MENTAL'S POV:
--
PAPASIKAT pa lang ang araw, nasa harapan na ako ng full lenght mirror ko suot ang puting night gown, magulong buhok at tsinelas. Syempre, kailangan kong magpa-impress sa apo ni Lola Meldrid para payagan niya akong makipag-kaibigan sa kanya.
Nakangising nilisan ko ang kwarto ko at tinawid ang mahabang hagdan. Pakanta-kanta pa akong tinatahak ang bawat baitang at parang tanga na kumakaway sa mga mwebles na may balot ng puting tela at saka ako dumiretso sa malaking pinto at patakbo akong lumabas nang malagpasan ko ang malaking gate ng bahay.
Huni ng mga ibon at tilaok ng manok ang sumalubong sa akin. May ilang magsasaka na rin akong nakakasalubong at halos himatayin sila sa gulat sa tuwing magtatagpo ang landas namin sa kalsada.
"Ang aga-aga Mental, nananakot ka?" Ani ni Mang Domeng dala ang kanyang kalabaw at may itak itong nakasabit sa kanyang bewang.
Nagmumukha-talaga akong white lady dahil sa suot ko, maputi rin ang mukha, kamay at paa ko, dumagdag pa ang kulot, mahaba at magulo kong buhok na tila dinaanan ng bagyo.
"Sarili niyo lang tinatakot niyo Mang Domeng, hindi pa ako patay." Nakangising sagot ko sa kanya at kinawayan ko pa ang alagang kalabaw nito pero initsapwera lang ako.
"Ayun nga sa kasabihan eh matakot ka sa buhay kaysa sa patay." Dugtong pa nito.
"Alam ko ho 'yon Mang Domeng pero sobra naman ata kayo para pagkamalan niyo akong white lady. Sa ganda kong ito?"
"Maganda ka nga, mukha ka namang maligno." Humalakhak pa si Mang Domeng at saka ito tuluyang umalis sa harap ko.
Pasalamat siya at mabait ako.
Nang marating ko ang baryo, agad akong dumiretso sa bahay nina Lola Meldrid at natanaw ko pa ang kotse nina Rain. Pumasok ako sa bakuran at halos magkagulatan kami ni Lolo Dyrroth na may dalang itak.
"Lolo maawa ka sa akin." Bulalas ko habang nakahawak sa sarili kong dibdib at nanlalaki ang mga mata.
"Diyos ko kang bata ka, akala ko may lumulutang na damit."
Napangiwi ako sa kanya. "Ang galing niyo palang magbiro Lo, hindi ako naglalakad na damit."
"Bakit ba kasi paborito mo ang ganiyang damit? Bakit hindi ka magsuot ng daster tulad sa Lola Meldrid mo?" Pamumuna nito sa suot ko.
Lumapit ako kay Lolo at inagaw sa kanyang kamay ang itak na hawak niya at mukhang magsisibak siya ng kahoy kaya naman sumama ako sa kanya papunta sa likod ng bahay.
"Alam mo kasi Lo, paborito ko talaga ang ganitong damit. Hindi naman ho ako naiinitan at isa pa sanay ho ako." Hinarap ko ang kumpol ng kahoy at nagsimulang magsibak gamit ang itak habang si Lolo naman ay kinuha ang isang palakol at hinarap na rin nito ang malaking katawan ng kahoy at saka sinibak.
Pinagsalikop ko ang laylayan ng damit ko sa aking tuhod nang maupo ako para hindi madumihan kapag nagsisibak ako ng kahoy. Puro putik pa naman ang nasa paligid namin.
"Baka atakehin sa puso ang mga taong makakasalubong mo sa ganitong oras. Nagmumukha kang naglalakad na damit kaya nga nagulat ako noong dumating ka."
Pagak ako tumawa. "Mabuti na lang Lo at wala kayong sakit sa puso. Si Mang Domeng nga, halos yakapin na ang kalabaw niya nang makasalubong ako."
"Loko ka talagang bata ka. Bakit ka ba napunta rini ng ganito kaaga?" Usisa niya habang patuloy kami sa pagsisibak ng kahoy.
Sanay ako sa ganitong gawain dahil tinuruan ako ni Lolo at Lola lalong-lalo na sa mga gawaing bahay na hindi ko naman magawa kapag mag-isa na lang ako sa sarili kong mansyon dahil dito na ako halos kumakain sa kanila.
"Anak niyo ho ba 'yong dumating kahapon, tapos yong isang binata at dalaga eh apo niyo?"
Umayos ng tayo si Lolo at napatingin sa akin habang ang palakol na gamit nito ay nakatarak sa kahoy.
"Ah, yong dumating kahapon na naka-kotse? Anak ko nga 'yon, si Wynter at ang asawa niya ay si Elisabeth. Yong binata naman ay si Summer at yung dalaga ay si Rain. Lumaki sila sa Maynila."
Napatango naman ako. "Ang hilig niyo po sa pangalan ng season no? Gagawa po ba kayo ng four season fruit salad?"
Natawa si Lolo sa sinabi ko. "Si Meldrid ang naka-isip ng pangalang Wynter pero hindi ko naman akalain na isusunod ng anak namin ang pangalang Summer at Rain sa magiging anak nila. Iisang anak lang din namin si Wynter at nakapangasawa sa Maynila. Gusto nga sana nila kaming kunin para doon manirahan sa bahay nila sa Maynila pero hindi pumayag ang Lola Meldrid mo dahil nandito sa probinsiya ang kabuhayan namin at mas gusto naming manatili rito kaysa sa ingay ng Maynila."
Nagkwentuhan pa kaming dalawa ni Lolo hanggang sa unti-unting sumilay ang sinag ni Haring Araw sa bakuran nila Lolo. Halos patapos na rin ako sa pagsisibak nang may magsalita sa likuran namin at bumungad sa amin ang isang lalaki na kamukha ni Lolo.
"Good morning Pa, ang aga niyo naman. Bakit may kasama kayong white lady? Nakikita niyo ba 'yan?" Pupungas-pungas nitong tanong dahilan para magkatinginan kami ni Lolo at sabay pa kaming natawa.
"Ano ka ba Wynter, si Mental yan." Pakilala ni Lolo sa akin. "Siya ang batang lagi naming kasama dito sa bahay ni Meldrid."
Nanlaki ang mga mata ng anak ni Lolo nang lumapit ako sa kanya at inilahad ang kamay ko sa kanyang harapan.
"Metallica Natalia Alegre ho." Pagpapakilala ko.
"Wynter Dreth Santiago, hija." Pakilala naman nito at tinanggap ang kamay ko bilang pagbati.
"Hindi ka ho ba nilalamig sa pangalan mo?" Inosenteng tanong ko rito matapos niyang bitawan ang kamay ko.
Natawa naman ito at nakapamulsang hinarap ako. "Mapagbiro ka pala, Mental. Pangalan ko lang 'yon pero hindi ako nilalamig. Anyway, pamilyar ka ba sa mga Alegre?"
"Hindi po. Bakit po?" May pagtatakang usisa ko.
"Wala. Baka kaapelyido mo lang. Tara sa loob, mag-almusal."
Pinaunlakan ko naman ang pag-anyaya ni Tito Wynter. Tito na lang itawag ko sa kanya tutal malapit naman ako kay Lolo at Lola. O diba? Upgrade agad. Hindi pa nga kami naging magkaibigan ni Summer pero meet the parents agad.
Pagpasok namin sa kusina, nadatnan namin si Lola Meldrid na naghahanda ng almusal kasama ang asawa ni Tito Wynter na si Tita Elisabeth.
"Ay tokneneng!" Bulalas nito nang makita ako sa rabi ng kanyang asawa habang may hawak ito ng bandehado ng sinangag. "Diyos ko! Akala ko white lady."
Inilapag ni Tita ang dala niya at saka ako nito hinarap nang may ngiti sa labi. "Hello, hija. I saw you yesterday talking with Rain."
"Hello po, ako po si Mental." Pakilala ko.
Hindi nakaligtas sa akin ang pagkunot noo ni Tita at pagdapo ng paningin nito sa asawa at kay Lolo na nasa likuran namin.
"Mental lang ang pangalan niya pero hindi yan baliw. Metallica Natalia Alegre ang pangalan niya, Elisabeth." Sabat ni Lola na may dalang plato at baso bago inilapag sa mesa.
"Ang gandang bata mo naman." Papuri ni Tita na siyang ikinangiti ko.
"In born po 'yan Tita. Tyaka Lola, muntikan akong tamaan ng itak ni Lolo kanina." Pagsusumbong ko kay Lola at parang naiiyak na bata bago ko tinawid ang distansya namin at niyakap si Lola.
"Dyrroth?" May pagbabanta sa boses ni Lola.
Nakaupo na sa silya si Lolo sa pinakasentro katabi ang anak nito. Habang si Tita Elisabeth ay nakasandal lang sa likurang upuan ng isang silya sa tabi ni Tito Wynter habang nagpalipat-lipat ang tingin sa amin.
"Paanong hindi, eh nagulat ako kanina nang sumulpot yan sa bakuran natin. Akala ko nga white lady kasi mukha siyang naglalakad na damit."
Napasinghap ako. "Lola, kita mo na? Inaaway ako ng asawa mo."
Natawa si Tita Elisabeth sa paglalambing ko kay Lola habang yakap-yakap ko ang kanyang bewang at kinikiskis ang pisngi ko sa kanyang dibdib.
"Ikaw naman kasing bata ka, madilim pa sa labas pero ang suot mo kulay puti at mahaba pa. Ganyan na ganyan sa itsura mo ang kwentong kababalaghan dito sa baryo. Magulo pa ang buhok mo. Nagsusuklay ka ba?" Pangaral sa akin ni Lola na may halong panlalait.
Humiwalay ako kay Lola at parang nasaktan sa sinabi niya pero syempre biro lang 'yon.
"Aray Lola, parang nasaktan ako don sa sinabi niyo." Pag-aarte ko at may pahawak pa sa dibdib ko na parang sinaksak at lumayo ako kay Lola bago lumapit sa pader at doon nagpadausdos ng upo. "Ang ganda ko namang white lady kung sakali Lola? Mapanakit ka na?"
Nabalot ng tawanan ang kusina dahil sa kalokohan ko at nagkapalagayan kami ng loob ni Tita Elisabeth. Aniya, bibigyan niya ako ng mga damit na pasok ngayong summer pero tumanggi ako. Pinagsabihan na rin siya ni Lolo at Lola na sanay ako sa night gown kaya wala itong nagawa pero sinabi naman nito na bibilhan na lang niya ako ng night gown na may iba't-ibang kulay na agad kong sinang-ayunan.
"What are you doing here?"
Mula sa masayang usapan namin kasama ang matatanda, biglang dumating ang apo ni Lola Meldrid na si Summer. Umaga pa lang salubong na agad ang kilay nito at parang hindi nito nagustuhan ang eksena sa kusina.
"Hello," Nakangiting bati ko.
"Umupo ka na, Summer." Utos ni Tita Elisabeth sa anak niya na agad namang sinunod at naupo ito sa harapan ko.
Napalunok ako dahil parang galit ang itsura niya pero hindi naman ito nagsasalita. Bagkus, kumuha lang ito ng pagkain at tahimik na nagsimulang kumain ng almusal.
"Siya nga pala, Mental." Tawag ni Lola sa akin dahilan para bumaling ang paningin ko papunta kay Lola. "Pwede mo ba akong samahan sa palengke mamaya?"
Napakamot ako sa sarili kong batok. "Eh, Lola maglalaro kami ng saranggola sa burol."
"Tsk! Childish." Rinig kong bulong ni Summer. Hindi ko alam kung ako ang pinaparinggan niya o kausap niya lang sarili niya? Bahala nga siya.
"Dalaga ka na Mental, naglalaro ka pa ng saranggola?" Nahihiwagaang tanong ni Tito Wynter.
Tapos na kaming kumain kanina pa, ang kaso napasarap kami sa kwentuhan kaya hindi namin mamalayan ang oras.
"Yun po ang libangan namin dito sa probinsiya, Tito. Nakapangako na rin po ako sa mga bata na makikipaglaro sa kanila. Tyaka maliligo din po kami nina Glendyl sa batis mamayang hapon."
"Can I come, Ate Mental?" Napalingon kaming lahat nang dumating si Rain at naupo ito sa tabi ko.
"Oo ba." Sagot ko.
"With Kuya, of course." Aniya na siyang ikinagulat ko.
Maging si Summer ay napatigil sa sinabi ng kapatid pero blangko lang ang mukha nito.
"Whatever. I am done here." Tumayo na si Summer at naiwan kaming lahat na nakatingin sa papalayo nitong pigura palabas ng kusina.
Nagkatinginan pa kami ni Rain at saka kami parehong nagkibit-balikat. Hinintay kong makatapos si Rain sa pagkain. Habang si Lola naman ay nagpasya na si Tita Elisabeth na lamang ang isama niya sa pamamalengke.
Gusto ko rin sanang sumama kaso nakapangako na ako sa mga bata at halos isang linggo rin akong hindi nakalabas ng bahay dahil sa pag-aaral ko. Syempre mga matampuhin ang mga bata dito dahil paborito nila akong kalaro.
Ipapakilala ko rin si Rain sa kanila mamaya. The more, the merrier ika nga nila.