Ikatlong araw na ni Thea sa kanyang bahay. Masaya niyang tinitignan ang kanyang garden. Maayos na maayos ito tulad ng kanyang plano para rito.
Bago siya lumipat ay siniguro niyang maayos na ang lahat maging ang garden. Nagpatulong siya sa kasamahang architect at kumuha ng mag-aayos nito para sa kanya.
Nakangiti siya habang tinitignan ang kinalabasan nito. Mayroon ding mesa at dalawang upuan na angkop para sa kanyang garden.
Kapag kasi nais niya ng inspirasyon ay sa garden siya nagta-trabaho sa kanilang bahay.
Ito ang resulta ng lahat ng kanyang pagsusumikap sa buhay. Ng ilang gabing halos walang tulog at stress sa trabaho lalo na kapag demanding ang kanyang client.
Hindi madali ang kanyang trabaho pero wala namang hindi mahirap. Isa pa ay sulit naman ito sa tuwing makakatanggap siya ng mga papuri mula sa mga kliyente at siyempre pa sa kanyang mga boss.
"Look who's here," isang boses mula sa kanyang kanan ang umagaw sa kanyang atensyon. Boses na tila pamilyar sa kanya.
Bigla siyang napalingon sa gawi nito at namilog ang kanyang mga mata.
"Thea... Long time no see," sabi nito habang ngiting-ngiti sa kanya.
Siya naman ay halos mapanganga na lang nang makumpirma na ito nga ang nagmama-may-ari ng boses.
Walang iba kung 'di si Calvin. Ang kanyang ex-boyfriend!
At bakit wala itong suot na pang-itaas?
My God, kitang-kita ang maganda nitong pangangatawan at ang agaw-pansing six-packed abs!
Sinikap niyang ilayo ang paningin mula sa katawan nito. Nagkakasala ang kanyang mga mata. At isa pa'y ayaw niyang purihin ito kahit na sa isipan lang.
"Ikaw?!" sa wakas ay nasabi niya. "What are you doing here?"
Pagak itong natawa na tila ba aliw na aliw sa kanyang reaksyon. Matiim itong tumingin sa kanya. Tulad ng dati.
Teka, nagpapa-cute ba ito sa kanya? Hindi bagay ang cute rito...
"It's been a long time, Thea... How are you?" tanong nito sa baritonong boses.
Bakit ba ang ganda ng boses ng hudyong ito? Aniya sa isipan.
"Obviously, I'm good," aniya sa medyo matalim na boses na ikinatawa nitong muli.
"You live here?" tanong nito na saglit tinignan ang bahay niya at muling itinutok ang paningin sa kanya.
"It's none of your business. At ikaw, anong ginagawa mo rito?" mataray niyang sagot.
"I live here. This is my house," anito sabay turo sa bahay na katabi lamang ng kanya. Tila balewala rito ang kanyang pagsusungit.
What the heck?! OA na kung OA pero halos mapasigaw talaga siya nang marinig ang sinabi nito.
"You're kidding," aniya rito.
"I'm afraid not, babe," anito sa kanya. Seryoso ang mga tingin nito sa kanya. Pero sa kabila nito ay halata naman ang pagkaaliw sa mga mata.
Masama niya itong tinignan at tsaka dali-daling pumasok sa kanyang bahay. Pabalibag niyang isinara ang pintuan.
"This is not happening..." aniya habang nakahawak sa kanyang noo.
Bakit naman sa dinami-rami ng magiging kapitbahay ay ito pa. Hindi kaya sinusundan ako ng hudas na iyon? aniya sa isip.
CEO ito ng isa sa pinakamalaking kompanya sa bansa. Maganda at exclusive man ang village na kanilang tinitirhan ngayon, hindi pa rin kapani-paniwala na dito ito maninirahan.
Alright, malaki at maganda ang bahay nito pero hindi pa rin ito angkop para sa isang tulad nito.
