“OO NGA pala. Nakalimutan kong magpakilala nang maayos. Ako si Dave. Ikaw, anong pangalan mo?” tanong ng lalaki kay Dana nang nasa loob na sila ng sasakyan nito.
“Dana ang pangalan ko,” maikling tugon niya.
“Natutuwa akong makilala ka, Dana.” Inabot ni Dave ang kanang kamay nito sa kanya.
“Huh? Para saan naman iyan?” kunot-noong tanong niya habang nakatingin sa kamay nito.
Napansin niya na maganda talaga ang hugis ng mga daliri nito. Animo’y daliri ng babae.
“Mag-shake hands tayo,” wika ni Dave. “Hindi ba, ganoon naman ang ginagawa ng mga bagong magkakilala?” dagdag pa nito.
Tinaasan ito ng kilay ni Dana. “Naisip mo pa talaga iyon?” nakaismid niyang usisa dito.
“Bakit? Ayaw mo ba?” ganting tanong nito.
Akmang sasagot si Dana ngunit biglang ibinaba ni Dave ang kamay nito.
“Hindi na bale kung ayaw mo. Hindi na nga yata uso ang mag-shake hands sa panahong ito,” sambit nito habang ang mata ay nakatutok sa daan.
Hindi na umimik si Dana. Hindi naman sa ayaw niyang makipagkamay sa lalaki. Nagulat lang talaga siya sa pinaggagawa at pinagsasabi nito. Kung umasta ito ay para bang matagal na silang magkakilala. Pero ang totoo ay ngayon lang niya ito nakita kahit pa sinabi nitong madalas itong pumunta sa Imperial Bank.
Sa isang banda, malabo rin naman talaga na magkita sila. Nasa loob siya ng opisina samantalang nasa labas naman ang mga kliyente na nagdedeposito o kaya ay nagwi-withdraw ng pera sa bangko.
“Kumain ka na ba?” biglang tanong ni Dave sa kanya.
“Bakit mo tinatanong?” Ano na naman kaya ang binabalak ng lalaking ito, tanong niya sa sarili.
“Nagugutom na kasi ako. Kumain muna tayo bago kita ihatid sa inyo,” saad ni Dave.
Napatingin si Dana sa suot niyang relo. Alas diyes na pala ng gabi. Ang totoo ay gutom na rin siya. Ang huling kain niya ay noong tanghali pa. Hindi na siya nakapag-snack kaninang hapon dahil sa dami ng ginagawa niya. Pero kung kakain pa sila ngayon, baka maabutan na siya ng curfew. Alas dose kasi ng hatinggabi ang curfew nila.
Kapag inabutan siya ng curfew ay mapagsasarhan siya ng gate at hindi na makakapasok sa loob. Ipina-padlock kasi ng may-ari ng boarding house ang gate at bukas na ng alas-kuwatro ito bubuksan. Saan naman kaya siya matutulog kapag hindi siya nakauwi?
“Salamat na lang sa offer mo. Pero kailangan ko na talagang makauwi kasi may curfew kami sa boarding house,” katwiran ni Dana.
“Ah, ganoon ba? Mag-take-out na lang tayo kung gano’n. Tapos dito na lang tayo kumain sa loob ng sasakyan,” suhestiyon ni Dave.
“Ang kulit mo talaga, ano?” nailing na sambit ni Dana.
“Hindi naman masyado. Kaunti lang. Saka alam ko namang pareho na tayong gutom kaya kailangn nating kumain,” tugon nito bago iniliko ang sasakyan sa drive thru ng isang fastfood.
“Dito ka bibili ng pagkain?” nagtatakang tanong ni Dana. Akala kasi niya ay sa mga food stall ito bibili ng makakain.
“Bakit? Ayaw mo ba ng pagkain dito? Mas mabilis kasi ang mag-order ng pagkain dito kaysa sa papasok pa tayo sa loob at mag-take-out,” katwiran nito.
