Lascivious Casanova 37

2656 Words
Hindi ko sineryoso ang isinigaw ni Jax. Pagkalabas namin ni Irene sa banyo, humupa na ang tuksuhan. "Sino kaya 'yong sinasabi niyang girlfriend niya? Totoo kaya iyon?" Nakasuot si Irene ng kulay itim na two piece. May patong iyon na itim na cover up. Ako, naka-maikling short lang at manipis na itim na sando. Hindi naman panget ang katawan ko. Hindi lang talaga ako sanay mag-swim suit kahit tabing dagat lang naman ang lugar namin. "Nagbibiruan lang siguro sila. O baka naman nagyayabang lang sa mga ka-team niya si Jax?" Sagot ko na lang kay Irene. Dahil sa tingin ko nagbibiruan lang talaga sila. Gusto niya lang siguro na iparinig sa akin at asarin ako. Nakaabang kaagad ang mga mata ni Jax. Kalahating paa pa lang ang naihahakbang ko papasok sa cottage nasalo ko na ang tingin niya. Bumaba ang mata niya sa nakalabas kong hita. Kumunot ang kanyang noo. Nag-iwas ako ng tingin at sa kabilang side ako naupo. Kung sa dati ko kasing upuan kailangan ko pang daanan si Jax at Coach Roiland. Kung iikot ako, mga ka-team niya namang lalaki ang madaraanan ko. Naisip din siguro iyon ni Irene kaya parehas kaming sa tapat ng pinto na upuan naglapag ng gamit. "Ang aga namang alak niyan!" Si Irene na pinuna ang naabutan namin sa cottage. Nag-iinuman na ang mga grupo ni Jax. Naisama pa nila ang mga lalaking kasama namin sa cheering. Ang mga babae, nasa tubig na at nagsisiligo. "Tagay muna bago ligo! Tapos tagay ulit!" Si Jigs iyon na sinang-ayunan ng iba. Puro talaga kalokohan ang mga kagrupo ni Jax. Wala pa man ang game, kinakabahan na tuloy ako. Kung hindi si Jax ang mapaaway, baka isa sa mga ito. Kunsabagay, kung nasa field si Jax kaya niyang i-handle ang buong team niya. Kaya malaki rin ang tiwala ni Coach sa kanya. Kapag siya kasi ang nagsalita hindi pwedeng hindi nila susundin. "Hindi ako umiinom..." Napabaling kami ni Irene kay Jax nang bigla na lang itong magsalita. Nakatingin siya sa akin. Tumikhim siya at nag-iwas nang makitang nakatingin sa kanya si Irene. "Okay lang Jax! Uminom ka lang! Hindi kita pagbabawalan!" Nagtawanan sila maliban kay Peter na nakasimangot at kay Jax na napailing lamang. Umangat ang gilid ng labi ko. Patago akong pinanliitan ng mata ni Jax nang mahuli niya akong nangingiti. Habang nag-iinuman, nag-uusap usap sila. Nag-iinom silang lahat. Si Jax at Coach Roiland lang ang hindi. Bukod sa celebration ito para sa pagpayag ni Jax. Huling araw na rin siguro ito ng pagrerelax nila dahil ayon sa narinig ko'y gigisahin sila sa magkasunod na dalawang linggo na practice. Binuksan ko ang shoulder bag. Hinahanap ko roon ang panali ko sa aking buhok. Sa bulsa ng bag ko nahanap iyon. Isasara ko na sana ulit ang zipper ng bag kung hindi ko lang nakitang umilaw ang cellphone ni Jax na nasa loob. Awtomatikong napatingin ako sa kanya. Kabababa niya lang sa gamit niyang cellphone. Nang magkatinginan kami, nagbaba ako ng tingin at binasa ang message niya. Jax: Masiyadong maikli ang short mo. Umasim ang mukha ko. Pinansin niya pa talaga! Kumpara naman sa mga kasama naming mga babae rito na naka-swim suit! Hindi ko na siya tinapunan ng tingin. Alam ko naman kasing nakakunot ang noo niya. Nagtipa ako ng reply. Me: Ngayon lang ito Jax. Kung pagbabawalan mo akong mag-short, mags-swim suit ako! Naabutan ko ang pagbuntong hininga niya. Hindi muna siya nagreply. Nagtagal muna ang tingin niya sa hita ko at sa akin. Naghahamon akong nagtaas ng kilay. Umawang ang labi niya at nagbuga ng hangin. Tumingin siya sa cellphone niya. Nagtipa siya ng reply. Jax: Kumain ka muna bago ka maligo. Hindi ako iinom. Nakalabi akong nagtipa. Nasa loob lang ng bag ang cellphone. Hindi ko inilalabas. Me: Mamaya na. Busog pa ako. Okay lang na uminom ka. Huwag ka lang magpakalasing. Pagkatapos kong i-send iyon. Tiningnan ko si Jax. Nasa cellphone ang tingin niya, binabasa ang message ko. Kalaunan, napunta sa akin ang mata niya at tumango. Inabutan siya ni Jigs ng shot. Kanina, hindi niya iyon tinatanggap. Ngayon, kinuha niya dahil pinayagan ko naman siya. Habang iniinom niya iyon, nagtama ang mata namin. Maliit akong ngumiti sa kanya at sumunod sa hila ni Irene. "Tingin ko may gusto si Jax sa akin," bulong ni Irene pagkalusong namin sa dagat. Nakahawak siya sa braso ko at ayaw iparinig sa iba ang pinag-uusapan namin. "Paano mo naman nasabi?" Nangingiwi ako. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin na hindi siya gusto ni Jax. "Kasi pinasama niya ang buong cheering squad! Siguro gusto niya akong makasama sa outing hindi niya lang masabi sa akin ng diretso kaya pinasama na kayo?" Gusto kong mahiya sa mga konklusyon ni Irene. Masiyado nang malayo ang nararating ng isip niya. Lagpas bewang na namin ang tubig. Sa linaw ng tubig kitang kita ko pa rin ang mga paa ko kahit malalim na. Lumakad pa ako. Nabasa na ang dulo ng buhok ko. Nagpalutang lutang na iyon sa dagat. Humakbang pa ulit kami hanggang sa wala na kami parehong maapakan. Nagsimula na kaming lumangoy nang nasa malalim na. "Hindi siguro. May girlfriend nga raw, 'di ba?" Hinampas niya ako sa braso. Halos lumubog ako sa tubig sa lakas ng hampas niya. Natawa siya at pulang pula sa kaisipan na may gusto sa kanya si Jax. Kinagat ko ang labi ko. Magagalit kaya ito kapag nalaman niyang girlfriend ako ni Jax? "Ano ka ba! Ikaw nga ang nagsabi na nagbibiruan lang ang mga iyon! Tingin ko kaya niya isinisigaw kanina ang mga sagot niya para iparinig sa akin sa banyo! Gusto niya siguro ako na magselos!" Sinalok ko ang tubig dagat at ipinaligo sa aking buhok. Nang hindi makuntento'y inilubog ko ang buong katawan ko. Pag-ahon ko, hinilamos ko ang isa kong palad sa aking mukha upang alisin ang tubig. Si Irene, ingat na ingat na mabasa ang mukha dahil maaalis daw ang liptint niya. Binabasa niya lang pakonti konti ang buhok at mukha niya pero ayaw niyang lumubog. "Ikaw ba napansin mo rin na may gusto siya sa akin?" Nagkibit balikat ako. Mahirap nang baguhin ang isip niya kapag ganito. Hahayaan ko na lang. Maganda naman si Irene. Kung tutuusin mga ganito ang tipo ni Jax. Maputi at makinis. Kahit walang make up, maganda. Pero mahilig talaga siya sa make up. Kung hindi ako girlfriend ni Jax, iisipin ko rin na magugustuhan niya si Irene. Kaya lang hindi nga. Hindi ko naman pwedeng sabihin na girlfriend ako ni Jax kaya hindi posibleng may gusto sa kanya si Jax dahil ako ang gusto nito. "Hindi ko napansin..." "Wala ka kasing pakialam kay Jax kaya hindi mo napapansin! Nagpaalam pa nga siya sa akin kanina na iinom siya! Sinabi ko lang na okay lang na uminom siya kaya tingnan mo ngayon umiinom na!" Ngumuso ako at tinanaw ang cottage kung nasaan sila Jax. Siya ang may hawak ng shot glass ngayon. Hindi niya pa muna ininom iyon at mukhang pinapatagal niya. May seryoso silang pinag-uusapan ni Coach Roiland. Sinusuklay niya pataas ng mga daliri niya ang may kaiklian niya nang buhok. Tinungga niya ang laman ng baso. Nakakauhaw ang paraan ng pag-alon ng kanyang lalamuman. "Kinikilig ako Clementine! Grabe ang gwapo niya! Kapag naging Dawson ako doon na ako titira sa Ireland! Goodbye Philippines na! Goodbye kubo na! Sa mansion na ako titira!" Kahit hindi mangyayari, natawa ako. May tinawag siyang mga lalaki sa hindi kalayuan. Kakilala niya yata o siguro kakilala ng isa sa mga ex niya. Marami iyon at kahit isa lang ang tinawag niya'y nagsunuran lahat. Humalo sila sa amin sa dagat. "Hi!" Si Irene ang tumawag sa kanila pero sa akin lumapit 'yong mestizo. Ngumiti lang ako pero hindi ako bumati pabalik. Hindi naman ako ang tumawag sa kanya. At hindi ko siya kilala. "Si Clementine iyan?" "Oo. Iyan nga iyon. Pinag-uusapan iyan sa school. Maganda pero masungit daw." Dalawang lalaki iyon na nag-uusap na kasama nang tinawag ni Irene. Nagbubulungan sila at pasulyap sulyap sa akin. Wala akong emosyon na ipinakita. Hindi ko rin sila binalingan kaya't akala siguro nila'y hindi ko sila naririnig. Wala lang talaga akong pakialam. Kadalasan naman, nakikisali ang mga tao kahit hindi kilala ang pinag-uusapan. Ayokong magpagod na itama ang alam nila. Lumangoy 'yong nag-hi sa akin kanina at hinarangan 'yong dalawang lalaki na pinag-uusapan ako. Nagkatinginan kami. Gwapo siya sa malapitan at mukhang may lahi rin. Mamula mula ang sobrang puting balat nito dahilan ng pagtama ng araw. Medyo mahaba ang buhok nito at mayroong biloy sa magkabilang pisngi. Naalala ko tuloy si Jax. Sa ibang school siguro nag-aaral ang mga ito. Sa mga school rito na malaki ang tuition fee. Kasi inisa-isa ko ang mukha nila pero walang pamilyar sa akin. "Pasensya na. Huwag mo na lang pansinin 'yung sinabi nila." Napakurap ako. Alam niya pa lang narinig ko. Katabi ko siya. Kung narinig niya malamang na alam niya ngang narinig ko. Napangiti ako. Sanay na akong masabihan ng ganyan. Hindi naman ganoon kasama ang sinabi nila para damdamin ko at palakihin pa. Hindi ko lang alam kung bakit nila nasabi na masungit ako. Palabati naman ako. Mahilig rin akong tumulong kahit sa mga hindi ko kakilala. Sa paraan ba ng pagtingin ko? O dahil mahilig akong mamuna ng mali at manaway? "Okay lang," sagot ko. Akala niya siguro magagalit ako. Sinulyapan ko si Irene. Abala siya sa pakikipagtawanan sa mga lalaki. Gusto ko na sanang umahon. Pero dahil nandito pa siya, hindi muna ako umalis. Napaliligiran ng mga maririlag na kabundukan ang buong lugar. Kahit saan sulok ako tumingin naroon ang mga bundok na punong puno ng mga mabeberdeng puno. Sa