HALOS hindi makahinga si Damira nang makita niyang nasa kanyang harapan ang tiyo at tiyahin. Basang-basa siya sa ulan na nagpunta sa ospital dahil sa natangap niyang tawag. Nabangga niya pa nga si Alexander na papasok pa lang noon sa living room.
“Bakit kayo nandito?” nanginginig ang boses niyang tanong.
“Aba, hindi ba namin pwedeng dalawin ang kapatid ko?” ganting tanong sa kanya ni Lorna. As usual, nakataas na naman ang isang kilay nito sa kanya.
“B-bumisita lang sila dito, ‘nak.” Ngumiti sa kanya ang inan si Almira. Inalalayan niya pa ito sa pag-upo mula sa pagkakahiga.
“Ikaw, Damira, makakapangasawa ka lang ng bilyonaryo ang laki na agad ng ulo mo. Pa’no pa kaya kung kinasal ka na sa Casablanca na ‘yon,” patutsada pa ni Eddie sa kanya kasabay ang pag-ekis ng dalawang braso.
Ito ang reunion na ayaw na ayaw niyang magaganap. Kaya nga pumayag siyang umalis sa poder ng mga ito upang hindi na siya mahamak pero heto siya ngayon—kung tingnan ng mga ito mula ulo hanggang paa tila ba nagnakaw siya ng malaking halaga ng pera mula sa kanila.
“Pasalamat ka nga at may pagkakautang ‘yong pamilya na ‘yon sa ‘min. Kung hindi, ‘di mo naman makikilala ‘yong Alexander na ‘yon. Imbitado ba kami sa kasal n’yo? Aba, dapat n’yo lang kaming kumbidahin!” proud pang sabi ng kanyang tiyahin.
Panay ang hinga niya nang malalim. Unti-unting napapawi ng pagkaasar niya ang lamig na nararamdaman niya sa buo niyang katawan kahit dagdagan pa ito ng lamig ng air conditioner.
“Kung nagpunta kayo rito para lang pagsalitaan ako ng hindi maganda, mabuti pang umuwi na po kayo. Hindi rin ako ang nag-pe-prepare sa kasal kundi ang mga Casablanca,” matigas na tugon niya.
“Wala ka man lang pakunswelo. Hindi ka naman namin pinalaki ng ganyan, ah. Napunta ka lang sa lugar ng mga mayayaman, lumaki na ‘yang ulo mo.”
At dahil doon, lumabas ng private room si Damira at nagtawag ng guwardiya upang paalisin ang dalawa sa loob.
“Ano po ‘yon, Miss?” tanong sa kanya ng security guard na sinenyasan niyang lumapit.
“Pwede po bang pakisamahan na po silang bumaba? Beyond visiting hours na po pero nandito pa rin sila.”
Tiningnan ng lalaki ang relo bago pumasok sa loob.
“Pasensya na po kayo. Bukas na po kayo ulit dumalaw. Baka mapagalitan ako kung sakali na makitang may mga bisita pa ng ganitong oras.”
Matalim siyang tinitigan ng dalawa habang lumalabas ng kwarto. Nang maisara ang pinto, naupo siya sa gilid na bahagi ng kama ni Almira.
“Ma…”
“Anak naman. Bakit mo naman ginawa ‘yon?” malumanay at malambing na tanong nito.
“Alam ko naman na ako ang dahilan kung bakit sila nandito. Bakit na naman ba? Wala bang buwan o taon na manananhimik tayong wala sila? Gusto ko nang mabuhay nang wala sila, Ma.”
Hinawakan nito ang kamay niya.
“Kamag-anak mo pa rin sila. Kahit na wala silang mabuting nagawa sa ‘yo, isipin mo na lang na dahil sa kanila kaya ka may tahanan, may masisilungan… may pagkain na—“
“Pinaghirapan kong lahat ‘yon, Ma. Dinadaya ko ang edad ko noon para lang makahanap ng trabaho… para lang may panggastos sa pagkain araw-araw kahit na alam kong masasakit na salita ang kapalit no’n at hindi “salamat”.”
Nanahimik ang ginang sa sinabi niya.
“Alam ko naman na kapatid n’yo sila. Pero, Ma, hindi n’yo ako maiintindihan kasi hindi ko naman kayo nakasama sa mga panahong hirap na hirap akong intindihin sa kanila. Minsan nga, pinagdarasal ko na lang na sana may sakit na lang ako, eh. Baka kung gano’n ang mangyari, nandito na lang din ako kasama n’yo. At least, sa gano’ng sitwasyon, kasama ko kayo.”
Tumulo ang luha sa kanyang mga mata. This is the first time that she cried in front of her mom. Okay na siya. Ilang buwan na rin siyang okay magmula noong nasa mansyon na siya ng mga Casablanca. Naramdaman niya iyong pagiging tao niya at hindi pagiging isang alila.
“Kailangan ko pa bang maramdaman na mahalaga ako sa ibang tao?” aniya pa.
Napayuko na lang siya habang humahagulgol.
“P-pasensya ka na, Damira. Pasensya ka na kung wala ako sa tabi mo no’ng mga panahong kailangan na kailangan mo ako. Sorry, anak. Sorry kung ‘di kita maintindihan…” Naiyak na rin ito.
Agad niyang pinunasan ang luha na dumaloy na sa kanyang pisngi.
“Magpagaling ka lang, Ma, magiging okay na ako. Ipangako mo lang sa ‘kin na iinumin mo ‘yong mga gamot mo in time at susunod ka sa mga doctor, ayos na sa akin ‘yon.”
“D-Damira…”
Niyakap niya ang ina nang mahigpit.
“Ayokong maramdaman ulit kung paano dahan-dahang binitiwan ni Papa ‘yong kamay ko bago siya mawala. Ayoko nang maramdaman ulit na mag-so-sorry sa akin ‘yong mga doktor kasi wala na silang magagawa para i-revive ka. Ayoko no’n, Ma… ayoko!”
Mas lalo niyang niyakap ito nang mahigpit na para bang walang makakapaghiwalay sa kanilang dalawa.
“Ayoko na ulit mag-isa, Ma. Hanggang ngayon, pinagdarasal ko na gumaling ka na para magkasama naman na ulit tayo. Hirap na hirap na akong mag-isa…”
“S-sorry, anak. I’m sorry…”
Mas lalo pa siyang humagulgol nang haplusin ni Almira ang buhok niya katulad noong bata pa siya. She’s been longing for her touch for a long time. Para ngang nakalimutan niya na kung paano ba ang buhay kung kasama niya ang ina dahil sa dami ng nangyari.
“Kailangan mong magpalakas, Damira. Kailangan mong maging matatag. Kailangan mong maging matapang.”
Doon pa lang, kinabahan na siya kaya humiwalay siya sa pagkakayakap ng ina.
“H-h’wag n’yong sabihin ‘yan. Hindi ko kakayanin kapag nawala pa kayo. Pa’no na ako?”
“Damira…”
Si Almira naman ang humagulgol. Napaawang ang labi niya dahil ngayon niya lang din nakita ang ina sa ganitong sitwasyon.
“M-Ma… bakit?” takang tanong niya pa.
“Sorry, anak. I am so sorry…” paulit-ulit na sabi nito. Hindi niya na alam kung ilang beses namutawi ng ina ang mga salitang iyon pero wala siyang maintindihan.
“B-bakit kayo nag-so-sorry? Ano bang nangyari?”
Sa pag-iling nito, mas tumaas ang kaba niya.
“K-kinausap ako ng doktor kanina lang bago dumating sina Lorna…”
Napalunok siya habang nakatingin sa ina at hinihintay ang sumunod na sasabihin nito.
“…terminal cancer na ‘to, ‘nak. Hindi na ako gagaling. Hindi nila alam kung hanggang kailan na lang ako—“
Napatayo siya. “H-hindi totoo ‘yan! Sino’ng doktor ang nagsabi sa inyo n’yan? Kakasuhan ko siya!”
“Anak, please…”
Iniwas niya ang braso sa paghawak sana sa kanya nito.
“M-magpahinga na kayo. Babalik ako bukas. Kakausapin ko lang kung sino’ng doktor ang nagsabi sa inyo n’yan.”
Dire-diretso siyang lumabas ng kwarto at nagpunta sa nurse station. Pinahanap niya kung sinong doktor ang nagpunta sa kanyang ina. Ngunit sa kasamaang-palad, nakumpirma niyang may taning na ang buhay ni Almira nang kausapin niya ang doktor nito.
Bigat na bigat ang mga paa niya habang naglalakad. Lumilipad ang isipan niya at bumabalik ang alaala kung paano niya masaksihan ang pagkamatay ng yumaong ama dahil din sa cancer.
Hindi niya malayan na nasa harap na siya ng gate ng mga Casablanca. Naka-lock na iyon kaya naman naupo muna siya sa gutter at niyakap ang sarili. Nagdesisyon na siyang dito na sa labas matutulog dahil ayaw niya nang istorbohin ang mga taong nasa kasarapan na ng tulog.
Papikit na ang mga mata niya nang makatanggap siya ng tawag mula kay Alexander. Agad niyang sinagot iyon ngunit hindi siya nagsalita.
“Where are you?”
Nanatili siyang walang imik at pinakinggan lang ang kalmadong boses nito.
“I was so worried about you. Tell me where you are right now. I am going to pick you up. Delikado nang nasa labas ka pa, Damira. Kanina ka pa rin hinahanap ni Tita Trinity.”
“M-matulog ka na, Alexander…”
“No. Where are you?”
“H’wag mo na akong hanapin. Pagod ako.”
Halos mabitawan niya na ang cell phone dahil sa pagpipigil ng antok. Masakit na rin ang mga mata niya sa pag-iyak magmula pa kanina.
“Matulog ka na. Bye.” She hung up. Pinanatili niyang nakayakap sa sarili at saka yumuko. Ipinikit niya ang mga mata hanggang sa hindi niya namalayan ang isang bagay na nagpahimbing sa kanyang tulog dahil para ba siyang dinuduyan.
It was Alexander. Hinihingal pa matapos siyang kargahin.
“Stubborn, woman.” Napailing pa ang lalaki bago tuluyang dinala si Damira patungo sa loob ng mansyon.