Taimtim na nakahiga si Patricia habang ipinatong ang dalawa niyang unan sa kanyang ulo upang gawing unan. Nakatingin lamang siya sa bubong na yari sa simento, habang inaalala ang lahat ng nangyari sa kanya. Napangiti siya nang mapait simula nang maalaala niya kung paano siya nakaligtas sa unang araw niyang pagpaparito sa misteryosong lugar.
"Nasaan na kaya ang mga 'yun?" tanong niya sa sarili habang iniisip si Cedrick pati na ang mga kasamahan niya.
Hindi namamalayan ni Patricia na palalim na nang palalim ang gabi. Wala ring pumapasok na ilaw sa loob ng bahay dahil masyado na itong malayo sa daan. Hinayaan na lang ni Patricia ang kanyang sarili na humimlay habang inaalala ang masayang bagay. Bumibigat na rin kasi ang kanyang talukap, kaya madali na lang para sa kanya ang makatulog.
Flashback
Abala ang ama ni Patricia na si Leo na maghanda upang magpunta na sa bukid at magtrabaho. Kahit maaga pa ay pinilit na ni Patricia na tumayo upang maayos na makapagpaalam sa kanyang ama. Kapag kasi umaalis ito ay hindi na niya magawang gisingin ang anak, dahil sa mahimbing niyang pagkakatulog. Pupungay-pungay pa ang mata ni Patricia habang nakatingin sa ama na kumakain sa mesa at sa ina na abala sa paghuhugas ng pinggan.
"Aba! Ang aga yatang magising ngayon ang prinsesa ko?" saad ng kanyang ama, nang makita siya na nakatayo sa harapan ng kwarto. Habang ginugusot ang mata, lumapit naman si Patricia sa ama at yumakap. Ngumiti naman ang ama at hinalikan siya sa noo.
Simula bata pa lamang si Patricia ay mas malapit siya sa ama, dahil palagi siya nitong sinasama kahit saan man siya magpunta. Tinuturuan din ng kanyang ama si Patricia na manghuli ng ibon upang ulamin nila kapag kinakapos sila sa pera. Sa pagtatrabaho naman sa bukid, nagbabantay at naghihintay lamang si Patricia sa ginawang maliit na kubo ng kanyang ama. Ayaw kasi niyang maiwan sa bahay minsan at umiiyak kapag hindi siya naisama ng ama. Minsan pa nga ay noong hindi siya sinama nito ay tumakas na lang si Patricia, kaya kabado ang kanyang magulang noon.
Mabait at matulunging bata si Patricia. Ang kanyang ama naman ay palangiti. Ngingiti siya kahit pa hindi niya kilala ang kanyang kaharap. Kaya naman hindi nakapagtataka na marami ang nagmamahal sa kanila sa kanilang baryo.
"P-pwede po..ba akong sumama, tay?" wika ni Patricia saka muling humikab, kaya natawa ang kanyang ama at ina. Tumungo naman ang ina niya sa tabi nila at niyapos ang buhok ng anak.
"Maaga pa anak e. Matulog ka muna kaya? Maaga namang uuwi ang tatay mo mamaya," malambing na sabi nito.
Umiling-iling naman si Patricia. "Hindi po inay. Tutulungan ko po si tatay na mag-araro. Pero kung hindi ko po kaya, sasakay na lang po ako sa kalabaw niya," wika ni Patricia kaya muli ay nagtawanan ang kanyang ina at ama. Sa huli ay wala naman magawa ang mga ito at pinagbihis na si Patricia.
Hindi naiinip ang bata na si Patricia sa pagsama sa ama dahil kahit mga puno na nakatanim sa gilid ng kubo nila ay kanyang kinakausap. Pati nga ang mga kambing at kalabaw ng kanyang ama ay mahilig din niyang kausapin kaya hindi nakakapagtaka na sa dalawang taon na pagsama niya doon ay napalapit ang mga hayop sa kanya.
Madalas panga kapag naiinip siya ay nakikipaghabulan pa siya sa puting kambing na iniiwan lamang doon ng may-ari. Tuwang-tuwa naman ang kanyang ama kapag nakikita siyang gano'n. Sa tanghali naman, kapag tapos na silang mag tanghalian ay iiglip muna ang mag-ama. Babantayan ni Leo ang anak sa pagtulog at pagtapos niyon ay saka na siya babalik sa pagtatrabaho.
