Chapter One
Tagaktak ang pawis ni Thea habang isa-isang inaalis ang kanyang mga gamit mula sa mga kahon. Katatapos lang niyang ayusin ang kanyang kwarto at ngayon ay ang sala naman ang inaayos niya.
Gutom at uhaw na rin siya ngunit tila hindi niya ito alintana dahil sa sobrang saya.
Sa wakas ay natupad na ang kanyang pangarap na magkaroon ng sariling bahay.
Hindi dahil sa ayaw na niyang makasama ang pamilya kundi dahil gusto niya ang pakiramdam ng independent.
Naalala niya tuloy nang una niyang sabihin ang planong bumukod sa kanyang mommy. Halos maiyak pa ito.
Pero sinuportahan pa rin siya nito at ng kanyang daddy dahil matagal nang alam ng mga magulang na ito ang kanyang pangarap.
Sa edad na bente syete, nakabili na siya ng isang two-storey na bahay sa isang exclusive village na katamtaman lang din ang laki malapit sa kanilang family home at sa opisinang pinapasukan.
Kahit naman gusto niyang mamuhay mag-isa ay gusto pa rin niyang palaging mapuntahan ang pamilya.
Dalawa lamang silang magkapatid, ang kanyang kuya David ay may sarili ng pamilya at nakatira ilang blocks lang ang layo sa kanilang bahay.
Napangasawa kasi nito ang first love nito at maituturing na isa sa mga kababata nila sa kanilang village.
Nang maalala ang mga ito ay hindi niya maiwasan ang sumimangot, karugtong kasi nito ang isang nakaraan na matagal na niyang iniiwasang maalala.
Naalala pa niya na madalas magtampo ang kanyang kuya David noon dahil madalas niyang tanggihan ang mga imbitasyon nito kapag alam niyang darating ang lalaking iyon.
Wala namang kaalam-alam ang kapatid kung bakit dahil hanggang sa ngayon ay nananatiling lihim ang nakaraang iyon sa lahat.
Tanging ang tao lamang na iyon at siya ang may alam ng kanilang nakaraan.
"Mabuti na lang," bulong niya sa sarili.
Umiling-iling na lamang siya upang maiwaksi ang isang taong pilit na nagsusumiksik sa kanyang isipan.
Pilit niyang inabala ang sarili sa pag-aayos ng kanyang mga gamit.
Maya-maya ay dumating na ang pagkaing inorder niya sa isang food delivery service.
Habang kumakain ay nakaharap naman siya sa kanyang laptop. Naka-leave siya sa trabaho ng tatlong araw ngunit hindi pa rin niya maiwasang mag-check ng kanyang email.
Isa siyang interior designer sa isang Architecture firm sa Makati na masasabi niyang kilala na rin sa bansa.
Nang masigurong wala siyang "something urgent" sa email ay agad na niyang tinapos ang pagkain.
Magpapahinga lang siya sandali at itutuloy na lang ulit ang pag-aayos. Kailangan niya pa kasing mag-grocery dahil wala siyang stocks.
May mga ilang bagay din siyang kailangang bilhin sa bookstore. Gusto niyang matapos ang lahat ng kanyang dapat gawin para sa kanyang bahay bago siya ulit pumasok.
Mabuti na lang at next week pa naka-schedule ang kanyang susunod na project. Matagal na rin kasi niya itong plinano.
Habang namamahinga ay iniisa-isa ni Thea ang mga kailangan pang bilhin para sa bahay habang sinusuyod ang kabuuan nito.
Nais niyang umayon sa kanyang naisip ang kalalabasan ng interior sa kanyang sariling tahanan. Ito ang trabaho niya kaya nais niyang special ang ayos ng kanyang bahay.
Marami na siyang naging kliyente at sigurado siyang satisfied ang mga ito sa kanyang disenyo. May ilan pa nga na ini-refer siya sa mga kakilala nito.
Malaki ang pasasalamat niya sa mga ito dahil kung hindi dahil sa kanila ay hindi siya makakabili ng bahay.
Kaya naman mahal na mahal niya ang trabaho. Madalas siyang paalalahanan ng mga magulang dahil sa kanyang pagiging workaholic.
Noong una pa nga ay inalok na lamang siya ng mga ito ng pambili ng bahay kung ito raw ang kanyang gusto.
Maging ang kanyang kuya David ay binalak na rin siyang regaluhan ng condominium unit. Mabuti na lamang at hindi sinasadyang nabanggit sa kanya ang tungkol dito ng kanilang mommy.
Nagpapasalamat siya sa mga ito dahil alam niyang mahal na mahal siya ng mga ito. Inisip ng mga ito na kaya siya nagpapakapagod sa trabaho ay dahil sa pagnanais na makabili agad ng bahay.
