Kinabukasan, maaga kaming umalis sa mansion. Hindi ko na nagawang magpaalam kay Jax dahil kapuputok lang ng araw. Tulog pa siya. Naibigay niya naman sa akin ang cellphone kasama ang charger kaya nagpaalam na lang ako sa message.
Hindi na kami nakapag-usap dahil magdamag akong tumulong sa paglilinis. Hindi man nagbaha at naayos na ni tatay ang mga nasira, marumi naman ang harapan dahil napuno ng mga dahon na tinangay sa katatapos lang na bagyo.
"Lahat ng nakalista na pangalan, kailangan natin kontakin. Kung magiging maaraw sa linggo na ito, ngayong parating na linggo na natin gaganapin ang fundraising."
"Paano 'yong mga tshirt? Kakayanin ba ng dalawang linggo lang?"
"Nakausap ko na. Baka kulangin ng stock pero sana kayanin. Gagawan na lang natin ng paraan."
Habang patungo sa paaralan nag-uusap kami ni Harry. Mapapaaga ang fundraising bago pa maabutan ng panibagong bagyo. Nagsabi ako ng ilang suggestions. Tumigil lang ako sa pagsasalita nang mapatingin ako sa puno.
Wala si Jax sa usapan namin na pagkikitaan naming puno. Nilipat ko ang tingin sa waiting shed dahil baka nalimutan niya ang pinag-usapan namin kaya't doon siya maghihintay. Wala rin. Sumama ang pakiramdam ko at nagmadali nang pumasok.
Siya ang nagsuhestiyon na magkikita kami bago pumasok pero siya pa ngayon ang wala! Nakaramdam ako ng panlalamig. Kaya sa halip na dibdibin iyon, nagreview na lang ako para sa unang klase.
Sinubukan ko talagang kalimutan pero nang dumating ang oras ng break time na wala siyang paramdam, unti unti na akong nagtatampo. Unang araw pero natiis niya akong hindi makita o kahit makausap lang sa cellphone? Para saan pala na chinarge niya ito at ibinalik sa akin?
Kung may sakit iyon, magsasabi iyon. Baka nagpaawa pa nga iyon at nagpadala ng prutas. Nang magbreak time, imbis na sa locker room ng soccer team ako pumunta, sa library ako dumiretso.
Natiis niya ako ng ilang oras, dapat kaya ko rin! Kung naroon siya sa locker room, hindi ko siya pupuntahan! Wala naman siyang message kaya bakit ako pupunta?! At kahit tawagan niya pa ako at sabihin na naroon siya, hindi pa rin ako pupunta!
"Ito lang ang kakainin mo? Tinapay lang?"
Tinanguan ko si Cathy. Ipinatong niya ang kanyang bag sa lamesa at naupo sa tabi ko.
"Mabubusog ka ba diyan?"
"Wala akong gana..."
Ganito ba talaga ito? Ngayon lang siya hindi nagmessage pero pakiramdam ko buong araw ko ang apektado. Normal ba ito sa mayroong mga boyfriend? Mabilis madisappoint sa simpleng hindi lang pag-update? Ang weird sa pakiramdam pero hindi ko mapigilan. Feeling ko hindi ako importante at wala lang ang pagiging girlfriend ko dahil hindi ko alam kung anong nangyayari sa kanya o nasaan siya.
Gusto kong magtanong kay Cathy tungkol dito dahil baka makatulong siya. Kung tama ba itong nararamdaman ko o mali na. Kung gagawin ko naman iyon, makakahalata ito. Baka bantayan pa niya ang mga kinikilos ko sa mga susunod na araw.
Nasa mga bookshelf si Irene at naghahanap ng libro. Si Cathy, may dala dala na tatlong libro. Ako isa lang. Hindi na nga ako nakaalis sa isang page dahil may iniisip ako.
Nakatulala lang ako roon at napag-isip isip ko na siguro nagalit si Jax sa hindi ko pagpaalam sa kanya? Hindi pa naman kami nagkausap pagkauwi ko. Ngayon araw ko lang din na-check ang cellphone at tatlong mensahe niya lang ang nandoon. Ganito rin ba ang naramdaman niya nang hindi ako makapag-reply kahapon? Dapat ba nagsabi ako na maglilinis kami nila nanay kaya hindi ko mahahawakan ang cellphone?
