“SIGURADO ka ba na gusto mong gawin ito? Baka mahirapan ka. Isa pa’y hindi mo kabisado ang mga kalsada dito sa Manila. Maraming pasikot-sikot at matindi ang trapik dito,” nag-aalalang sabi ni Mang Julio.
“Uncle, maniwala ka sa akin, gusto kong gawin ito. Saka pansamantala lang naman ito habang hinihintay ko iyong mga inaplayan kong trabaho,” paliwanag ni Dave.
“Dumito ka na lang kaya sa bahay para may kasa-kasama kami ng Antie mo. Huwag mo nang alalahanin ang mga gagastusin mo dito sa bahay. Mas kampante pa ako kung nandito ka lang sa bahay kaysa sa nasa lansangan ka. Mas delikado iyon.”
Napakamot ng ulo si Dave. “Uncle naman. Nakakahiya sa inyo ni Antie. Matanda na ako para umasa pa sa inyo ni Antie. Saka kaya ko naman ito. Mas mabigat pa nga sa FX ang dina-drive ko dati. Pagbigyan n’yo na ako,” pakiusap niya rito.
“O, sige na nga. Pero hindi ka pa magda-drive ngayon. Sumama ka na lang muna bilang konduktor para matutunan mo ang pasikot-sikot ng magiging ruta mo. Kapag kabisado mo na ang daanan ay saka ka magda-drive na mag-isa.”
Napangiti siya. “Okay po, Uncle. Salamat po sa pagtitiwala.”
“Walang anuman, iho. Masaya nga ako na makatulong sa iyo.
“DANA, gising na! Tanghali na! Male-late ka na!” Ang pagsigaw ni Ira at marahang pagyugyog nito ang nagpagising kay Dana.
“Anong oras na ba?” nagkukusot ng matang tanong ni Dana.
“Alas-sais na po. Kaya bumangon ka na diyan. Siguradong male-late ka na sa trabaho m,” litanya ni Ira sa kanya.
Nanlaki ang mga ni Dana sa sinabi ng kaibigan. “Ano? Bakit hindi ko narinig ang tunog ng alarm clock ko?” Bigla siyang bumangon at nagmamadaling tinungo ang banyo.
“Ay, ano ba ‘yan? Nakalimutan mo na ba? Kahapon pa nasira ang battery ng alarm clock mo kaya paano tutunog iyan?” pahabol na sabi ng kaibigan niya.
Natapik ni Dana ang sariling noo. s**t! Nakalimutan pala niyang bumili ng bagong battery. Tumatanda na yata siya kaya nagiging makalilimutin na rin.
Mabilis siyang naligo Pagkatapos ay nagkukumahog na nagbihis. Record breaker siya. Sa loob lang ng twenty minutes ay nakahanda na siyang pumasok.
“O, hindi ka na ba kakain?” tanong ni Ira nang akmang bubuksan na niya ng pintuan ng apartment nila.
“Sa office na lang. Wala na akong oras.” Binuksan niya ang pintuan at tuluyan nang lumabas.
“Hey, huwag ka nang mag-bus! Mag-FX ka na lang para hindi ka ma-late!” pasigaw na sabi ni Ira nang makalabas siya.
Hindi na niya nilingon ang kaibigan basta tuluy-tuloy lang siya sa paglalakad. Pagdating sa waiting shed ay marami na siyang inabutang naghihintay din ng masasakyan. Tuwing may hihintong sasakyan ay nauunahan siya ng iba na sumakay. Lalo tuloy siyang kinakabahan. Sobrang istrikto pa man din ni Mr. Arsenas ang manager ng Imperial Bank kaya siguradong masasabon siya ng husto kapag na-late siya. Maya-maya ay may humintong FX sa harapan niya. Agad siyang lumapit dito. Bumukas ang pintuan sa tabi ng driver.
“Dito ka na, Miss,” sabi ng driver. Napilitang umusod ang pasaherong naroon. Medyo malaki ang pangangatawan ng babaeng katabi niya kaya nahirapan siya sa puwesto niya. Ngunit tiniis na lang niya ito basta huwag lang siyang ma-late sa trabaho.
Makalipas ang kalahating oras ay nagsimula nang magsibabaan ang mga pasahero ng FX. Nakahinga rin siya ng maluwag nang bumaba na rin ang katabi niya. Habang bumibiyahe sila ay nagpi-pick up pa ng pasahero ang driver. Ngunit napansin niyang wala itong pinasasakay na pasahero sa tabi niya. Na-curious tuloy siya sa driver. Kaya napatingin siya rito ng wala sa oras.
