‘It’s not that we have little time, but more that we waste a good deal of it.’ – Seneca
Hanggang sa matapos siya sa paggamot sa sugat ko ay hindi pa rin siya nagsasalita kaya naman nagtataka na talaga ako. Nang mailigpit niya ang mga ginamit niya ay muli siyang tumingin sa akin, masyadong seryoso ang itsura niya kaya naman hindi ko alam kung ano ang gagawin o sasabihin ko sa kanya.
“Akala ko no’ng una may nakapasok na magnanakaw dito sa unit mo,” panimula niya at saka muling tinignan ang mga kalat na ginawa ko. “Pero sino nga namang magnanakaw ang magbabasag ng mga gamit at isang kwarto lang ang papakialaman at kakalkalin,” patuloy niya pa.
Napayuko na lang tuloy ako. Hindi ko naman kasi talaga alam kung ano ang sasabihin ko sa kanya. Parang bigla tuloy akong nakaramdam ng hiya dahil ngayon lang naman nila akong nadatnan na ganito. Alam kasi nila na kapag nagagalit ako ay mas pinipili ko na lang na kimkimin ang nararamdaman ko.
Kaya nga ngayon ay hindi ko rin alam kung anong sasabihin niya. Sigurado ako na nagulat talaga siya sa nakita niya dahil ito ang unang beses na nagwala talaga ako ng ganito. Kasi kahit na galit na galit na ako ay mas pipiliin ko ang manahimik na lang sa isang tabi.
“Anong nangyari? Bakit mo ginawa ang bagay na ‘to?” malumanay na tanong niya sa akin. Napatingin naman ako sa kanya at kita ko ang sincerity sa mga mata niya.
Gusto ko sanang magsalita at sabihin sa kanya ang lahat kaya lang ay ayaw ko na silang madamay pa. Ayaw ko nang maulit pa ‘yong pagkakamali ko rati. Ayaw ko nang mangyari sa kanila ‘yong karumal-dumal na bagay na ‘yon kasi mas lalong hindi ko matatanggap.
Sapat na ‘yong isang beses para maranasan ko ‘yon kaya naman hindi na ako papayag pa na maulit ulit ang bagay na ‘yon. Kaya naman gagawin ko rin ang lahat para lang pigilan ang sarili ko na sabihin sa kanila ang mga nangyari kasi ayoko nang magsisisi pa ulit sa ginawa ko.
“I just… I just got mad,” sagot ko sa kanya. Mukha namang hindi siya naniwala sa sinabi ko dahil maski ako ay hindi rin naman talaga kumbinsido.
Narinig ko pa ang malalim niyang paghinga kaya naman alam ko na kaagad na pinipigilan niya lang ang sarili niya na sermunan ako at magtanong nang magtanong. Mukhang naiintidihan niya rin naman na hindi ako magku-kwento kaya naman hindi na niya ako pinilit pa.
“Nalimutan mo ba na ngayon ang event mo? Mag-asikaso ka na, ipagluluto muna kita nang almusal mo,” sabi niya pa at tumayo na para pumunta sa kusina.
Pipigilan ko pa sana siya dahil wala naman akong balak kumain pero hinayaan ko na lang siya para hindi na rin siya magtanong pa. Hindi ko rin naman masabi sa kanya na hindi ako pupunta sa event ko mamaya dahil may iba akong importanteng kailangan na ayusin.
Bakit ba naman kasi ang dami kong hindi pwedeng sabihin sa kanya, nakakainis. Napabuntong hininga na lang din tuloy ako at hindi na nagsalita pa. Nag-umpisa na rin naman na siyang naghanda kaya naman hinayaan ko na lang din siya sa gusto niya.
“’Wag mo rin munang basain ang sugat mo dahil kalilinis lang natin n’yan,” pahabol na sabi niya pa kaya naman tumango na lang ako kahit na nakatalikod siya sa akin at hindi niya nakita ang ginawa ko.
Dumiretso na lang din ako sa banyo at nag-ayos na. Hindi ko na rin naman na binasa pa ang sugat ko dahil baka mapagalitan pa ako ni Luna. Kahit na isang taon lang din ang tanda niya sa akin ay hindi ko mapigilan na sumunod sa kanya, actually, pati na rin si Hazel, dalawa kami.
Sa aming tatlo kasi ay siya ang parang ate o nanay ng grupo kaya nga ang dali lang sa kanya na pasunurin kami. Kung titignan mo siya ay napaka-amo ng mukha niya at akala mo ay hindi makabasag pinggan, pero kapag nagalit siya ay siya ay sigurado ako na hindi mo kakayanin.
Maldita at mataray lang talaga minsan si Hazel pero mas maldita at mas mataray talaga si Luna lalo na kapag nagagalit na siya. ‘Yong tipong kahit hindi ka niya sasaktan pero sa salita niya lang paniguradong iiyak ka na.
Bihira lang din naman mangyari ‘yon at ayon ang pinakaayaw namin ni Hazel na mangyari dahil kapag nawalan ng kontrol si Luna ay wala talagang paawat ang bibig niya. Naalala ko pa nga kung paano niya paiyakin ‘yong babae na lumandi sa dating boyfriend ni Hazel.
Paano ba naman kasi, sinabihan na namin siyang babaero ‘yong lalaki pero ayon, ayaw niyang magpaawat at nakipag-relasyon pa talaga. Kaya ayon, ilang buwan lang din ang lumipas ay nahuli namin ni Luna na may kasamang ibang babae.
Sinubukan pa nga niyang magpalusot na pinsan niya raw ‘yon nang makita namin sila. Nagpanggap na nga lang din kami ni Luna na naniwala kami sa sinabi niya, kahit na nakita pa namin silang naghalikan no’ng babae. Pero sa ikalawang pagkakataon ay nakita ulit namin sila.
At ang malas niya lang dahil kasama pa namin si Hazel no’ng araw na ‘yon. Hindi raw kasi natuloy ‘yong date nila ng boyfriend niya na ‘yon dahil may emergency meeting sa trabaho. Pero ayon, nakita namin sa mall na nakikipagharutan do’n sa parehong babae na sinasabi niyang pinsan niya.
Sinubukan niya pa ngang magpalusot kaya lang ay huling-huli na siya kaya naman isang malakas na sampal ang binigay sa kanila ni Hazel. At ‘yong babae, matapang pa talaga, kaya ayon na-sample-an siya ng ‘kabaitan’ ni Luna.
Kahit hindi ako ang sinabihan ni Luna no’ng mga bagay na ‘yon ay bigla akong nakaramdam ng hiya ro’n sa babae. Medyo na-guilty pa nga kami saglit dahil parang masyado nang below the belt ‘yong nagawa namin, pero kapag naiisip namin ‘yong ginawa nila kay Hazel ay nawawala rin ‘yong guilt na ‘yon.
Matapos ‘yon hindi ko na alam kung ano pang nangyari sa kanila, wala na rin naman na kaming pake kaya hinayaan na namin sila ro’n. Kaya nga no’ng high school, walang nagtatangkang mang-bully sa amin dahil sino ba naman ang maglalakas loob na lumaban kay Hazel at Luna.
Mukhang ako nga lang ata ang walang ambag sa grupo namin. Kapag may nangbu-bully kasi kay Hazel ay nakikipaglaban talaga siya pisikalan, habang si Luna naman ay pinapaiyak ‘yong mga bully gamit lang ang salita niya. At ako naman, wala lang, nakatingin lang sa kanila.
Pasalamat na lang talaga ako dahil wala namang nagtaka na mang-bully sa akin kaya naman naging maayos ang high school life ko. Sa college naman ay wala namang gano’ng bully, busy din naman kasi ang lahat ng estudyante kaya imbes na mang-bully ay nag-aaral sila.
Bigla ko tuloy na-miss ‘yong buhay na estudyante pa lang kami, ‘yong walang ibang iniisip kung hindi matapos ‘yong mga activity bago ang deadline, ‘yong walang ibang problema kung hindi ‘yong mga prof na masyadong mabait magbigay ng gawain.