Bata pa lamang si Patricia, tinuturuan na rin siya ng kanyang ama sa pag-aarnis. Madalas kasing sabihin nito na hindi habang buhay ay kasama siya ng ama upang pagligtas siya nito. Nasabi niya iyon nang mga araw na muntik nang matuklaw ng ahas si Patricia. Sa sobrang kaba ay natulala na lamang si Patricia at nang akma na siyang kakagatin ay dumating naman ang kanyang ama at hinampas ng malakas iyong ahas ng hawak nitong sanga ng acacia.
Ilang buwan na sinanay si Patricia sa paggamit ng arnis. Noong una ay pinutol lamang na sanga ng acacia ang kanilang ginagamit sa paglaban ng ama, hanggang sa nakahanap ng yantok ang ama at binarnisan ito. Tuwang-tuwa at palaging excited na mag-ensayo si Patricia kaya naman sa loob ng limang buwan ay natuto na siya sa paraang tinuro ng ama niya.
Hindi naging madali ang buhay nila. Sa edad na pitong taong gulang ay hindi pa rin nakakapag-aral si Patricia dahil kapos sila sa pera. Dagdag pa na nagpapagamot ang kanyang ama dahil sa sakit nito sa puso, kaya minsan ay tinuturuan na lamang ng ama na manghuli ng ibon ang anak upang may pangkain sila kinagabihan.
Pagkauwi galing bukid ay masaya namang sinasalubong ni Patricia ang ina, habang bitbit nito ang nahuling palaka ng ama dahil sa pag-aararo.
"Inay! Ang galing talaga ni tatay. Alam mo ba, habang hawak niya 'yong araro tapos hinahabol niya 'yung palaka!" pagmamalaki ni Patricia sa ina. Bago ibigay sa ina ang nahuli nilang palaka ay kakausapin muna niya ito at hihingi ng tawad dahil kakainin daw sila mamaya.
"Pasensya na kayo mga palaka ha? Wala lang talaga kaming pera ngayon e. Hayaan ninyo sa susunod, kapag mayaman na kami, hindi na namin kayo kakainin," bulong ni Patricia sa mga ito kaya labis ang tuwa na dinudulot niya sa kanyang magulang.
Isang araw, hindi nakapunta sa bukid ang kanyang ama dahil may sakit ito. Kapag tinatanong ni Patricia kung ano ang sakit ng ama ay sinasabi niyang lagnat lamang daw iyon. Ay syempre, dahil musmos pa lamang si Patricia, madali siyang mapaniwala ng magulang kahit minsan ay nahuhuli niya ang mga ito na umiiyak. Upang mabawasan ang lungkot ng ama, napagdesisyonan niyang tumakas. Umalis siya ng bahay noong natunugan niya na tulog ang kanyang ama at ina nang tanghali. Dala-dala ang kanyang tirador na gawa ng ama, dumiretso siya sa bukid. Pinuntahan niya iyong malaking puno ng acacia kung saan nagtatago ang mga malalaking ibon. Magbabakasakali siya na may mahuli siyang ibon at matuwa ang kanyang ama sa ginawa niya.
Nagpokus nang maige si Patricia. Umakyat siya sa puno at tumuntong sa malaking sanga. Wala siyang takot sa mga panahong iyon dahil nasanay na siya sa pag-akyat sa puno ng mangga na nakatanim sa tabi ng kanilang kubo. Dahan-dahan siyang bumwelo at pinakawalan ang bato sa tirador. Hindi niya natamaan ang ibon dahil sa makakapal na dahong humaharang sa target niya. Nalungkot siya nang umalis ang ibon na huhulin sana niya, ngunit nabuhayan muli siya nang may pumalit na bago. Sa unang subok ay pumalya siya hanggang sa pangalawa ay hindi niya ito natamaan. Nawawalan na ng pag-asa si Patricia ngunit nakaisip siya ng paraan. Muli siyang umakyat sa isa pang sanga kung saan mas malapit ang target niyang ibon. Nang sa wakas ay tatamaan niya ito, bigla namang nahulog ang ibon, kaya tuwang-tuwa na bumaba si Patricia sa puno.
Natamaan pala niya ang ibon sa leeg, kaya nangingisay na ito ngayon. Tuwang-tuwa si Patricia habang bitbit sa kanan niyang kamay ang ibon na nahuli. Nasa isip-isip niya ay matutuwa ang ama niya rito, dahil mabilis siyang natuto sa tinuro ng ama. Malayo-layo ang nilakad ni Patricia. Dagdag pa ang masakit na dampi ng haring araw sa kanyang balat kaya lalo niyang binilisan sa paglalakad. Nang ilang metro na lang ang layo niya sa bahay, tumakbo na siya ngunit nang masilayan niya ang kanilang bahay na napakaraming tao, napahinto siya.
Iniisip niya kung anobg ginagawa ng mga kapitbahay sa kanilang bahay at bakit napakarami nila doon.
"Hindi ko pa naman birthday e!" sigaw niya kaya tumingin ang ibang mga tao sa kanya. Wlaang kamuwang-muwang si Patricia nang mga panahong iyon. Akala niya ay kaya naroon ang mga kapitbahay nila at dahil kaarawan niya. Sa pagpasok sa kanilang bahay, rinig niya ang ina na humahangos at patuloy sa pag-iyak. Wala siyang kamalay-malay kung bakit umiiyak ang ina niya noon kaya hinawi niya ang mga tao na nasa tapat ng pinto at siniksik ang sarili upang makapasok. Ngingiti-ngiti pa siya dahil excited siyang ipakita ang nahuling ibon sa ama.
"Inay? Bakit po kayo umiiyak? Bakit po ninyo iniiyakan si tatay e natutulog lang naman siya," tanong niya rito ngunit patuloy lamang sa pag-iyak ang ina at niyakap siya. Kumalas naman si Patricia at ibinandera sa harapan ng ama ang nakuhang ibon.
"Tatay o! Ang galing galing ko diba? Nakahuli na ako ng ibon. May ulam na tayo mamaya. Gagaling ka na," pagmamalaki ni Patricia ngunit mas lalong lumakas ang iyak ng ina. Pati ang ibang mga kapitbahay ay nakiki-iyak na rin kaya nagtataka na si Patricia kung bakit lahat sila ay malungkot.
"Bakit po kayo umiiyak? Alis na po kayo, hindi ko pa po birthday. Natutulog lang po si tatay kaya huwag kayong umiyak," wika niya kaya patuloy niyang niyuyugyog ang braso ng ama na wala ng buhay.
"Tatay? Gising na po. Nandito na ako. Kumuha po ako ng ibon para may ulam tayo oh..Tatay!" Yugyog niya pa rin dito. Ngunit nagsimula nang mangilid ang luha ni Patricia nang makita niyang hindi na gumagalaw ang ama at nakamulat pa ang mata.
"T-tatay! Bakit..bakit po nakamulat ang mata niyo? Dapat takpan mo 'yan para hindi sumakit kapag natutulog!" panenermon ni Patricia sabay tinakpan ng maliliit niyang kamay ang talukap ng mata ng ama.
Mahabang paliwanagan ang ginawa ng ina sa kanya. Palagi ay malungkot si Patricia at hinanap ang ama tuwing umaga. Wala rin itong ganang kumain, kaya minsan ay naapektuhan ang kanyang ina. Minsan panga ay nasigawan siya ng ina dahil natabig nito ang baso at nabasag. Nasugatan ang ina nito at pinalo siya. Sinabi rin niya na nandito pa naman ang ina niya at hindi siya papabayaan kahit wala na ang kanyang ama. Sa murang edad ay natauhan na si Patricia ngunit nandoon pa rin ang laging habilin ng kanyang ama na tulungan palagi ang ina at huwag papagurin. Nakalakihan na ni Patricia na siya na mismo ang gumagawa ng gawaing bahay at mas lalo siyang napalapit sa ina. Minsan ay naiisip pa rin niya ang ama, ngunit hindi na siya gano'n tulad ng dati.
End of Flashback
Nagising si Patricia habang humihikbi at may luha sa gilid ng kanyang mata. Mataman siyang napaupo at naalala ang lahat ng bagay patungkol sa kanyang ama. Hindi maipagkakailang nami-miss na niya ito. Simula kasi noon ay ang ama na ang nagturo ng lahat sa kanya, kaya namulat din siya sa reyalidad.
Hinawi ni Patricia ang luha na kumakawala sa mata niya saka huminga ng malalim.
"Tay? Kumusta ka na diyan? Kung nakikita mo ako ngayon, hindi ako okay," bulong sa sarili saka hinayaang ilabas lahat ng kanyang kinikimkim na lungkot.
"Ilang buwan o taon na ang lumipas. Dalaga na ang prinsesa mo, tatay. Nasaan ka..na ba? Miss na miss na kita."
Naalala ni Patricia lahat ng bilin sa kanya ng ama. Sa buong buhay ng kanyang ama ay naging maganda siyang ehemplo kay Patricia. Hindi naman iyon maipagkakaila dahil lumaking mabaitbat may takot sa Diyos si Patricia. Iyon nga lang ay sinubok siya ng tadhana,kaya napunta siya rito.
Pagkatapos umiyak ay tumayo si Patricia saka dumiretso sa pinto. Tiningnan muna niya ang oras sa relo at alas dos pa lamang ng madaling araw. Humugot siya ng malalim na hininga at binuksan ang pinto sabay umupo sa tapat niyon.
Mabuti na lamabng at nakikiayon sa kanya ang buwan dahil pagtingin niya sa itaas ay bilog na bilog ito at napaka liwanag. Ang mga bituwin din ay nagkalat na lalong nakaganda sa langit. Napangiti siya ng mapait rito at tumingin ng direkta sa buwan.
Naalala na naman niya ang kanyang tatay. Kapag kasi bilog ang buwan ay inaaya siya nito sa labas ng bahay at sabay-sabay silang tatlo na nanunuod ng mga bituwin at ulap na unti-unting tumatakip sa maliwanag na buwan. Nagkukwentuhan sila no'n tungkol sa buhay at pag-aaral ni Patricia. Nang mga panahong iyon ay kapos na kapos sila sa pera, pero hindi iyon ininda ni Patricia dahil araw-araw naman siyang binubusog sa pagmamahal ng kanyang magulang.
" Tatay! Inay! Nakikita niyo ba 'yun? Parang bata siya oh!" Turo ng maliit na Patricia sa buwan na may balat.
"Alam mo kung ano ang tawag diyan, anak?" wika ng inay. Umiling naman si Patricia.
"Siya ang tinatawag na Luna. Isa siyang bata na pinatapon sa buwan dahil napakakulit niya at palagi siyang umiiyak," pagpaparinig ng ina.
Nanlaki naman ang mata ng musmos na si Patricia. "Hala. Paano nila hinagis doon si Luna? Ang lakas naman nila!" Mangha nitong sabi kaya nagtawanan ang mag-asawa.
"Oo. Kaya ikaw,kapag makulit ka at laging umiiyak. Ihahagis ka rin namin diyang ng tatay mo," ani Maria saka mabilis na yumakap si Patricia sa ama.
"Tatay o!Si inay,ihahagis daw niya ako. Wala ka na prinsesa no'n!"
Napangiti ng mapait si Patricia habang inaalala iyon. Lalo lamang niyang nami-miss ang ina dahil doon. Iniisip niya tuloy ngayon kung maayos bang nakakatulog ang ina, kung maayos ba siyang nakakain o sana man lang hindi muna siya magkasakit dahil hindi niya kakayanin kung may mangyari mang masama roon.
" Tatay. Sorry ha? Sorry..kasi nagpunta ako dito," nagsisimula na namang mangilid ang luha ni Patricia. "Sorry..kasi iniwan ko si inay doon. Patawarin mo ako. Araw-araw akong nagsisisi na hindi ko pinakinggan si inay na huwag na akong tumuloy dito. Pero naniniwala pa rin ako. Naniniwala ako na may balak ang Diyos sa akin kaya niya ako dinala rito."
Sa pagpunas ng luha ni Patricia, bigla siyang natigilan. Napatingin siya sa relo niya na umiilaw at tumutunog.
"Alas tres na pala," aniya sabay tiningnan ang nakaukit sa kanyang braso. Ang bar na iyon ang magmimistulan niyang buhay mula sa ngayon. Kailangan niyang pangalagaan 'yon sa abot ng kanyang makakaya. Tumingin din siya sa kanyang palad. Naalala ang sinabi ni Cedrick na kung nasa alanganin man siyang sitwasyon ay isipin niya ang armas na gusto niyang gamitin at lalabas iyon sa kamay niya.
Napapikit siya at ilang minutong pinilit na isipin ang isang kadena. Tinigasan na rin niya ang pagkakadiin sa kanyang kamao ngunit sa huli ay wala pa rin lumalabas ."Masusubukan ko siguro ito bukas."
Bago pa pumasok muli sa loob ng bahay ay lumanghap muna ng hangin si Patricia bago tuluyang tumayo. Sa totoo lang ay nawala na ang antok sa kanyang isipan dahil sa napanaginipan niya, pero humiga pa rin siya at pinipilit na ipikit ang mata dahil inaalala niya na panibaging hamon na naman ang haharapin niya bukas sa baryong ito. Sa totoo lang ay may parte na isip ni Patricia ang sumuko sa kahibangang ito at magpalamon na lamang sa dilim, ngunit habang naalala niya ang mukha ng ina ay patuloy pa rin lumalakas ang loob niya at tinatanggap ang hamon na binibigay sa kanya ng lugar na ito.
Sa kanyang pag-iisip-isip, nakaramdam ng panibagong sakit ng sikmura si Patricia. Kumakalam ang kanyang tiyan kaya lalong hindi siya makatulog. Tumayo naman siya at uminom ng tubig ngunit hindi pa rin iyon sapat pantawid niya ng gutom, kaya napilitan siyang umupo sa tapat ng mesa at titigan muna panandalian ang mansanas. Hinati na niya kasi iyon para bukas sa kanyang pagkain, ngunit habang patagal nang patagal na niya itong tinititigan ay lalo lamang siyang nagugutom.
"Bahala na nga!" inis niyang sabi saka kinuha sa supot ang isang piraso ng mansanas,sabay kinagat niya ito. Ilang minuto lamang ay mabilis niya itong naubos kaya uminom muli siya ng tubig.
Hindi alam ni Patricia kung hanggang kailan siya maghihintay na makaalis dito, basta ang tinatatak lamang niya sa kanyang isip ay kaya niya ang lahat basta makauwi lamang siya. Hinding-hindi na siya muli babalik sa lugar na ito kailanman.
Tumingin muli siya sa kanyang relo at treinta minuto na lang bago mag alas kwatro. Sapat pa iyon para makapaghinga siya dahil bukas ay hindi niya alam kung ano na naman ang gagawin sa kanila.
Bumalik muli si Patricia sa hinihigaan niya at nagdasal. Ipinagdasal niya na sana panaginip lamang lahat ng ito. Lahat ng namamatay sa lugar na ito ay kathang isip lamang niya. Ang mga pagsubok na binibigay sa kanila ay gawa- gawa lamang ng kanyang isip. Pinapaniwala niya ang sarili na hindi totoo lahat ng ito,na kapag minulat na niya ang mata ay nasa bahay na siya katabi ang ina na mahimbing nang natutulog.
Nadismaya naman si Patricia nang minulat niya ang mata. Nandoon pa rin siya sa lugar na iyon, kaya wala siyang magawa kundi ang ilukot ang sarili sa lamig ng simento at piliting matulog.
Naikot na ata lahat ni Patricia ang pwesto sa sahig, pero hindi pa rin niya makuha ang tamang pwesto sa kanyang pagtulog. Kulang na lang ay magrolyo siya palabas ng bahay para lamang mapagod siya at pumikit bigla ang mata niya.
Ngunit natahimik na naman siya nang bigla siyang may makapa sa kanyang leeg. Dala pala noya ang kwintas na binigay sa kanya ng ina. Naroon ang litrato nilang tatlo sa loob ng puso, kaya hinaplos ito ni Patricia.
Sinubukan din niyang kantahin ang theme song ng kanyang tatay at inay na 'I'd Rather' ni Luther Vandros. Habang kumakanta, hindi naman maipagkakailang may ibubuga pagdating sa magandang boses si Patricia. Noon pa man kasi ay tinuturuan na siya ng ina na kumakanta kapag pinapaliguan siya. Hanggang sa nasanay na rin siya at sinisimulan nang kumanta. Minsan pa nga ay pag ramdam niyang malungkot ang ina ay kakantahan niya ito, kaya't mabilia na nagbabago ang emosyon nito.
Napapangiti pa siya tuwing naalala niya na noon ay siya ang pambato sa kanilang seksyon at isang malupitang 'Ulan' ng Aegis ang kinakanta niya. Minsan man ay natatalo, ngunit madalas ay naiuuwi niya ang parangal pati na ang pera. Sikat din siya sa kanilang eskwelahan dahil bukod sa maganda at talented pa si Patricia. Ngunit ngayon ay inaalala niya kung ano ang silbi ng boses na iyon kung nakakulong naman siya sa lugar na ito na mas masahol pa sa bilangguan.
Naalala niya pa nga noon, nang sumugod ang ina niya sa paaralan dahil nabalitaan nito na binubully ang kanyang anak dahil hindi raw iyon magaling sa pagkanta. Palagi ay umiiyak si Patricia at kinakausap ang ama sa labas ng bahay. Hindi niya iyon pinapakita sa ina dahil alam nito na dadagdag lamang siya sa kalungkot na dinaramdam ng ina. Natutuwa siyang iniisip ang nakaraan, hanggang sa hindi na niya nalamalayan na tuluyan na rin siyang nakatulog bahid ang ngiti sa kanyang labi.