Ngayon lang niya napansin na guwapo pala ang driver na katabi niya. Hindi mukhang driver ang lalaki. Mas bagay dito ang mag-artista o maging modelo. Matangos ang ilong nito at may prominenteng panga. May mumunting tubo ng balbas sa mukha nito. Dark brown ang umaalon nitong buhok. Malapad ang mga balikat nito. At sigurado siyang maganda ang pangangatawan nito kahit pa nakasuot ito ng may kaluwagang polo. Nang mapatingin siya sa mga kamay nitong nakahawak sa manibela ay napansin niyang malinis ang mga kuko nito. Bagaman walang manicure ay natitiyak niyang alaga ang mga ito. Makinis ang mga kamay nito halos hindi mahahalata ang mga ugat o litid kung mayroon man ito. Nang mabaling ang atensyon niya sa bibig nito ay nakaramdam siya ng panunuyo ng lalamunan.
“Huwag mo akong titigan ng ganyan dahil baka matunaw ako. Kapag nangyari iyon ay hindi ka na makakarating sa pupuntahan mo,” pabulong na sabi ng driver.
Natutop niya ang bibig. Biglang iwas din siya ng tingin.
She heard him chuckle. Naiinis man siya ay hindi na nagpahalata. Hindi niya lubos akalaing napansin pala ng lalaki ang ginawa niyang pagtitig dito.
“Kumain ka na ba?” maya-maya’y tanong nito.
“Anong sabi mo?” Pinandilatan ito ni Dana.
Sinulyapan siya ng lalaki at pagkatapos ng ilang segundo ay muling ibinalik ang tingin sa kalsada. “Tinatanong kita kung nag-breakfast ka na,” sagot nito nang hindi tumitingin sa kanya.
“Bakit mo naman tinatanong?” Ano ba ang binabalak ng lalaking ito?
“Kung makatingin ka kasi sa akin para kang nakakita ng pagkain na gusto mong kainin.” Mahina lang ang pagkakasabi nito at halos hindi umabot sa pandinig niya.
Naramdaman niya na ang biglang pag-init ng mga pisngi niya. Napahiya siya doon, ah. Kung literal man o hindi ang sinasabi ng lalaking ito ay hindi na niya gustong malaman. Nae-eskandalo ang mga tenga niya sa narinig mula rito.
“Bakit hindi mo sinagot ang tanong ko?” muli’y tanong ng lalaki nang bigla siyang matahimik.
Hindi siya sumagot. Inirapan lang niya ito at itinutok ang atensyon sa kalsada. Nakahinga siya ng maluwag nang hindi na rin nagsalita ang lalaki.
Ilang minuto pa ang lumipas at nakarating na sila sa terminal ng mga FX.
“Hanggang dito na lang po tayo,” anunsyo ng driver.
Hindi nga pa pala siya nagbayad ng pamasahe niya. Binuksan niya ang kanyang bag. Laking dismaya niya nang hindi makita ang wallet sa loob ng bag niya. Binuksan niya lahat ng siper at bulsa ng bag pero wala doon ang kanyang wallet. s**t! Naiwan niya yata ang wallet dahil sa pagmamadali kanina!
“Miss, hindi ka pa ba bababa?” tanong ng driver sa kanya.
Nahihiyang napatingin siya sa lalaki. “May problema, eh. Naiwan ko ang wallet ko. Wala akong maipambabayad sa pamasahe ko,” lakas-loob niyang sabi dito.
Tumaas ang kilay ng lalaki. Walang kakurap-kurap na tinitigan siya nito ng diretso sa mata.
Lintik! Hindi yata ito naniniwala sa sinasabi niya.
Napakagat- labi siya.“Hindi ako nagbibiro. Seryoso ako.”
Nagkibit-balikat ang lalaki. “Hindi kita mapipilit na magbayad kung wala ka nga namang pera,” malumanay na sabi nito.
“Sorry, talaga. Hindi ko naman sinasadyang maiwan ang wallet ko,” hinging-paumanhin niya rito. Inayos niya ang bag saka maingat na bumaba ng sasakyan. Nakailang hakbang na siya nang marinig niyang magsalita ang lalaki.
“Miss, saan ka nagtatrabaho?” pasigaw na tanong ng lalaki.
Huminto siya at nilingon ang lalaki. “Imperial bank!” pasigaw din niyang sagot bago muling ipinagpatuloy ang paglalakad.