Lascivious Casanova 01
(LC) Chapter 01
Dismayado akong nagbuntonghininga nang madaanan namin ang grupo na nag-iinuman. Nasa loob kami ng eskwelahan ngunit hindi sila nahihiya na ipangalandakan ang ginagawa nila. Ano ba ang nakukuha nila diyan sa alak at hindi nila matigilan?
"Tawagin mo sila Harry. Sabihin mo may mga nag-iinuman na naman."
"Eh? Ayoko! Baka ako ang mapagdiskitahan ni Jaxsen kapag nalaman na nagsumbong ako!"
Inilingan ko si Irene na pinaglalaruan ang laylayan ng blouse uniform niya. Nakababa ang tingin dahil ayaw akong sundin.
"Ako na!" Sabi ko at umikot para bumalik sa kuwarto na nilabasan namin.
Nakasunod si Irene sa akin. Kapag nililingon ko naman ay umiiwas ng tingin. Alam ko na gusto niya akong pigilan hindi dahil sa ayaw niyang pagdiskitahan siya ni Jax kundi dahil alam ko na malaki ang pagkagusto niya sa lalaki na iyon.
"Ano ba ang nakikita n’yo sa lalaki na iyon? Ang daming bisyo at basagulero."
"Ang ilap niya kasi sa babae! Parang ang laking premyo kapag napansin ka!" Kinikilig na sabi niya sa huli.
Umiling ako at ngumiwi sa kaniya.
"Hindi mo ba nakita ang ginagawa niya?" Turo ko sa nilagpasan namin kung nasaan ang mga nag-iinuman.
Napanguso siya at umiwas ulit nang tingin. Namumula ang pisngi at parang nagpipigil ng hagikgik.
"Nag-iinuman sila at nagsisigarilyo. Ang narinig ko kahapon lang nakipag-basag ulo na naman sa labas." Dagdag ko pa.
Tinitigan ko siya na para bang nababaliw na siya nang humagikgik siya sa kabila ng mga masasamang gawain nito na sinabi ko.
"Ano ka ba, Clem! Ang hot nga niya, eh!" Tili niya. Namumula at humawak pa sa magkabilang pisngi niya.
"He's not hot. He's a bad guy."
Tinulak ko pabukas ang pintuan at nakita na nag-uusap ang mga estudyante na inatasang magpaayos ng mga panuntunan sa paaralan.
"May mga nag-iinuman sa dating puwesto. Kaya bang mahuli ngayon?"
Nagkatinginan kami ni Harry. Lumapit siya at hinawi ang buhok ko na nasa balikat.
"Dating grupo ba?"
Tumango ako at nagkibit-balikat. Wala pa kasi sa kalahati ng taon ay ilang beses na ‘yung nababalita na nag-iinom at nakikipag-away. Madalas may band aid sa mukha at amoy alak.
"Sasama ka?" Tanong ni Harry, kababata ko at kapitbahay.
"Oo. Sana mahuli niyo na ngayon. Palagi na lang nakakatakas sa inyo ang mga iyon."
Tumawa siya at inakbayan ako. Sinama niya ako palabas kasama ang mga estudyanteng opisyal ng eskwelahan. Palapit palang kami kung nasaan ang mga nag-iinom, naririnig na namin ang mga ingay nila at nalalanghap na ang amoy ng sigarilyo.
Natatakpan sila ng mataas na talahib mula dito pero konting lakad pa namin ay natanaw na namin sila. Nasa damuhan ang ilan sa mga lalaki na kasama niya't mayroon mga kasama na babae habang si Jax ay nakaupo sa batong upuan na pahaba. Nasa maliit na mesa ang alak at ilang pagkain na pulutan nila. Naka-de kwatro siya at mayroon hinihithit na sigarilyo.
Nang marinig nila ang yabag at lumitaw kami nila Harry, napatayo ang mga babae na kasama ng grupo niya at isa-isang mga nagtatakbuhan. Ganoon din ang ginawa ng mga ka-grupo niya na lalaki. Siya lang ang bukod tanging nanatili roon at mayabang na bumubuga ng usok.
"Bawal mag-inuman dito. At bawal ang sigarilyo." Tumigil si Harry sa harapan niya.
Ang mga kasama namin na opisyal ay hawak sa braso ang ilan sa mga nahuli na kasama ni Jax.
"Huh?” Umangat ang gilid ng labi niya. “Who said that?”
