KARARATING pa lang ni Dana sa sakayan nang makarinig siya ng busina. Napatingin siya sa mga dumaraang mga sasakyan nang mapako ang mga mata niya sa isang pamilyar na sasakyan.
Manghang napatingin siya sa sasakyan na nakaparada ilang metro mula sa kinatatayuan niya.
Anong ginagawa niya rito?
Nasa malalim na pag-iisip si Dana nang biglang bumukas ang pintuan ng driver’s seat. Mula roon ay bumaba si Dave at naglakad patungo sa kanya. Nagsalubong ang kilay niya habang nakatitig sa lalaki na nakangiti naman ng malapad habang humahakbang palapit sa kanya.
“Hi! Magandang umaga!” nakangiting bati ni Dave sa kanya nang makalapit ito.
Hindi pinansin ni Dana ang pagbati nito. “Anong ginagawa mo rito?” nagtatakang tanong niya.
“Sinusundo kita,” malapad ang ngiting sagot nito.
“Ako? Sinusundo mo?” Itinuro pa ni Dana ang sarili.
“Oo naman. Tara na para hindi ka ma-late sa trabaho mo,” yakag ni Dave.
Akmang hahawakan nito ang kamay ni Dana pero iniiwas ng dalaga ang sarili. Inilagay niya ang dalawang kamay sa kanyang likuran.
“Sorry. Nag-aalangan ka pa rin pala sa akin,” matamlay na pahayag ni Dave nang mapansin ang ikinilos niya.
Tumaas ang isang kilay ni Dana. “Hindi ako kumportable sa pinaggagawa mo. Kahapon lang tayo nagkakilala. Pero kung umasta ka, feeling close ka naman,” wika ni Dana.
Napakamot ng kanyang ulo ang binata. “Pasensiya na. Ganito lang talaga ako. Masyadong friendly. Ayaw mo ba ng gano’n?”
Hindi agad nakasagot si Dana. Napatitig lang siya sa guwapong mukha ng binata. Akmang magbubukas siya ng bibig nang makarinig siya ng parang may kumakanta.
Napansin niyang may kinapa si Dave sa likuran ng pantalon nito. Nang ilabas nito ang kamay ay may hawak ng cellphone. Nakita niyang may ginalaw ito sa cellphone saka biglang huminto ang kanta.
Ring tone pala ng binata ang narinig niya. Akala naman niya kanina ay may dumaang sasakyan na nagpapatugtog ng kanta.
“Tara na para maihatid na kita,” wika ni Dave pagkatapos nitong ibulsa ang cellphone.
“Seryoso ka talaga na ihahatid mo ako?” tanong ni Dana.
“Bakit ayaw mo ba? Huwag kang mag-alala, hindi kita pagbabayarin,” tugon ng binata.
Napabuga ng hangin ang dalaga. “Nagbibiro ka ba? Gusto mo bang malugi? Kahapon mo pa ako inililibre,” hindi makapaniwalang sambit niya.
“Okay lang. May dadaanan pa naman akong pasahero. Sila na lang ang pagbabayarin ko. Basta ikaw libre,” sagot nito sabay kindat sa kanya.
Umikot ang mga mata ni Dana. “Kung gano’n sa iba na lang ako sasakay. Malay ko kung anong kapalit ng panlilibre mo,” saad ng dalaga. Kasunod nito ay tinalikuran niya ang binata.
“Hey! Ano ka ba? Male-late ka na nga, umaarte ka pa diyan.”
Biglang napahinto sa paghakbang si Dana. Awtomatikong dumako ang mga mata niya sa suot na relo. Quarter to six na pala. Kung hindi siya magmamadali ay siguradong male-late siya.
“Halika na. Ako na ang maghahatid sa iyo. Kapag hindi ka pa sasama, bubuhatin na kita,” untag ni Dave.
Namilog ang mga mata ni Dana. Bigla niyang nilingon ang binata. Muntik na siyang mapahiyaw nang bumangga siya sa matigas nitong dibdib. Wala sa sariling nag-angat siya ng ulo. Sinalubong siya ng seryosong mukha ng binata.
Nakayuko ito sa kanya at ilang pulgada na lang ang layo ng mukha nito sa mukha niya. Kung iyuyuko pa nito mismo ang sarili ay siguradong mahahalikan na siya nito.
Iniiwas ni Dana ang mukha rito. Pagkatapos ay umatras siya ng kaunti para magkaroon ng distansiya sa pagitan nila. Pakiramdam niya ay hindi siya makahinga. Para siyang kakapusin ng hangin.
“Let’s go, Dana.” Narinig niyang sambit ni Dave. Nang hilahin nito ang kamay niya ay wala na siyang nagawa kundi sumunod dito.
Binuksan nito ang pintuan ang shotgun seat at pinapasok siya sa loob. Pagkatapos ay umikot ito para pumasok sa driver seat.
Pareho silang tahimik habang binabagtas ang daan. Si Dave ay nakatutok ang tingin sa unahan samantalang si Dana ay nagpalipat-lipat ang tingin sa labas ng bintana at sa suot niyang relo.
“Huwag kang mag-alala, hindi ko hahayaang ma-late ka sa iyong trabaho,” sambit ni Dave.
Napalingon si Dana sa katabing binata. “Bakit mo ba ginagawa ito? Huwag mong sabihin na gusto mo lang gawin ito dahil hindi ako maniniwala. Siguradong may dahilan ka kung bakit mo ako sinusundo at inililibre.”
“Kagabi mo pa tinatanong iyan sa akin. Sinabi ko na ang dahilan, hindi ba? Ayaw mo bang maniwala sa sinabi ko?”
Napapikit si Dana ng ilang segundo. Narinig na nga niya ang paliwanag ni Dave kagabi. Pero parang ang hirap paniwalaan. Kahapon lang niya ito nakilala tapos sasabihin nitong nagustuhan siya kaagad. Parang imposibleng mangyari iyon. Totoo ba talaga ang kasabihang love at first sight?
“O baka naman ayaw mo talaga sa akin kaya ganyan ang reaction mo?”
Napasulyap si Dana kay Dave. Eksakto namang nakatitig din sa kanya ang binata. Siya ang unang nagbaba ng tingin. Masyadong intense ang pagtitig nito. Pakiramdam niya tuloy ay parang binabasa nito ang laman ng isip niya.
“Pasensiya na kung na-offend kita. Mahirap lang kasing paniwalaan ang sinasabi mo. Sa mga pelikula lang naman nangyayari na ang bidang lalaki o babae ay nagkakagusto sa unang beses pa lang na pagkikita nila,” paliwanag niya rito.
Narinig niya ang malakas na buntunghininga na pinakawalan ni Dave.
“Hindi ba maganda na masyadong honest ang isang tao?” Narinig niyang tanong nito.
Napilitan si Dana na lingunin ang kausap. Napansin niyang seryoso ang mukha ng binata habang mahigpit naman ang paghawak nito sa manibela. Bigla tuloy siyang kinabahan. Nagagalit na ba ito sa kanya? Huwag naman sana. Baka mamaya niyan ay biglang silang bumangga o kaya ay may ibang maisip na gawin ang lalaki sa kanya.
“Hindi mo na sinagot ang tanong ko,” wika ni Dave nang sulyapan siya nito.
“Okay lang naman na magsabi ng totoo ang isang tao. Pero siguro depende na rin sa sasabihin nito. Baka naman hindi talaga kapani-paniwala ang pinagsasabi niya,” hindi niya mapigilang sambit dito.
Nagsalubong ang mga kilay ni Dave sa sinabi niya.
“So, iniisip mo ba na nagsisinungaling ako? Ibig mo bang sabihin na hindi ako nagsasabi ng totoo?”
Nakagat ni Dana ang kanyang pang-ibabang labi. “Ang hirap kasing paniwalaan dahil ngayon lang kita nakita at sa ganitong pagkakataon pa,” pagdadahilan niya.
Lalong kununot ang noo ni Dave saka marahas na ibinaling ang atensyon sa daan. “Okay. Fine. Naintindihan ko na. Pero nagkakamali ka kung iniisip mo na titigilan na kita. Sa pagkakataong ito, gagawin ko na ang gusto kong gawin,” sambit nito nang hindi tumitingin sa kanya.
Napakapit nang husto si Dana sa kanyang upuan.
Shit! Anong binabalak ng lalaking ito?