Nakaramdam ako ng presensya ng tao sa aking likuran. Lumabas si nanay para kunin ang ibang mga lalabhan. Kaya hindi na ako nagulat na lumitaw sa mukha ko si Jax.
Nasa harapan ko ang malaking batya na puno ng bula at mga labahin. Nakaupo ako sa kulay itim na bangkito. Kumuha siya ng itim na upuang monoblock at pumwesto sa harapan ko. Sa tapat ko, sa kabilang bahagi ng batya.
Nakabukaka siya't pabaliktad na naupo roon. Ganoon ding baliktad ang suot niya sa puti na baseball cap. Pahalang na nakapatong sa sandalan ng inuupuan niya ang isa niyang braso. Ang isa ay nakatukod ang siko sa kaparehong sandalan at nakapangalumbaba. Pinapanuod niya akong mag-iskoba nang masulyapan ko siya.
"Ang ganda ng asawa ko..."
Tinaliman ko siya ng tingin nang mahuli kong titig na titig siya sa nakalabas kong cleavage sa halip na sa aking mukha. Nakapinta ang ngisi sa labi niya at may pinaglalaruan siyang candy sa loob ng bunganga niya.
Binitawan ko ang iskoba at inayos ang damit ko. Nang yukuin ko kasi iyon nakita kong umaalog ito sa bawat paggalaw ng braso ko. Sumisilip din mula roon ang itim kong bra dahil mababa ang neckline ng suot kong blouse. Nabasa na rin ako kaya't bumakat na ang ilang bahagi ng aking katawan.
"Umalis ka nga rito!" Sabay hagis sa kanya ng bula na ikinatawa niya ng malakas. Tumayo siya para hindi siya maabot ng bula.
"Tutulong ako!" Humalakhak siya. Pinanliitan ko siya ng mga mata.
"Na ganyan ang suot mo? Walang maglalaba na nakaganyang porma Jax! Saan ka pupunta? Sa mall?!"
Kaya siguro matagal bago siya nakababa. Nag-ayos pa yata ng buhok dahil nang hubarin niya ang sumbrero niya'y nakataas iyon at halatang ilang beses na pinasadahan ng kamay at wax. Nakaputi siyang damit na nakakapanghinayang dumihan. Nakapantalon siya at naka-sapatos pa! Akala mo naman may dadaluhan siyang pictorial, eh dito lang naman sa labahan ng mansion nila siya pupunta!
"Kailangan nakaporma ako. Aakyat kasi ako ng ligaw... Gusto mo ipag-igib kita?" Nagawa pa niyang ngumisi kahit masama ang tingin ko sa kanya.
Umangat ang gilid ng labi ko at walang laman na tumawa. Nasa kanya ang mata ko nang itinuro ko sa kanya ang hose na pinanggagalingan ng tubig. Mahaba iyon at kahit ilang metro ang layo ko sa gripo'y hindi ako mawawalan ng tubig.
"Bumalik ka sa nineteen-forties Jax! Baka doon may mapag-igiban ka! Mangharana ka na rin at magsibak ng kahoy kung gusto mo!"
Nag-isang linya ang labi ko. Umirap ako. Natawa siya.
"Ayoko nga! Wala ka naman doon-"
Sinabuyan ko ulit siya ng bula hindi pa man siya natatapos. Naiwasan niya iyon at nang-aasar na tinawanan na naman ako. Tuwang tuwa pa siya na akala mo'y nakikipaglaro lamang ako.
"Bakit ang sungit mo? Hindi pa ba natatapos ang regla mo?" Mas lumutong ang tawa niya dahil sa pagsimangot ko.
Sa pangatlong beses, hindi na bula ang hinagis ko sa kanya. Tubig na na galing sa batya na puno ng sabon. Nabasa siya sa braso dahil mabagal ang pag-iwas niya sa pag-aakalang bula lang ang isasaboy ko.
Nagmura siya. Natawa ako at hinayaan na makalapit siya sa akin upang makapaghugas ng braso.
"Gusto mo ba talagang tumulong?" Tanong ko habang pinapanuod siyang linisin ang sariling braso.
