Aurora
Imbes na sa villa niya sa may kagubatan ay dinala ako ni Raphael sa isang penthouse malapit sa hotel. Nasa tuktok ‘yon ng isang mataas na condominium kung saan tanaw na tanaw ko ang liwanag ng siyudad tuwing gabi.
“Did you like it?” tanong ni Raphael sa ‘kin nang pumasok siya sa silid, hila ang dalawang maleta ko ng gamit. Napalingon ako sa kanya. “This is my bachelor’s pad. I’d rather make you stay here than in the middle of nowhere.”
Ngumiti lang ako. Iniwan niya ang maleta ko sa isang tabi bago niya ako nilapitan at niyakap mula sa likod. “Binahay mo na talaga ako, ha…” pabiro kong sabi sa kanya habang pinupupog niya ako ng halik sa leeg.
Ngumisi si Raphael. “Dapat pala magpasalamat ako sa Aswang na ‘yon. Dahil sa kanya, naibahay na kita.”
Kinurot ko ang tagiliran niya bago tinugon ang matamis niyang halik. “Tarantado.”
Sinubsob niya ang mukha niya sa leeg ko. Alam kong hapong-hapo siya dahil na rin sa mga pangyayari kanina. Masuyo kong inabot ang kanyang buhok para malambing na suklayin ‘yon gamit ang mga daliri ko.
“Raphael…”
“Hmm?” Tiningnan niya ako. “Bakit? Nagugutom ka ba? May masakit ba sa ‘yo?”
Umiling ako. “Wala… tingin ko dapat magpahinga ka na muna…”
Ngumiti siya. “Makita lang kita, nakapagpahinga na ‘ko.”
Oo na. Kinikilig na ‘ko. Tao rin naman ako at nakakaramdam din ng emosyon. Lalo na nang iharap niya ako sa kanya. Napansin ko ang kuwintas sa leeg niya na katulad ng suot ko. Hinaplos ko ‘yon.
“Sa’yo rin ‘tong kuwintas?” tanong ko. “Teka, ibabalik—”
“No need. Sa ‘yo ‘yan. Parte ‘yan ng hiyas ko, Aurora. Hangga’t nasa’yo ‘yan, mararamdaman ko kaagad kung ligtas ka o hindi, kaya ‘wag na ‘wag mo ‘yang huhubarin.”
Pinaglaruan ko ‘yon sa pagitan ng mga daliri ko, dinadama ang init na nanggagaling do’n. Kinuha ni Raphael ang mga kamay ko at dinala ‘yon sa labi niya.
“‘Wag mong paglaruan ‘yan. Kaharap mo na nga ako…”
Nahigit ko ang hininga ko nang lumapit na naman siya sa ‘kin. Mamasa-masa ang labi ni Raphael. At…
“Teka…” nanghihina kong sabi bago ko siya mahinang tinulak papalayo. “Pwedeng… magpahinga ka muna?”
Natawa siya. Napatili ako nang buhatin niya ako papunta sa silid niya. Salamin ang bubong n’yon at kitang-kita ko ang buwan at bituin sa kalangitan. Binaba ako ni Raphael sa ibabaw ng malambot na kama bago siya nahiga sa tabi ko.
“Kung gusto mo na magpahinga ako, kailangan matulog ka rin sa tabi ko,” sabi niya bago ako hinila papalapit sa kanya. “Sleep with me, my love…”
Pinaubaya ko na kay Raphael ang katawan ko. Niyakap niya ako nang mahigpit. Makalipas lang ng ilang saglit, naramdaman ko ang pagbigat ng paghinga niya. Tinitigan ko ang mukha niya. May maliit na galos sa pisngi niya, siguro ay dala na rin ng nangyari kanina.
“Ikaw pala ang soulmate ko…” bulong ko habang hinahaplos ang pisngi niya. Napangiti ako. “Ang swerte ko naman…”
Lumamlam ang mga mata ko. Biglang sumagi sa isipan ko ang layo ng agwat ng estado namin sa buhay. Pati na rin ang maraming mga bagay na naghihiwalay sa ‘ming dalawa.
Matatanggap kaya ako ng pamilya niya? Kahit na ako pa ang nakatakda sa kanya, hindi pa rin ako babaeng may magandang background o kapangyarihan katulad nila.
Tao lang ako. At walang-wala sa kanya…
“Salamat sa pagmamahal mo, Raphael…”
Hindi ko alam kung gaano ako katagal na nakatulog. Nang magising ako, maliwanag na sa silid na kinahihigaan ko, at wala na si Raphael sa tabi ko. Pupungas-pungas na tumayo ako para hanapin siya.
Nakita ko siya na nasa kusina, nagluluto ng agahan. Wala siyang pang-itaas at ngayon na nakatitigan ko siya nang maigi, napansin ko ang dalawang pilat sa likod niya. Wala sa loob na hinaplos ko ‘yon, dahilan para mapalingon siya sa ‘kin.
“Oh, gising ka na… Sit down, malapit na ‘to maluto,” distracted na sabi niya habang nagluluto ng sinangag. Nang maramdaman niya ang daliri ko sa pilat niya ay bahagya siyang napapitlag. “‘Wag, masakit…”
“Ano ‘to? Saan mo ‘to nakuha?” tanong ko sa kanya. “Gusto mo, gamutin natin?”
Natawa siya. “D’yan lumalabas pakpak ko. ‘Wag mo nang hawakan, medyo mahapdi.”
Napaatras ako at agad na binawi ang kamay ko. “Hala, sorry! Hindi ko alam—”
“Ngayon, alam mo na. Kapag nagkaanak tayo, may gan’yan din sila.”
Anak. Saglit akong napaisip sa sinabi niyang ‘yon. “Kung… magkakaanak tayo… Paano—”
Kumalat ang pilyong ngiti sa labi niya. “Sa tingin mo, paano?”
“E ‘di ba ang ibon, galing sa itlog? So…paano ko—”
Halos mamula na siya sa kakatawa nang harapin niya ako. Pinatay niya ang induction cooker bago ako hinarap. “At bakit gusto mong malaman? Gusto mo na ba na magkaanak tayo? Parang no’ng isang linggo lang, sinampal mo ako kasi ayaw mo na ibahay kita—”
“Raphael!” inis na saad ko bago siya hinampas sa braso. “Umayos ka nga!”
“Fine, fine!” Pinigilan niya ang pagtawa niya. “Kapag nagkaanak tayo, sanggol pa rin ang iluluwal mo. Pero sa ikaanim na buwan nila, do’n mag-uumpisang lumabas ang pakpak nila. Masakit ‘yon at mahirap. Parang pagngingipin sa mga mortal na sanggol. At kung anong kulay ng pakpak nila, ‘yon ang magsasabi kung ano ang magiging katungkulan nila sa angkan.”
“Kung gano’n, mahihirapan pa rin ako sa panganganak?” tanong ko.
Hinaplos niya ang pisngi ko. “Hindi naman kita papabayaan, Aurora… I won’t leave your side. Isa pa, ayaw ko muna na magbuntis ka. Hindi pa kita nasosolo, tapos may bata na ako kaagad na kaagaw? At saka, gusto ko makasal ka muna sa ‘kin—”
“Ang dami mong plano, ah,” puna ko habang pinapanood ko ang ningning sa kanyang mga mata. “Sana totoo ka sa lahat ng pinapangako mo sa ‘kin, Raphael.”
Humugot siya ng malalim na hininga. Ikinulong niya ang mukha ko sa palad niya. “Palagi akong totoo. At hindi ako magsasawa na sabihin ‘yon sa ‘yo hanggang sa maniwala ka.”
Ngumiti ako. “Then convince me harder.”
Alam ko na mahaba ang pasensya niya. Nasubok na ‘yon ng ilang ulit pagdating sa ‘kin. Ayoko lang na pagdating ng panahon, pagsisihan ko ang desisyon ko na buksan ang puso ko sa kanya.
“Hingin mo pa sa ‘kin kahit na ang pinakamakinang na bituin sa langit, Aurora, gagawin ko. Ipasunog mo man sa ‘kin lahat ng Aswang sa mundong ‘to, o sabihan mo man ako na iwan ang trono ko para makasama ka, gagawin ko. Mapatunayan ko lang sa ‘yo na mahal kita.”