Magalang niyang tinanggihan ang mga ito at ipinaliwanag na nais niyang tumayo sa kanyang sariling mga paa.
Ayaw niyang habangbuhay na umasa sa mga magulang at siyempre pa, gusto niyang siya mismo ang tumupad sa kanyang pangarap na bahay.
Bukod dito, mahal niya ang kanyang trabaho at nais niyang tumbasan ng kanyang one hundred percent ang pagtitiwala ng kompanya sa kanya.
Naputol ang kanyang pag-iisip nang mag-ring ang kanyang cellphone. Nakarehistro ang pangalan ng kanyang mommy sa screen.
"Mom?"
"Kamusta, anak? Maayos ka lang ba diyan? Do you need help?" sunod-sunod na tanong ng kanyang ina.
"I'm okay, mom. Sorry hindi ako nakatawag agad. I've been busy organizing my stuffs here," aniya.
"Are you sure? Do you want me to send yaya there to help you?" bakas ang pag-aalala sa boses nito.
"No need, mom. I'm okay. Pero kapag alam kong 'di ko na kaya ay sasabihan agad kita," sabi na lang niya para mapanatag ang ina.
Alam naman niya na nag-aalala lang ito para sa kanya.
"Okay. But please call me once in a while. Para alam kong maayos ka lang diyan," sabi naman nito.
"Yes, mom. I'm sorry, I was just busy. Please kiss dad for me. I love you both and I promise to visit you soon."
"Okay, anak. I love you too."
Doon na natapos ang kanilang usapan. Na-miss niya tuloy bigla ang mga magulang. Ngayon lang siya nahiwalay sa mga ito.
Ganunpaman, alam niyang masasanay rin siya dahil matagal nang nakatanim sa kanyang isip na dadating ang ganitong sitwasyon.
Saglit siyang nagpahinga bago naligo upang pumunta sa grocery at bookstore.
***
MABILIS NA INILAGAY ni Thea ang lahat ng ipinamili sa counter. Halos mag-aalasais na ng gabi at dadaan pa siya sa bookstore sa mall na iyon.
Hindi na kasi niya nadala ang lahat ng kanyang mga gamit sa bahay. Naiwan pa roon ang ilang supplies niya na ginagamit sa trabaho.
Baka kasi hindi na niya ito maasikaso dahil marami pa siyang kailangang ayusin sa bahay. Hindi na siya nag nag-hire pa ng tutulong sa kanya dahil fully-furnished na ang nabiling bahay.
Bukas naman nakatakdang dumating ang mga furnitures at appliances na kanyang binili.
Tiyak na mauubos na ang kanyang oras sa pag-aayos ng mga ito.
Matapos magbayad ay nagmamadali na siyang lumabas sa supermarket at pumunta sa bookstore.
Mabilis niyang nakuha ang lahat ng kailangan dahil nakalista naman lahat ito. Naisip niyang dumaan sa book section.
Abala siyang tumitingin sa mga libro para sa interior designing nang mahagip ng kanyang paningin ang isang business magazine.
"The hell," ani Thea sa isipan.
Isang lalaking nakasuot ng itim na amerikana ang cover ng magazine ang tila nakatingin sa kanya at bahagyang nakangiti.
No other than Calvin Buenavista, the high-and-mighty Buenavista!
Her ex-boyfriend s***h kuya's bestfriend.
Nananadya yata ang pagkakataon dahil kanina lang ay bigla rin niyang naalala ang lalaki at pilit na iwinaksi sa isipan.
Tapos ngayon naman ay nakita niya pa ang pagmumukha nito.
Tumingin si Thea sa kanyang paligid, wala naman sigurong masama kung titignan niya ang magazine.
Calvin Buenavista, the new CEO of Buenavista Group of Companies is set to conquer the business world.
Ayon sa article tungkol dito, kababalik lamang pala nito mula sa London at noong nakaraang buwan lang nang ma-elect ito bilang CEO.
Marami na raw ang nag-aabang dito lalo pa at kilala ang kanilang kompanya sa larangan ng negosyo.
Halos lahat na yata ay pinasok na ng pamilya nito.
Wala pala siyang ideya kung gaano kayaman ang kaibigan ng kapatid. Ang alam lang niya ay mayaman ito at mayroong sariling negosyo ang pamilya nito.
Hindi rin naman kasi siya matanong noon at wala naman siyang pakiaalam. Basta ang alam lang niya ay gustong-gusto niya ito noon.
"Noon 'yun," mariin niyang bulong bago isinauli ang magazine.