hindi kalayuan na batuhan ay naroon ang mga kasama namin at mga turista. Nilangoy ko iyon. Tumigil ako at naupo sa isang bato. Hindi ako nakisali, pinanuod ko lang silang kumuha ng kanya kanyang mga litrato. "I've been here for the third time. Dito ka raw nakatira? Madalas ka rito?" Gulat akong napalingon sa tabi ko. Hindi ko alam na sumunod siya. Nasa tubig ang ibabang katawan niya. Nakahalukipkip ang mga braso niya at nakapatong sa bato, sa tabi ko. Nagtagal ang titig ko sa kanya. Mahaba ang mga pilikmata nito na nakapagpaalala sa akin kay Jax. "Hindi gaano. Hindi ako palapunta sa mga beach," sagot ko sabay iwas ng tingin nang bumaling siya. Nakita ko ang gulat na rumehistro sa mukha niya bago ako nag-iwas. Kaya inasahan ko na rin na may kasunod ang tanong niya. "Bakit? Ano ang interesanteng pinagkakaabalahan mo para hindi puntahan ang ganito kagandang lugar?" "Wala," kibit balikat ko. Walang ganang makipag-usap. "School? Maglinis sa bahay? Wala namang interesante." "Oh?" Nakita ko sa gilid ng mata ko na tumango siya. "Kung dito ako lumaki siguro araw araw akong nandito." Bumalik ang mata ko sa kanya. Nagkatinginan kami. Itatanong ko sana kung saan siya nakatira bago siya lumipat dito. Hindi ko na nga lang itinuloy dahil kung gagawin ko iyon hahaba pa ang usapan namin. Sa halip na magtanong, bumaba na lang ako sa batuhan. Lumangoy ulit ako palayo. Sumunod na naman siya. Nagtaka na ako. Tumigil ako sa paglangoy at hinarap siya. Tinaliman ko siya ng tingin dahil sobrang lapit niya at iisang direksyon ang nilalangoy namin. Sa unang beses, inisip ko na nagkataon lang. Pero ngayon, natanto ko na wala siyang gagawin doon sa batuhan at sinundan lang talaga ako. "Saan ka pupunta?" Sarkastiko ang tanong ko para umalis siya at para iparating na ayokong sinusundan niya ako. Napalayo siya ng kaonti. Nagulat siya sa masungit na anyo ko. Ayoko kasi na sinusundan ako ng hindi ko naman kakilala. Kahit sino naman siguro hindi magiging kumportable sa ganoon. Gulat siya. Subalit napalitan din kaagad. Hindi nagtagal, napangiti siya at parang namangha. "Katabi namin ang cottage niyo, Miss. Babalik sana ako." Mayroon siyang itinuro na cottage. Sinundan ko ng tingin ang itinuro niya. Katabi lang iyon ng sa amin. Marami sila roon at puro kalalakihan. Dalawa lang yata ang babae. Namula ako at napahiya sa ginawang pagsaway sa kanyang sundan ako. Parang lumabas pang nanguna ako at nag-assume agad na sinusundan niya ako. Totoo man o hindi, nakakahiya pa rin dahil iisang direksyon lang naman pala talaga ang lalanguyin namin. "Sorry..." "Okay lang." Ngumiti siya. Lumangoy ulit ako. Hinayaan ko na siyang sumunod. Sinabayan niya ako sa pag-apak sa mababaw. Aahon na sana ako nang pigilan niya ako. Inunahan niya ako sa paglalakad at saka niya ako hinarap. Nakatayo na kami at magkaharap. Ngayong pareho na kaming nakaapak sa mababaw, napansin ko na matangkad siya. Kasing tangkad ni Jax o maliit lang ito ng ilang pulgada. "Clementine, right?" Tumango na lang ako dahil napahiya na ako sa una. Lumaki ang ngiti niya. Hindi nakatakas sa paningin ko ang malalim na dimples niya. Binasa niya ng dila ang