KYRHEIN POV
Pagkatapos ng klase ay dumiretso ako sa library para ihatid ang librong hiniram ko. Walang tao pagpasok ko kaya hinintay ko muna iyong ginang na hiniraman ko ng libro kahapon.
Habang nagpalakad-lakad ako sa loob at tumitingin sa mga libro ay may napansin akong ilaw sa gilid ng bookshelf. Lumapit ako at tiningnan ko kung saan galing ang ilaw na iyon.
Nakatagilid ang bookshelf sa kabilang side at may daanan papunta roon. Nagpalinga-linga ako at tumingin kung may tao ba. May naririnig akong mga yabag kaya mabilis akong pumunta sa desk at nagkunwaring naghihintay.
"Ikaw pala Miss Fuentabella," nakangiting bungad sa akin ng matanda.
"Opo, isasauli ko na po 'yong libro," sabi ko sa kaniya
"Gano'n ba, pasensya ka na kung naghintay ka pa sa akin, may pinuntahan lang ako. Pakiperma na lang dito."
Agad akong pumirma at nagmadaling lumabas.
Ano ang pinto na iyon? Bakit may sekretong pinto roon?
Napapaisip na naman ako sa nadiskubre ko ngayon.
Nasa dorm na ako at nakaramdam na naman ako ng presensya ng tao na nakasunod sa akin.
Sino ka at bakit mo ako sinusundan? tanong ko sa aking isip.
Nagpatuloy lang ako at nakarating na sa kuwarto namin, at pumasok kaagad ako. Naabutan ko sila Apple at Trixie na kapwa abala sa pag-aaral.
"Nasa-uli mo na ang libro?" tanong nila.
"Oo, may nadiskubre ako sa library," kapwa sila napaupo ng maayos at nagtatanong ang mga mata.
"Ano?" sabay nilang tanong.
"May nakita akong sekretong pinto, hindi ko alam kung saan 'yon papunta, pero kakaiba ang naramdaman ko roon. At isa pa, may nakasunod na naman sa akin," kwento ko.
"Sis, nananayo ang balahibo ko sa'yo. Ano 'yan horror story?"
"Hindi ako nagbibiro Trix, totoo ang sinabi ko."
"Baka kuwarto lang 'yon doon sis. Baka doon natutulog ang nagbabantay sa library."
"I don't know, I'm not sure."
"Hay nako, kumain na lang tayo at baka gutom lang 'yan."
Aya ni Trixie, alam kong natatakot lang siya. Alam kong may nakatago sa likod ng pinto na 'yon, malalaman ko rin 'yon.
Natulog na kami ng may naramdaman akong parang may nakatingin sa akin.
Sarado naman ang kurtina sa bintana. Kinuha ko ang rosary ko at mahigpit na hinawakan hanggang sa makatulog ako.
"Bff, gising na."
"Hmmm."
"Gising na, maligo ka na."
Pukaw sa akin ni Apple, bumangon ako at dumiretso sa banyo. Ang bigat ng katawan ko, pakiramdam ko magkakasakit ako.
"Oh, okay ka lang?"
"Hindi nga e, mabigat ang katawan ko."
"Gusto mo magpunta sa clinic?"
"Hindi na, kaya ko naman."
"Sure ka ha, kung 'di na kaya magsabi ka."
Tango lang ang sagot ko kay Apple. Pababa na kami papuntang cafeteria.
Hindi naman ako pagod kahapon, pero grabe ang sakit ng katawan ko.
"Ky," napatingin ako kay Vanessa.
"Bakit?"
"Hala bff, dumudugo ang ilong mo,"
natatarantang sabi ni Apple. Pinunasan ko ang ibabaw ng nguso ko at may dugo nga.
Bakit dumudugo ang ilong ko? Hindi naman ako nasugatan. Pulang-pula ang dugo at ang dami.
"Dalhin kana namin sa clinic, nababahala na ako sayo," sabi ni Apple at nagtungo kami roon. Ni minsan 'di ako nagkaka-nosebleed, ngayon lang 'to at ang dami pa.