KABANATA 1-CALLING CARD

2113 Words
Palakad-lakad si Yvionna sa labas ng emergency room. Halos bilang niya ang bawat segundong lumilipas simula ng ipasok sa loob ng E.R ang kanyang ama. Hindi pa rin mapalagay ang kanyang kalooban. Patuloy pa rin sa malakas na pagkabog ang kanyang dibdib dahil sa labis na takot at pangamba. Maya-maya lamang ay lumabas na ang doktor mula sa silid. Nagmamadali siyang lumapit dito. "Kayo po ba ang kamag-anak ng pasyente?" anang doktor habang isa-isang inaalis sa kamay ang suot na gwantes na puno ng dugo. "Opo, Doc. Kumusta po ang Papa ko? Kumusta po ang kalagayan niya? Okay lang po ba siya? Maaari ko na po ba siyang makita?" sunod-sunod na tanong ni Yvionna kasabay ang sunod-sunod na pagpatak ng kanyang mga luha. "Maraming dugo ang nawala sa pasyente at nagkaroon ng pagdurugo sa loob ng kanyang utak. Kinakailangan niyang sumailalim sa isang operasyon dahil kung hindi, ay maaari niya itong ikamatay." mapait na sagot ng doktor. Halos matumba si Yvionna sa kanyang kinatatayuan nang marinig ang sinabi nito. Ang labis na panghihina na kanina niya pa nararamdaman ay mas lumala pa, na kulang na lamang ay ang unti-unting pagkalas ng kanyang mga buto. Bahagya siyang yumuko ng hindi na mapigilan ang unti-unting pagtulo ng kanyang mga luha. "Yvionna, anak! Ang Papa mo!" humihingal na halos magkanda hulog-hulog na ang bag ni Stella nang madatnan si Yvionna na umiiyak. Maaga siyang nagpaalam sa trabaho nang matanggap ang tawag ni Yvionna. Isang nakapanlulumong tingin ang itinugon sa kanya ni Yvionna. Halos hindi ito makapagsalita dahil sa patuloy pa rin nitong pag-iyak. Labis itong nasasaktan at pilit na isinisisi sa sarili ang mapait na sinapit ng ama. "Doc. kumusta hoh ang lagay ng aking asawa?" tanong ni Stella na pilit kinakapa ang nais na iparating sa namamayaning reaksyon sa mukha ng doktor. "Kailangan siyang maoperahan sa lalong madaling panahon." tugon ng doktor at inabot kay Stella ang mga niresetang gamot. Unti-unti nang nangingilid ang mga luha ni Stella sa kanyang mga mata at sa anumang sandali ay handa ang mga ito sa pagbuhos. Ngunit, pinilit niya itong pinigilan dahil tanging siya na lamang ang paghuhugutan ngayon ni Yvionna ng lakas. "Magkano po ba Doc. ang aabutin sa operasyon ng aking asawa?" "Kalahating milyong piso, misis. Sige po, maiwan ko na po muna kayo." anito matapos ay tumalikod na. Napahawak sa tapat ng kanyang dibdib si Stella. Nanlambot ang kanyang buong katawan ng marinig ang tinuran ng doktor. Saan siya kukuha ng ganoong kalaking pera? Sapat lang na pangtustos sa pang araw-araw na pangangailangan at pang matrikula ni Yvionna ang inaabot ng kanyang buwanang sahod. Kakaunti na lamang ang natitirang pera na naipon niya sa bangko dahil sa pagpapagawa ng kanilang bahay. Napatingin siya sa direksyon ng anak. Kalmado na si Yvionna at tahimik lamang na nakaupo. Namumugto ang mga mata nito dahil sa labis na pag-iyak. Linapitan niya ito at banayad na pinunas ang mga bakas ng luha na naiwan sa mga mata nito. Labis siyang nakaramdam ng awa dahil mismong sa harapan ng sarili niyang anak nangyari ang aksidente. "Ako na muna ang magbabantay sa Papa mo. Umuwi ka na muna at magpahinga. Magiging okay lang ang lahat." pang-aalo ni Stella sa anak ng sa ganitong paraan man lamang ay lumakas ang loob ni Yvionna. Muling nangilid ang mga luha ni Yvionna nang mag-angat ng mukha. Kasabay nito ang isang mahigpit na yakap mula kay Stella. Dahan-dahang ibinaon ni Yvionna ang mukha sa dibdib ng kanyang ina at doon hinayaan ang sarili na humagulhol. "Sorry Mama! Wala akong nagawa para tulungan si Papa!" humahagulhol na usal ni Yvionna. *** Mag-aalas kwatro na ng hapon nang maka-uwi si Yvionna. Baon pa rin niya ang masaklap na sinapit ng ama. Pilit paring isinisisi sa sarili kung bakit nasa ospital ngayon ang kanyang ama, at nag-aagaw buhay. Dumiretso siya sa loob ng cr at isa-isang inalis ang suot na damit na puno ng dugo. Patuloy pa rin sa pag-agos ang kanyang mga luha. Kahit ilang beses niyang sikapin na kontrolin ang mga ito ay patuloy pa rin ito sa pagbuhos. Tila walang kapaguran ang kanyang mga mata at pilit na inilalabas ang sakit na nararamdaman ng kanyang kalooban. Dahan-dahan niyang pinihit ang shower. Hinayaan niyang sumabay sa bawat pag-agos ng tubig ang pag-buhos ng kanyang mga luha. Wala ng mas sasakit pa na makitang nag-aagaw buhay ang kanyang ama. Ni wala siyang maisip na paraan kung papaano niya ito matutulungan. Wala siyang magawa kundi ang umiyak na lamang at sisihin ang sarili sa nangyari. Matapos niyang patuyuin ang kanyang katawan ay tinungo niya kanyang silid upang mag-bihis. Napasulyap siya sa kanilang family picture na nakalagay sa ibabaw ng kanyang study table. Lumapit siya sa kinaroroonan nito at maingat na dinampot ang larawan. Muling pumatak ang kanyang mga luha habang hinahaplos ito. Mapait niya itong pinagmasdan. Pakiramdam niya ay unti-unting sinasaksak ang kanyang dibdib nang makita ang mukha ng kanyang ama. Mahal na mahal ni Yvionna ang kanyang mga magulang ng higit pa sa kanyang buhay. Bukod tangi niyang kayamanan na hindi magagawang higitan ng alin mang yaman sa mundong ibabaw. Hindi niya kakayanin na mawalan ng isang magulang, kaya gagawin niya ang lahat para lamang mailigtas ang buhay ng kanyang ama. Nagmamadaling hinablot ni Yvionna ang kanyang bag at mabilis na umalis ng bahay. Gulong-gulo ang isip niya sa mga sandaling iyon. Ang tanging bagay lamang na malinaw sa kanyang isipan ay kung saan siya kukuha ng pera na pambayad sa magiging operasyon ng kanyang ama. Hindi niya na inalintana ang madaming tao at mga sasakyan nasa kanyang paligid. Balisa si Yvionna habang tumatawid sa kalsada. Hindi niya matiyak ang direksyon na kanyang pupuntahan hanggang sa hindi niya namalayan ang paparating na sasakyan. Mabuti't nakapagpreno ang driver nito at naiwasan siyang mabundol. Nagmamadaling lumabas sa loob ng kotse ang nagmamaneho nito. "Miss,are you okay? Nasaktan ka ba?" nag-aalalang tanong ng lalaki habang mataman na pinagmasdan ang buong kaanyuan ni Yvionna. Sinisiguro kung nasaktan at nagtamo ng sugat si Yvionna. Nag-angat lamang ng mukha si Yvionna. Panandalian lamang na nagtama ang kanilang mga mata at agad din namang binawi ni Yvionna. Sa hindi malamang dahilan ay may kung anong kumislot sa damdamin ng lalaki nang makita ang mga mata ni Yvionna. Ang mga mata na punong-puno ng labis na kalungkutan. Kalungkutan na siyang namamayani ngayon sa damdamin ni Yvionna. Tinalikuran lamang ni Yvionna ang lalaki ng wala ni anumang salita na lumabas sa kanyang bibig. *** Walang tiyak na paroroonan ang tinatahak na direksyon ng mga paa ni Yvionna. Halos ilang oras na siyang naglalakad. Hindi niya na inalintana ang sobrang pagod at pangangalay ng kanyang mga paa. Hanggang sa hindi na namalayan ni Yvionna na dinala na pala siya ng kanyang mga paa sa tapat ng bahay ni Katrisse Rodriguez. Hindi niya na masyadong nakilala ang bahay nito sapagkat malaki na ang ipinagbago nito matapos ang huling punta niya rito. Laking gulat na lamang ni Katrisse nang makita si Yvionna sa labas ng tarangkahan. Agad niya itong pinagbuksan ng gate at pinatuloy sa loob ng kanyang tahanan. Dinala niya mismo si Yvionna sa loob ng sarili niyang kwarto. Inilibot ni Yvionna ang kanyang paningin. Maaliwalas ang buong silid. Tumerno ang cream na kurtina sa kulay ng pintura na ginamit sa pader. May flat screen TV at isang stereo component. Nakakapagpagaan ng kalooban ang ambiance ng buong silid. Matalik na magkaibigan sina Katrisse at Stella. At halos parang tunay na anak na rin ang turing nito kay Yvionna. Matanda lamang ito ng tatlong taon sa ina ni Yvionna. Sa edad na singkwenta y tres ay bata pa itong tingnan at maganda pa ang hubog ng katawan. Maraming mga negosyante ang nagkakagusto dito ngunit mas pinili na lamang nito na maging single dahil itinuturi nitong sakit sa ulo ang mga kalalakihan. Si Katrisse ang nagmamay-ari sa pinakamalaking club sa buong siyudad ng Legazpi. Ito ang pinili niyang negosyo dahil madali lamang dito di-umano ang kumita at magkaroon ng maraming pera. "May problema ba Yvionna?" paunang bungad na tanong ni Katrisse ng mapansin ang reaksyon sa mukha ni Yvionna. Kabisado ni Katrisse ang lahat ng galaw maging ang ugali ni Yvionna. Isang tingin pa lamang niya sa mukha ni Yvionna ay alam niya na kung ano ang emosyon na bumabalot sa puso nito. Isang mapait na tingin lamang ang itinugon sa kanya ni Yvionna. Hindi na nagawa pang buksan ni Yvionna ang bibig dahil sa unti-unting pag-tulo ng luha sa kanyang mga mata. Labis ang naramdamang awa ni Katrisse ng lapitan si Yvionna. Hinawakan nito ang mukha ni Yvionna at dahan-dahang inangat para punasan ang mga luhang patuloy lamang sa pagbuhos. Niyakap niya ito ng mahigpit. "May nangyari ba?" anito at naupo sa tabi ni Yvionna. Inutay-utay ni Yvionna ang mapait na nangyari sa kanyang ama. "K-kailangang maoperahan ni Papa sa lalong madaling panahon. A-at kapag nagtagal pa si Papa sa ganoong sitwasyon ay maaari s-siyang..." Hindi na naituloy pa ni Yvionna ang sasabihin at malakas na napahagulhol. "Wala na akong ibang mahihingan ng tulong kundi ikaw lamang Mama Kat." humahagulhol niyang usal. "Don't worry, magiging maayos ang lahat." tugon ni Katrisse habang dahan-dahang hinahaplos ang kanyang likod. Bigla na lamang natigilan at naputol ang pag-uusap ng dalawa ng makita ang pagpasok ng isang lalaki. Sa pagkaka-tantsya ni Yvionna ay nasa trenta anyos pa lamang ito at marahil ay isa sa mga tauhan ng kanyang Mama Katrisse. Nagsalpukang mga kilay ang sinalubong dito ni Katrisse. "Siguraduhin mo lamang na importante ang sadya mo!" galit na bulyaw ni Katrisse sa lalaki. Napayuko lamang ang lalaki at hinayaang matapos sa pagsasalita si Katrisse saka nito inabot ang isang calling card. "Hindi po sumipot si Cherry kagabi, Madam. Nagkaroon raw ng emergency." pagpapaliwanag nito kay Katrisse. Bahagya lamang na umangat ang isang kilay ni Katrisse. "At para saan naman ang calling card na ito?" naka-taas kilay na tanong niya at ibinaling ang tingin sa calling card na hawak-hawak. Halos namilog ang mga mata ni Katrisse nang makita ang isang pamilyar na pangalan. ARTH MONREAL Abot tenga ang ngiting pinakawalan ni Katrisse na para bang nanalo ng jackpot sa lotto. "Ipatawag ang lahat ng mga bagong dating! Kailangang maganda at sariwa ang babaeng ipepresenta natin kay Mr. Monreal. Tiyak na malaking tip ang ibibigay niya sa atin!" nakangising wika nito. Kulang na lamang ay maging korteng pera ang mga mata nito. Malakas ang pang-amoy nito lalo na pagdating sa usapang pera. Dumiretso ito sa mesa saka maingat na inilagay sa ibabaw ang calling card. Tahimik lamang na pinagmamasdan ni Yvionna si Katrisse. "Maiwan muna kita Yvionna. May kakausapin lamang ako." anito at nagmamadaling lumabas ng silid kasama ang lalaki. Tahimik lamang na naka-upo si Yvionna at muling nilibot ang paningin sa loob ng silid. Napasulyap siya sa calling card na nasa ibabaw ng mesa. Tumayo siya mula sa kanyang kinauupuan. Sa di malamang dahilan ay tila may malakas na pwersa ang pilit na humihila sa kanyang mga paa na lapitan at kunin ang calling card. Humakbang si Yvionna patungo sa mesang kinalalagyan ng calling card at kabado itong kinuha. Kung anu-anong bagay ang pilit na pumapasok sa kanyang isipan ng mga sandaling iyon. Napalunok siya at agad itong isinilid sa bulsa ng suot niyang palda. Sa sobrang kaba ay labis siyang pinagpiwasan. Ano ba tong pinaggagagawa ko? Sambit niya sa kanyang sarili. Hindi niya iyon gawain kung kaya't ganoon na lamang ang labis na tensyon na kanyang nararamdaman. Muli siyang bumalik sa kanyang upuan at na naupo na para bang walang nangyari. Napatingin siya sa wall clock na nakasabit sa pagitan ng dalawang malaking bintana. Gumuhit sa mukha ni Yvionna ang labis na pag-aalala. Halos maraming oras na ang nagdaan. Sa kada pagpitik ng orasan ay unti-unti ding namemeligro ang buhay ng kanyang ama. Napapikit siya ng mariin saka humugot ng malalim na hininga. Hindi iyon ang oras upang panghinaan siya. Kailangan siya ng kanyang ama. Makalipas ang ilang minuto ay bumalik na sa loob ng silid si Katrisse. May dala-dala itong groceries at isang malaking basket na puno ng prutas. Matapos ay inabot nito kay Yvionna ang isang puting sobre na naglalaman ng pera. "Dalhin mo ang lahat ng ito. Hindi man ito ganoon kalaki ay tiyak na makakatulong ito sa operasyon ng Papa mo." anito at hinalikan si Yvionna sa noo. "Salamat Mama Kat." tugon ni Yvionna at isinilid ang sobre sa loob ng bag na kanyang dala-dala.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD