Lumipas ang dalawang araw na tila ba walang galaw ang mundo ni Liza. Pareho pa rin ang umaga at gabi... na puno ng katahimikan, kaba, at walang katapusang paghihintay. Sa bawat pag-ring ng cellphone niya, umaasa siyang si Leo iyon, o kaya’y isang tawag mula sa pulis na may dalang magandang balita. Ngunit sa bawat pagkakataong iyon, palaging nauuwi sa pagkadismaya ang kanyang pag-asa.
Patuloy siyang bumabalik sa presinto upang mag-follow up. Pare-pareho ang sagot ng mga pulis, iniimbestigahan pa, wala pang bagong lead, patuloy ang koordinasyon sa iba’t ibang ahensya. Kahit ang CCTV footage na nakuha mula sa village ay tila nauwi lamang sa mga tanong na walang kasagutan. Ang misteryosong itim na kotse ay hindi pa rin natutukoy kung kanino at kung saan patungo.
Sa loob ng kanilang bahay, nanatiling hindi nagagalaw ang mga gamit ni Leo. Nandoon pa rin ang paborito nitong jacket na nakasabit sa likod ng pinto, ang tsinelas nitong magkatabi sa may sala, at ang basong minsang ginamit nito noong huling gabi na magkasama sila. Para kay Liza, bawat sulok ng bahay ay isang paalala ng pagkawala... isang sugat na sariwa at masakit.
Pagsapit ng ikatlong araw, habang nakaupo siya sa hapag-kainan at walang gana sa pagkaing nakahain, may kumatok sa kanilang pintuan.
Napalingon siya, bahagyang nagulat. Bihira silang dalawin ng kung sino man, lalo na’t alam ng karamihan ang sitwasyon niya.
Dahan-dahan siyang tumayo at lumapit sa pinto. Nang buksan niya ito, isang lalaking hindi niya kilala ang bumungad sa kanya.
Matangkad ito, may edad na marahil nasa huling tatlumpu o unang apatnapu. Suot nito ang simpleng long-sleeved polo at maong, ngunit may kakaibang tindig, ang tipo ng taong sanay magmasid kaysa mapansin. Matalas ang mga mata nito, at kalmado ang kilos.
“Magandang hapon,” maayos na bati ng lalaki. “Kayo ho ba si Ma'am Liza Zarcon?”
Tumango siya, bahagyang nag-ingat. “Opo. Sino po kayo?”
Ngumiti nang bahagya ang lalaki at dahan-dahang inilabas ang isang ID mula sa bulsa ng kanyang jacket. Inilahad niya ito kay Liza.
“Ako si Franco Hugo,” sabi niya. “Isa akong detective agent. Nagtatrabaho ako sa isang special investigation unit.” Itinuro niya ang detalye sa ID, ang pangalan ng departamento, ang kanyang litrato, at ang address ng opisina.
Pinagmasdan ni Liza ang ID. Hindi man siya eksperto, ramdam niyang hindi peke ang ipinapakita ng lalaki. May kumpiyansa ang kilos nito, at malinaw ang paraan ng kanyang pagsasalita, ay di hamak na professional. Ang katawan nito ay makisig din, tila dumaan sa matinding training o ehersisyo.
“Nakipag-ugnayan ako sa ilang local authorities,” patuloy ni Franco. “Nakarating sa amin ang kaso ng pagkawala ng boyfriend mo na si Leo Magsimuno. Sa ngayon, nakikita naming may ilang detalye na hindi karaniwan.”
Napakapit si Liza sa gilid ng pinto. “May bago po ba kayong nalaman?” puno ng pag-asang tanong niya.
“Sa ngayon, mas marami pa kaming tanong kaysa sagot,” tapat na sagot ni Franco. “Pero naniniwala akong may mas malalim na dahilan ang pagkawala niya. At gusto kong tulungan kang malaman ang katotohanan.”
Nag-alinlangan si Liza. Sa loob ng tatlong araw, napakarami na niyang nakausap na pulis, guwardiya, opisyal ng barangay, ngunit walang malinaw na direksyon. Ngunit sa harap niya ngayon ay isang estrangherong may dalang bagong pag-asa, kahit gaano man ito kahina.
“Paano po ninyo ako matutulungan?” tanong niya.
“Titingnan ko ang paligid ng inyong bahay,” sagot ni Franco. “Minsan, ang mga sagot ay nasa mismong lugar kung saan nagsimula ang lahat.”
Dito na naglakas-loob si Liza na magtiwala. Inanyayahan niya si Franco sa loob ng bahay. Naupo sila sa sala, at doon niya muling ikinuwento ang lahat, mula sa huling mensahe ni Leo, sa mga tawag niya sa mga ka-opisina at kamag-anak, sa records ng kumpanya, at sa misteryosong kotse na lumabas ng village.
Tahimik lang na nakikinig si Franco, paminsan-minsang tumatango at may isinusulat sa maliit na notebook. Hindi ito sumisingit ng tanong hangga’t hindi pa tapos si Liza.
“May pahintulot po ba akong manatili rito ngayong gabi?” biglang tanong ni Franco matapos ang ilang sandali. “Gusto kong mag-obserba. May pakiramdam akong may gumagalaw dito sa oras na hindi napapansin.”
Nagulat si Liza sa kahilingan, ngunit matapos ang sandaling pag-iisip, pumayag siya. Sa totoo lang, mas panatag ang loob niya na may kasama siya sa bahay, lalo na’t gabi na at bumabalik ang mga takot at haka-haka sa kanyang isip.
Pagsapit ng gabi, tahimik ang buong village. Ang mga ilaw sa kalsada ay nagbibigay lamang ng mapusyaw na liwanag, at tanging huni ng kuliglig ang maririnig. Sa loob ng bahay, hindi makatulog si Liza. Paminsan-minsan ay lumalabas siya sa bintana upang silipin ang bakuran.
Doon niya nakita si Franco.
Nasa labas ito, nakaupo sa isang monoblock chair malapit sa gate. May hawak itong tasa ng kape, at tahimik na nakatingin sa kalsada. Hindi ito mukhang pagod, bagkus ay alerto, parang may hinihintay o binabantayan.
Binuksan ni Liza ang pinto at lumabas. “Hindi pa po kayo natutulog?” tanong niya.
Ngumiti si Franco. “Sanay na ako sa puyat,” sagot niya. “Sa ganitong oras, mas maraming bagay ang lumalabas.”
“Tulad ng ano?” tanong ni Liza, bahagyang kinakabahan.
“Tulad ng mga taong ayaw magpakita sa liwanag,” sagot ni Franco, seryoso ang tinig.
Umupo si Liza sa kabilang upuan. Tahimik silang dalawa, magkatabi, kapwa nakatingin sa madilim na kalsada. Sa loob ng ilang minuto, walang nagsalita. Ngunit sa katahimikang iyon, ramdam ni Liza ang kakaibang presensya, parang may matang nagmamasid sa kanila mula sa malayo.
“May napansin po ba kayo?” tanong niya kay Franco.
“Kanina,” sagot ni Franco, “may isang sasakyang mabagal na dumaan. Hindi taga-rito ang plaka. Umiikot lang, parang nagmamasid din.”
Nanlamig si Liza. “Ibig sabihin po ba… konektado iyon kay Leo?”
“Hindi ko pa masasabi,” tugon ni Franco. “Pero sigurado ako sa isang bagay... hindi basta-basta ang pagkawala niya. At may mga taong ayaw na malaman natin ang totoo.”
Mahigpit na niyakap ni Liza ang sarili. Sa unang pagkakataon mula nang mawala si Leo, hindi lang siya takot, galit din siya. Galit sa kawalan ng sagot, at galit sa kung sinumang sangkot sa pagkawala ng taong mahal niya.
“Hindi ako uurong,” mariin niyang sabi. “Kahit ano pa ang kaharapin ko.”
Tumango si Franco. “Mabuti. Dahil simula ngayon, mas lalalim ang imbestigasyon. At maaaring hindi na tayo ligtas gaya ng iniisip natin.”
Habang muling sumimsim ng kape si Franco at patuloy na nagmamasid sa dilim, isang bagay ang malinaw kay Liza, ang katahimikan ng village ay unti-unti nang nababasag. At sa bawat aninong gumagalaw sa gabi, mas lumalapit sila sa isang katotohanang maaaring magbago sa lahat.