KABANATA VIII: LAURA AT NESTOR

3035 Words
Walang pagdadalawang isip na inabot ni Patricia ang supot na naglalaman ng kanin at ulam sa mag-asawa. Mabilis namang pumasok ang dalawa at umupo sa lapag. Gulat pa rin ang isinukli ni Patricia sa mga ito, ngunit may hinala na siya na sila ang may-ari ng bahay. "Pasensya ka na ineng ha? Dalawang araw ka kasi kaming hindi nakakain. Maraming salamat ha?" wika ng matandang lalaki kahit puno ng kanin ang kanyang bibig. Nakakaawa ang kalagayan ng mga ito. Gusot-gusot ang kanilang mga suot. Marumi din ang kanilang katawan na animoy isang linggo silang hindi nakakatikim ng ligo. Ang matandang babae ay sobrang payat din. Hinaharangan ng magaspang at matitigas nilang buhok ang kanilang kulubot na mukha. "A..ayos lang po 'yun. Kumain lang po kayo diyan," saad ni Patricia at saka humakbang palapit sa kanila. Umupo siya sa gitna ng dalawa. Hindi maipagkakailang may amoy na nga ang mga ito kaya pasimpleng napasinghot si Patricia. "Salamat dito ha? Pasensya ka na at hiningi pa namin ang pagkain mo," wika naman ng matandang babae na labis ang saya sa kanyang mukha. Napansin naman ni Patricia ang braso ng matandang babae. Isang guhit na lamang ang natitira rito. Tumingin din siya sa matandang lalaki at gano'n din. Ibig sabihin lamang no'n, life and death na ang kanilang kakaharapin dito sa baryong ito. Natulala si Patricia nang maalalaa anng sinabi ni Cedrick. Naawa siya sa kalunos-lunos na sinasapit ng mga bata at matatanda rito. Imbis na makapag pahinga na sila ng matiwasay, patuloy pa rin silang tumatakbo para lamang mabuhay. Sa kasong ito ng dalawang matanda, kailangan na nilang makipag sapalaran kung gusto pa talaga nilang umuwi ng buhay. Biglang hinawi ng matandang babae ang braso niya at inilagay sa likuran kaya napatingin sa kanya si Patricia. "Siya nga pala. Ako si Laura at ito naman ang asawa kong si Nestor," pagpapakilala niya. Ngumiti naman si Patricia. "Ako naman po si Patricia," magalang na pagpapakilala niya. "Siya nga pala. Mukhang bago ka lang dito ha? Sa tagal naming namumuhay dito, hindi pa namin nakita 'yang mukha mo," wika ni lolo Nestor. "Ah opo." Napakamot ni ulo si Patricia sa hiya. Sa totoo lang ay ayaw na niyang ulit-uliting ikwento na dahil siya napunta rito at dahil sa pera. "Huwag kang mahiya. Saka lahat naman ng naliligaw dito, alam na namin ang dahilan," ani lola Laura. "P-po?" Bago pa sumagot ay hinigop muna ni lola Laura ang mainit-init pang sabaw saka tumingin kay lolo Nestor. Nagtawanan sila panadalian at muling bumalik ang tingin kay Patricia. "Kung hindi mo pa natatanong, matagal na kaming nakatira dito. Siguro nasa limampung taon na. Dito na rin kami tumanda at masasabi ko na lahat ng naliligaw dito, pera ang dahilan," kumpyansang saad ni lolo Nestor. Nanlaki naman ang mata ni Pat at kumunot ang noo. Kung noon pa man sila nakatira dito at ganito ang kalakaran ng baryo, napakatatag nila at hanggang ngayon ay buhay pa rin sila. "Hindi naman kasi kami ganito dati dito. Simula nang binili itong Sta. Ignacia doon na nagsimula ang lahat. Ginagawa nila kaming laruan nila." Sa puntong iyon, nawala ang ngiti sa labi ni lola Laura. Gano'n din si lolo Nestor. "Nabigla na lang kami isang araw may.. may ganito na kami." Inilahad nila ang kanilang kaliwang braso na may isang guhit na lamang. "Pagkatapos nabalitaan na lang namin na 'yung mga anak namin ay pinatay ng mga Quadro at naging abo na lang sila. Kaya kaming dalawa na lang ni Nestor ang natira sa bahay na ito." Nilibot ni lola Laura ang tingin sa paligid ng bahay. "Maraming naliligaw dito na katulad mo. Natutuwa pa nga kami dahil may nakakasama na kami, pero minsan hindi na kami marunong magtiwala," malungkot na sabi ni lolo Nestor. "Bakit naman po?" takang tanong ni Pat. "Maraming beses na nangyari na sa amin ang ganito. May naliligaw na tao sa bahay namin. Kulupkupin namin iyon, pero kapag umabot na sila ng dalawa o tatlong araw, magiging marahas na sila at sapilitang kukuhanin ang mga puntos na pinaghirapan namin. Buti na lang noon ay malakas-lakas pa ako. Nababawi pa namin iyon, pero ngayon halos gusto na lang namin mamatay kaysa tumakbo nang tumakbo sa kamatayan," ani lolo Nestor. Bahid ang lungkot sa kanilang mukha, nang maalala nila ang karumal-dumal na sinapit nila sa mga dayo noon. Pero muling nagliwanag ito nang tingnan muli nila ang dalaga. "Pero tingin ko naman sa'yo, hindi mo gagawin 'yon," masayang sabi ni lola Laura. Mabilis na tumango naman si Pat. " Syempre naman po. Pero matanong ko lang.. buti po nakaligtas pa kayo kung isang daan na lamang ang puntos ninyo? Saka paano kayo nakatagal dito kung napalitan ang kalakaran ng baryo ninyo?" Impit na napangiti si lolo Nestor sabay hinawakan ang kamay ni lola Laura. Malumanay niya pa itong hinapos bago tuluyang tumingin kay Pat. "Mayroon pa namang tao na tumutulong sa amin. Nililigtas nila kami sa kapahamakan, pinapakin nila kami at pinapatago sa kanilang bahay. Sa totoo lang, kagabi habang tumatakbo kami pauwi ng bahay, may nakasalubong kaming isang Quadro," wika ni lolo Nestor. "Hindi ko nga alam ang gagawin ko no'n e. Wala rin ako maisip na armas panlaban do'n,kasi pakiramdam ko wala ng tatalab sa katawan nilang bakal. Nang susuko na sana kami sa kanila, bigla namang dumating 'yung isang binata." "Nakakatuwa nga 'yung bata na 'yon e," sabat ni lola Laura. "Biruin mo, niligtas na niya kami sa kapahamakan, pagkatapos binigay pa niya sa akin ang isang daan niyang puntos. Ayun, akala ko nga mamamatay na ang asawa ko e, kasi napuruhan siya. Pero mabilis kong nilipat sa kanya ang puntos na binigay sa akin ng binata, kaya hanggang ngayon ay buhay pa rin kami," paliwanag nito. Muli na namang napaisip si Patricia. Mas kailangan pala niyang magdoble ingat ngayon dahil kahit madaplisan lamang siya ay maaari nang mabawasan ang puntos na konektado sa buhay niya. Pero mayroon pang isang bagay na mas bunabagabag sa isip ni Patricia nang marinig muli ang tawanan ng mga bata at hiyawan ng mga tao sa labas. Nagkakatuwan ang mga iyon na parang nakalaya sila sa kulungan. Sa kabilang banda, nalaman na niya na ito pala ang kinukwento ni Cedrick sa kanya na niligtas niya. Walang duda. Napakabait talaga ni Cedrick, ngunit hindi mo maiwasang hindi mainis sa unang pagkakataon na magkita kayo. Paano ba naman kasi, iniligtas nga niya si Patricia sa kapahamakan, pero sinusungitan naman siya no'n. "Pero matanong ko lang po, b..bakit po nagkakasiyahan ang mga tao sa labas? Hindi ba dapat mas lalo silang matakot kasi baka ano na naman ang gawin sa atin mamayang gabi? Hindi ba marami ang namatay sa atin kagabi? B-bakit nagkakasiyahan sila?" gulong-gulo na tanong ni Patricia. Sumilay naman ang ngiti sa labi ni lolo Nestor. "Alam mo anak, dapat magsaya talaga tayo ngayon dahil ito ang araw ng ating pahinga. Tuwing magkakaroon sila ng palaro, pagkatapos no'n ay may isang araw na pagitan. Ang araw na iyon ang pahinga ng lahat. Pagkatapos no'n babalik na naman sa dati. Kaya hindi ko masisisi ang mga tao sa labas kung nagkakasiyahan man sila ngayon. Nakakatuwa nga silang tingnan e." Ngayon naiintindihan na lahat ni Patricia. Pagkatapos ganapin ang isang laro ay kinabukasan ang pahinga ng lahat. Ibig sabihin lamang nito, bukas ulit