wala na akong boyfriend na dapat pang alalahanin. I can do what I want. I'm free. Ngumiti si Salvador at tinuro ang pintuan ng bar. "Hahalikan mo ang unang lalaking papasok sa pinto na 'yan, besh. Dapat 'yong walang kasamang jowa or kaibigan at baka masabunutan ka." Tumawa pa siya. Tumawa na rin ako. "Of course! Gusto mo jowain ko pa, e." "Shoot!" sigaw nila na may kasama pang palakpak. Why not? Noon pa nila ipinapagawa sa akin ang dare na 'yon na pilit ko namang tinatanggihan. Bukod kasi sa wala akong tiwala sa mga lalaking pumupunta sa bar, ay ayokong makarating sa boyfriend ko na nakikipaghalikan ako sa kung sino-sinong lalaki. Pero this time iba na ang sitwasyon. Hindi naman siguro masama na gawin ko ang dare nila. It's just for fun. 'Yon lang 'yon. Mayamaya ay nakatutok na ang mga mata namin sa pintuan para abangan ang unang lalaking papasok. Kagaya ko ay lango na rin sa alak ang dalawa kong kaibigan. Kung ano-ano na namang kalaswaan ang binubulong nila sa akin. Kinantiyawan pa nila ako na magiging forever sawi dahil malapit na akong mag-treinta anyos pero nanatiling virgin. Inirapan ko lang sila at muling ibinaling ang paningin sa pintuan. Napapangiti kami nang ilang minuto pa ang dumaan ay puro mga mahahrot na babae ang pumapasok. May mga lalaki ring pumasok pero may mga kasamang babae, kaya hindi rin pwede. Hanggang sa dumating ang hatinggabi, lasing na lasing na silang dalawa dahil kanina pa sila inom nang inom. Nakailang bar na rin kasi sila bago nagpunta rito. Nakasandal na si Sheena sa sopa sa sobrang kalasingan, si Salvador naman ay papikit-pikit na ang mga mata na parang gusto ng matulog. Nang muli akong mapatingin sa pintuan ng bar ay napansin ko ang pagdating ng isang lalaki. Mag-isa lang siya at medyo atubiling pumasok dahil ilang segundo ring nakatayo sa bungad. Tatayo na sana ako nang hatakin ni Sheena ang braso ko. "Not him, bes." "Oh, sh*t!" anas naman ni Salvador. "Lucifer is here." Hindi ko sila pinansin, binawi ko ang aking braso at naglakad papalapit sa lalaking kapapasok pa lang ng bar. Hindi ko alintana kung makipagsiksikan ako sa mga tao roon. Ang importante magawa ko ang dare ng mga kaibigan ko. Nagulat ang lalaki nang tumigil ako mismo sa harap niya. Ngumiti ako at hinawakan ang braso niya. At dahil mas matangkad siya sa akin nang ilang pulgada, ay hinawakan ko ang kaniyang batok at inilapit ang mukha niya sa akin. Pansin ko ang pamimilog ng mga mata niya nang halikan ko ang labi niya. 'Mission accomplished:' 'Yon ang pumasok sa utak ko ilang segundo matapos ko siyang halikan. Tatalikod na sana ako para bumalik sa mga kaibigan ko nang bigla niya na lang ipulupot sa baywang ko ang kaniyang kamay. Mahigpit iyon at malakas siya kumpara sa akin. Nakainom na ako at medyo nanghihina na. "Not so fast, lady," bulong niya sa aking tainga. Halos magsitayuan ang mga balahibo sa buong katawan ko nang marinig ko ang kaniyang tinig. He has a bedroom voice na lalong nagpahina sa mahina ko ng katawan. No! Ngayon ako nagsisi na ginawa ko pa ang dare na iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD