Third Person's POV
Nang makarating sila sa event place, dalawang puting van ang nanatiling nakaparada sa hindi kalayuang bahagi ng compound. Nakatago ang mga ito sa likod ng isang hanay ng matataas na puno, malayo sa mata ng mga bisita. Sinigurado ni Sebastian na walang surveillance camera ang makakasakop sa kanila, maingat na pinag-aralan ang bawat sulok ng lugar bago sila tuluyang nagmasid.
Sa loob ng sasakyan, hindi na bumaba sina Alejandro. Sa halip, kinuha niya ang binocular at pinagmasdan ang eksena mula sa malayo. Tahimik ang paligid, pero ramdam ang tensyon. Walang nakakaalam na ang bride na hinihintay ng lahat ay nasa kanya na.
Ang event place ay isang eleganteng estate na madalas gawing venue para sa mga high-profile weddings. Engrandeng gusali na may malalaking arko, marmol na sahig, at kumikislap na mga chandelier ang bumabalot sa buong lugar. Sa labas, ang hardin ay puno ng puting bulaklak at mahahabang kurtina na malayang sumasayaw sa ihip ng hangin. Ang altar ay itinayo sa harap ng isang malawak na fountain at may fairy lights na nag bibigay kinang sa paligid. Lahat ay maayos, perpekto—maliban na lang sa isang bagay. Wala ang bride.
Habang tumatagal, nagsisimula nang mag-usap-usap ang mga bisita. Ang ilang dumalo ay palihim nang sumisilip sa kanilang relo, habang ang iba naman ay panay ang tanong sa mga coordinator kung bakit hindi pa nagsisimula ang seremonya. Halata ang iritasyon sa mukha ng pamilya De Luca, lalong lalo na kay Mariano, na sa kabila ng pagpipigil magalit ay hindi maitago ang pagngalit ng kanyang panga. Habang paulit-ulit na kinokontak ni Mariano ang kaniyang anak, biglang lumapit sa kaniya si Bryce na nagngangalit din ang panga. "Asan na yang magaling mong anak?" humithit ito ng tobacco bago muling pinagpatuloy ang sasabihin, "Alam mo ang kasunduan, De Luca. Kapag hindi ikinasal ang anak mo sa anak ko, lahat ng kontrata ay matatapos at lahat ng ginasta ko sa Cartel mo ay ibabalik mo sa akin." hindi nakasagot si Mariano kay Bryce dahil alam nya na di hamak na mas malakas ito kaysa sa kanila. Bukod duon ay si Bryce din ang dahilan kung bakit nagpapatuloy ang operasyon ng kaniyang Cartel.
Ang groom naman ay mukhang mas lalong kinakabahan sa bawat minutong lumilipas. Pawisan, palakad-lakad, at panay ang hingang malalim na tila pinipigilan ang sariling huwag matumba. Para kay Bryan, mahalaga ang kasal na ito sa kaniya dahil ang kasunduan ay, kapag ikinasal na sila ng anak ni Mariano De Luca na si Serena ay mapapa sakanya ang trono ng pagiging leader ng Hargrove Cartel. Sobrang laking bagay nito para sa kaniya dahil sya lang ang kaisa-isahang anak ni Bryce Hargrove at kapag hindi nya nakuha ang titulo, ipapasa ito sa kapatid ni Bryce.
Sa isang mesa, dalawang matandang ginang ang nag-uusap habang panay ang sulyap sa altar.
"Sa tingin mo ba, tinakasan na nung babae yung groom?" bulong ng isa habang sinisiko ang katabi.
"Eh kung ikaw kaya ipapakasal sa isang mukhang patay na pusa, hindi ka rin ba tatakbo?" sagot naman ng isa, dahilan para mapatawa ang waiter na naglalapag ng tubig sa kanilang lamesa.
"Ano kayang gagawin sa buffet kung hindi na matuloy ‘to?" biglang tanong ng isa pa, mas seryoso ang tono.
Napakunot-noo ang waiter, napatingin sa kanila. "Ma’am, kung gusto niyo pong unahan na yung buffet, ako na lang po magsasabi sa bride kung dumating siya."
Natahimik ang dalawang matanda, pero sabay din silang tumango, tila nag-iisip kung paano maayos na madadala ang pagkain pauwi.
Samantala, sa loob ng sasakyan, halos hindi na mapigil ni Rico ang tawa habang nakatitig sa binocular.
"Pre, ang saya panoorin ng groom! Parang gusto nang sumubsob sa fountain," aniya, pilit na pinipigil ang halakhak.
Hindi sumagot si Alejandro, pero bahagyang napailing. Tahimik lang siyang nakamasid, pinapanood ang kaguluhan sa malayo.
"Wala pa yatang nakakapansin na wala talaga yung bride," patuloy ni Rico. "Pero malapit na. Ilang minuto na lang, may magkakagulo na."
Hindi nagkamali ang hula niya. Ilang sandali lang, ang wedding coordinator ay nagmamadaling lumapit sa groom at may ibinulong. Halata sa mukha ng lalaki ang unti-unting pagkawala ng dugo sa kanyang balat, kasunod ng unti-unting pagyuko na tila ba hinihintay na lang na lunurin siya ng sarili niyang kalungkutan.
Napangisi si Alejandro, ibinaba ang binocular at umayos ng upo.
"Umalis na tayo."
Tumigil sa kakatawa si Rico, nagtatakang napatingin sa kanya. "Ayaw mo ng panoorin kung paano nila aayusin 'to?"
"Alam na natin ang ending," sagot niya, saka sumandal. "Wala na siyang babalikan."
Meanwhile, habang nakatingin si Mariano sa kaniyang phone at nag-aantay ng pagsagot ng kaniyang anak, naglalakbay ang kaniyang utak nung linggo bago pa ang kasal...
▄︻デ══━*💥
Flashback
Habang nakaupo si Serena sa gilid ng kanyang kama, nakayuko siyang nakatitig sa kanyang mga kamay na mahigpit na magkasalikop sa kanyang kandungan. Ramdam niya ang bigat sa kanyang dibdib, isang bigat na ilang linggo na niyang kinikimkim, pero ngayon ay hindi na niya kayang itago pa.
"Dad," mahina ang kanyang boses, halos isang bulong sa pagitan ng kanilang katahimikan. "If ever na hindi ako sumulpot sa kasal… masisisi mo ba ako?"
Mabigat ang hangin sa loob ng silid at tila ba parang huminto ang oras sa pagitan nilang dalawa. Hindi agad sumagot si Mariano De Luca, na kanina pa tahimik na nakatayo sa harapan ng kanyang anak. Sa unang pagkakataon, ang lalaking palaging matatag at walang bahid ng panghihina ay napasinghap, tila hindi inasahan ang tanong na iyon mula kay Serena.
Dahan-dahan siyang lumapit, saka lumuhod sa harapan ng kanyang anak. Gusto niyang makita ang mukha nito nang malapitan, gusto niyang malaman kung gaano kabigat ang dinadala nito.
Nang magtama ang kanilang mga mata, nakita ni Mariano ang lungkot sa mga mata ni Serena, hindi lang basta pangamba o pag-aalinlangan, kundi isang mas malalim na uri ng sakit. Sa unang pagkakataon, nakikita niya ang tunay na damdamin ng kanyang anak, hindi ang Serena na laging tahimik na sumusunod, kundi ang Serena na natatakot, naguguluhan, at tila ba gustong tumakas.
Humugot siya ng malalim na hininga bago nagsalita. "Anak," mahina ang boses nya pero na nanatiling matatag. "Pasensya na kung nabulag ako sa pera at kapangyarihan. Alam kong hindi dapat ako ang nagdesisyon ng kapalaran mo."
Tinitigan niya ang anak, sinubukang alamin kung may pag-asa pa siyang bumawi, kahit na alam niyang huli na ang lahat.
"Akala ko noon, ginagawa ko lang ang tama. Na sa mundo natin, walang espasyo para sa damdamin, para sa pagmamahal. Na ang buhay mo ay dapat na itakda sa kung ano ang makakabuti para sa ating pangalan, sa ating pamilya," patuloy niya, ramdam ang bahagyang panginginig ng kanyang boses. "Kung pwede ko lang bawiin ang kontrata, matagal ko na sanang ginawa." kaso ay hindi pwede dahil pagbabayaran ng pamilya natin... ko... kapag binawi ko ang kasunduan.
Tahimik si Serena, ngunit sa loob niya, gumuguhit ang bawat salitang sinasabi ng kanyang ama.
"Pero ngayon," muling nagsalita si Mariano, mas mahina na, halos isang bulong. "Ngayon ko lang napagtanto na dapat pala ay hinayaan kong ikaw ang mag desisyon ng buhay mo." napahinto ito ng kaunti bago muling nagpatuloy, "Buhay mo yan..." aniya habang tinuturo si Serena, "At ikaw lang ang nakaka-alam kung ano ang mas nakabubuti sayo."
Saglit siyang tumigil, pinunasan ang sariling mukha gamit ang kamay, bago tumingin muli sa anak.
"At kung pipiliin mong hindi sumulpot sa kasal… hindi, anak. Hindi kita masisisi."
Dahan-dahang lumuwag ang pagkakahawak ni Serena sa kanyang mga kamay, pero hindi siya agad nagsalita. Ito na ba ang hinihintay niyang kasagutan?
Kung hindi na siya obligado sa kasal, kung may pagkakataon siyang lumayo… bakit pakiramdam niya ay parang wala na siyang pagpipilian?
Sa sandaling ito, gusto niyang maniwala na may iba pang landas. Pero ang tanong ay hindi na kung may pagpipilian siya—kung hindi, kung may oras pa ba siyang pumili bago maging huli ang lahat.
But then, alam ni Serena na may kapalit ang anumang desisyong gagawin niya. Hindi lang ito simpleng pagtalikod sa kasal, ito ay isang hakbang na maaaring magdulot ng mas malaking gulo, hindi lang sa kanya kundi sa buong pamilya niya.
Naiintindihan niya ang ibig sabihin ng pagtakas. Kalayaan. Isang buhay na wala nang kontrol ang kahit na sino pa sa buhay nya, wala nang kasunduan, wala nang pananagutang hindi niya pinili. Pero alam din niya ang reyalidad. Ang mundo ng mga tulad nila ay hindi basta-basta lumulubog sa limot. Ang bawat desisyon ay may kabayaran, at minsan, ang kabayaran ay mas mahal kaysa sa kalayaang inaasam niya.
Sa mga oras na iyon, habang tahimik siyang nakaupo sa gilid ng kanyang kama, pinagmamasdan ang kanyang ama na minsan niyang sinisi, minsan niyang kinatakutan, at minsan niyang hinangad na unawain siya, hindi niya alam kung tama bang tumakas para sa sarili niyang kalayaan, o kung mas mabuting manatili na lang sa buhay na matagal nang itinakda para sa kanya.
Dahil sa mundong ginagalawan niya, ang pagpili ng sarili ay hindi laging nangangahulugan ng paglaya. Minsan, mas nangangahulugan ito ng digmaan.