"Oo nga!"
"Sa pagsampay ka na lang tumulong. Mataas kasi 'yong sampayan at mahirap isampay ang mga bed sheets. Kami na lang ni nanay ang magsasabon at magbabanlaw."
"Okay..."
Isinilid niya ang kanyang isang kamay sa kanyang bulsa. Nag-squat siya sa harapan ko. Nang ilabas niya ang kamay niyang nasa bulsa, may ipinasok siya sa aking bibig. Nailayo ko sa kamay niya ang ulo ko, iluluwa ko sana ang isinubo niya kung hindi ko lang nalasahan na matamis.
"Masarap?" Tila batang tanong niya.
Hindi ko siya sinagot. Sinipsip ko iyon. Tumango ako nang magtagal at matunaw ang katas no'n sa aking bibig.
"Candy? Saan mo nabili?" Tanong ko.
Iba kasi ang lasa nito kumpara sa mga nabibili lang sa tindahan. Gusto ko sanang iluwa para makita ang itsura pero puno ng sabon ang mga kamay ko.
"Ireland. Nagpadeliver ako. I also have ice cream in the fridge. Kapag nakapunta ka sa kwarto, ipapatikim ko sayo."
"Ganito rin ba ang nasa bibig mo?" Tukoy ko sa candy na isinubo niya sa akin.
Tumango siya.
"Patingin," sabi ko dahil gusto ko talagang makita ang itsura ng candy.
Sinunod niya ako. Inilabas niya ang dila niya upang ipakita sa akin ang candy. Bilog iyon. Puti ang labas at kulay pula ang loob. Nangulay red ang dila niya nang ilabas niya iyon. Dahil siguro sa kulay ng natunaw na candy.
"Anong oras ka magsasampay?"
Inalis ko ang tingin sa kanya at dinala sa mga lalabhan. Marami pa ito at wala pa rito ang ibang bed sheets ng guest rooms.
"Mga hapon na siguro?"
Tumango siya.
"Dito muna ako. Pagkarating ng nanay mo saka na ako aalis. Babalik ako kapag magsasampay ka na."
Hinayaan ko siya. Tumayo siya para makakuha ng bangkito at maupo sa tabi ko. Nagpatuloy ako sa paglalaba. Tahimik lang siya na nanunuod. Kapag may napupuntang bula sa buhok ko, siya ang taga-tanggal. Kapag pinagpapawisan ako siya ang taga-punas.
Sa tuwing susulyapan ko siya'y nakatitig siya sa akin. Kahit nako-concious ako sa itsura kong mukhang gusgusin hindi ko siya sinaway. Kung gusto niya ako, hindi siya matu-turn off sa itsura kong ganito.
"Sa labas ako magsasampay. Doon ka na lang maghintay."
Tumango siya at napilitang umalis dahil baka maya maya'y narito na si nanay. Hindi nga ako nagkamali. Dalawang minuto pagka-alis ni Jax, dumating si nanay na karga ang mga puting bed sheets.
Nananakit na ang likod ko nang matapos kami. Nag-unat ako pagkatapos ilagay sa isang lagayan ang mga isasampay.
"Ako na po ang bahala dito, Nay. Hapon na po kasi at baka wala pa pong nagluluto ng hapunan."
"Ang dami nito. Kakayanin mo ba ito?"
"Opo," tutulungan naman po ako ni Jax.
"Sige. Kung hindi mo matatapos ako na ang magpapatuloy pagkatapos magluto. Nasa bahay ang tatay mo. Kung maaayos niya ang nasira sa bahay ngayon. Uuwi na tayo bukas."
Hindi na ako nagsalita kahit napansin ko na gustong gusto na ni nanay makaalis dito sa mansion. Kahit umuulan ulan pa, sinabihan niya si tatay na kumustahin ang bahay kung maaari na bang mauwian. Ngayon lang umaraw pero noong umalis si tatay, maulan pa.
Panay din ang kilos niya at para bang ayaw niyang magkaroon ng utang na loob sa Senyora sa pagpapatuloy sa amin rito sa mansion. Habang nasa banyo ako, narinig ko pang pinag-uusapan nila ni tatay ang paglipat ng bahay. Maayos naman kami kung saan kami nakatira kaya medyo pinagtatakhan ko iyon.
Hinintay ko muna si nanay na umalis bago ako kumilos at binuhat ang isang laundry basket. Pagod na ako pero kung hindi ito masasampay ngayon hindi ito matutuyo.
"Ako na dito..."
Napa-angat ako ng tingin sa umagaw sa akin ng laundry basket na buhat ko. Wala nang suot na sumbrero si Jax pero iyon pa rin ang suot niyang damit.
"Mauna ka na sa labas. Ako na ang magbubuhat ng mga ito," itinuro niya ng labi ang tatlo pang laundry basket. "Ako na rin diyan. Magpahinga ka muna sa labas. Inayos ko iyon para makapagpahinga ka."
Nagsimula siyang maglakad. Sumunod ako. Pagkalabas sa open area na sampayan, nakita ko ang sinasabi niyang inayos niya. Mayroon doong nakalatag na picnic blanket. Mayroon ding maliit na basket na sa palagay ko'y may mga inumin at pagkain. Nasa ilalim iyon ng puno at nalililiman. Mahangin at masarap gawing pahingahan.
Pagkalapag niya ng isang basket sa ilalim ng sampayan. Bumalik siya sa loob. Sinundan ko siya ng tingin. Nang mawala siya sa paningin ko saka ako kumilos para maupo sa inayos niya. Sinilip ko ang basket at kumuha ng isang tinapay at tubig. Sumandal ako sa puno. Kumakain ako habang pinapanuod si Jax na nagsisimula nang magsampay sa hindi kalayuan.
Nang maubos ko ang isang tinapay at makapag pahinga, tiningala ko ang puno. Napangiti ako sa pag-sayaw ng mga dahon nito. I remembered what I read; Love is like a tree, it grows of it's own accord, it puts down deep roots into our whole being.
Itinatanim ang puno. Huhukay, itatanim, at didiligan upang lumaki at maging ganito kayabong. Wala akong alam sa pagmamahal. Pero kung didiligan ko at aalagaan ang nararamdaman ko kay Jax. Maaaring ang pagkagusto ay mapunta sa pagmamahal.
Marahan ang naging pagmulat ko. Basa ang aking labi at kalalayo lang ng mukha ni Jax. I think he kissed me to wake me up. Nakatulog ako habang pinapakiramdaman ang pagdampi sa aking balat ng mabining hangin ng probinsiya kanina. Bumaba na ang araw at papadilim na ang langit ngayon.
"Nagdala ako ng hapunan..." Paos ang boses niya. Dinilaan niya ang kanyang mga labi.
Umayos ako ng upo. Tumabi siya sa akin. Sa tabi ng basket ay naroon ang sinasabi niyang pagkain. Binalingan ko siya sa tabi ko. Nakasandal din siya sa puno at nakatitig sa akin.
"Si nanay? Hindi ba ako hinanap?"
"Tinawag ka niya para sa hapunan... Ako na ang humarap..."
"Anong sinabi mo? Nakita ba akong natutulog?"
Umiling siya. "Hindi. Nakaharang dito 'yung mga bed sheet..." nilingon niya ang bed sheet at bumalik sa akin.
Nagsalisi ang tingin namin. Nang balikan niya ako ng tingin, iyon namang pagbaling ko sa bed sheets. Kung galing ang tao sa mansion, hindi nga kami kita rito. Marami ang bed sheet at lahat nakaladlad kaya't natatakpan kami. Nawala ang mata ko roon nang hawakan niya ako sa baba at iharap sa kanya.
"Kasunod ng nanay mo si Lola. Siya ang nagsuhestiyon na dito na tayo kumain. Nagpaliwanag din ako sa nanay mo na narito ako dahil inayos ko ang nasirang sampayan. Na totoo naman dahil may nasirang sampayan kanina habang natutulog ka," saad niya na sinundan ng tawa.
Binitawan niya ang baba ko at hinawakan ako sa kamay. Bahagya niya akong hinihila at inilalapit sa pagkain.
"Come on. Don't worry about them. Let's just eat."
May mababang folding table doon. Binuksan niya iyon at inayos doon ang mga pagkain. Nang magsimula kaming kumain, natahimik kami. Panay lagay niya ng ulam sa pinggan ko at panay naman ang kain ko sa bawat ipakain niya.
"Nakatulog ako. Hindi kita natulungan."
Huling subo na bago ko siya kinausap. Isang tinapay lang ang nameryenda ko kaya't sobrang gutom ako. Mas marami pa nga yata akong nakain kaysa sa kanya ngayon. Lagay siya ng lagay sa pinggan ko. Ni hindi ko napansin kung sapat ba ang nakain niya. O kung nakailang subo ba siya dahil hindi gaanong marumi ang pinggan niya.
"Natulungan mo naman ako, ah?" Tumawa siya at sinalinan ako ng tubig.
"Paano? Nakatulog ako. Kahit isang bed sheet nga hindi ako nakapagsampay."
"Nakatulong ka bilang inspirasyon ko. Matanaw lang kita mula sa malayo ginaganahan na ako-"
Natatawa ko siyang hinampas sa braso.
"Ang corny mo Jax!"
Humalakhak siya. Nakangiti ako na napatitig sa kanya. Pansin kong magkaiba ang tawa niya kapag ako ang kausap niya kahit noong nag-aaway pa kami. Maingay ang grupo nila at kapag nagtawanan pa'y sabay sabay kaya hindi mapipigilan na mapalingon ng kahit na sinong dadaan. Sa mga pagkakataon na ganoon, nahuhuli ko siyang tumatawa, malakas ang tawa niya ngunit iba ang emosyon na nasa mata niya. Parang hindi bukal sa loob. Parang pinipilit niya lang na maging masaya.
Hindi ko mapigilang mag-alala para sa kanya. Nasa akin ang cellphone niya subalit kahit isang beses walang magulang na nangumusta sa kanya. Gusto kong magtanong tungkol doon. Pero ayokong makialam. Kung may gusto akong malaman, mas mabuti na siya ang magsasabi ng kusa. Hindi ko alam kung gaano kaimportante at kasensitibo ang bagay na iyon para sa kanya. Kung bubuksan ko ang usapin na iyon, hindi ko alam ang magiging epekto sa kanya. Basta ang alam ko masaya siya ngayon at ayokong sirain iyon.
"Dito mo ba gustong tumira? Ayaw mo sa Manila? O 'di kaya sa ibang bansa?"
Tapos na kaming kumain. Nakasandal na siya sa puno habang nakasandal ako sa kanyang dibdib. Yakap niya ako. Nasa magkabilang gilid ko ang nakabaluktot niyang binti. Samantalang ang akin ay diretso lang na nakalapat sa sapin. Pinaglalaruan niya ang kamay ko. Hinahaplos niya rin ang braso ko sa tuwing nararamdaman niya ang pagtayo ng balahibo ko dahil sa paghipan ng malamig na hangin.
"Dito ko lang gustong tumira," sagot ko.
Nakatingin ako sa mga bed sheets na sinasayaw ng hangin. Kung pupunta rito si nanay siguradong tatawagin naman ako no'n kaya magkaka-oras pa akong humiwalay kay Jax.
"You don't want to try parties?"
"May sayawan dito."
"Party in Manila is more louder and better. They serve a variety of drinks-"
"Hindi naman ako alcoholic." Natawa ako.
"Pero nagustuhan mo 'yung matamis na alak, 'di ba? Yung pinainom sayo ng ate ni Peter? Maraming fruity cocktails doon. Mas masarap."
Hindi ako nagsalita. Bakit ba niya ito tinatanong ngayon? Alam niya naman na dito ako nakatira. Bakit naman ako titira sa Manila o sa ibang bansa? Saan naman ako titira doon?
"Kung ayaw mo sa mga bars, sa iba na lang? Magugustuhan mo doon. Maraming pwedeng mapuntahan sa Manila-"
"Na hindi ko naman gustong puntahan," putol ko sa kanya at bahagya siyang nilingon sa aking likod.
Nasa bed sheets rin ang mga mata niya. Nagbaba lang siya ng tingin dahil naramdaman niyang gumalaw ako. Inipit niya sa likod ng tenga ko ang tikwas kong buhok na tinatangay ng hangin. Tinitigan niya ang buong parte ng mukha ko.
"Sa Paris ba ayaw mong makapunta? May Eiffel Tower doon!"
Umiling ako.
"Ayoko ng Eiffel Tower."
"Sa... Sa korea? Namsan Tower?"
Umiling ulit ako.
"Burj Khalifa? Toronto? Seattle? London?"
Hindi ko alam kung nang-uuto lang ito. Nasa boses kasi niya na para akong hinahainan niya ng mga magagandang bagay para lang mapapayag.
"Ayaw mo talaga kahit saan doon? Nalalayuan ka ba? Sa Manila ayaw mo talaga? Mas malapit iyon..."
Umiling ako.
"A... yo... ko..." mabagal na bigkas ko. "Lahat ng sinabi mo, ayoko."
Humugot siya ng hangin at marahang tumango.
"Kung hindi mo gustong tumira sa mga iyon. Bakasyon na lang? Sama ka sa akin? Isa o dalawang linggo lang?"
"Sa Manila lang ba?"
Tumango siya. Nabasa ko sa mga mata niya na umaasa siyang makakasama ako. Na papayag na ako dahil bakasyon lang.
"Sa Manila at sa ibang bansa? Lahat ng gusto mo pupuntahan natin!"
"Pero wala akong maisip na gusto kong puntahan..."
Inipit ko ng ngipin ang ibabang labi ko. Napatingin siya doon. Binasa niya ng dila ang ibabang labi niya. Nagbuga siya ng hangin. Umiling siya at ibinalik ang desididong mata sa mata ko.
"I'll show you some places and let you choose. Marami tayong pwedeng puntahan. Marami kang pagpipilian. And... and that will be our baby time. Doon malaya kitang mahahalikan. Ayaw mo ba no'n?"
Napanguso ako at tinalikuran siya ulit. Ibinigay ko ang buong bigat ko sa kanya. Mas humigpit ang yakap niya sa akin. Noong nagpunta kami kay Levi, niyaya niya ako. Akala ko hanggang doon lang iyon pero inulit niya ngayon. Dito ako lumaki. Maliit lang ang mundo ko rito. Maninibago ako kung hahalo ako sa mas malaking mundo. Hindi naman siguro masama kung magkaroon ako ng ibang experience at mag-enjoy? Kasama ko naman si Jax at... tiwala ako sa kanya.
"Hindi ako papayagan..."
Tumulis ang nguso ko na nakalabi nang maalalang may mga istriktong magulang nga pala ako. Sinilip niya ako mula sa likuran. Hinalikan niya ako sa pisngi dahil hindi niya abot ang labi ko.
"Mabait naman sa akin ang mga magulang mo. Kung ipagpapaalam kita siguro naman papayag sila?"
Nagkibit balikat ako. Hindi dahil mabait sa kanya si tatay, papayag na iyon na pu-Maynila ako.
"Lalaki ka Jax. Babae ako. Hindi ako papayagan kung ikaw lang ang kasama ko-"
"Isama natin ang mga kaibigan mo? Si Irene? Si Cathy?" Medyo lumakas ang boses niya at tunog na-excite.
Mahina akong natawa. Pinagpalit ko ang kamay namin at daliri niya naman ang pinaglaruan ko.
"Anong sasabihin mo? Eh hindi nga nila alam na boyfriend na kita..."
Naramdaman ko sa dibdib niya ang pagbuntong hininga niya. Nawala siguro sa loob niya na hindi nila alam. Para siyang batang excited na kulang na lang pumalakpak. Ngunit nang sabihin na hindi siya kasama sa laro'y biglang nalungkot at kulang na lang umiyak na.
"Si Lola kaya?" Mahina na ang boses niya. "May bahay kami sa Manila. May sarili rin akong condo. Isama natin si Lola pero sa bahay siya titigil. Sa condo tayo?"
Natigil ako sa paglalaro sa mga daliri niya. Nagtagal ang titig ko sa bed sheet dahil kung si Senyora ang idadahilan niya'y fifty fifty ang pagpayag ng mga magulang ko. Mas may tiyansa iyon kaysa kung si Jax lang na zero percent kaagad.
Inangat ko ang likod ko. Pinihit ko ang itaas kong katawan upang maharap siya. Nagkatinginan kami.
"Anong idadahilan mo sa Lola mo at sa mga magulang ko kung bakit kailangan kong sumama?"
Tinitigan niya ako. Umawang ang labi niya ngunit hindi kaagad nagsalita. Mukhang nag-isip pa ng idadahilan. Bumaba sa labi ko ang tingin niya na agad ding bumalik sa aking mata.
"I'll think about that first. Hindi pwedeng paiba iba ang dahilan ko. Madali na si Lola. Ako nang bahala doon. Pero kung mali ang maidahilan ko sa mga magulang mo, hindi sila papayag. Hindi kita maisasama sa Manila. Kaya kailangan kong pag-isipan ng mabuti."
Maliit akong ngumiti at tumango.
"Sige. Pag-iisipan ko rin kung sasama ba ako-"
"Kung hindi ka sasama. Hindi na ako tutuloy. Ayokong mahiwalay kahit isang araw sayo..."
Kinurot ko siya sa hita pero dahil nakapantalon siya, hindi ko nahawakan ang balat niya. Natawa siya nang mapansin iyon. Hinampas ko na lang siya sa dibdib.
"Akala ko ba may business kayong pag-uusapan ng mga kaibigan mo?"
"If you're not coming with me, I'll decline the business..."
"Magagalit sayo ang mga kaibigan mo!"
"Magalit na silang lahat. Huwag lang ikaw..." Ngumisi siya.
Sumimangot ako. Malakas siyang natawa. Dapat ako muna ang magdesiyson. Kung pumayag sila tatay at ako naman ang hindi desididong sumama, hindi rin kami matutuloy. Mawawalan pa siya ng business dahil sa akin! Kasalanan ko pa sa huli!
"Pinipilit mo ako!"
"I'm not forcing you, okay? Gusto lang kitang makasama. Kahit anong desisyon mo, rerespetuhin ko."
Hinapit niya ako sa bewang at mas lalong isiniksik sa katawan niya. Ang nakapatong niyang ulo sa puno na sinasandalan niya'y inangat niya. Kahit walang salita alam ko na kaagad ang gagawin niya. Sinabayan ko ang paglapit ng mukha niya sa akin. Paglapat ng mga labi namin, binuhat niya ako at inikot paharap sa kandungan niya. Nakaibabaw na ako ngayon at ang magkabilang hita ko ay nasa magkabilang gilid niya.
Suminghap ako. Marahas kong nasabunutan ang buhok niya nang galugadin ng dila niya ang buong bibig ko. Napapadaing ako ng mahina at marahang naigagalaw ang balakang ko.
"Damn... I missed you..." Hindi ko na malaman kung sa akin ba galing ang mga salita na iyon o sa kanya.
Bumaba ang basa at matunog na halik niya sa aking panga, pababa sa aking leeg, at muling bumalik sa aking labi. Ang lamig ng hangin ay hindi ko na ramdam dahil sa nakakapasong paraan ng halik niya.
Pareho na kaming kinakapos sa paghinga nang tumigil siya. Pinagdikit niya ang noo namin. Hindi pa ako nakakahinga ng maayos nang muli niya akong hinalikan. Tumigil ulit siya at hinalikan ulit ako.
Ilang beses na gano'n bago siya talagang tumigil. Niyakap niya ako ng mahigpit na mahigpit. Binalot ng init ang leeg ko dahilan ng mainit niyang hininga. Hinihingal siya at mabilis ang t***k ng puso. Maingay siyang lumunok ng sunod sunod. Ilang segundo na pagpapakalma bago siya paos na nagsalita.
"If you want to live here. It's settled then. I'll live here too. Kung nasaan ka. Nandoon ako."