“Wala naman akong sinabi na ayaw ko. Nagtataka lang naman ako,” depensa niya.
“Pasensiya na. Next time sa restaurant na kita dadalhin. Pero ngayon pagtiyagaan na lang natin dito. Mahirap kayang kumain sa loob ng sasakyan,” nailing nitong sabi.
Tumango na lang si Dana. Tama naman ang sinabi nito. Baka nga magkalat lang sila sa loob ng sasakyan lalo na kung may inumin pa sila.
“Ano nga pala ang gusto mong kainin? In case, hindi mo maubos, puwede mong ituloy na kainin sa boarding house ninyo,” wika nito habang sinisilip ang karatula ng fastfood sa labas ng bintana.
“Isang cheeseburger, regular fries, at ube macapuno pie. Tapos samahan mo na rin ng softdrinks,” mabilis na tugon ni Dana. Biglang tumunog kasi ang tiyan niya. Gutom na talaga siya. Mabuti na lang at hindi napansin ni Dave.
“Iyon lang ang gusto mo? Baka may gusto ka pang idagdag,” wika nito nang bumaling sa kanya.
“Wala na. Okay na iyon. Nakakahiya naman sa iyo. Ikaw na nga itong magbabayad tapos ang dami ko pang order,” naaasiwang sagot niya.
Bahagyang natawa si Dave. “Wala namang problema sa akin kahit mag-order ka pa ng marami. Basta ang importante ay makakain ka at mabusog. Dapat kasi kapag ganitong oras ay nakakain ka na. Mahirap kayang malipasan ng gutom. Baka lalo kang pumayat niyan,” wika nito saka pinasadahan siya ng tingin.
“Talaga lang, ha? Eh, bakit ikaw? Hindi ka pa rin naman kumakain?” katwiran niya dito.
“Actually, tapos na akong kumain. Kaninang alas-sais pa. Kaya nagugutom na ulit ako,” tugon nito.
“Ah, gano’n ba? Ang aga mo naman palang kumain,” Nasa kasagsagan pa lang siya ng kanyang trabaho ng oras na iyon. Kaya iyong pagkain ang pinakahuling bagay na nasa isip niya.
Hindi na umimik si Dave. Nasa tapat na kasi ito ng drive thru counter. Ibinigay nito ang kanilang order saka ito binayaran. Pagkatapos ay dumiretso na sila sa isa pang counter para kunin ang kanilang in-order.
Nang makuha ang pagkain ay inabot sa kanya ni Dave ang mga supot. Napansin niyang pareho pala sila ng in-order na pagkain. Inabot niya rito ang cheeseburger.
“Thank you,” wika nito nang tanggapin ang inabot niya.
“Iyong inumin mo dito ko na ilagay,” sabi ni Dana nang ibaba niya ito sa cup holder na nasa pagitan nila.
“Sige, kain na tayo,” sambit ni Dave bago nito kinagat ang pagkain.
Tumango lang si Dana. Habang nagngunguya siya ay napansin niya ang dalawang box ng ube macapuno na naiwan sa supot kasama ng dalawang order ng French Fries.
“Ang dami mo namang in-order na pie. Pasalubong mo ba sa bahay ninyo?” curious niyang tanong.
Nilingon siya ni Dave saka ito umiling. “Ah, hindi. Binili ko iyan para sa iyo. Ikaw na ang mag-uwi niyan pati na ang iyong French Fries. Okay na ako dito sa cheeseburger,” sagot nito.
Napakamot ng ulo si Dana. “Bakit ang dami naman nito? I mean, ang dami ko ng utang sa iyo. Libre na ang pamasahe ko kaninang umaga. Tapos sinundo mo pa ako sa trabaho at ihahatid pauwi. Saka pinakain mo na rin ako at ngayon may kasama pang take-out. Okay ka lang talaga?” hindi makapaniwalang tanong niya.
Hindi kaya may masamang balak ang lalaking ito sa kanya? Huwag naman sana. Dalaga pa siya at hindi pa nagkaka-boyfriend. Iniingatan din niya ang kanyang sarili para sa mapapangasawa niya balang araw. Pero mukhang madidisgrasya yata siya ngayong gabi. Kinakabahang inayos niya ang pagkakaupo at isiniksik ang sarili sa bintana.
“Anong ibig mong sabihin?” nagsalubong ang kilay ni Dave nang tumingin sa kanya. Naubos na nito ang kinakain.
“Nagtataka lang naman ako kung bakit ginagawa mo ito. Ngayon lang tayo nagkita, ah.” Hindi sinasadyang nakagat ni Dana ang pang-ibabang labi nang mapsulyap sa binata.
Hindi siya sinagot nito. Sa halip ay kinuha nito ang inumin. Nakatutok ang tingin nitom sa daan habang umiinom.
Hindi na nagawang tapusin ni Dana ang kinakain. Ibinalik na niya agad ito sa supot. Saka mabilis na sumipsip sa kanyang inumin.
Nagsisimula na namang lumamig ang mga kamay niya. Pati ang t***k ng puso niya ay nagwawala na. Muli siyang napasulyap sa suot na relo. Mag-aalas-onse na pala. Pero malayo pa ang boarding house nila. Mahigit kalahating oras pa ang biyahe nila. Umusal siya ng maikling panalangin habang ang mga mata niya ay nakatitig sa labas ng bintana.
“May problema ba, Dana? Hindi mo pa yata tapos ang kinakain mo?” untag ni Dave sa kanya.
Nilingon ni Dana ang binata. “Sa boarding house ko na lang itutuloy ang kinakain ko. Bakit hindi mo pala sinasagot iyong tanong ko?” lakas-loob niyang sambit.
“Ano ba iyong tinatanong mo?” Blangko ang ekspresyon ng mukha nito nang mapatingin sa kanya.
“Ngayon lang tayo nagkita at nagkakilala. Pero kung umasta ka, parang ang tagal mo na akong kilala. Nagtataka ako sa pinaggagawa mo?”
“Kasalanan ba ang maging mabait ako kahit sa mga bago kong kakilala? Hindi ba maganda ang inaasal ko sa harapan mo?” ganting tanong nito sa kanya.
Walang maisip na isagot si Dana sa tanong ni Dave. Ang totoo ay wala namang masama sa mga ikinikilos at ginagawa nito lalo na at pabor sa kanya ang lahat ng iyon. Kaya lang ay hindi niya alam ang motibo. Baka kinukuha lang nito ang loob niya tapos may binabalak palang masama sa kanya. Paano niya ipagtatanggol ang sarili niya laban dito?
Bukod sa lalaki ito at mas malakas sa kanya, nakakulong pa siya ngayon sa loob ng sasakyan nito. Paano niya ito matatakasan?
“Dana, bakit ka ganyan makatingin sa akin?” kunot noong tanong nito. “Anong nangyayari sa iyo? Natatakot ka ba sa akin?”
Hindi sumagot ang dalaga. Sa halip ay nagpakawala siya ng malalim na buntonghininga.
Anong gagawin ko ngayon? Alam na niyang natatakot ako sa kanya.
“Look, I don’t mean to harm you. I just want you to know that…I like you since I saw you this morning. Kaya sinundan kita sa work mo. Gusto kong makilala kita,” pangungumpisal nito.
Kumurap ng ilang beses si Dana. Hindi niya alam kung maniniwala ba siya o kakabahan sa sinabi ni Dave. Ano bang nangyari sa lalaking ito? Na-love at first sa kanya? Totoo kaya iyon?
“Kung hindi ka naniniwala sa sinasabi ko, kunin mo ito.” Inabot ni Dave ang cellphone nito sa kanya.
“Anong gagawin ko dito?” nagtatakang tanong niya nang kunin ang cellphone nito.
“Tawagan mo ang boyfriend mo at sabihin mong sunduin ka. Ihihinto ko ang sasakyan sa pinakamalapit na kanto,” wika nito nang hindi tumitingin sa kanya.
Napailing si Dana. “W-wala naman akong boyfriend,” nanginginig ang kamay na sagot niya nang mapasulyap kay Dave.
“Anong sabi mo? Sa ganda mong iyan, wala kang boyfriend? Ako naman yata ang niloloko mo.” Bahagya pang tumaas ang boses ni Dave nang magsalita ito.
Hindi umimik si Dana. Hindi niya gustong sagutin ang tanong nito.
“Kung totoo man iyang sinabi mo, hawakan mo muna iyang cellphone ko. Kung sakaling may gagawin akong masama sa iyo, tumawag ka kaagad ng tulong. Kung may pepper spray ka diyan sa bag mo, ihanda mo na rin. Tatanggalin ko na rin ang lock ng pintuan para madali kang makalabas, in case, may gagawin nga akong masama sa iyo,” litanya nito habang ang mga mata ay nakatingin sa unahan.
Nang marinig niya ang tunog na hudyat ng pag-alis ng lock sa pintuan ay agad siyang napahawak dito.
“Hey! Huwag mo munang buksan iyan. Baka mahulog ka sa labas. Imbes na makauwi ka nang maayos, baka sa hospital kita dalhin niyan,” babala ni Dave.
“Naghahanda lang ako tulad nang sinabi mo,” saad niya nang mapatingin dito.
Seryoso ang mukha nito habang nagmamaneho. Kanina lang ay maaliwalas pa ang mukha nito. Pero ngayon ay parang galit na ito.
“Kahit kailan ay hindi ako namilit ng babae. Sa totoo lang, ang mga babae nga ang lumalapit sa akin. Pero kapag tinanggihan ako ng babae, hindi ko na ipagpipilitan ang sarili ko. Kaya lang noong maihatid kita sa trabaho mo kanina, hindi na ako mapakali. Gusto kong makita kita uli. Ewan ko ba kung bakit ako nagkakaganito. First time lang nangyari ito sa akin,” nagkakamot ang ulong sabi nito.
Napakagat ng kanyang labi si Dana. Hindi niya alam kung paano magre-react sa sinabi ni Dave.
“First time ko rin na maka-encounter ng babaeng katulad mo na pinag-iisipan ako ng masama. Pero okay lang. Hindi naman kita puwedeng sisihin kung may masamang karanasan ka sa mga kapwa ko lalaki. Siguro, normal na reaction mo na lang ang ipinapakita mo sa akin,” matamlay nitong sabi.
Lalong natameme si Dana. Hindi na lang siya magsasalita baka kung saan pa makarating ang usapan nila. Tumahimik na rin si Dave at hindi na nagsalita.
Nang huminto ang sasakyan sa tapat ng kanilang boarding house ay binalingan ni Dana si Dave. “Thank you sa lahat,” wika niya saka ibinaba ang cellphone nito sa dashboard. Hindi na niya hinintay na mag-react pa ang binata. Bumaba na siya agad ng sasakyan.
Nakadalawang hakbang na siya nang marinig niyang tinawag siya ng binata. Agad naman siyang lumingon.
“Nakalimutan mo ito,” sambit ni Dave habang inaabot ang supot ng pagkain sa nakabukas na bintana.
Tinanggap ni Dana ang supot. “Maraming salamat ulit,” wika niya saka tinalikuran na ito.
“Good night, Cinderella. Sweet dreams.” Narinig niyang sambit ni Dave.
Wala sa sariling muli niya itong nilingon.
Nakangiti ito ng malapad sa kanya. “Pumasok ka na sa loob. Baka magbago ang isip ko, iuwi kita sa bahay ko,” nakangising saad nito.
Nanlaki ang mga mata ni Dana. Nagmamadaling nilapitan niya ang gate at binuksan ito. Saka malakas na isinara ito na naging dahilan para tumahol ang mga alagang aso ng landlady nila.
Kumaripas na lang siya ng takbo papunta sa kanilang boarding house.