Jax:
Good morning. I miss you already.
Jax:
Are you busy?
Jax:
Good night, baby.
Binasa ko ang mga mensahe niya ng paulit ulit at hinanap kung may kakaiba ba roon. Kung galit ba ang pagkadeliver niya. Wala namang kakaiba. Ito lang ang tanging messages niya kahapon. Wala na iyong kasunod. Wala rin kaninang umaga at lalong wala ngayon.
Ano kayang ginagawa ng gago na iyon? Ayoko naman maunang magparamdam, noh! Bahala siya sa buhay niya!
Salubong ang kilay ko at malayo pa rin ang isip. Nakabukas lang ang libro at naroon ang mga mata ko pero iba ang nakikita ko. Si Jax ang nakikita ko at kasalukuyang sinasakal ko siya sa imagination ko.
Kahit narinig ko ang pagtunog ng upuan sa aking harapan, hindi ko iyon nagawang lingunin. Nanatili ang diwa ko sa pagsakal kay Jax. Malapit na siyang malagutan ng hininga. Nasa isip ko na si Irene lang iyon o di kaya'y si Cathy dahil dalawa lang naman silang kasama ko.
"Umalis ka nga sa gitna namin! Doon ka sa tabi ni Cathy!"
Kung hindi ko lang narinig ang nayayamot na reklamo ni Irene, hindi ako titigil sa pag-murder kay Jax. Pag-angat ko sa aking mukha kay Irene ako unang napatingin. Nasa tabi nito si Peter. Katabi ko naman si Cathy at dito niya pinapalipat sa kabilang upuan si Peter. Masama ang tingin ni Peter sa pagtulak tulak sa braso niya ni Irene na para bang ayaw nitong madikit sa kanya.
"Si Jax ang gusto kong katabi! Hindi ikaw!"
Sa muling pagsigaw niya. Nagpanting ang tenga ko sa pamilyar na pangalang binanggit niya. Hindi na yata sa imahinasyon. Baka totoong masakal ko na siya. Nang makalma ko ang sarili saka ko lang nailipat ang tingin sa katabi ni Peter. Nagtagal ang titig ko sa kanya. Kung kanina gusto ko na siyang malagutan ng hininga. Ako naman ngayon ang kakapusin yata sa paghinga.
Literal na tumigil ang mundo ko. Nagulat ako sa itsura niya. Nasa tapat ko siya. Katulad ko'y may hawak din siyang libro na nakabukas. Bahagyang naka-pout ang labi niya. Nagpipigil ng ngiti. Tinitigan ko siya ng mabuti nang magawi ang tingin ko sa kanyang buhok.
Wala na ang mahabang buhok niya na madalas niyang hawiin papunta sa likod. Malinis na ang pagkakagupit niyon sa magkabilang gilid paikot. Ang tuktok ay umikli rin. Kung nakabagsak iyon at hindi naka-wax, sa palagay ko ay hindi na iyon lalagpas sa kilay niya. Hindi tulad noon na natatakpan na ang mata niya dahil sa haba ng kanyang buhok.
Hindi lang iyon. Halos hindi ko maialis ang mga mata sa kanya. Napataas ang kilay ko nang mapatingin ako sa suot niyang uniform. Sobrang linis nito at walang gusot. Maayos na nakasara ang mga butones at nasa loob ang kwintas. Ang nakapagpanganga pa sa akin ay mayroon siyang suot na I.D!
Gusto ko siyang asarin at murahin pero nagpigil ako dahil may mga kasama kami. Si Irene pilit na pinapaalis pa rin si Peter. Nagkakanda-haba ang leeg ni Irene masilip lang si Jax. Na hinaharangan naman ni Peter kaya lalo silang nag-aaway.
Si Cathy sa tabi ko'y napapailing lang sa dalawa. Napalingon din siya kay Jax. Nagkatinginan kami at magkapareho kami ng reaksyon. Pareho kaming gulat. Kung hindi namin kilala si Jax na nag-iisang anak ng Dawson at Apo ng Valiente, iisipin namin na kakambal niya ito. Sinaway ko ang sarili ko sa kapupuri sa itsura niya bago ko siya hinarap.
"Ano ang ginagawa niyo rito?" Pinatigas ko ang boses ko dahil ganoon ako kay Jax noon at sa mga ka-team niya. At tsaka galit pa rin ako sa kanya!
Tumikhim si Jax. Ibinaba niya ang librong hawak niya. Binitawan niya iyon at pinadaanan ng palad ang maikli na niyang buhok bago nag-angat ng tingin sa akin.
"Pinapatanong ni Coach Roiland kung gusto niyo raw sumama sa outing?"
Kinunutan ko siya ng noo. Kahit ang gwapo niya ngayon galit pa rin ako. Dati na naman siyang gwapo, naging triple lang ngayon. Mas lalo siyang sumarap... sumarap sa mata.
Mahina akong umubo at mas pinataas ko ang kilay ko. Lintik kasi! Mas lumitaw ang kulay ng mga mata niya dahil bagong gupit! Mas nadepina rin ang lapad ng balikat niya at mas lumaking tingnan ang katawan!
"Outing? Para saan?"
"Celebration sa pagsali ni Jax sa gaganaping sports event," sabay kaming napatingin kay Peter nang ito ang sumagot.
"Sasali ka na Jax? Nagbago ang isip mo?" Si Irene na halos sumampa na sa lamesa masilip lang si Jax. Hinarangan siya ni Peter at ito ulit ang sumagot.
"Kinausap niya si Coach Roiland ngayon na sasali siya. Kaya tuwang tuwa at kinausap pa ang mga head na mas maagang pauwiin ang team namin para sa outing."
Naidiretso ko ang aking likod sa pagkakaupo. Lalong tumaas ang kilay ko. Kahit masaya ako para sa kanya, hindi ko talaga maialis na galit pa rin ako. Kailangan ko ng paliwanag! Ni wala siyang message kahit emoticon lang!
"Maagang pauuwiin ang team niyo para sa outing? Bakit niyo kami niyayaya ngayon? Hindi naman kami kasama sa team niyo," kay Jax ako nakatingin pero si Peter ulit ang sumagot.
"Sasama lang daw si Jax kung kasama ang cheering squad. Kaya kasama kayo sa ipinagpaalam ni Coach Roiland sa mga head."
"Wow! Talaga? May outing tayo? Sasama ako!" Pangunguna ni Irene.
Nagkatinginan kami ni Jax. Alam ko ang tingin na iyan. Hinihintay niya akong sumagot na sasama ako. Kaya nagsalita na ako bago pa niya ako kausapin.
"Hindi ako sasama. May gagawin ako," ani ko sabay yuko sa libro.
Narinig ko ang pagsinghap ni Irene. Narinig ko rin ang tunog ng upuan ni Jax. Muntik na siyang mapatayo. Pero walang nangahas na pumilit sa akin dahil sa pagkakaalam nila'y hindi ko kasundo si Jax. Kaya hindi kataka-taka na hindi ako sasama kung kasama si Jax.
"Huwag na si Clementine! Hindi sasama iyan! Yayayain ko ang buong cheering squad! Sigurado akong sasama silang lahat!"
Nagmamadaling tumayo si Irene at lumabas sa library. Malamang ay ipapamalita niya ang tungkol sa outing.
"Bakit hindi ka sasama?" Hindi napigilan ni Jax na magtanong. Nagulat ako sa pagkausap niya sa akin. Nagbalik ang tingin ko sa kanya.
"May gagawin nga ako." Walang emosyon na sagot ko at bumalik ulit sa pagbabasa.
"Hindi mo narinig? Wala na nga kayong pasok kaya anong gagawin mo?"
Kinabahan ako. Pinanlakihan ko siya ng mata matapos kong sipatin ng tingin si Cathy. Nagbabasa lang naman ito at walang napapansin sa pagkausap sa akin ni Jax. Pero hindi ko na hihintayin na may mapansin pa siya.
"Cath, may hahanapin lang akong libro," tinanguan ako ni Cathy na hindi nililingon. Tutok na tutok siya sa libro.
Tumayo ako at pumasok sa mga shelves. Naramdaman kong may sumunod sa akin. Inasahan ko na na susunod siya kaya ako tumayo. Hindi kami pwedeng mag-usap sa harap ng mga kaibigan ko!
Hindi sa pang-aano pero mas matalino ang mga kaibigan ko at mapanuri sa mga nangyayari sa paligid. Kaysa sa mga ka-team niya na walang pakialam sa ibang tao basta mayroong alak at sigarilyo sa harapan nila.
Diretso lang ang malalaking hakbang ko kahit naramdaman ko siya sa aking likod. Sa pinakatagong bookshelf ako tumigil. Umirap ako at nakahalukipkip siyang hinarap.
"Bakit mo ako kinakausap? Ang usapan natin-"
"Bakit ayaw mong sumama?"
Sinasalamin namin ang anyo ng isa't isa. Parehong salubong ang mga kilay namin. Nakahalukipkip ako at nakakuyom naman ang mga kamay niya.
"Ang sabi ko sayo huwag mo akong kakausapin-"
"Kung sasama ka hindi kita kakausapin! Pero kung hindi ka sasama kakausapin kita ng kakausapin hanggang sa malaman nila na girlfriend kita!"
Napanganga ako at napahakbang palapit sa kanya. Tinakpan ko ang kanyang bibig at nanlalaki ang mga mata na pinasadahan ng tingin ang paligid. Wala namang tao pero kung sisigaw siya, maririnig kami sa kabilang shelves.
"Ano ka ba Jax! Baka may makarinig sayo!" Mariin ngunit mahinang bulong ko.
"Sasama ka. Kung hindi, sasabihin ko sa kanila na girlfriend kita." Matigas ang boses niya ganoon din ang kanyang anyo.
Tinanggal ko ang kamay kong nasa bibig niya. Babalik ako sa kinatatayuan ko kanina, hindi nga lang ako nakaalis dahil nang-aangkin na nakapulupot na pala ang matigas niyang braso sa bewang ko. Hindi ko napansin na nakahawak siya sa akin dahil abala ako sa pagtingin kung mayroon bang nakarinig sa sinigaw ni Jax.
"Tinatakot mo ba ako Jax?" Malamig na tanong ko.
Hindi ko nagustuhan iyon. Wala pa kaming isang linggo ginagamit niya na ang tunay na relasyon namin panlaban sa akin. Nag-iisip naman talaga ako na sumama kaya lang gusto ko muna siyang makausap. Mamaya sana at hindi sa harap ng mga kaibigan ko.
Unti unting nawala ang pagsalubong ng kilay niya. Napansin niya yata sa malamig na boses ko na hindi ko nagustuhan ang sinabi niya. Marahan siyang umiling. Pagkurap ng mahahaba niyang pilik mata'y lumambot ang anyo niya.
"Hindi kita tinatakot," humina ang boses niya.
"Iyon ang dating sa akin Jax!"
Umiling siya.
"Hindi nga... Kung ayaw mo huwag na lang-"
Tinulak ko siya sa dibdib. Hindi niya ako binitawan at sa halip ay mas hinapit ako sa bewang. Namula ang mata niya at sumilip ang kaba roon dahil nagalit ako.
"Alam mong ayaw kong malaman ng kahit na sino pero gagamitin mo sa akin iyan? Tatakutin mo ako? Kung makipaghiwalay kaya ako sayo ngayon para wala ka nang mapanakot sa akin?" Bago ko pa mapigilan, lumabas na iyon sa bibig ko.
Bumukas sara ang labi niya at nabitawan ako. Umatras siya ng isang beses. Unti unting bumalatay ang galit sa kanyang mga mata. May isa pang emosyon doon na hindi ko mapangalanan. Naitikom ko ang aking bibig. Umurong ang dila ko. Gusto kong bawiin kaya lang nasabi ko na.
"Makikipaghiwalay ka? Dahil lang dito? Bakit palagi mo na lang binabanggit 'yang paghihiwalay na iyan?"
Umirap ako kahit unti unti nang pumapasok sa akin na mali ang nasabi ko. Sa gilid ako tumingin.
"Sinagot mo ba ako para lang makipaghiwalay? Pumayag na nga ako na walang makaalam. Hindi ko ito gusto, Clementine, pero pumayag ako dahil gusto kita."
Napunta ang tingin ko sa dibdib niya. Hindi ako nakapagsalita. Sumandal ako sa shelf at hindi makatingin sa kanya. Gustuhin ko man na magalit, alam kong may nasabi akong mali. Pareho kaming immature sa pakikipagrelasyon. O ako yata ang mas immature? Ako ang babae. Ako ang nawalan. Pero ako ang malakas ang loob lagi na makipaghiwalay. Narinig ko siyang nagbuntong hininga at pinababa ang emosyon niya.
"Gusto ko lang na sumama ka. Kaya nga ako nakiusap kay Coach na isama ang cheering squad dahil sayo. Hindi kita pwedeng isama bilang girlfriend ko kaya buong grupo niyo na lang..." Mahina ang boses niya ngunit tunog galit pa rin.
Nanikip ang dibdib ko. Tiningala ko siya. Pinapanuod niya ako. Lumapit siya ng kaonti. Magaan niyang ipinatong ang kanyang isang kamay sa bewang ko. Nakahinga ako ng maluwag sa loob loob ko dahil sa paglapit niya. Akala ko talagang mag-aaway na kaming dalawa. Mas inasahan ko pang magw-walk out siya pero hindi niya ginawa.
"Ayaw mo ba talaga? Hindi ako sasama kung wala ka-"
Lumabi ako. "Celebration iyon para sayo-"
"Ikaw ang dahilan kaya ako pumayag kay Coach Roiland..."
Mahinahon na kaming nag-uusap ngayon. Humawak ako sa braso niya nang dalawang kamay na ang ginamit niya para hawakan ang bewang ko. Lumamlam ang mga mata niya at malambot na ulit ang ekspresyon na para bang hindi niya kayang magtampo o magalit sa akin ng matagal.
"Anong oras ba aalis? At anong oras uuwi?"
Napangisi siya na naging ngiti. "Sasama ka na?"
Tumango ako. "Anong oras nga?"
"After nitong break time aalis na. Hapon siguro ang uwi? Pero kung mag-iinuman, gabi na."
Tumango ulit ako.
"Magpapaalam muna ako at magpapalit ng damit..."
"Ipagpaalam kita? Gusto mo ba magpasama ako kay Coach para ipagpaalam ka namin?"
Pumikit ako at umiling.
"Ako na..."
Pagdilat ko, nagkatinginan kami. Tumango siya. Tipid siyang ngumiti. Kinuha niya ang isang kamay ko at ipinatong sa ulo niya.
"Nagustuhan mo ba?"
Pinaglaruan ko iyon gamit ang mga daliri ko. Malambot at madulas ang mahabang buhok niya noon. Pero ganito kasi ang gupit ng mga estudyante rito.
Nasusuklay pa rin naman ng mga daliri ko ang ibabaw niyang buhok hindi nga lang kagaya noong mahaba pa na masarap sabunutan sa tuwing... tumigil ako at pinamulahan. Hindi ko alam pero iyon ang unang pumasok sa isip ko.
"Ito ba ang dahilan kaya wala kang paramdam? Nagpapapogi ka?"
Natawa siya sa ginamit kong salita.
"Yeah. You could say that." Tumawa siya. "I also talked to Coach Roiland. I meant not to leave you a message to surprise you. I want to see your reaction. I waited for break time. Alam kong nasa library ka. Kung nagustuhan mo ito hindi na ako magpapahaba ulit ng buhok."
Matagal kaming nagtitigan. Sa huli, bumuntong hininga ako nang matanto na masiyado ko itong pinapalaki sa unang araw namin sa school. Isa pa, ako naman ang nagdesisyon na i-sikreto kung ano ang namamagitan sa aming dalawa.
Pero gaano nga ba dapat kadalas mag-usap ang mga magkarelasyon? Araw araw ba? O dapat may araw din na hindi nag-uusap? O siguro kung kailan lang gusto mag-usap? O katulad nito na kung may dahilan ayos lang na hindi mag-usap?
"Kahit naman ano, Jax, bagay sayo. Pero mas okay na ganito muna ang buhok mo kasi nag-aaral pa tayo."
Mula sa pagsuklay sa ibabaw ng buhok niya'y bumaba ang kamay ko sa gilid at likod na parte ng kanyang buhok. Sobrang ikli na banda rito sa ibaba. Hindi ko na iyon masuklay. Titig na titig siya sa akin habang namamangha ako kung gaano kabagay sa kanya ang buhok niya.
"Hindi na yata kita gusto..."
Nahinto ang kamay ko. Nagkatinginan kami. Ang daming nakapaloob sa mga mata niya na kanina ko pa hindi mabasa. Para bang may gusto siyang sabihin ngunit sa halip na isatinig iyon ay gusto niya na lang na basahin ko sa mga mata niya.