Mabilis kumulo ang dugo ko sa maangas na pagsagot niya. Hindi porke mayaman siya ay magiging batas na siya rito sa paaralan. Pinitik niya ang upos ng sigarilyo malapit sa paanan ni Harry at idinipa ang dalawang braso sa sandalan ng kinauupuan niya.
Huminga ako ng malalim at hindi makapagpigil sa bastos na ugali niya. Humakbang ako at lalapitan sana siya ngunit pinigilan ako ni Harry. Umiling siya.
"Ayos lang ako." Nakangiti na sabi niya at marahan na nakahawak sa braso ko.
"Ang bastos, e."
Mula kay Harry ay inilipat ko ang tingin kay Jax. Nasa kamay ni Harry na nasa braso ko ang mga mata niya. Pag-angat niya ng tingin, nagkatinginan kaming dalawa.
"Ikaw ang nagsumbong?"
Tinitigan ko siya. Wala ang polo niya at tanging ang puti na malinis na t-shirt lang ang suot. Nakasuot siya ng kwintas na manipis na ginto at mayroon maliit na pendant na bilog. Mahaba rin ang buhok na labag sa gupit ng eskwelahan.
"Hindi naman kayo kailangan isumbong dahil kitang kita kayo at parang mga nagpapapansin pa sa mga mag-aaral dito."
Nang matitigan niya ako, lalong umangat ang gilid ng labi niya. Nakangisi siya nang una hanggang sa naging malaking ngiti iyon. Tiningnan ko si Irene na nasa gilid ko nang marinig ko ang tila hindi makahingang singhap niya. Namumula ito at nakatitig kay Jax na nakatingin sa akin.
Mabilis kong ibinalik ang tingin sa harapan at salubong ang kilay na tiningnan siya. Magandang lalaki nga pero nakakababa ng dangal ang ugali.
Hindi siya makikita na mayroong kasamang mga babae. Mga kaibigan niya ang kaliwa't kanan ang babae pero siya basagulero at puro bisyo naman. Nakita ko pa siya isang beses na nagsusugal sa kabilang bayan, hindi naman marunong magtrabaho pero ang lakas ng loob tumaya sa sabong.
"Tsk. Hindi ko alam na sa ganda mong iyan sumbungera ka pala."
Nanlaki ang mata ko at umamba na lalapit ulit. Humigpit ang hawak ni Harry sa akin. Mula sa braso ko’y napunta ang kamay niya sa bewang ko upang pigilan ako.
"Dahil bawal ang ginagawa n’yo! Ang bastos talaga ng bunganga mo!" May diin na sinabi ko at masama ang tingin sa kaniya.
Natawa siya at inalis sa pag-de kwatro ang binti. Hindi niya inaalis ang tingin sa akin nang itukod niya ang mga siko sa ibabaw ng tuhod niya. Pinaglalaruan sa mga kamay ang lighter at isang pakete ng sigarilyo.
"Sinabihan ka na nga na maganda, bastos pa? Baka kapag binastos kita, hindi ka na makapagsalita."
Pumikit ako at iniwas ang tingin sa kaniya pagkadilat. Sa tuwing nagkakasalubong kami madalas talaga kaming magbangayan dahil sa kabastusan ng bunganga niya at ang hilig mang-asar. Minsan sisipulan niya ako at kapag tiningnan ko ng masama ay tatawanan.
"Sumama ka, Jax. Kailangan namin kayong makausap ng mga kagrupo mo." Maayos na pakiusap ni Harry.
"Magsasayang lang kayo nang oras. Papupuntahin niyo ang magulang ko? Titiklop nga ang may-ari ng paaralan na ito sa kanila, kayo pa ba?"
Kinagat ko ang labi ko dahil sa mga salita na sinabi niya. Para niya na rin sinabi na wala kaming karapatan na mga mahihirap para galawin ang mayaman na kagaya niya.
Sila ang may pinakamalaking lupain dito. Ang mga magulang namin ni Harry ay nagtatrabaho sa kanila. Pera ng mga magulang niya ang ginagamit niya pero kung makapagyabang siya akala mo sariling pera niya ang ginagastos niya.
Kahit nang unang beses ko pa lamang siya na makita pagka-uwi niya galing sa ibang bansa, mainit na agad ang dugo ko sa kaniya. Unang apak niya sa probinsiya, perwisyo agad ang dinala niya.
Katirikan ng araw sa tanghali na iyon. Panay ang ulan ng mga nakaraan na araw kaya basa pa ang lupa at puro putik pa.
Nakasuot ako ng malinis at plantsado na uniporme pampasok nang dumaan ang sasakyan na minamaneho niya. Mabilis ang patakbo kaya pagdaan sa lubak na mayroong tubig ulan, tumalsik ang mga putik sa damit ko.
