Ayaw sana niyang buksan ang alkansya niya ay napilitan si Carmela. Wala siyang hawak na salapi. Kailangan niyang magload. Hindi naman pwedeng humingi siya sa kanyang ina ng pera dahil tiyak na hindi siya bibigyan nito. Kailangan na niyang makausap si Paolo. Dahil kung hindi ay baka mabaliw na siya sa kakaisip kung galit ba ito sa kanya o ano. Dahan-dahan siyang lumabas ng silid. Takot na makita siya ng inang bubuksan na nga niya ang kanyang alkansiya. Swerte naman na wala pala ang mga ito sa loob ng bahay. Marahil ay pinuntahan ang kanyang amain sa talyer. Kinuha niya ang itak sa ilalim ng kanilang lababo at ang sangkalan upang mabiyak niya ang alkansyang yari sa kawayan. Buong lakas niyang ipinalo ang itak sa alkansya. Ilang beses din niyang hinatak ang alkansya bago ito tuluyang na mahati sa dalawa. Tumalsik pa ang ilang barya bunga ng paghatak niya. Pinulot niya ito at inipon. Naisip niyang hindi pa pala niya ito nakakalahati man lamang. Nang mabilang niya ang sapat na halaga ay nagtungo na siya kay Aling Nena upang magpaload. Nasa malapit lamang ito sa may kanto kung saan naroon ang talyer ng kanyang amain. Kaya naman bago siya makarating sa tindahan ay tinatanaw pa niya kung walang palabas na tao mula sa talyer. Pihado kasi ay masesermon siya. Malalaman na binuksan niya ang kanyang alkansya.
"Pabili po!" malakas niyang sabi dahil walang tao sa tindahan. Baka nasa loob ito ng tahanan nito. Kung hindi ito agad lalabas ay baka makita siya ng kanyang ina na nagpapa-load. Muli niyang inulit ang malakas na pagtawag. Nakahinga siya nang maluwag nang pumasok na si Aling Nena sa tindahan.
"Oh, Carmela, ano'ng bibilhin mo?"
"Magpapa-load lang po ako sa numero ko sa cellphone."
"Ha?! May cellphone ka na?!" hindi makapaniwalang tanong nito sa kanya.
"Opo," nakangiting sagot niya.
"Magkano mong nabili?" usisa nito sa kanya.
"Ah, eh," wala siyang maapuhap na sabihin dito. Kung aaminin kasi niyang bigay lamang ito ni Paolo sa kanya ay siguradong puputok sa baryo ang balita. May pagkatsismosa kasi si Aling Nena. Balita pa sa baryo na mahilig itong manira sa kapwa. Wala lang siyang pagpipilian kaya sa kanya siya nagtungo. Si Aling Nena pa lamang kasi ang naglo-load sa kanilang baryo. "May nagbigay lang po."
"Sino? Si Paolo ba?"
Napamulagat siya nang hindi oras. Alam niyang magaling itong sumagap ng balita pero hindi lamang niya inaasahan na ganoon kabilis nitong nalaman.
"Ano ka ba, Carmela?! Bakit ka naman gulat na gulat sa narinig mo sa akin?"
"K-Kanino niyo po nalaman na binigyan ako ng cellphone ni Paolo?"
"Kanino pa ba kung hindi sa mga estudyanteng kaklase mo! Kahapon lang narito sila. Inggit na inggit nga sa'yo! Aba'y hindi biro ang halaga ng cellphone ha. Siguradong mahal binili iyan! Ano?" Inilapit nang husto ni Aling Nena ang mukha sa may screen ng tindahan nito. "Ano'ng kapalit ng cellphone?"
Namula siya dahil hindi n'ya inaasahan ang bilis ng bibig ni Aling Nena. "Oh!" Itinuro pa siya nito. "Namula ka! Halata ko! Ano nga ang kapalit?" naiintrigang tanong nito sa kanya.
"Grabe naman po kayo!" wika niya sabay tawa. Kahit na ang totoong gusto niyang gawin ay singhalan ito. Masyadong bulgar kung magsalita ito. "May kapalit agad? Hindi ba pwedeng mahal lang po ako ni Paolo kaya ako binigyan ng cellphone?"
"Sigurado ka?" Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa. "Walang kapalit?"
"Alam niyo po, Aling Nena. Napapansin ko na gumaganda kayo."
"Hah?! Talaga ba?" Hinawakan nito ang mukha at tuwang-tuwa sa sinabi n'ya. Natatawa siya sa loob-loob niya dahil nauuto niya ito minsan.
"Opo! Baka naman pwedeng i-share ninyo sa akin ang sekreto niyo. Para naman ma-apply ko rin sa sarili ko," dagdag pa niya. "Pangarap kong maging tulad niyo eh. Sana magkaroon din ako ng tindahan na tulad ng sa inyo!" Nilubos-lubos na niya ang pang-uuto rito. Kailangan niyang iligaw ang usapan dahil kung hindi ay baka mapaamin siya nito sa pagkakamaling ginawa niya.
"Ah, oo naman. Magkakaroon ka pagdating ng araw. Magsikap ka lang. Sa ganda mong iyan, hindi malayo na talagang magkaroon ka."
"Ay! Yehey!" Napataas ang kamay niya sa ere. Kunwari ay masayang-masaya siya sa sinabi nito. "Siyangapala, Aling Nena. I-load mo na ako. May gagawin pa kasi akong assignment," labas lahat ang ngipin na wika niya rito. "Alma mo na, para makakuha ako ng mataas na grado."
"Oo nga pala. Pasensya ka na. Nakalimutan ko." Kinuha n anito ang load na gamit sa paglo-load.
"Ano ba ang number mo?"
Ibinigay niya ang kanyang numero. "Trenta pesos po ha. Heto na po ang bayad!" Ipinatong niya ang barya sa may bintana ng tindahan nito.
"Puro barya?"
"Opo! Para may pambarya kayo agad sa ibang bibili. Hindi ka na mai-stress sa paghahanap ng barya!"
"Ay, oo nga! Naku, napakabait mo talaga sa akin, Carmela!"
"Oo naman po! Alam niyo naman na super love ko kayo!"
Nang mai-load na siya nito ay nagpaalam na siya. Hawak-hawak ang cellphone na naglakad na siya pabalik ng kanilang tahanan. Ngunit hindi pa man siya nakakarating sa kanto papasok ay nakasalubong naman niya ang tinaguriang Carinyo Gang na kinabibilangan ng tatlong babae at anim na lalaking teenagers na tulad niya. Pagsipol mula sa mga ito ang narinig niya.
"Wow! Nakikita niyo ba ng nakikita ko?!" wika ni Mando, ang nagsisilbing pinakalider sa lahat.
"Naku! Oo naman. Biglang nagliwanag ang mundo sa pagdating ni Carmela," wika naman ni Gary. Halos lahat ng miyembro ng gang ay kilala na niya at kilala siya dahil siya ang isa sa madalas na pag-trip-an ng mga ito.
"Buwenas-diyas, Carmela!" bulalas ni Mando sa kanya. "Napakagandang dilag sa ilalim ng sikat ng araw!" Tinutok pa nito ang mukha sa kanya kaya naiatras niya ang ulo. Isa rin ito sa madalas magpalipad-hangin sa kanya. May kaya sa buhay at may itsura naman si MAndo kung tutuusin kaya nga lamang ay hindi kailanman pumasok sa utak niya na patulan ito.
"Salamat, Mando," sagot lamang niya. "Makikiraan na lamang ako sa inyo."
Ngunit muli siya nitong hinarang. Nagyuko siya ng ulo upang hindi magtama ang paningin nila.
"Balita ko'y binigyan ka ng nobyo mo ng cellphone?"
Napaangat ang paningin niya sa sinabi nito. Ang hawak na cellphone ay inilagay niya sa bulsa.
"Carmela." Hinawakan nito ang baba niya.
"Hindi ko talaga malaman kung ano ang nilamang sa akin ni Paolo para siya ang sagutin mo. Pareho lang din naman kaming mahilig sa basag-ulo. Isa pa pareho lang kaming gwapo," nagmamalaking wika nito. "Hindi ba, Guys!" baling nito sa kasama na sinang-ayunan ng mga ito sabay hiyaw. "At mas higit naman akong nakakaaangat sa buhay kaysa sa kanya kaya kung cellphone lang naman pala ang gusto mo. Bakit hindi na lang ako? Kaya pa nga kitang bigyan kahit dalawang cellphone eh. Ngayon, tell me. Ano'ng inangat sa akin ni Paolo?"
"Siya ang mahal ko Paolo. Mahal na mahal!"
"Kawawa ka lang kay Paolo, Carmela," singit ni Krista, ang isa sa tatlong babaeng kagrupo ni Mando. "Ambisyoso ang pamilya ni Paolo. Tatandaan mo iyan. Sa huli iiyak ka lang!"