Nakaawang ang bibig ko nang ipaikot niya ang isa niyang braso sa aking katawan. Bumaba ang mukha niya upang abutin ang labi ko. Napasinghap ako sa pagitan ng mga labi namin. Kung mahaba ang buhok niya siguradong nadakot ko na iyon ng kamay ko. Subalit dahil maikli na, ipinulupot ko na lang ito sa leeg niya. Hinila ko siya sa batok. Tumingkayad ako para mas mapalalim niya ang halikan namin.
Ang isang braso ko ay nasa leeg niya. Ang isa ko naman na kamay ay nilalaro ang tenga niya. Wala akong masabunutan na buhok kaya't tenga niya na lang ang pinaglaruan ko. Dumaing siya sa aking bibig kasabay no'n ay naramdaman ko ang pagtayuan ng mga balahibo niya.
"Don't play with my ears," bumagal ang galaw ng labi niya dahil sa pagbulong niya sa labi ko.
Napahagikgik ako nang may mapagtanto. Walang sagabal na buhok kaya malaya kong nalalaro ang tenga niya.
"Bakit hindi? May kiliti ka sa tenga?" Natatawang tanong ko at sinubukan ulit na paglaruan ang tenga niya. "Simula ngayon ito na ang paborito kong hair style mo..."
Napaungol siya. Tumayo ulit ang balahibo niya. Sa palagay ko, ito ang pinaka sensitibong parte sa kanyang katawan. Kaya siguro kahit bad boy ang style niya'y wala siyang suot na hikaw. Dinaig pa siya ni Peter na mayroon.
Hinigop niya ang dila ko na naging dahilan para mabitawan ko ang tenga niya. Hinawakan niya ako sa pulso at idiniin ang isa kong kamay sa kinasasandalan kong lagayan ng libro. Pinagsalikop niya ang mga kamay namin para masigurado niyang hindi ko na uulitin iyon. Matunog ang halik niya at halos magpalit na kami ng laway. Nang kapwa kami kapusin sa paghinga saka lang siya tumigil. Ipinatong niya ang kanyang noo sa balikat ko.
"Ihatid kita sa inyo?" Huminga siya ng malalim at maingay na lumunok. "Kumuha ka ng mga damit mo. Maglalagay ako ng mga damit mo sa sasakyan. Para kung kakailanganin katulad nito hindi ka na uuwi para kumuha ng gamit."
Tumango ako. Nagpakalma muna kami dahil pareho pa kaming hinihingal. Nagbaba ako ng tingin sa damit ko kung wala bang nalukot habang sinusuklay ko ng mga daliri ang aking buhok.
Pagbalik ko sa lamesa, nagpaalam si Cathy na mauuna na sa klase niya dahil kaming soccer team at cheering squad lang naman ang exempted. Sabay kami nina Peter at Jax na nagtungo sa parking lot. Habang nasa sasakyan, tinawagan niya si Coach Roiland. Pinauna na nila ang iba at sinabi na susunod na lang kami.
Ginawa ko nga ang sinabi niya. Kumuha ako ng ilang damit at ipinatago kay Jax sa sasakyan. Nasa driver seat siya at katabi ako. Pinanuod ko siyang ayusin ang mga damit namin sa mamahalin niyang duffel bag. Nang matapos sa pag-aayos, sumunod na kami sa beach na sinabi ni Coach Roiland.
"Mauuna na akong bumaba," ako, pagkarating sa parking lot ng beach.
Inayos ko ang dala kong shoulder bag na naglalaman ng gagamitin ko ngayong panligo at pamalit. Nagkatinginan kami ni Jax. Alam na niya kaagad ang ibig kong sabihin. Hindi kami maaaring magsabay. Ayokong magtanong sila kung bakit kami magkasama. Doon nagsisimula iyon, magtutuloy tuloy na iyon hanggang sa maghinuha sila at malaman nila kung anong mayroon sa amin.
Napangiti ako sa pinong buhangin na kumikiliti sa aking paa. Maraming malapit na dagat sa amin pero matagal tagal na rin nang huli akong makapasyal rito. Ngayon ko lang natanto na nauubos ko ang oras ko sa pag-aaral. Hindi ko na nabibigyan ng oras ang sarili ko na magsaya katulad ng mga kaedaran ko.
Sumulyap ako kay Jax na nakababa na rin sa sasakyan. Sumandal siya sa pinto ng kanyang sasakyan at tinanguan ako bilang hudyat na magpatiuna na ako sa paglalakad.
Pagkahalo ko sa mga kasama, natanaw ko si Jax na kasama si Peter. Kinawayan sila ni Coach Roiland na nakaagaw sa atensyon ng lahat ng nandito.
"Akala ko talaga hindi ka sasama! Anong sinakyan mo? Nagpahatid ka sa tatay mo?"
Ngumiti lang ako kay Irene at walang sinagot kahit isa sa tanong niya. Nasa loob kami ng cottage. Pagpasok ni Jax sa cottage, nahuli ko ang tingin niya. Nag-usap sila ni Coach Roiland sa bungad bago sila lumapit sa lamesa. Naupo si Jax sa tabi ko. Sa tabi niya naman ay si Coach Roiland. Katabi ko si Irene na tinabihan ni Peter.
Sa kabilang banda ng lamesa ay ibang ka-team nila at kagrupo namin sa cheering squad. Abala ang mga babae sa pagpahid ng sunblock. Nakasuot na ng panligo ang iba ngunit karamihan ay katulad kong hindi pa nagpapalit.
"The event will be held in two weeks. I can't waste time so starting tomorrow I'll train them. Ako muna ang magt-train sa kanila Coach para ma-build namin ang team."
"Oo ba! Bata pa lang nasasama ka na sa top ranking skills ng mga batang soccer players kaya may tiwala ako sayo!"
Nakanguso kong inabot ang chichirya na nasa lamesa. Talaga? Nagrarank siya noong bata siya? Hindi ko alam iyon. Binuksan ko ang chichirya at kinain habang pasimpleng sumusulyap kay Jax. May malakas na enerhiya na nanghahatak sa aking titigan siya. Seryoso silang nag-uusap ni Coach Roiland. Dahil walang nakaharang sa mukha niya na mabahang buhok, malinaw kong nakikita ang batok niya at magandang hugis ng panga.
"Sa hotel tayo mags-stay! Sama sama ang buong team natin! Five days iyon at bawal kayong magdala ng babae!" Biro ni Coach. Natawa ang lahat ng ka-team nila at nagsimulang magbiruan.
"I will not take her to our room, Coach. I will book another room for her." Si Jax.
"Oh! Si Jax magpapabook pa ng sariling kwarto! May balak i-hotel na babae!"
Sinundan nila iyon ng tawanan. Napailing si Jax at binato ng chichirya ang mga ka-team niya.
"Hayaan niyo siya! May girlfriend siguro ito sa Manila!" Tinapik siya ni Coach sa balikat.
Nang tumawa si Jax, napatulala ako. Nilingon niya ako nang pinutakte na siya tungkol sa pagkakaroon niya ng girlfriend.
Muntik ko nang makalimutan na kumakain ako ng chichirya. Nasa labi ko lang iyon at hindi ko na naisubo. Kung hindi niya pa ako nilingon, hindi ako matitigil sa katititig sa kanya. Napapahiya akong nag-iwas ng tingin. Tinalikuran ko siya. Humarap ako kay Irene.
"Wala sa Manila, Coach." Narinig kong sagot niya. Natigil ako sa pagnguya at nakagat ko ang ibaba kong labi nang magsigawan ang mga kagrupo niya.
Naki-agaw sa chichirya ko si Irene at niyaya na akong maligo. Hindi ko na kayang makinig sa pinag-uusapan nila kaya sumama na ako. Si Jax kasi ang naging sentro ng usapan. Sa sagot niya, parang inamin niya na na may girlfriend siya. Naging tuksuhan iyon dahil hindi niya itinanggi na may girlfriend siya. Ang sagot niya lang, wala sa Manila. Na ang ibig sabihin ay nasa ibang lugar.
"Oo, Coach! Pakakasalan ko na pagka-graduate ko!"
Napasinghap ako at naiwang nakaawang ang bibig. Malayo kami pero dahil sadyang isinigaw iyon ni Jax, rinig na rinig ko iyon kahit nasa isa akong cubicle ng banyo at nagpapalit ng damit.