Naiangat ko ang aking mga kamay at napatitig sa dumi na tumalsik sa aking damit at maging sa aking pisngi. Galit kong nilingon ang sasakyan na diretso ang patakbo at hindi man lang bumagal kahit na alam ko na alam niyang mayroon siyang naperwisyo na tao. Umuwi na lang ako at hindi na nakapasok sa araw na iyon.
"Nalabhan ko na ang damit mo, Anak. Tulungan mo akong dalhin ito sa mansion nang Senyora. Dumating ang Apo niya na anak ng mga Dawson."
Kinuha ko ang malagkit na niluto ni Nanay. Isang bilao iyon. Ang bilo bilo naman ay bitbit niya. Habang naglalakad kami, ikine-kwento niya ang naging asawa ng nag-iisang anak nang Senyora.
Nagbakasyon lang daw sa Ireland at pagbalik ay mayroon nang kasintahan na Irishmen. Tinanggap na lang nang Senyora lalo pa’t buntis na. Nagbabalak daw na dumalaw sa mansion, pinauna lang ang anak at nagdesisyon daw na dito pansamantala na patirahin.
"Sumunod ka sa loob at baka gutom na ang Senyora at ang apo niya. Magugustuhan niya ito dahil talaga naman na sinarapan ko ang luto. Mas marami ang sangkap nito kumpara sa pambahay lang natin na merienda.”
Nakangiti si nanay at tuwang tuwa na mapapakain sa dayuhan ang luto niya. Nakasunod ako ngunit natigilan nang malingunan ang pamilyar na sasakyan. Matagal kong tinitigan iyon hanggang sa maalala ang barumbado na nagmamaneho ng sasakyan na tinalsikan ako ng putik.
Dumiin ang mga ngipin ako at pumasok kaagad sa isip na maaaring ang mabumbado na iyon at ang apo nang Senyora ay iisang tao. Kaya naman hindi na ako bumati sa Senyora at sa apo niya pagpasok sa loob. Sumama ang timpla ko lalo na nang tanggihan niya ang niluto ni nanay.
"What food is this?"
Aligagang lumapit si nanay para ipakilala ang mga pagkain.
"Malagkit ho ito at ito naman po ay bilo bilo—”
"Is that even clean?" His arrogant voice makes me want to slap him.
Nasa likod ako ng lalaki dahil si nanay lang ang lumapit pagkuha sa bitbit ko na bilao. Likod lang ng lalaki ang nakikita ko pero nag-iinit talaga ang dugo ko.
"Malinis po ito, sir. Eto ho at tikman ninyo—”
Umawang ang labi ko nang tabigin niya ang platito na nilagyan ng pagkain ni nanay.
"No need. I don't eat that. That thing doesn't look appetizing to me.” Pagkaraan ay mayabang nitong hinarap ang Senyora. “Do you have any other food here, Lola?"
Pumikit ako nang mariin at humakbang para pigilan si nanay sa pag-alok ng pagkain. Ayokong makita na ulitin niya pa iyon kay nanay dahil baka hindi na ako makapag-pigil at mapadugo ko ang bunganga niya.
Napatingala siya nang tumabi ako kay nanay at inagaw ang hawak ni nanay na platito. Ang lola niya’y tumayo at nagtawag ng ibang katulong para magpaluto at magpahain ng ibang pagkain.
"Nay, dalhin na lang natin ito sa palayan kung nasaan si tatay para hindi masayang."
Tumango si nanay. Ramdam kong nakatitig ang lalaki sa akin. Hindi ako nagkamali nang lingunin ko siya. Sa mga mata ko siya nakatingin. Hanggang ibabaw ng tenga nito ang buhok, makapal na kulay brown na hinahawi niya pataas dahil tumatabing ang ilang hibla sa mata.
Malalim ang may pagkakayumanggi at berde niyang mata. Nagbabago ang kulay kapag nasisinagan ng araw. Its pair is a combination of brown, green, and gold, and sometimes blue or amber. I don’t know. Ang daming kulay. He has green-brown eyes but it changes to color bright blue or gray and gold when it is exposed to light.
Simula nang araw na iyon. Hindi ko na siya sinusulyapan dahil nag-iinit ang dugo ko kapag nakikita siya. Sa ganitong pagkakataon lang kami nagkakatinginan at nagkakaharap, sa tuwing may mga ginagawa siyang kalokohan at saka ko lang siya napapansin at saka lang ako napapatingin sa kaniya.