Kahit na madaling araw na siyang nakatulog ay maaga pa ring nagising si Thea. Hindi pa man tumutunog ang kanyang alarm ay dilat na siya.
Agad na pumasok sa isipan niya si Calvin. Tila ayaw nang humiwalay nito sa kanyang utak!
Mabilis siyang bumangon at gumayak para pumasok. Aagahan na lang niya ang pasok sa opisina nang sa ganon ay maabala niya ang sarili.
Nagkape lamang si Thea at agad nang lumabas sa bahay. Nasa labas na ang kanyang kotse dahil hindi na niya ito ipinasok kagabi sa garahe.
"Good morning, beautiful," narinig niya mula sa kanyang likuran. Akma na sana niyang bubuksan ang pinto ng passenger's seat ng sasakyan nang marinig ito.
Awtomatikong napasimangot si Thea. Pero bakit awtomatiko ring kumabog ang kanyang dibdib?
Hindi niya ito nilingon at mabilis na inilagay sa passenger's seat ang kanyang mga gamit.
Pero bago pa niya maisara ang pinto ng kotse ay agad na itong nakarating sa kanyang harapan.
"What do you need?" aniya rito. Pinahalata niyang ayaw niya itong makausap.
Natawa lang naman ito sa kanyang inasta. Mukhang katatapos lang nitong mag-jogging dahil sa porma nito. Pero kahit na pawisan ay mabango pa rin ang bruho.
Sinaway ni Thea ang sarili. Hindi niya dapat bigyan ng pansin ang mga katangian ng ex na alam niyang dahilan ng kanyang pagkabaliw noon.
"Ang sungit. Nag-breakfast ka na ba? Aga mo namang papasok?" tanong nito.
Tinaasan niya ito ng kilay.
"Anong paki mo?" mataray niyang sagot dito.
"Bakit ang sungit mo? We're not strangers here. You're my best friend's sister. It's natural that I'm concerned." anito.
Aray naman! Talagang kapatid ng kanyang bestfriend, hindi man lang ex-girlfriend ang sinabi nitong dahilan.
Dahil dito ay lalong nag-init ang kanyang bunbunan.
"Tama. Kapatid ako ng kaibigan mo, meaning hindi ikaw ang kuya ko. Kaya pwede ba 'wag kang pakialamero ng buhay ng may buhay!"
"'Wag kang magalit. Gusto ko lang makasiguro na maayos ka. Walang masama ron," anito habang nakataas ang dalawang kamay.
"Of course I'm fine. Kaya pwede ba lumayo ka sa'kin," inis niyang sabi rito.
Sa isip niya ay tila inaakala ng lalaki na hindi siya maayos dahil labis siyang nasaktan noon. Hindi niya hahayaang mangyari 'yon sa kanya.
Minahal niya ito, oo, pero hindi ito naging dahilan para kalimutan niya ang sariling pangarap.
Biglang naging seryoso si Calvin. Nawala ang aliw sa mga mata nito at napalitan ng kung anong damdamin.
"Galit ka pa rin ba sa'kin, Thea?" biglang tanong nito.
Hindi siya handa... nabigla siya sa tanong nito. Biglang bumuhos ang damdaming matagal niyang itinago sa kaloob-looban ng puso.
"Calvin, I hope not to see you again. Is that an enough answer?" sagot niya at dali-daling pumunta sa kabilang bahagi ng sasakyan.
Bubuksan na niya ang driver's seat nang may isang kamay na humawak sa kanya.
Mabilis niyang iniwas ang kamay mula sa pagkakahawak ni Calvin.
"Thea... I'm sorry. Please forgive me. It was never my intention to hurt you in any way."
Gusto niyang magwala. Pinilit niya nang kalimutan ang lahat tungkol sa kanilang nakaraan. Iniiwasan niya ito ngunit ang lalaking ito ay pilit pang binubuksan ang pesteng nakaraan na iyon.
Sa kabila nito, kinalma pa rin niya ang sarili. Hindi niya bibigyan ng dahilan si Calvin na isiping may sakit pa rin siyang nararamdaman dahil sa nangyari sa kanila.
Hindi na niya nailigtas ang puso. Ililigtas naman niya ang kanyang kahihiyan.
"Matagal na 'yon. Nakalimutan ko na nga. Hindi lang ako komportable na makita o makausap ka. I hope you understand, kuya Calvin," aniya at binigyang diin pa ang salitang 'kuya'.
Bumalatay naman ang sakit sa mukha ng binata. Pero mabilis ding nawala iyon. Tumaas ang gilid ng labi nito.
"Kuya, huh?" nakakaloko ang pag-ngisi nito.
Matapos nito ay mabilis na nawala ito sa kanyang harapan.
Bakit? Bakit parang may sakit siyang nakita sa mga mata nito?
Ilang sandali pang natulala si Thea sa kanyang kinatatayuan. Nang makarekober ay mabilis na siyang umalis para pumasok sa trabaho.
***
NAKATITIG SI THEA sa kanyang laptop ngunit wala roon ang kanyang isipan. Naroon sa lalaking kanina pa gumugulo sa kanyang isipan.
Hindi niya tuloy namalayan na nasa tabi na niya ang kapwa interior designer at kaibigang si Gabby. Isang babae na na-trap daw sa katawan ng isang gwapong lalaki, ayon dito.
"Lalim naman niyan, sis!" pukaw nito sa kanyang atensyon. Nagpalipat-lipat pa ang tingin nito sa screen ng kanyang laptop at sa kanyang mukha.
"Nandyan ka pala. Sorry, may sinasabi ka?" tanong niya rito.
"Sus! Kanina pa ko rito, mga thirty minutes na," kunwaring mataray na sagot nito. "Ano bang iniisip mo at hindi mo napansin ang beauty ko?"
"Ah... wala naman. Tungkol lang sa bago kong project," pagsisinungaling niya. Pero base sa reaksyon nito ay hindi ito naniwala sa kanya. Tinaasan pa siya ng isang kilay ng baklang ito.
"'Wag ako, te! Sa ilang taon nating magkasama sa trabaho ay never pa kitang nakitang natulala dahil lang sa isang project. So tell me, anong bumabagabag sa'yo?"
"Wala nga. Tungkol lang talaga sa project. Tsaka pagod din kasi ako sa pag-aayos ng bahay," sabi nya rito.
Mukhang hindi pa rin ito kumbinsido sa kanyang sinagot pero hindi naman na nag-usisa pa.
Muli siyang nag-focus sa kanyang trabaho. This time ay sinikap niyang abalahin ang sarili upang makalimutan na si Calvin.
***
LUNCH BREAK NILA at nagkayaan ang kanyang mga kasamahan na sa labas kumain. Siyempre pa ay kasama siya dahil hindi siya tatantanan ni Gabby kapag nagpaiwan siya.
Kasalukuyan silang kumakain nang marinig niya si Gabby at ang mga kasamahan na impit na napatili.
"Ay, mukhang nakita ko na ang aking future boyfriend!" sabi ng kaibigan. Sinundan niya ang direksyon ng tinitignan nito at ng iba pa.
Putragis! Mura ni Thea sa sarili. Nananadya na yata talaga ang pagkakataon. Dahil ang taong pinapantasya ng kanyang kaibigan ay si Calvin!
Agaw atensyon itong nakapila sa counter ng kanilang kinakainan. Maging ang ilang naroon ay tila na-magnet na rin ang tingin dito.
"Thea! Thea! I think I'm in love," bahagya pa siyang niyugyog ng kaibigan.
"Ano ba, Gab? Ang landi mo!" angil niya sa kaibigan.
"Ano ka ba, sis? Hindi mo ba nakikita ang perpektong putahe sa ating harapan?" sabi pa nito sabay balik ng tingin muli kay Calvin.
"Oh my God!" bahagya siyang nagulat nang mahinang mapasigaw si Gabby sa kanyang tabi.
Nanlaki naman ang mata ni Thea nang mapagtanto kung bakit. Ang lalaking kanina lang ay nasa counter ay papunta na sa kanilang gawi.
Huwag kang lalapit dito, hiling niya habang nakatingin kay Calvin na titig na titig sa kanya.
Ngunit mukhang iyon talaga ang pakay nito nang huminto ito sa tapat ng kanilang mesa.
"Thea, it's good to see you here," bati ni Calvin habang naka-display ang makalaglag-panty nitong ngiti.
Lahat ng kasama niya sa table ay napatingin sa kanya. Si Gabby ay parang mahihimatay pa sa kanyang tabi.