kanyang labi. Napababa ako ng tingin nang inilahad niya ang kanyang kamay. "By the way, I'm Jayden-" "Clementine!" Hindi pa siya natatapos, may tumawag na sa akin. Napabaling ako sa dalampasigan. Salubong ang kilay ni Jax na naroon at galit ang tingin sa kaharap kong lalaki. Nahirapan akong huminga. Pakiramdam ko nahuli akong may ginagawang masama. Ibinalik ko ang tingin sa kaharap na lalaki. Sumulyap ito kay Jax at nagtatanong ang mga mata na binalikan ako ng tingin. Pagbalik ko ng mata kay Jax, pinanlakihan ko siya ng mga mata. Nakuha ko siya sa tingin. Nagpamewang siya at humugot ng malalim na paghinga. "Clementine! Irene! Kakain na!" Ulit niyang sigaw ngunit nasa akin lamang ang mata. Nakahinga ako ng maayos. Mas mabuti na iyon kaysa ako lang ang tinatawag niya. Hindi ko na pinansin ang kaharap. Hindi ko tinanggap ang kamay niya. Nagmadali na lang akong lumapit kay Jax. Madilim ang mga mata nitong pinanuod akong umahon. Sinalubong niya ako. "Kanina ko pa nakikita na sunod ng sunod sayo iyan. Kilala mo ba 'yang gagong iyan?" Mahinang tanong niya pagkalapit sa akin. "Hindi ko kilala..." "Ginugulo ka ba? Sasapakin ko iyan-" "Hindi! Huwag ka ngang magsimula ng gulo rito!" Naglaban ang mga titig namin. Tahimik ko siyang sinasaway gamit ang mga mata ko. Pinapagalitan naman niya ako gamit ang kanya. Kung makatingin siya akala mo naman nagtaksil ako! Nauna akong nag-iwas nang lumapit si Irene. "Lapit kasi sila ng lapit sa akin!" Nagpapaliwanag si Irene kay Jax kahit hindi naman siya tinatanong. Galit pa rin ang anyo ni Jax nang harapin si Irene. Sa palagay ko iniisip na naman nito na nagseselos si Jax dahil may kasama siyang lalaki sa dagat. Nauna na ako. Sumunod si Irene sa akin. Hindi na ako nagulat nang kausapin niya ako at sabihin na nagseselos nga si Jax. Salita siya ng salita. Ang hindi niya alam hindi ako nakikinig sa kanya. Binantayan ko ang kilos ni Jax. Umawang ang labi ko at nanlaki ang mga mata ko nang maglakad 'yung kausap kong lalaki kanina pasunod sa akin. Ni hindi ko maalala ang sinabi niya sa akin na pangalan niya. Napansin iyon ni Jax. Bago pa ito makalapit sa akin, hinarang na niya. "Bawal sa cottage namin ang hindi namin kasama sa grupo." Nakaigting ang panga ni Jax at nasa lamig ng boses na naghahamon ng away. Kinabahan tuloy ako. Kung magpupumilit itong lalaki baka mapaaway pa si Jax. Pinilit kong humakbang. Kung hihinto ako, mapapansin ni Irene ang nangyayari sa likod namin. Kinurot kurot ko ang daliri ko at naghintay ng susunod na mangyayari. Nag-usap pa sila na hindi na umabot sa aking pandinig. Nakahinga lang ako ng maluwag nang makitang lumiko ang lalaki at sa cottage nila dumiretso. Pinauna ko si Irene. Hindi naman niya napansin na nagpaiwan ako dahil nagmadali rin siya nang makita ang mga nakahain na mga pagkain. Nilakad takbo ni Jax ang pagitan namin. Tumigil siya sa tabi ko at sinabayan ako sa paglalakad. "Huwag ka nang maligo. Sa cottage ka na lang. Kung susundan ka pa ulit niyan sa dagat makakasapak na ako." "Oo na!" Sagot ko at nagmadali na rin. Baka may makapansin pang nag-uusap kami.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD