Lascivious Casanova 38

4418 Words
Pagkapasok sa cottage, sa akin siya tumabi. Naramdaman ko ang braso niya sa sandalan ng upuan ko. Hindi ko na pinatanggal kasi halatang mainit pa rin ang ulo. Kung sasawayin, baka mas mapainit ko pa. Ako na lang ang nag-adjust. Iwas na iwas akong mapasandal. Kung sasandal kasi ako, lalabas na nakaakbay siya sa akin. Nasa dulo man kami at nahaharangan ang kamay niya, inaalala ko pa rin na baka may makapansin. Kumakain na ang mga kagrupo namin pero si Coach Roiland natanaw kong nasa kabilang cottage. May kausap itong lalaki roon na kaedaran niya at mukhang katulad niyang guro rin. Sa ibang school siguro dahil hindi ko kilala ang mukha. "Saan ka nakatingin?" Pagalit na bulong ng katabi ko. Lumipat siya sa kabilang side ko upang bakuran ako. Sa laki ng katawan niya, naharangan niya si Coach Roiland sa paningin ko. Hinarap ko siya. Nasa akin ang matatalim na mga mata niya. Halos magdikit na ang kanyang makakapal na kilay dahil sa matinding pagkunot noo. Nang-aakusa na agad ang tingin wala pa man akong sagot. "Kanino pa ba? Kay Coach!" "Kay Coach ba talaga o doon sa lalaki kanina?" Tunog nagtitimpi ang boses niya. Tumingin siya sa labi ko at may tinanggal doon na kanin. Nagpapaligsahan ang masama naming tingin ngunit hindi mapigilang mapalundag ng puso ko sa pagdampi ng daliri niya sa ibaba kong labi. "Sinong lalaki? Yung kausap ba ni Coach?" Naibaba ko ang pinggan na kinalalagyan ng pagkain ko. Puro seafood iyon at karne, kakaonti lang ang kanin. Hindi kumain si Jax. Nakabantay lang yata sa akin kaya kung anu ano ang napapansin na tinitingnan ko. "Why are you staring at that man you talked to earlier? Nakita ko kayong magkausap kanina! Anong pinag-usapan niyo?" "Sino nga kasi?!" Mahinahon ang pagtatanong ko kanina. Lumakas lang ang boses ko dahil hindi ko maintindihan kung sinong lalaki ang tinutukoy niya. Pinanliitan niya ako ng mata. Nasa tingin niyang hindi siya naniniwalang hindi ko alam kung sino ang tinutukoy niya. "Nagmamaang maangan ka pa! Nakatitig ka nga! Nakausap mo lang nagwapuhan ka na?" Naguluhan ako. Kulang na lang magtanong ng 'huh?' mag-isa ang mukha ko sa kanya. Marahas ang pagkakasara ng panga niya. Wala akong maisip kung bakit bigla na naman siyang nagagalit. Nagsisimula na akong mainis. Kung hindi umahon ang inis ko mapapatitig ako sa kanya magdamag dahil ang gwapo niya kahit lukot ang mukha at problemado. Kaya lang naiirita ako sa paraan ng pagtingin niya na akala mo palagi akong may ginagawang masama! Feeling ko tuloy may nagawa ako kahit hindi ko alam kung ano iyon! Binalikan ko ng tingin si Coach at sinubukan alamin kung anong pinagmumulan ng galit ni Jax. Saka ko lang napansin na ang cottage na iyon ay ang parehong cottage na itinuro sa akin ng lalaking kausap ko kanina. Katabi ito ng kausap ni Coach Roiland. Nakatitig sa akin ang lalaki at dahil nasa kabilang tabi ko si Jax kanina hindi niya nakikita ang mata ko, iniisip niyang nakikipagtitigan ako roon sa lalaki dahil doon nakaharap ang mukha ko! "Tangina naman... Sa harapan ko pa talaga, Clementine?" Namumula ang mga mata niya sa galit. Likas na siyang palamura. Pero parang gusto kong tampalin ang bibig niya ngayon. Sinulyapan niya 'yong lalaki at saka ako. Nahuli niya ngayon na nakatingin ako roon! Parang pinatunayan ko na rin na totoo ang akusa niya na nakikipagtitigan ako! Iritadong iritado na lalo ang itsura niya. Kaonti na lang parang sasabog na. Napanganga ako. Biglang sumakit ang ulo ko kay Jax. Nilapag ko ang pagkain sa lamesa. Walang nakakapansin na nag-uusap kami dahil kumakain silang lahat. Hinarap ko si Jax na aburido ang itsura at tila nadagdagan ng sampong taon ang edad. "Ngayon lang ako tumingin dahil ngayon ko lang siya nakita! Pero hindi ako nakikipagtitigan kanina! Kay Coach nga ako nakatingin!" Maagap na paliwanag ko na malinaw na hindi niya paniniwalaan. "Kung alam ko lang na tipo mo ang mahahabang buhok hindi na sana ako nagpagupit! Kapag nagkagusto ka diyan buburahin ko sa mundo iyan!" Siniko ko siya ng malakas sa tagiliran. Anong buburahin? Gunggong ba siya? Magpapaka-kriminal siya para lang sa babae? Biro man iyon o hindi, hindi pa rin magandang pakinggan! Naibaba niya ang kamay niyang nasa sandalan ko para himasin ang tagiliran niyang nasaktan dahil siniko ko. Galit na galit ang mga mata niya. Namumula pa siya dahil itinaga niya na talaga sa isip niyang doon ako sa lalaki nakatingin! Kahit hindi naman talaga! "Sinasaktan mo pa ako? Nagagalit ka? Ipagtatanggol mo pa iyan? Ipagpapalit mo ako diyan?" Napatanga ako sa kanya. Ano siya? Batang limang taon na tinatantrums? Halos mapatampal ako sa aking noo. Padabog siyang tumayo at lumipat sa dati niyang upuan. Katabi niya na si Peter. Inagaw niya rito ang dapat na shot nito at siya ang uminom niyon. Napailing lang ako sa inasta niya at mas nadagdagan ang inis. Siraulo siya! Kung ayaw niyang maniwala hindi na ako ulit magpapaliwanag sa kanya! Sino bang maha-high blood? Siya rin naman dahil mali mali ang iniisip niya! Ginagalit niya lang ang sarili niya ng wala namang dahilan! Inirapan ko siya nang naging sunod sunod ang paghingi niya ng shot. "Guys!" Kinuha ni Coach Roiland ang atensyon naming lahat. Nasa pinto siya ng cottage at kasama 'yung guro na kausap niya kanina. Ipinakilala niya iyon sa amin na Mr. Manalo. "Ayos lang ba sa inyo na maki-share na lang tayo ng bangka?" Si Coach ulit. Napaayos sa pagkakaupo si Jax. Binaba niya ang hawak niyang baso sa lamesa. Tiningnan niya ako. Halatang hindi niya gusto ang gustong mangyari ni Coach. "Bakit Coach?" Si Peter ang nagtanong. "Nagkaubusan kasi ng bangka dahil maraming turista. Narentahan na nila ang huling bangka. May mga activities na rin sila. Sino rito ang gustong sumama na lang sa activities nila? Bayad na nila kaya wala na tayong gagastusin!" "We don’t have to go with them, Coach. How about I rent a yacht?" Si Jax. Gusto niyang ipilit na humiwalay kami. "Wala na rin. Naunahan tayo ng mga dumagsang turista. Malaking customized boat lang ang natira at narentahan na nila. Kung hindi tayo sasama sa kanila wala tayong mapupuntahan." Hindi na sumagot si Jax. Malalim siyang huminga at inabot ang baso na may lamang alak. Habang nakatingala siya at nasa labi ang baso, matalim ang tingin nito sa akin. Mariin kong naisara ang aking bibig. Naiinis ako dahil pinagbibintangan niya akong may gusto roon sa lalaki! Ni hindi ko nga maalala ang pangalan na sinabi nito! Kung interesado ako roon, sana hindi ako umalis sa batuhan kanina! Mainit pa rin ang dugo ko kaya wala akong balak na sumama. Hindi ako mag-eenjoy sa lagay na ito. Ang mga babae nagkanya kanya na ng tayo at nagtaas na ng mga kamay para ipaalam na sasama sila. Ganoon rin ang mga lalaki. Si Jax at ako lang ang nanatili sa upuan. "Ikaw Jax? Miss Alvarina?" Si Coach nang mapansin kami. "Dito na lang ako, Coach..." si Jax. Napatingin siya sa akin. Nangungusap ang pares ng mata niya at sinasabi na huwag akong sumama. "Halika na!" Pero bago pa ako umayaw, hinila na ako ni Irene sa braso patayo. Lahat sila gustong sumama. May plano si Coach na activities dapat sa dagat. Kakailanganin ng sasakyang pandagat. Wala nang natira at hindi nakapag-pareserve si Coach dahil biglaan. Maswerteng kakilala ni Coach ang kabila. May instant bangka at activities na. Higit sa lahat ay libre kaya siguro lahat sila nag-uunahan. Napatayo ako. Nakalabas na ako sa cottage at hila hila ni Irene nang makita kong tumayo na rin si Jax pasunod kahit labag sa kanyang loob. Walang tao roon. Sasama rin ako. Kaya siguro sasama na rin siya. Dahil nga ang kabilang grupo ang nagbayad, kasama roon 'yung nakausap ko kanina. Dumaan ito sa harapan ko. Nagkatinginan kami. Napasulyap lang ako kaya nagtama ang mga mata namin. Na binigyan na naman ng ibang kahulugan ni Jax! Hinarangan niya yung lalaki para hindi ko makita. Pagilid niya akong tiningnan ng masama. Tinapos niya lang ang pagpatay sa akin sa tingin niya nang makarating kami sa bangka na gagamitin. Ayokong nag-aaway kami. Ganoon na nga kami dati, hanggang ngayon ba naman na boyfriend ko na siya? Pero hindi ko maiwasan na mainis ng mainis. Hindi ko naman kinausap 'yung lalaki! May mga mata ako kaya normal lang na napapatingin ako kaya anong problema nito?! Anong gusto niya? Pumikit ako kapag mapapadaan ang lalaki na iyon sa harapan ko?! Eh 'di nagmukha akong tanga no'n! "Psh! Isip bata!" Sa isip ko lang dapat iyon. Naisatinig ko. Mabuti na lang at hindi narinig ni Irene. Abala akong magalit kay Jax. Hindi ko na nakita kung kanino ako tumabi pagka-akyat sa bangka. Nakarinig lang ako ng tuksuhan kaya napalingon ako. "Jayden, pagkakataon mo na iyan!" "Hindi na matotorpe itong manok natin! Palay na ang lumalapit!" "Malapit na ito magkaroon ng girlfriend!" "Tigilan niyo nga! Nakakahiya!" Saway ng katabi kong lalaki. Namumula ito pagbaling sa akin. Napakurap ako nang matanto na sa tabi niya ako naupo. Kusang lumipad ang mga mata ko kay Jax. Kahit nakagilid ang mukha, pansin ko ang mas pagkiskisan ng panga niya. Kunot ang noo at salubong ang kilay. Ang isang braso niya ay nakapatong sa gilid ng bangka. Sa dagat ang tingin niya ngunit nakakuyom ang kamay. Mukhang iniisip na naman nito na sinadya kong tabihan itong lalaki! Nabanggit ng mga kaibigan nito na Jayden ang pangalan niya. Nakalimutan ko iyon kanina at ngayon ko lang naalala. Gustuhin ko man lumipat ng pwesto para hindi mag-isip ng kung ano si Jax, hindi ko na nagawa nang umandar na ang bangka. Puno na rin dahil marami kami kaya't wala na akong malilipatan. Mahirap ang relasyon namin kumpara sa iba. Hindi niya ako nababawalan at hindi niya ako maaaring patabihin sa kanya. Kung magseselos ang isa, mas mahihirapan kaming dalawa. Hindi ko siya gustong magkaganyan. Kung nagseselos man siya dahil seloso siya, hindi ko iyon sadya. Masiyado lang siyang paranoid at pinapahirapan lang ang sarili niya. Ginaya ko siya. Sa dagat na rin ako tumanaw. Hindi man siya nakatingin sa akin. At least iisang dagat ang tinatanaw namin. Bakit pakiramdam ko ang sama ko kay Jax dahil hindi niya magawa ang mga ginagawa ng normal na boyfriend sa girlfriend nila? Pati na rin sa paglilihim ko sa mga magulang ko. Ganoon na rin kay Irene na may gusto kay Jax. Kaya lang wala akong magagawa sa ngayon. Hindi ko pa kayang ipaalam sa ibang tao. Lalo na sa mga magulang ko. Wala akong lakas ng loob o siguro nahihiya pa rin ako na ipaalam sa kanila na boyfriend ko si Jax. Oo na, masama akong girlfriend. Hindi ko siya maipagmalaki sa iba. Kahit mag-isip ako ng kahit anong rason ngayon, hindi papayag sila nanay at tatay kay Jax. Gusto nilang bawasan ko ang pakikipag away sa kanya. Pero hindi nila gugustuhin na makarelasyon ko siya. Kung sasabihin ko sa lahat na nagbago na si Jax, walang maniniwala. Baka mapagtawanan pa ako at sabihan na napa-praning. Sino ba naman kasing tao ang magbabago sa loob lang ng isang linggo? Ikukumpara lang kami sa isa't isa. Na kung bakit si Jax. Ayoko ng mga tanong. Ayokong makarinig ng panghuhusga sa akin man o kay Jax. Baka makaapekto iyon sa pag-aaral ko at hindi ako makagraduate na may mataas na grades. Iyon na nga lang ang pangarap ko, hahayaan ko pa bang masira? Naisip ko rin na nakakahiya iyon sa mga magulang ko dahil sa kanila pa ako nakatira. Ni hindi pa ako tapos mag-aral. Hindi pa kami tapos ni Jax. Kung ano man ang mga pangaral at ginagawa nila, para iyon lahat sa akin. Mahigpit sila at masiyadong maingat sa akin pero sa huli, naiintindihan ko na para sa akin iyon. Masasaktan sila at madidisappoint kung malalaman nila. Mawawalan na sila ng tiwala sa akin sa susunod. Kung gusto namin itong ituloy ni Jax, kailangan namin masanay na ganito at maghintay ng tamang panahon kung kailan pwede na. Kung gusto niya talaga ako, makakapaghintay siya. Kung hindi, siguro hanggang doon lang talaga kaming dalawa. "Kanino may gusto si Jayden?" May panunuksong tanong ni Mr. Manalo sa mga estudyante niya na panay ang tuksuhan. "Kay Clementine, Sir!" "May crush iyan kay Clementine, Sir!" "Matagal nang may gusto kay Clementine iyan, Sir!" Sabay sabay na sagot nilang nagpagulat sa akin. Naririnig kong tinutukso nila itong katabi ko pero wala silang binabanggit na pangalan. Ngayon na tinanong sila, lahat sila sabay sabay at maingay na isinagot ang pangalan ko. Gulantang kong nilingon ang katabi ko. Hindi ito makatingin sa akin pero namumula ang batok. Lalo tuloy siyang tinukso. Pati mga kagrupo namin nakisali na. Ako naman ang tinutukso nila. Si Irene sa tabi ko, itinutulak pa ako palapit doon sa Jayden kahit katabi ko lang naman ito. Nagkakabungguan na ang mga braso namin. "Sobrang pula ni Jayden! Kinikilig!" "Ligawan mo na, Den! Magaling kang kumanta, 'di ba? Haranahin mo na!" Hindi pa rin siya makatingin sa akin. Apektadong apektado siya sa panunukso. Wala lang ito sa akin. Sa school noon sa tuwing may ganito, nilalagpasan ko lang. Ang iniisip ko lang ay si Jax. Kanina pa mainit ang ulo niya. Napatungan pa ng napatungan. Kung dating Jax ito siguro napaaway na siya ngayon. "Huwag niyong asarin baka magkadevelopan!" Isa sa mga kagrupo ni Jax ang nagsabi. "Nadevelop na nga si Jayden! Nakita niya si Clementine na sumayaw! Hindi na nakalimutan! Muntik na magpatransfer sa school niyo iyan kung hindi lang napigilan ng magulang!" Mahabang litanya ng kabilang grupo. Nagtawanan sila. "Maraming nagkakagusto diyan! Hindi lang makalapit! Baka maunahan ka! Ligawan mo na habang single pa!" Natatawang turan ulit nang kagrupo ni Jax. May kakilala yata sa kabilang grupo kaya kanina pa nakikisali. Namataan ko ang pagbaling ni Jax sa kagrupo niya at igting panga na masama itong tiningnan. Tumatawa iyon at lingid sa kanya ang masamang titig sa kanya ni Jax. Nagkatinginan kami ni Peter na tahimik lang at hindi nakikisali sa tuksuhan. Napapailing siya at mukhang handang umawat kung sakaling biglang atakihin ng pagiging basagulero si Jax. Nangangamba na rin ako dahil taas baba ang dibdib ni Jax patunay na nagpipigil siya ng emosyon. Bumalik ang tingin niya sa dagat. Mabilis ang kanyang paghinga at mukhang kinakalma ang sarili. Mariing nakasara ang labi nito na para bang pinipigilan niyang magsalita dahil hindi tumitigil ang panunukso sa amin ni Jayden. Pagkadaong sa unang isla na pinuntahan, muntik pa akong matumba kung hindi ako nahawakan sa bewang ni Jayden. Mabilis din naman akong humiwalay pero maraming nakakita no'n. Naging mitsa na naman tuloy iyon ng tuksuhan. "Are you fine?" Si Jayden. Naiilang akong tumango. "Pasensya na sa-" "Padaan!" May sasabihin sana si Jayden kung hindi lang sumingit si Jax. Hindi iyon natuloy. Naputol ang sasabihin niya dahil dumaan si Jax sa gitna namin. Pareho kaming napaatras palayo. Sinundan ko ng tingin si Jax na nilagpasan ako pagkadaan niya. Napapabuga na lang ako ng hangin. Buong araw yata itong magiging malamig sa akin. Nakikisabay na lang ako sa hila ng mga kasama. Wala ako sa sariling nakisali sa mga activities. Kahit nang mag-dive at snorkeling, wala sa mga naggagandahang laman dagat ang isip ko. Naiwan sa bangka. Hindi nagtatama ang tingin namin ni Jax dahil umiiwas siya. Lahat nagsasaya sa dagat at naliligo maliban sa kanya na nagpaiwan sa bangka at nakatitig lang sa malayong parte ng karagatan. Napansin na nga ni Coach ang pananahimik niya ngunit pinabulaanan niyang ayos lang siya. Hindi pa nakatulong na sa bawat pag-ahon ko'y nasa harapan ko si Jayden. Hindi ko napapansin na katabi ko pala siya. Pati sa mga picture taking sinasadya ng mga kasama namin na itabi siya sa akin. Sa ganoong pagkakataon pa kami nagkakatinginan ni Jax kaya't alam kong nakikita niya. Kahit nang magkayayaan sa kabilang isla na kumain, wala siyang imik. "Masipag ito! Matalino at mabait! Idagdag mo pa na gwapo at mayaman! Wala ka nang hahanapin pa sa kaibigan namin, Clementine!" Patungo kami sa kakainan. Kanina pa siya ibinebenta sa akin ng mga kagrupo niya. Pati guro nila nakikitango at nakikitawa. Hindi niya ako katabi kanina dahil sinadya kong hindi siya tabihan pero pinalipat pa siya sa tabi ko ng mga kasama namin. "Wala ka bang boyfriend, Clementine?" Si Mr. Manalo ang nagtanong. Walang panunukso roon at mukhang gusto lang talagang malaman. "Walang boyfriend ito, Sir! No boyfriend since birth! Virgin pa ito!" Mayabang na sabi ni Irene na inakbayan pa ako. Pinamulahan ako nang magtawanan sila. Tahimik na lang ako. Medyo hindi na ako kumportable. Madalas talaga walang preno ang bunganga nitong si Irene. Kung kasama namin si Cathy baka nakutusan na siya. Sila ang madalas magsagutan. Ako, tagakinig lang. Taga-awat na rin kapag nagkakainitan na sila. Magkaiba ang personality at pananaw nila kaya madalas talagang magdebate na nauuwi sa away. May pagka-reserved si Cathy. Samantalang si Irene sasabihin kung ano ang maisip. Walang filter. Ako naman ang nasa gitna nila. Minsan reserved at minsan walang filter. Sa dalas ko silang kasama na-adopt ko na rin yata pati ang mga ugali nila. Minsan naguguluhan na rin ako kung sino sa kanila ang tama. "Bakit hindi ka pa nagkakaboyfriend?" Babae galing sa kabilang grupo ang nagtanong sa akin no'n. Hindi ko alam ang pangalan. Nagkatinginan kami ni Jax. Hindi naman siya galit. Nag-iwas lang siya. Siguro dahil alam niyang hindi ko pwedeng sabihin na mayroon akong boyfriend at... na hindi na ako virgin. Iritado lang talaga siya simula pa kanina. Hindi ko sinagot ang tanong ng babae. Kay Mr. Manalo ako sumagot. "Hindi ko pa po iniisip ang mga iyan, Sir. Bata pa po ako para diyan-" "Anong bata? Hindi na tayo teenager! Twenties na tayo kaya matanda na tayo Clementine! Nakailang boyfriend na nga ako!" Si Irene. Sinundan iyon ng pagsang-ayon ng mga naroong babae. "Hindi pa ako tapos mag aral-" "Pwede ka naman mag-aral kahit may boyfriend ka ah! Gawin mong inspirasyon para mas tumaas ang grades mo! Tsaka ang tataas na ng grades mo gusto mo pa yatang palampasin sa uno!" "Magkaiba tayo. Hindi kasi mahigpit ang magulang mo, Irene. Pinapayagan ka na, ako hindi pa." "Gaano ba kahigpit sina Tito Gary? Napayagan ka naman nila na lumabas ngayon!" "Ngayon lang ito dahil ngayong taon ngayon lang naman ako sumama. Pero kung magpapaalam pa ako sa susunod na mayroong outing hindi na ako papayagan." "Eh 'di patago na lang? Mag-boyfriend ka pero huwag mong ipaalam!" Sinundot niya ako sa tagiliran at may kahulugan na nilingon si Jayden. Hindi na ako sumagot dahil bago niya pa sabihin, iyon na ang ginagawa ko ngayon. Kung magsalita pa siya akala mo naman tumaas ang grades niya. Hindi naman mahirap pagsabayin iyon lalo kung hindi paghahaluin ang love life at pag-aaral. Pero mas mabuti na ring sabay kayong nag-aaral. Kapag tinuruan ko si Jax, sabay kaming mag-aaral. May boyfriend na ako, makakapag aral pa ako ng maayos. Hindi ko nga lang pwedeng sabihin iyon sa kanila. "Ikaw ba Jayden? Nagkagirlfriend ka na?" Si Coach Roiland naman ang nagtanong rito. "Hindi pa, Sir." Nagtawanan ang mga kaibigan niya. Inaasar siyang torpe 'tapos titingin sa akin. "Ayaw mo o wala ka lang nagugustuhan?" Kuryusong tanong ni Coach Roiland. Sinulyapan ako ni Jayden nang malipat sa kanya ang tanong. Umiling siya at ngumiti. Nag-iwas ako. Nagbaba ako ng tingin nang umamba siya ng pagsagot. Bukod sa hindi ako interesado, umiling siya kaya naisip kong katulad sa akin ang isasagot niya. Na wala siyang time o gusto muna niyang makapagtapos bago iyon. "I like someone, Sir. But I don't think she's ready for a relationship. Wala pa akong naging girlfriend. Pero kung... kung magpapaligaw po si Clementine..." Hindi na siya natapos dahil natabunan na iyon ng sigawan at panunulak sa aming dalawa. Suminghap ako. Nagtaas ako ng tingin. Nagtama ang mga mata namin ni Jayden. Napapaiwas siya dahil sa panunulak sa kanya ng mga lalaki. Muntik nang malaglag ang panga ko. Hindi man direkta, parang sinabi niya na rin na manliligaw siya. Hindi ko alam kung paano magre-react. Gusto kong sabihin na kung manliligaw siya, babastedin ko lang siya. Gusto ko iyon sabihin pero hindi ko mailabas iyon sa aking bibig dahil tinutukso siya at ayokong mamahiya ng tao sa harap ng maraming tao. Hinawi ko ang kamay ni Irene na kinikilig at wala ring tigil ang pagtulak sa akin. Hinanap ng mga mata ko si Jax para ipaalam na hindi ko rin gusto ang panunukso nila. Na hindi ko lang masagot ang mga estudyante dahil nakikisali ang mga guro at ayokong mabastusan sila sa akin. Hindi ko nga lang nahuli ang mga mata niya. Likod niya lang ang naabutan ko dahil tinalon ni Jax ang bangka hindi pa man tuluyang nakakadaong sa dalampasigan. Para bang hindi na niya matagalan kaya nauna na siyang bumaba. Sinundan siya ni Peter. Tinapik siya nito sa balikat. Hindi niya ito nilingon. Nakapamulsa lang si Jax at diretso ang lakad papunta sa cafe na kakainan. Nauna sila Jax kaya kung saan sila nakaupo doon na rin kami mauupo. Nagpatiuna ako kay Irene. Balak kong tumabi kay Jax para pasimpleng maiparating ko sa kanya ang paghingi ko ng pasensya. Wala man akong masamang ginawa o sinabi, parang mayroon na rin. Nang nasa lamesa na, paikot na sana ako. Kaya lang bago pa iyon, nauna nang maupo 'yung dalawang babae ng kabilang grupo sa tabi niya. Wala akong nagawa kundi sa tapat niya na lang maupo dahil sa kabila'y katabi niya si Peter. At dahil nga inaasar ako kay Jayden. Sa tabi ko nila siya pinaupo. Bumuntong hininga ako at naisip na mamaya kapag pauwi na saka ko na lang siya kakausapin. Habang kumakain, tahimik ang lahat. Nang makakain na ng sapat at paubos na ang nakahain saka lang ulit sila mga nag-ingay. Palubog na ang araw. Nasa labas ang lamesa na napili nila Jax. Pabaling baling ako kay Jax kaya alam kong kaunti lang ang nakain niya katulad ko na walang gana. "Okay na ako, Jayden. Salamat na lang," tanggi ko sa dessert na inaalok niya. Tumayo si Jax at pumasok sa loob ng cafe. Mukhang kakilala siya ng may ari. Pagkatapos roon, lumabas ulit siya at bumalik sa kanyang upuan. Hindi siya lumilingon sa katabi niyang babae, kay Peter lang. Nasisinagan ng kulay kahel na sinag ng araw ang mukha niya. Nag-iba ulit ang kulay ng kanyang mga mata at halos hindi na makita ang kanyang pilikmata dahil may pagkakulay brown iyon. Nasa tapat niya ako ngunit hindi niya ako kahit minsan tinapunan ng tingin. "Mag-bill out na tayo!" Si Coach Roiland sabay labas ng wallet. Pinigilan iyon ni Jayden. "Ako na ito, Sir!" "Naku, nakakahiya! Wala na kaming ginastos! Magbibigay na kami rito!" "Hindi na po! Ako na po talaga!" Nagpumilit si Coach Roiland kaya inabot ko ang maliit na dala kong bag. Binuksan ko iyon at kinuha ang wallet ko para makapagbigay ng share sa pagkain kahit hindi niya ako hinihingian. Subalit hindi pa nailalabas ang pera, inawat na ako ni Jayden. Hinawakan niya ako sa pulso. Napaawang ang labi ko at napatingin sa kanya. Nagkatitigan kami. Maliit siyang nakangiti sa akin. Pinamulahan ako dahil sa kahihiyan na hinawakan niya ako at pinapanuod kami ng lahat. "No, Clementine. I will pay. It's my treat-" "Your treat? Really?" Malamig na putol ni Jax. Sarkastiko ang tinig. "I don't think it's your treat because I already paid for it." Napunta sa kanya ang tingin namin ni Jayden. Parang isang taon kong hindi narinig ang boses niya kaya nang magsalita siya'y parang may kung anong humalukay sa tiyan ko. Hawak na niya ang resibo at bayad na lahat. Masama ang ibinatong tingin nito sa kamay ni Jayden na nasa pulso ko. Tumayo siya at mayabang na ibinaba ang resibo sa lamesa. Tiningnan niya ako. Naipon sa mga mata niya ang kanina pa niyang pinipigilan na emosyon. Hindi ko na iyon mabasa at parang naghalo halo na ang mga iyon roon. "Let's go. I want to go back to the cottage now." Nakatingin siya sa akin na parang ako lang ang kausap niya at sa akin niya iyon sinabi. He sounds very annoyed. It was as if it was his last straw and if we don't go now he will explode. Kinabahan ako. Padarag kong nabawi ang aking kamay mula kay Jayden at agad akong napatayo. Nagtaka siya dahil nakita niyang sa akin nakatingin si Jax at nataranta ako. Nagkilusan na rin ang mga kasama namin. Mas naging mabilis ang biyahe ng bangkang de motor ngayong pabalik kaysa kaninang papunta. Nang nasa cottage na. Nagsimula ulit silang mag-inuman at wala pang balak mga magsi-uwian. Humalo na rin sa amin ang grupo ng kabila. Si Jayden, patingin tingin sa amin ni Jax at nakikiramdam. Para bang may napansin siya na hindi napapansin ng iba. Pagkatapos ng tatlong shot, nakita kong tumayo si Jax. Nagpaalam ito na magbabanyo lang. Sinulyapan niya ako bago siya lumabas sa cottage. Hindi pa nakakatatlong minuto, naramdaman ko ang pagvibrate ng cellphone niya sa aking bag. Kinuha ko iyon at nakitang may message siya. Jax: I didn't like what you did today. Calm me. Come here. Mag-usap tayo. Me: Nasaan ka? Jax: Sa pinakadulong shower area. Me: Okay. Papunta na ako. Sinarado ko ng maigi ang bag. Nang makitang abala na silang lahat at maging ang mga babae ay nag-iinuman na. Unti unti na akong tumayo para umalis. Hindi na ako tumigil sa mga naunang shower area at sa dulo na ang tungo ko dahil doon ang sinabi ni Jax. Malayo pa lang natanaw ko na siyang nakasandal sa gilid ng pinto. Pinanuod niya akong lumapit sa kanya. Walang emosyon ang mukha niya na mas lalo kong ikinabahala. Nang ilang hakbang na lang ang layo ko, tumayo siya ng maayos at pumasok sa loob ng banyo. Tumigil ako upang igala ang tingin sa paligid. Walang pumapasok rito dahil mas malapit ang mga nasa unahan na pinto na walang laman. Tago rin rito at iisipin mong abandunado kahit malinis naman. Huminga ako ng malalim saka sumunod sa kanya papasok. Isinarado ko ang pinto. Pagpasok ko, nakaabang na ang tingin niya. Nakapamulsa siya sa bulsa ng suot niyang swimming shorts. Nakaputi siyang sando. Bahagya siyang naka-uklo at nakasandal sa hamba ng pinto ng isa sa mga shower cubicle. Medyo madilim sa loob ng banyo ngunit mas madilim ang kanyang mga mata. Napalunok ako. Lumakas ang kalabog ng dibdib ko nang magkatinginan kaming dalawa. "I am furious, Clementine. I am livid. I lost my temper and you see I am seething angry right now." Kinilabutan ako. Ramdam na ramdam ko sa boses niya't nakaigting na panga ang naipon niyang galit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD