"Pinapaalala lamang po sa lahat ng manlalaro na may isang oras na lang ang lahat upang makaakyat. Ang kampana ang magsisilbing signal ng lahat napaparating na ang inyong mga kalaban, kaya humanda na po ang lahat ng manlalaro, salamat." Paalala ng babae sa likod ng mikropono.
Hindi na alam ni Patricia kung sino ang uunahin niyang iakyat sa mga lubid na naghihintay sa kanila sa ibaba. Ang iba ay hindi na ninais makatulong at hinila na ang lubid, pagkatapos nilang umakyat. Mayroon namang tumutulong din ngunit limitado lang ang gustong tulungan. "Ang anak ko!" sigaw ng isang ginang na nasa itaas na, habang hinahanap ang anak nitong nawawala.
"Tulong!" Napalingon naman si Patricia sa isang boses ng matanda na mukhang nanghihina na. Pinipilit niyang umakyat sa lubid, ngunit nadudulas siya.
"Ako na po!" pagpepresinta ng isang lalaki sabay hinawakan ang matanda at ang mga nasa itaas ay dahan-dahan nilang inaangat ang lubid. Napangiti ng bahagya si Patricia.
Nakakita siya muli ng bata na naliligaw at umiiyak. Napapikit siya nang tumulo ang pawis sa kanyang mata. Hindi niya namamalayan na kanina papala siya naliligo sa pawis. Isa kasi siya sa mga tumutulong na mag-akyat ng mga bata sa itaas.
"Anak ko 'yan! Anak ko 'yan!" rinig kong sigaw ng isang ginang sa di kalayuan. Mabilis siyang tumakbo patungo sa pwesto nina Patricia at nang bata. "Pakiusap, tulungan mo siya. Kahit maiwan na ako rito," wika ng ginang, sabay binuhat ni Patricia ang bata.
"Makakaasa po kayo," aniya sa ginang. Ang ginang ay humahangos na at pagod na pagod. Sa tingin ni Patricia ay hindi na niya kakayaning umakyat pa ng ginang.
"Dahan-dahan!" sigaw ng mga lalaki habang nagtutulungang iangat ang mga bata. Labis naman ang pagkalungkot ni Patricia nang may makita na naman siya sa gilid na sanggo. Umiiyak iyon at hindi pinapansin ng iba. Pikit mata niya iyong iniwasan at nagpatuloy sa pagtulong.
"Dito na ang iba!" Napatingin sina Patricia sa gawing kanan nang may sumigaw na isang dalaga. Napangiti siya nang makita niya si Deth na binababa ang lubid na kanilang ginamit na mag-ama. Lumipat ang iba sa pwesto nila, kaya napadali ang trabaho ni Patricia.
Hindi naman maipinta ang mukha ng tatay nito. Parang labag pa sa loob na tumulong sa iba. Mabuti na lamang at mabait ang anak niyang si Deth at hindi nagmana sa kanya
"Unahin ang mga bata!" sigaw ng isang lalaki kaya lalong nagpursige ang karamihan. Mag alas syete na ngunit parang hindi pa rin nababawasan ang tao sa ibaba. Parami pa rin nang parami ang paparating. Hindi na alam ni Patricia kung aabot pa siya.
"Huling treinta minutos," paalala nila kaya bago unakyat si Patricia, naghanap pa siya ng bata na hindi makaakyat, sabay tinulungan ito.
Nang ilang minuto na lamang ang natitira, umakyat naman ang kalalakihan, kaya sumabay na si Patricia. Dahil puno ang mga lubid ay naghintay muna panandalian si Patricia, ngunit nakarinig siya ng isang sitsit. Hindi niya iyon pinansin dahil akala niya ay guni-guni lamang, ngunit nang umulit ang sitsit ay napatingin siya sa gawi ni Deth. Nakangiti ang dalaga at inaalok siyang umakyat sa kanilang lubid. Tuwang-tuwa namang naglakad patungo doon si Patricia, ngunit nang sasabit na siya sa lubid ay bigla na lamang tinanggal ni Mang Eddie sa pagkakasabit ito, kaya nahulog ang mahabang lubid sa ulo ni Patricia.
Hindi makaalma si Deth sa ginawa ng ama, kaya ang ginawa na lamang ng dalaga ay humingi siya ng paumanhin kay Patricia sa pamamagitan ng tingin. Ngumiti lamang si Patricia at alam na niya ang ibig sabihin ng dalaga.
"Limang minuto."
Nagmamadali si Patricia na maghanap ng panibagong lubid, ngunit punong-puno pa ang mga iyon. Hindi na rin niya alam kung paano siya makakaakyat doon, dahil nararamdaman na niya ang pagod at gutom. Parang ilang minuto lang ayy babagsak na ang katawan niya. Ngunit pinagsawalang bahala niya iyon at tumakbo patungo sa gawing kaliwa. Nakikita niya kasi na wala ng gaanong tao doon.
Kinakabahan na si Patricia dahil baka sa pagtakbo niya ay bigla namang tumunog ang kampana. Napatingin siya sa isang matayog na acacia. Iniisip niya na umakyat na lang doon at magtago sa mga dahon, pero iniisip niya na baka kapag ginawa niya iyon ay paulanan siya ng sibat, kaya umiling-iling na lang siya at naghanap ng panibagong plano.
"Pst. Dito!" Tawag ng isang lalaking boses. Patuloy pa ring tumatakbo si Patricia dahil akala niya ay hindi naman siya iyong tinatawag.
"Hoy! Dito sabi e!" sigaw ng isang babae kaya napatigil siya. Biglang may nahulog na lubid sa harapan niya at nakita sa itaas ang isang lalaki at isang babae.
"Bilisan mo!" wika ng lalaki.
Hindi na nagpaligoy-ligoy pa si Patricia at pursigidong umakyat gamit ang lubid, kahit nadudulas siya sa kanyang mismong pawis. Nang makarating na siya sa kalahati, biglang tumunog ang kampana, sabay nagsidatingan ang mga guwardiya. Nakahinga ng maluwag si Patricia at panandaliang tumigil sa lubid.
"Ano? Tatagalan mo pa diyan? Nangangawit na kami oh!" mataray na sabi ng babae,kaya mas lalong binilisan ni Patricia ang pag-akyat. Pagkarating sa itaas, napahiga si Patricia sa sobrang pagod. Natutuwa siya habang damang-dama niya ang malamig na simento.
"S..salamat," hinihingal niyang sabi sa mga tumulong sa kanya. Rinig na rin niya ang mga bata na tuwang-tuwa na nakaligtas ngayon sa kinaharap nilang delubyo.
"Sakit." Winasiwas ng lalaki ang kanyang kamay. "Ang bigat mo pala, Miss," pagbibiro pa nito kaya napaharap si Patricia sa kanya.
"Pasensya na kayo. Maraming salamat at tinulungan ninyo ako," magalang na sabi ni Patricia saka yumuko.
"Wala 'yon. Nakita kasi namin na mas inuna mo pa ang iba kaysa sa sarili mo. Tsaka nakita namin ang ginawa ni Mang Eddie sa'yo," anito.
Muling bumalik sa alaala ni Patricia ang ginawa kannina ng matanda. Sa totoo lang ay nakaramdam din siya ng pagkadismaya doon, ngunit hindi na niya iyon inisip pa. Ngumiti naman siya bilang tugon sa lalaki.
"Hayaan mo na 'yun. Baka hindi lang siya sanay," wika ni Patricia.
"Tulong! Tulungan ninyo ako!" rinig nilang sigaw ng isang lalaki habang hirap na hirap itong tumakyat sa lubid. Walang magawa ang mga nasa itaas, kundi bigyan na lamang ng isang nakakaaawang tingin ang lalaki. Kahit kasi maraming nakahulog na lubid ay hirap nammann itong umakyat.
Nakaramdam na naman ng pagsisisi si Patricia.
Sa huli ay hinuli rin ng mga guwardiya ang lalaki at sigurado si Patricia na ipapalapa na iyon sa mga uhaw na Quadro. Sinusundan pa rin niya ng tingin ang lalakking kumakawala. Napansin ni Makmak ang malungkot na mukha ni Patricia kaya tumabi siya sa kanya.
"Alam mo, hindi lahat ng tao matutulungan mo. Minsan akala mo hindi pa sapat ang ginawa mo. Pero sa mga nakakakita no'n, isa na siyang malaking bagay," saad ni Makmak.
Tumingin lamang si Patricia sa kanya at pinipigilan ang nanngingilid niyang luha.
"Ako nga pala si Makmak." Inabot ni Makmak ang kanyang kamay kay Patricia.
"Ako naman si Ara," wika ng babae. Nakipagkamay si Patricia sa dalawa. Tumabi na rin si Ara sa kanya.
"Huwag kang malungkot. Nakita namin ang paghihirap mo kanina. Medyo nainis lang kami nung hinulog ni Mang Eddie ang lubid na pag-aakyatan mo. Demonyo talaga 'yun," sabi ni Ara.
Habang nakatingin sa ibaba, hindi maiiwasan ni Patricia na mapaluha sa nakikita. Ang mga batang naiwan, ang matanda na hindi makaakyat, pati na ang mga sanggol na iniwan kung saan. Hindi na sila muling masisinagan ng araw. Dahan-dahan pinunasan ni Patricia ang kanyang luha, upang hindi siya mapansin nina Makmakk at Ara, ngunit nakita iyon ni Ara.
"Iyakin ka rin pala?" natatawa nitong tanong. "Pareho kayo ni Makmak. Kalalaking tao, iyakin," pagbibiro pa niya kaya natawa ng bahagya si Patricia.
"Halika," ani Ara.
"Saan?" tanong ni Patricia.
Tumayo naman si Ara, humarap siya sa likod ng pader kung saan makkikita ang madilim na bukirin. Tanging buwan lamang ang nagbibigay liwanag, kaya nakikita nila kung gaano kalawak ito.
"Dito ka tumingin." Iniharap ni Ara si Patricia sa bukirin. "Minsan kasi, kailangan mo ring magbingi-bingihan at maagbulag-bulagan sa nagaganap sa paligid mo. Hindi dahil duwag ka o takot. Ginagawa mo lang ito para maiparamdam mo sa sarili mo na may halaga ka."
Huminga ng maluwag si Patricia at napangiti nang dumampi sa mukha niya ang malamig na hangin. Sa mga oras na iyon, parang naging blangko ang lahat. Parang tatlo lamang silang nakatayo doon, at pinagmamasdan ang tahimik na bukid.
Pagkatapos nilang ginawa iyon, humiga naman si Makmak sa simento. Nakakamangha lamang dahil napakalawak ng pader na ito at maaari pang higaan ng tao. Parang isa itong tulay, wala nga lang harang. At kung mahuhulog ka sa ilalim ay dalawa lang ang siguradong mangyayari sa iyo.
Lalapain ka ng mga Quadro o magkabali-bali ang buto mo.
Sumunod na ring humiga sina Ara at Pat. Medyo kumalma na ang pakiramdam niya ngayon, kahit marami pa rin siyang naririnig na sumisigaw ang humihingi ng tulong. Ginawa naman nilang unan ang kanilang braso, sabay tiningnan ang bilog na buwan at ang mga bituin.
"Ang sarap mamuhay ng normal 'no?" wika ni Makmak. "Ang sarap, kung ganito lang tayo. Walang iniintindi, walang mga guwardiya, walang Quadro at wala ang mga nagmamanipula sa kanila."
Nakikinig lamang si Patricia sa sinasabi ni Makmak.
"Kaya nga. Nami-miss ko na 'yung dati. Yung malaya pa tayong nakakalabas. 'Yung wala tayong takot na dinadala sa isip at puso natin," saad naman ni Ara.
"Teka nga." Humarap siya kay Patricia na ngayon ay nakangiti habang nakatingin sa buwan na unti-unting naglalaho, dahil sa maitim na ulap.
"Hindi pamilyar ang mukha mo sa amin. Kakarating mo lang ba rito?" tanong niya.
Humarap naman panandalian si Patricia dala ang tipid na ngiti, ngunit bumalik din ang tingin niya sa buwan.
"Oo. Kailangan kasi namin ng pera noong mga oras na iyon. Hindi ko naman alam na dito ako dadalhin ng customer ko. Noong una nga, nakita ko na siya rito e. Kaso tinakasan naman niya ako, kaya hindi ko na siya naabutan. Pagkatapos, noong uuwi na sana ako, bigla namang may nag-anunsyo, pagkatapos sinarado na nila ang gate, kaya hindi na ako makalabas," paliwanag niya.
"Sino naman ang sinasabi mong customer na 'yan?" kuryos na tanong ni Makmak.
"Ang sabi, Amethyst daw ang pangalan e. Hindi ko lang alam kung totoong pangalan nya 'yon."
"Amethyst?" tanong ni Makmak kay Ara. "Kilala mo ba yun?"
Umiling naman si Ara. "Hindi e. Baka nag-iba lang 'yun ng pangalan at may intensyon talaga siya na dalhin ka rito at pahirapan," sagot naman ni Ara.
"Oo nga e. Inaalala ko na nga si inay sa amin. Wala siyang kasama. Ilang buwan na rin akong nandito. Pati ang kaibigan ko, wala na rin," biglang naging mapait ang ngiti sa labi ni Patricia nang maalala si Marvin.
"Kaibigan?" Umayos ng upo si Makmak. "Sino?"
"May kaibigan ka rin palang naligaw rito?" tanong din ni Ara.
Tumango si Patricia. "Si Marvin," aniya.
"M-marvin?" pag-uulit ni Ara na mukhang hindi makapaniwala. "Yung kumekendeng?"
"Oo. Paano mo siya nakilala?" tanong ni Patricia kaya napaupo na rin siya.
"Paano kase, nakaaway ni Ara noon yon!"sabat ni Makmak.
Nahihiya namang tumingin si Ara kay Patricia. "Akala ko kasi tinatarayan niya ako noon. Sinubunutan ko, kaya nagsabunutan kami," nahihiya nitong kwento, kaya nagtawanan sila.
Naging maganda ang pagsasama ng tatlo. Marami silang napagkwentuhan tungkol sa kanilang buhay at paano sila naging magkaibigan. Kinwento rin ni Makmak na naging kaibigan nila si Deth, ngunit dahil sa demonyo nitong tatay ay lumayo si Deth sa kanila.
"Ah, kaya pala noong nakausap ko siya, ngingiti-ngiti siya noong nakita niya kayo," ani Patricia.
"Nakangiti?" Hindi makapaniwalang tanong ni Makmak. "Totoo?!" Niyuyog pa niya ang balikat ni Patricia sa tuwa na hindi nito mapigilan.
"Oo... Teka nga lang." Tinanggal ni Patricia ang kamay ni Makmak sa balikat niya. "Hindi lang niya maipakita yon, kasi nagbabantay ang tatay niya sa kanya. Pero noong kinakausap ko siya, nagniningning ang mata niya nang makita niya kayo."
"Yes!" Biglang sumigaw si Makmak kaya pinagtingan siya ng iilang tao na malapit sa kanila.
"Grabe. Akala ko, nakalimutan na niya talaga tayo, Ara!" Masayang sabi nito sa kaibigan. Napangiti naman si Patricia. Sa totoo lang, ngayon pa lang siya nakakita ng ganitong lalaki. Iyong nakikita niya sa mata ni Makmak na malaki ang paghanga nito kay Deth, ngunit kinikimkim lamang sa sarili. Ngayon ay nailabas na nito kaya napasigaw pa siya.
"Nakakahiya ka," bulong ni Ara sabay hinila ang laylayan ng damit ni Patricia. Pagtingin naman ni Patricia sa mukha ni Ara, parang may kakaiba rito. Hindi niya masabi,ngunit may bahid ng pagseselos sa mukha ng dalaga.
Upang maiwasan ang nararamdamang inis ni Patricia, iniba na lang niya ang usapan. Kinwento niya ang kanyang ina at ang kanilang business na kakanin. Sinabi rin ni Makmak na may dati rin silang tindahan ng daing, ngunit nalugi nga lang iyon kahit ilang buwan pa lang sila nagbebenta. Inaalok pa ni Makmak si Patricia na kung gusto niyang sumama na lang sa kanila, tutal naman ay silang dalawa lang ni Ara ang magkatuwang sa buhay.
"Talaga?" Parang bata si Patricia na hindi makapaniwala sa sinabi ni Makmak. Sawakas kasi ay matutupad na ang isa sa hinihiling niya. Ang magkaroon ng kaibigan at makakasama.
"Pero baka hindi pumayag si Ara," saad ni Patricia nang mapansin si Ara na tulala habang nakatingin sa malayo.
"Ahh..ha? Ano ulit ang pinag-uusapan ninyo?" tanong ni Ara nang mapansin na nakatingin si Patricia at Makmak sa kanya.
"Ang sabi ko, payag ka ba na makasama natin si Patricia? Tutal naman kako, dalawa lang tayo sa bahay," pag-uulit ni Makmak.
"Aba, oo naman. Ayos lang sa akin. Ayos na ayos," pag pait sa ngiti ni Ara, ngunit hindi iyon nakita ni Makmak. Sa saya ni Makmak ay napayakap siya sa kaibigan, kaya nabigla si Ara doon. Nagtataka naman siya at tinugon na lang ang yakap ng kaibigan.
Nakuha pa tuloy silang asarin ni Patricia.
"Alam mo, bagay kamo kayo," aniya sa dalawa at mabilis na tinanggal ni Makmak ang pagkakayakap at humarap kay Patricia.
"Huy hindi 'no! Tomboy 'tong kaibigan ko. Tsaka magkakabata lang kami, kaya ganon kami kalapit sa isat-isa," mabilis na sabi ni Makmak kaya napatango na lang si Ara.
Ginulo-gulo pa ni Makmak ang buhok ni Ara, bago tumayo. "Oh siya, maiwan ko muna kayong dalawa riyan. Bibisitahin ko lang ang iba pa," anito.
Pagkaalis ni Makmak ay mabilia hinawakan ni Ara ang pate ng buhok na ginulo ng kaibigan at pasimpleng ngumiti. Napansin naman iyon ni Patricia.
"Mahal mo?" tanong niya.
"H-ha? Mahal? Sino?" nagkukunwaring tanong ni Ara.
"Huwag ka nang magkunwari. Wala na siya rito. Mahal mo ba siya?" tanong muli ni Patricia.
Napayuko naman si Ara nang magsimula na siyang mamula.
"Matagal na. Kaso palaging si Deth ang bukambibig niya, kahit ako ang kasama niya," ani Ara.
"Kaya nagkukunwari ka sa nararamdaman mo?"
Tumango lamang si Ara. Tiningnan ni Patricia sa di kalayuan si Makmak na kinakausap ang mga bata at nakikikain sa mga pagkain nila.
"Mukhang hindi nga mahirap mahalin si Makmak. Pero sana, minsan unahin mo rin ang sarili mo," seryosong sabi ni Patricia.
Seryosong nag-usap ang dalaga tungkol sa bagay na nararamdaman ni Ara kay Makmak. Pinangako naman ni Patricia na hindi niya iyon sasabihin kahit kanino. Humingi na rin ng pasensya si Ara sa pagsusungit niya kay Patricia, pero tinawanan lamang siya ng dalaga.
"Sanay ako ako doon. Madalas sa palengke, sila na nga ang tumitikhim ng free taste namin, sila pa ang nagsusungit," aniya nang inaalala ang nangyari noon. Muntik na kasi siyang mapaaway dahil sa isang ginang na siniraan pa ang tinda nila, pagkatapos tumikhim ng limang klaseng kakanin, pagkatapos sasabihin na hindi masarap.
Habang nag-uusap ang dalawa, bigla namang nagsalita ang babae sa mikropono, kaya tumigil muna ang lahat sa pag-iingay.
"Mag-ingat sa paparating nag pagsubok. Hindi pa rito nagtatapos ang ating laro," pagkasabing iyon ay biglang humangin ng malakas, kaya naghawakan sina Ara at Patricia.
Hindi mapigilan ang paglakaa ng hangin, kaya hindi maiwasan ng iba na tangayin. Nagsisimula na ring mag-ingay ang mga uwak na paparating, kaya mas hiwakanan pa ni Ara at Patricia ang isat-isa. Inaalala nila si Makmak kung nasaan na.
"Nasaan na ba ang lokong 'yon!" hirap na nagsasalita si Ara, dahil lumalakas ang hangin na parang may ipo-ipong dumadaan sa harapan nila.
"H..hindi ko alam!" kinakabahang sabi ni Patricia at matindi pa rin ang pagkakahawak niya kay Ara.
Sa hindi inaasahang pangyayari, biglang nagsilabasan ang mga uwak at umihip ng malakas ang hangin, dahilan para mahulog ang iba. Hindi na alam ni Patricia ang gagawin nang dumudulas na ang kamay niya sa kamay ni Ara. Bigla-bigla na lamang napabitaw si Ara sa kanya ay sumigaw siya.
"Tulong!" hindi na niya makita ang iba pang manlalaro. "Tulungan niyo ako!" sigaw niya nang dumudulas na rin ang pagkakahawak niya.
"Patricia!"sigaw ni Ara nang makita niya na nakasakit sa lubid ang dalaga.
Mabilis niyang hinila ang kamay ni Ara, ngunit dahil sa kabigatan ay hindi niya iyon nakayang mag-isa. Pinapanalangin na lamang ngayon ni Patricia na sana..sana dumating na si Makmak at tulungan sila.
Hindi binitawan ni Patricia ang kamay ni Ara, kahit hirap na hirap na siya. Nadagdagan pa ang pagsubok nang may isang uwak ang tumigil sa gilid niya. Pumatong pa ito sa balikat ni Patricia, habang si Patricia ay nanginginig na.
Bigla namang lumipad ang uwak sa braso niya at kinakagat kaga iyon.
"Aray!" sigaw niya. Gustuhin man niyang bugawin ang uwak nang unti-unti na siyabg nasusugat ay hindi niya magawa dahil hawak ng dalawa niyang kamay si Ara na hindi makaangat.
Dumudugo na ang braso ni Patricia, habang kasalukuyang kinakain ng uwak ang balat niya.
Hindi na alam ni Patricia ang kanyang gagawin at nang maramdaman na ang sukdulang sakit, bibitawan na niya sana si Ara, ngunit biglang may humawak sa kamay niya.
Si Makmak.
Tinaboy ni Makmak ang uwak gamit ang hawak na kutsilyo, sabay hinila si Ara. Napaupo ang dalawa sa pagod at panlalambot, ngunit mas nag-alala ang magkaibigan kay Patricia na ngayon ay namumutla na.
"Okay ka lang ba, Patricia?" tanong ni Ara.
Hindi makasagot si Patricia at bigla na lamang nawalan nang malay.
"Tulong!" Sigaw ni Makmak, nang magsimula namang tumigil ang malakas na hampas ng hangin at umalis na ang mga uwak.