Summer POV
Hindi ako makapaniwala sa narinig ko mula kina Direc at kay Manager. Sa dinami-dami ng modelo at pwedeng maka-partner bakit si Claude pa?
"B-bakit siya pa po? Marami naman pong iba jan eh," nagkatinginan tuloy sina Direct at Manager dahil sa sinabi ko.
"Ano bang problema Summer at nagkakaganyan ka?" nagtatakang tanong sa akin ni Manager.
"Eh k-kasi p-po," nauutal kong sabi. Napatingin sa akin silang dalawa saka sila naghintay ng sagot mula sa akin.
"A-ang sungit po niya," nakayuko kong dugtong sa una kong sinabi.
"Dahil lang doon? Saka paano mo nalaman na masungit siya? Oo, siguro dahil wala siyang masyadong kinakausap. Iyon ang mga bali-balita. Pero Summer napakahusay at professional ni Claude," mahabang paliwanag sa akin ni Manager kaya napabuntong-hininga na lang ako.
"Look Summer, kayong dalawa ni Claude ang gusto ng mga brands na maging model nila. At kapag hindi kayo iuurong nila ang kontrata. Big project ito Summer, kaya pumayag ka na maka-partner si Claude," pangkukumbinsi sa akin ni Direct.
"Sige po pumapayag na po ako," sabi ko at nag-apir silang dalawa at ako naman ay napayuko na lang dahil sa pagpayag ko.
Sana naman maging matiwasay ang project na ito. Nagpaalam na ako sa kanila na kailangan ko na ulit bumalik ng school dahil tapos na ang breaktime.
Habang pabalik ako sa school ay hindi ko lubos aakalain na makaka-partner ko si Claude. Sa totoo lang ay masaya ako pero at the same time ay kinakabahan rin. Paano kung malaman niya na ako yung seatmeat niya?
Napailing ako dahil sa naisip ko. Dapat professional ako dahil noon ko pa naman tinatago ang totoo kong pagkatao.
Dahil sa kakaisip ko sa bagay na iyon ay hindi ko namalayan na nakarating na pala ako sa classroom namin. Nakatulala lang ako habang nakatingin sa white board. Mabuti na lang dahil wala pa rin ang adviser namin kaya hindi rin ako late.
"Hey!"
"Ay! Claude Fukuda!" sigaw ko dahil nagulat talaga ako dun sa kumalabit at tumawag sa akin.
Napatingin naman ako sa classroom namin dahil lahat ng kaklase namin ay nakatingin na sa akin. Bahagya pa nga ako nagtaka kung bakit pero nang mapalipat ang tingin ko kay Claude ay saka ko lang napagtanto na nabanggit ko ang buo niyang pangalan. As in buo talaga!
"Ayos ah, alam na alam fullname ko," sabi ni Claude na walang emosyon na makikita sa kanyang mukha.
"Ah a-ano k-kasi," nauutal kong sabi pero hindi ko matuloy ang sinasabi ko dahil naghuhurementado nanaman ang puso ko.
"Pinagpapantasyahan mo ba ako?" tanong nito at inilapit pa niya ang mukha niya sa mukha ko. At ako naman ay umurong dahil ang lapit talaga ng mukha niya sa akin.
"H-hindi ah!" sabi ko na medyo pasigaw at naramdaman ko na lang na uminit ang pisngi ko at ang tenga ko.
"Summer, okay ka lang ba? Namumula ka," bakas ang pag-aalala ni Himari sa kanyang boses kaya naman napahawak ako sa pisngi ko.
Nakakahiya!
"Oo, ayos lang ako," sagot ko sa kanya at pinilit ko na ngumiti kahit na sobra na akong nahihiya.
Gusto ko na tuloy magpakain sa lupa. Lahat ng mga mata ng kaklase namin ay nakatingin sa akin. Alam ko na kahit hindi sila nagsasalita ay pinagmumura na nila ako sa isipan nila.
"Mabuti naman, ngayon tumabi ka na jan dahil upuan ko iyang inuupuan mo. Tabi!" masungit na sabi niya at walang sabi-sabi ay bigla na lang siyang pumunta sa upuan niya kaya medyo nasanggi niya ako mabuti na lang at nakakapit ako sa isang upuan.
"Pagpasensyahan mo na si Claude," bulong sa akin ni Himari nang makalapit siya sa akin kaya naman isang ngiti ang isinagot ko sa kanya.
Muli ay napatingin ako sa kaklase namin at ang mga babaeng kaklase namin ay masama ang tingin sa akin. Tila ba handa silang kainin ako ng buhay. Marahil ay napansin ni Himari na naiilang ako sa mga tingin nila kaya naman tinignan sila ni Himari kaya naman inalis na nila ang tingin sa akin.
"Salamat Himari," bulong kong sabi kay Himari dahil lagi na lang niya ako tinutulungan.
Mabuti na lang at dumating na ang adviser namin kaya nakahinga naman ako ng maluwag. Natuon ang atensyon ko sa pinag-aaralan namin. Dapat kahit na isa akong model ay hindi ko pinapabayaan ang pag-aaral. Hindi rin dapat ako magpaapekto sa pang-bubully nila sa akin.
"Isang taon na lang Summer makakapagtapos ka na rin ng highschool." Sabi ko sa aking sarili at nakinig na ng mabuti sa tinuturo sa amin ng adviser namin.
Uwian na namin ngayon at dahil nakasanayan ko na pumunta ng garden bago umuwi ay doon ako dumiretso. Pero nasa b****a pa lang ako ng garden ng makita ko si Reena kasama ang mga alipores niya.
Kinabahan at napalunok naman ako ng lumapit sila sa akin at sapilitan akong hinila ng dalawa niyang alipores papasok sa garden. Nagpupumiglas ako pero hinawakan ako ni Reena sa buhok ko ng napakahigpit. Napatingin ako sa paligid pero wala akong nakitang tao dito sa garden.
"R-Reena, bitawan mo ako," pakiusap ko sa kanya pero sa halip na sagutin niya ako ay isang sampal ang natanggap ko mula sa kanya kaya naman napatabingi ang leeg ko dahil sa impact.
Ramdam na ramdam ko ang pamamanhid ng aking pisngi dahil sa pagkakasampal niya. Tumingin ako sa kanya at saka nagsalita.
"Ano ba ang problema mo?!" sigaw ko dahil ang sakit talaga ng pagkakasampal sa akin ni Reena.
Kahit naman humingi ako ng tulong ay walang tutulong sa akin. Tiyak akong matutuwa pa sila kapag nalaman na nasampal ako ni Reena.
"Anong problema ko?" parang hindi makapaniwalang tanong sa akin ni Reena saka niya pinisil ang pisngi ko. "Ikaw ang problema ko at yang kalandian mo!"
Pilit ako nagpupumiglas pero mas lalong hinihigpitan ng dalawang alipores niya ang magkakahawak sa braso ko. Ganun rin si Reena mas lalo niyang hinihigpitan ang pagkakahawak niya sa buhok ko.
"B-bitawan niyo ako! At anong kalandian ang sinasabi mo Reena? Wala akong ginagawa!" lagi na lang ganito wala naman akong ginagawa sa kanila.
"Akala mo ay hindi ko malalaman ang panlalandi mo kay Claude? Kakalipat mo pa lang sa Star Section pero akala mo kung sino ka na! Tandaan mo na hindi ka niya mapapansin," sabi ni Reena at itinulak tulak pa niya ang noo ko ng ilang ulit.
"Dahil nanaman kay Claude? Kung gusto mo isaksak mo sa 'yo si Claude! Wala akong pake!" nagpumiglas nanaman ako pero isang sampal nanaman ang natanggap ko. Ramdam ko ang pagdugo ng aking labi.
"Sino ka para sigawan ako ha? Sige girls, turuan niyo ng leksyon yan!" utos ni Reena sa mga alipores niya.
Ginawa ko naman ang makakaya ko na lumaban pero sadyang mas malakas sila sa akin. Dalawa sila at nag-iisa pa ako. Pinahiga nila ako sa damuhan ng garden saka pinagsasampal at ramdam ko na tinadyakan pa ako ni Reena sa tagiliran ko.
"T-tama na, pakiusap tama na," naiiyak na sabi ko pero ayaw pa rin nila akong tigilan. Nakakaramdam na rin ako ng hilo dahil sa ginagawa nila sa akin.
Hindi maialis sa isipan ko na sana ay may dumating at tulungan ako pero ni isa walang dumating. Hanggang sa maramdaman ko na lang na binuhusan nila ako ng malamig na tubig. Nanginig ako dahil sa ginaw tila ba natunaw na yelo ang ibininuhos nila sa akin.
Pagkatapos nun ay iniwanan nila ako na tila isang basang sisiw. Napahilamos na lang ako sa mukha ko dahil basang basa ako. Kahit na masakit ang katawan at mukha ko ay pinilit ko na tumayo para naman makauwi na ako.
Yakap-yakap ko ang sarili ko habang palabas ng garden dahil talagang nilalamig ang pakiramdam ko. Saka naman napadako ang tingin ko sa may 'di gaanong kataasang puno. Prenteng nakaupo doon si Claude at nakatingin sa akin.
Nandito pala siya pero hindi niya ako tinulungan. Sino nga ba ako para tulungan niya? Hindi naman niya talaga ako tutulungan. Hindi ko namalayan na bumagsak na pala ang mga luha ko habang nakatingin kay Claude. Nakita ko ang pagkagulat sa kanyang mukha kaya naman napaiwas na ako ng tingin at umalis na sa lugar na iyon.
Hanggang kailan pa ba ako magtitiis?
---