"Aaahhhh!" ginulo-gulo pa niya ang kanyang buhok nang walang mahanap na kasagutan sa kanyang mga tanong.
Wala siyang alam tungkol dito matapos ang kanilang break up noon. Talagang iniwasan niyang makabalita ukol dito.
Kapag binabanggit ito ng kapatid ay pilit niyang iniiba ang usapan o kaya naman ay aalis siya.
Sa ilang taon na nakaraan, nagawa niyang iwasan ang mga bagay na makakapag-paalala rito.
Sobra siyang nasaktan ng lalaki. Ito pa man din ang kanyang itinuring na first love.
Pilit niyang binago ang kasabihang "first love never dies" dahil noon pa man ay gusto na niyang alisin ito sa buhay niya.
Tapos... tapos ngayon ay bigla na lang itong lilitaw sa kanyang harapan na walang saplot pang-itaas at ngingiti na para bang wala silang mapait na nakaraan.
Paano niya iiwasan ang lalaking ito kung kapitbahay niya lang ito?
Naiinis talaga siya. Kung kailan naman natupad na niya ang pangarap na magkabahay at settled na ay tsaka pa ito susulpot muli sa buhay niya.
Pero teka nga... apektadong-apektado siya rito samantalang ito nga ay tila balewala lang ang kanilang sitwasyon.
Kinalma ni Thea ang sarili. Wala naman na siyang magagawa dahil wala naman siyang karapatang magreklamo.
Isa pa ay sigurado naman na hindi sila madalas na magkikita dahil busy siya sa trabaho at madalas ay gabi na nakakauwi.
Paniguradong busy rin ito dahil malaki ang responsibilidad nito sa kanilang kompanya. Hindi biro ang trabaho nito.
Tama. Wala siyang dapat ipag-alala. Hindi na lamang niya ito papansinin kung 'di maiwasang magkita sila.
Isa pa'y hindi siya dapat magpakita ng kahinaan at mahalata nito na hanggang ngayon ay apektado pa rin siya rito.
Oo nga at naka-move on na siya rito pero hindi pa rin niya ma-take na makaharap o kaya ay makausap ito.
Mali yata na bigla na lang siyang nag-walk out kanina. Baka isipin pa nito na 'di pa siya nakaka-move on.
No! Aniya sa isip. Hindi niya bibigyan ng pagkakataon ang lalaki na isipin 'yon!
***
HANGGANG SA PAGHIGA ay hindi pa rin maalis sa isipan ni Thea ang nangyari kanina. Ginugulo ng lalaki sa kabilang bahay ang kanyang isipan.
Kanina pa siya nakahiga sa kanyang kama at pagod din siya mula sa maghapong pag-aayos sa bahay. Bukas ay nakatakda na siyang bumalik sa trabaho.
Naiinis na siya sa sarili dahil kahit anong pilit niyang mag-focus sa ibang bagay ay nagsusumiksik pa rin ito sa kanyang isip.
Matagal na 'yun... pero hanggang ngayon ay nasasaktan pa rin siya sa tuwing naiisip ang dahilan ng kanilang paghihiwalay.
Inalis ni Thea sa isipan ang isang masakit na eksenang bigla na lang lumitaw sa kanyang isipan.
Malinaw na malinaw pa rin sa kanyang memorya ang partikular na eksenang iyon mula sa nakaraan na sumugat ng husto sa kanyang puso.
Bata pa siya noon ngunit alam niyang tunay na pag-ibig ang inilaan niya sa lalaki. Kaya naman hindi niya matanggap ang ginawa nito sa kanya.
Bestfriend pa man din nito ang kanyang kapatid at parang anak na rin ang turing ng mga magulang nila rito.
Pilit na pumikit si Thea. Kailangan niya nang magpahinga. May pasok na siya bukas at ayaw niyang puyat siyang haharap sa panibagong kliyente na kanyang kakausapin.
Siguro naman ay kapag abala na siyang muli ay makakalimutan na rin niya ang kapitbahay.