magsisimula ang panibagong laro sa baryo. "May nakakaalam po ba sa inyo kung hanggang kailan ang kalokohang ito?"tanong ni Patricia. Kibit balikat naman siyang sinagot ni lola Laura. "Basta ang alam lang namin ay kamatayan lamang ang magpapakawala sa iyo sa lugar na ito. Walang makakapagsabi kung kailan ito matatapos. Basta ang alam lang namin ay dito na tayo lahat mamamatay." "Hindi!" napasigaw si Patricia dahil hindi niya nagustuhan ang tono ng pananalita nito. "Hindi tayo mamamatay dito! Makakaligtas tayo at makakauwi sa totoong mundo. Babalik tayo doon at magiging normal ang buhay nating lahat!" "Pero ineng, dito ang mundo namin. Dito kami nakatira," pagsalungat ni lolo Nestor. Bigla namang natigilan si Patricia. Pero kahit gano'n, buo pa rin ang kumpyansa niya sa sarili. Makakauwi pa siya ng buhay sa kanila. Walang galos at walang bawas sa pagkatao niya. Sabik na sabik na rin siyang makita muli ang kanyang ina. "Kung gusto mo ineng, dumito ka muna sa amin. Hayaan mo at hindi naman kami magiging pabigat sa buhay mo," alok sa kanya ni lola Laura. Ngumiti lang ng tipid si Patricia. "Hindi po. Balak ko rin sana kanina na humanap na ng paraan para makalabas na ako rito. Sigurado kasi ako, alalang-alala na ang inay ko sa akin." Napatango na lang ang dalawang mag-asawa. "Tsaka..pasensya na rin po kayo ha? Pumasok ako sa pamamahay niyo ng walang paalam. Hindi ko kasi alam ang gagawin kagabi, buti na lamang ay may tumulong din sa akin kaya ako nakarating dito." "Sanay na kami doon, ineng," wika ni lolo Nestor. "Pero sa susunod mag-ingat ka na lang sa pakikisamahan mo. Hindi mo kasi alam kung kakampi mo ba talaga ang mga 'yon o may balak lamang ng masama sa iyo." "Opo naintindihan ko." Hinawakan ng mahigpit ni Patricia ang supot na naglalaman naman ng mga prutas. "Siya nga po pala, kailangan ko rin umalis ngayon. Balak ko rin pong maglibot-libot sa lugar at baka makahanap ako ng lagusan. Babalikan ko po kayo kaagad kapag gano'n," malakas ang kumpiyansa ni Pat na makaalis sa lugar na iyon, kaya upang mapatatag lalo ang loob niya ay ngumiti at tumango ang mag-asawa. "Asahan namin 'yan, ineng," wika ng dalawa. Sa huli ay nagpaalam sila sa isa't-isa. Dumiretso si Patricia dala ang kanyang ngiti at kumpiyansa na makakaalis sa lugar na iyon. Kinawayan pa siya ng mag-asawa bago nila isara ang pinto. Nalanghap naman ni Patricia ang alikabok dahil sa mga batang walang kapaguran sa pagtakbo. "Mag-ingat kayo mga bata!" sigaw ng isang matanda na nakaupo sa may baitang ng hagdan sa tapat ng bahay habang pinapaypay niya ang bimpo na kanyang hawak. "Opo!" Sabay-sabay nilang sabi saka muli ay nagtakbuhan sila. Imbis naman na mainis si Patricia sa alikabok na sumasapul sa kanyang mukha, napapikit na lang siya at yumuko. Nagpatuloy lamang siya sa paglalakad. Iniisip niya na minsan lamang maging masaya ang mga batang iyon, bukas ay babalik na naman sila sa dati na nababalot sila ng takot at pangamba. May parte sa isipan ni Patricia na awang-awa siya sa mga musmos dahil sa ganitong estado ay dito pa lamang nila mararanasan ang lahat. Dito nila ma-e-enjoy ang mga bagay-bagay na dapat ginagawa ng mga bata. Pero sa lagay nila sa baryong ito, imbis na wala silang iniisip at masaya lamang sila, nababahala sila sa susunod na mangyayari sa kanila. Iniisip nila kung mabubuhay pa ba sila sa susunod na araw at magagawa ang mga bagay na kanilang ginagawa ngayon. Napatingin sa kalangitan si Patricia ngunit binalik niya muli ang tingin sa daan dahil sa matinding sikat ng araw na tumatama sa mata niya. "Bahala na nga kung saan ako dadalhin ng paa ko," bulong sa sarili at nagpatuloy sa paglalakad. Nagsimulang maghanap ng panibagong matitirahan si Patrcia. Nilakad niya ang isang hilera ng mga bahay. Karamihan sa mga ito ay mga bukas at may mga tao na nakaupo sa tapat ng pintuan. Ibang-iba ito sa nakita niya noong unang punta niya rito. Ang mga tao ay normal lamang katulad niya. Bakas ang ngiti sa kanila habang nagkukwentuhan at kumakain, ngunit ng mapadako si Patricia sa braso nila ay laking gulat na lamang niya na isang bar na lamang ang meron sila. Hindi niya maisip kung paano pa sila nakakatawa kahit gano'n na ang sitwasyon nila. Dito lamang niya napagtanto na lahat ng tao sa baryo ay napaka positibo. Hindi nila inaalala kung ano ang mangyayari sa kanila bukas o sa mga susunod na araw, basta masaya lang sila ngayon. Lalo tuloy nagkaroon ng lakas ng loob si Patricia at doon na siya nagsimulang mangarap. Mangarap na balang araw ay maililigtas niya ang baryong ito sa kamay ng demonyong namumuno. Napaisip din siya kung bakit walang ginagawang aksyon ang mga nasa labas gayong alam na nila ang kalakaran na ginagawa nila dito. Napaka raming sundalo at pulis na maaari nilang ipadala rito, ngunit hanggang ngayon ay nagbubulag-bulagan pa rin ang mga gobyerno na tugunan sila. Habang naglalakad si Patricia, napahinto siya sa isang lilim na lugar. May sira-sirang bahay-bahayan kasi ang nakatayo doon. Ang upuang gawa sa kawayan ay inaanay na rin, ngunit sapat na ang tolda para maharangan ang init na direktang tumatama sa kanya. Nagpasya si Patrcia na magpahinga muna doon. Habang nagpapahinga, nagpapalinga ng tingin si Patricia at sinusuri ang lugar. Wala pa siyang nakikita ni isang punong nakatayo dito. Tingin nga niya ay parang nasa israel siya na disyerto ang paligid. Habang sinisipat niya ang mga bahay-bahay, nagkaroon na naman siya ng palaisipan. Mukhang walang katapusan ang mga bahay na nakatayo mula sa kaliwanang bahagi. Pataas na nang pataas ang mga bahay na akala mo ay nakahulma na sa bilang maging isang bahay na bundok. "Grabeng init naman ito!" Hinawi ni Patricia ang butil ng pawis na nagsisimula nang tumulo sa kanyang noo. Napatigil si Patricia sa pagpunas ng kanyang pawis nang biglang may makita siyang asong kalye na palapit sa kanya. Mukhang maamo ang asong iyon. Kulay kayumanggi din ito, ngunit habang tumatagal ay nakikita ni Patricia ang pagod at gutom sa mata ng aso. "Chu-chu," tawag niya rito at mabilis na tumakbo ang aso palapit sa kanya. Masayang niyayapos ni Patricia ang ulo ng aso. Dinukot din niya sa kanyang bag ang natirang tinapay saka pinakain sa aso. Mabilis naman itong sinunggaban. Naaawa si Patricia dahil mukhang uhaw din ang aso, ngunit kahit siya ay hindi pa rin umiinom hanggang ngayon. Sa pagyapos ni Patricia sa ulo ng aso, nakatulog ito sa kanlungan niya. Hindi makagalaw si Patricia dahil may kalakihan iyon. Natutuwa naman siya dahil parang may kapangyarihan siya dati pa man na paamuhin ang mga aso. Naalala niya noong bata pa siya ay madalas lumalapit ang mga asong kalye sa kanya. Kapag dumadaan siya sa mga bahay bahay at bumibili sa tindahan ni aling Cecil ay sinasalubong siya ng alagang shitzu habang pumapagaspas ang buntot no'n. Mayroon pa ngang pagkakataon noon na 'yung mga bata ay binabato ang itim na aso. Kilala ang asong iyon na matapang at mahilig mangagat ng hindi kilala kaya madalas ay batuhin siya ng mga bata. Pero nang matyempuhan ni Patricia ang mga bata na pinag ti-tripan ang aso ay kaagad niyang inaway ang mga iyon, at iniligtas ang aso. Ginamot din niya ang maliliit na sugat ng aso gamit ang band aid na binili niya sa tindahan. Simula no'n ay napalapit ang asong iyon kay Patricia. Ngunit pagkalipas lamang ng ilang araw, nabalitaan niya na namatay na ang asong iyon dahil napagdiskitahan ng mga tambay. Sobrang lungkot noon ni Patricia dahil nawalan siya ng kaibigan. Napatigil si Patricia sa paghaplos sa ulo ng aso nang mapansin niya ang paa nito. Inangat niya nang bahagya ang paa ng aso at nakita ang bar. Isa na lang ito. Namangha siya at nagulat dahil kahit mga hayop ay nakikipag sapalaran din pala sa kanilang buhay. Bigla namang gumalaw ang aso at umalis ito sa tabi ni Patricia. Tiningnan lamang niya ang aso na tuluyan ng umaalis. Isang malalim na buntong hininga ang ginawa ni Patricia nang muli siya ay maglakbay. Gusto na niyang mahanap ang dulo ng lugar na ito ngunit parang wala itong katapusan. umakyat sa pangatlong baitang si Patricia kung saan naroon naman ang panibagong daan. Binaybay niya iyon hanggang sa matunton ang isang bahay na sarado. Pinagmasdan muna niya ang labas nito. Sira-sira na ang pinto ngunit ang paligid na purong simento ay buo pa rin. "Okay na siguro ito para mamaya," bulong niya sa sarili at tuluyan nang pumasok sa loob ng bahay. Pagpasok niya rito ay namangha siya sa kanyang nakita. Mayroong lamesa at lababo sa loob ng bahay. Hindi iyon katulad ng una niyang pinuntahan. Tuwang-tuwa si Patricia na bitawan ang supot at pinatong sa mesa, sabay dumiretso siya sa lababo kung saan mayroon ding gripo. Binuksan niya iyon at sa kabutihang palad, malakas ang tulo ng tubig. Walang pagsidlan ng tuwa si Patricia habang mabilis na iniinom ang malalig at malinis na tubig na nilalabas ng gripo. Iniisip niya na kahit siguro araw-araw na wala siyang pagkain ay mabubuhay siya basta mayroon lamang siyang tubig. Pagkatapos maghilamos ng mukha ay umupo si Patricia sa upuang gawa sa kahoy. Manghang-mangha pa rin siya sa nakikita niya. Kahit pa walang palikuran ay okay na iyon sa kanya dahil kahit papaano ay may mauupuan na siya at may maiinom. Nagsimula nang ilabas ni Patricia ang laman ng supot. May natitira pa siyang isang kumpol ng ubas, apat na mansanas at dalawang ponkan. Tuwang-tuwa si Patricia na pinagmamasdan iyon. Masaya rin siya kahit papaano na nakatulong siya kina lolo Nestor at lola Laura. Tumayo naman si Patricia upang ikutin ang loob ng bahay. Walang kagamit-gamit ang naroon. Binuksan din niya ang kabinet na nasa ilalim ng lababo at wala iyon laman kundi lumang mga plastik. Ang korte ng bahay ay parehas na parehas sa una niyang napuntahan. Medyo may kadumihan lang ito ng kaunti, ngunit ayos na iyon para tuluyan niya hanggang bukas. Mabilia lumipas ang oras sa baryong ito. Napatingin si Patricia sa kanyang relo ay laking gulat niya na alas kwatro na pala. Wala na rin siya gaano naririnig na nagsisigawang bata dahil medyo malayo na iyon sa daan. Inasikaso na ni Patricia ang kanyang kakainin para mamaya, hinati na niya ang mga prutas para mamaya at bukas kung sakali man na hindi siya makakuha ng puntos para sa panibagong pagsubok bukas. Hinintay muna niyang magtakip silim bago siya nagsimulang kumain. Pinili niyang kainin ang ubas dahil tingin niya rito ay malapit nang mabulok. Uminom din siya ng maraming tubig, kaya sa huli ay punong-puno na ang kanyang tiyan. Pinagpagan din niya ang kanyang magiging pwesto mamaya dahil maalikabok iyon. Nang matapos na siya, humiga na siya sa lapag. Kahit malalig ang simento ay ayos lang iyon sa kanya. Madalas kasi ang iniisip niya sa buhay ay basta humihinga pa, magpasalamat ka. Kaya todo ang pasasalamat ni Patricia na kahit ganito ang dinanas niya ay mayroon pa rin siyang biyaya kahit papano.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD