Chapter 1

2808 Words
TAHIMIK kong pinanonood si Nanang Precy na tupiin ang mga kumot pati na rin ang ilang punda ng mga unan na pinaghirapan naming labhan kahapon ng gabi. Pinakikinggan ko rin ang himig ng kalmado niyang pagkanta habang masuyo kong pinupunasan ng mamasa-masang bimpo ang kaliwang kamay ni Papa. “Sa tingin niyo po, alam ni Papa na inaalagaan ko siya?” usisa ko. Hindi ko ipinaling ang paningin ko kay Nanang Precy. Pinanatili ko ang aking mga mata kay Papa na nasa malalim na pagtulog. Five years na ang nakalipas ngunit ang kalagayan niya’y hindi ko man lang nakakitaan ng pagbabago. Kaya sa tuwing papasok ako ng silid niya ay napapabuntonghininga na lamang ako dahil wala akong magawa kundi ang panoorin na lamang ang kaniyang lumulubhang kondisyon. Mahinang tinapik ni Nanang Precy ang aking balikat at kinuha ang aking isang kamay upang pisilin, bagay na nakasanayan niyang gawin kapag aaluin niya ang nararamdaman kong lungkot at pangungulila. “Sigurado ako, Chaine na gustong gusto ka na ring mayakap ng ama mo. Hindi ba’t sinabi ng doktor na kahit papaano naman ay may nangyayaring magandang pagbabago?” “Iyon po ang palagi kong naririnig pero hindi ko naman po nakikita,” pag-amin ko. Binalingan kong muli ang animo’y lantang gulay na katawan ni Papa. May kung anu ano pang nakatusok at nakakabit sa kaniyang kamay, maging sa kaniyang bibig at ilong. Sa tuwing tatagal ang paningin ko sa kaniya ay kusa na lamang napupuno ng luha ang aking mga mata. At imbis na makaramdam ako ng tuwa kapag ibinabalita sa akin ni Dr. Suliban ang bumubuting kalagayan ni Papa ay kalungkutan pa ang namumutawi sa dibdib ko dahil hindi ko makita ang sinasabi nilang pagbabago. Sa katunayan nga ay kabaligtaran pa no’n ang nangyayari. Hindi ko tuloy alam kung dapat pa ba akong maniwala. “Hindi mo napapansin dahil punong puno ng pag-aalala ’yang puso mo, Chaine. Hindi natin alam na baka bukas, paggising natin ay ang masisiglang ngiti ng Papa mo ang sumalubong sa atin.” “Ayaw ko pong umasa, Nanang,” walang buhay na wika ko. Narinig ko ang pagbuntonghininga niya. Kinuha niya ang isa pang upuan upang tabihan ako. Doon ay hinayaan ko siyang ayusin sa pagkakatirintas ang aking buhok. “Hija, saksi ako sa pagmamahal sa’yo ng Papa mo. At kapag malungkot kang ganiyan, naniniwala ako na nararamdaman ka niya. Gusto mo bang habang nagpapahinga siya ay nag-aalala siya sa’yo?” Mapait akong ngumiti. “Hindi na po ako bumabata. Alam ko po na ayaw ni Papa na malungkot ako pero masisisi niya po ba ako?” Naramdaman kong lumumbay ang kaniyang balikat. Tinapos niya ang pag-aayos ng aking buhok at saka siya muling humanap ng pwesto upang harapin ako. “Huwag ka sanang magtatanim ng sama ng loob, Chaine.” Hinaplos niya ang aking pisngi at ngumiti sa akin. “Kahit ano pa ang maranasan mong hirap, iwasan mong mapuno ng galit ang puso mo.” Napatungo ako at napatingin sa nagsugat-sugat at nagpaltos-paltos na mga kamay ko. My biological mother died when she gave birth to me. Nakakahinayang na hindi man lang ako nagkaroon ng chance para makasama at makilala siya. Kahit na hindi kailanman nagkulang si Papa sa pagpapaulan sa akin ng pagmamahal ay natural lang yatang mangulila rin ako sa kalinga ng isang ina. Pero sa kabila niyon, hindi ako binigo ni Nanang Precy dahil kahit papaano ay para ko na rin siyang ina. Simula yata noong ipinanganak ako ay nasa tabi ko na siya. Dalawampu’t dalawang taon ko na siyang kakampi sa buhay. Six years old ako nang may ipakilalang ginang sa akin si Papa. Ang sabi niya ay magiging mommy ko raw ito at magiging kapatid ko raw ang dalawa pang babaeng iniharap niya sa akin na halos kasing edaran ko lang. Sabik na sabik ako noon lalo na nang matamis nila akong nginitian. Excited akong makilala sila at makasabay na kumain dahil ni minsan ay hindi ko man lang nararanasan pa ang may makasabay sa hapag. Ngunit ang kasabikan kong iyon ay napalitan ng matinding takot. Sa tuwing tatalikod si Papa ay roon na bumabaligtad ang lahat. Hindi ako makapaniwala na sa kabila ng mabuti kong pakikitungo ay makatatanggap ako ng hindi magandang trato. Simula nang malagay sa ganitong kondisyon si Papa, nagbago ang buhay ko. Ayaw ko mang aminin sa aking sarili ay halos lahat ng bagay na mayroon ako ay wala na sa akin ngayon. I lost my room, my precious things, my friends, and even my dream to be a jewelry designer. Iyon ang naging pangarap ko dahil sinabi nila na ganoon ang propesyon ng mom ko. Sa katunayan ay naitatago ko pa ang mga designs niya. Si Papa naman, ang alam ko ay rati siyang court judge pero hindi ko alam at walang nagsabi sa akin kung bakit mas pinili na lang niyang magtayo ng negosyo. Ngunit ngayon, nababalitaan kong lumulubog kami. Wala man akong alam pagdating sa business, nag-aalala pa rin ako na baka lumubha ang suliranin sa loob. Natatakot ako na baka si Papa ay mawala rin sa akin. “Nasaan ang impokritang babaeng ’yan?!” Gulat kaming napatayo ni Nanang Precy nang malakas na bumukas ang pinto ng silid ni Papa. Iniluwa niyon ang stepmother ko na si Tita Constancia. Galit na galit niya akong pinukol ng tingin. Marahas niyang hinawi ang nakalugay niyang buhok. Ang makurba niyang kilay ay nagmamataas, ganoon din ang mapupula niyang mga labi. Mabilis na nakalapit siya sa akin. Nabigla pa ako nang hablutin niya ang aking buhok dahilan upang mapa-igtad ako. “Kailan ka ba matututo at magtatanda?!” “T-tita . . . T-tita, n-nasasaktan po ako,” nahihirapan kong saad habang pigil-pigil ng kamay ko ang mahigpit niyang pagkakasabunot sa akin. “Masasaktan ka talaga!” “Madam Constancia . . .” “Subukan mo! Subukan mong mangialam dito, Precy. Matatamaan ka rin sa akin.” Narinig ko ang pagbabantang iyon ni Tita Constancia ngunit hindi ko na masyado pang naintindi iyon lalo na nang kaladkarin niya ako palabas ng silid. Panay ang pagmamakaawa ko at panay rin ang pagbagsak ng aking mga luhang hindi ko na kinaya pang pigilan. Masakit. Mabigat. Nakapanliliit. Halos araw-araw ko nang nararamdaman ang mga iyon ngunit hindi pa rin ako masanay. Mahirap pa ring tanggapin na ganito na ngayon ang nararanasan ko. “Kahit kailan talaga ay wala kang kwenta! Ni simpleng paglalaba lang ay hindi mo pa magawa ng ayos!” “H-hindi ko po alam . . . hindi ko po alam ang sinasabi niyo,” hinihingal kong hikbi. Napadaing ako at napatingala nang humigpit lalo ang pagkakahawak niya sa buhok ko. Muli niya akong kinaladkad patungo sa maliit at maalikabok kong silid. Ramdam na ramdam ko ang pagkakabanat ng aking anit. Pabalang niya akong itinulak at nakatanggap pa muna ako ng malakas na sampal bago ako tuluyang bumagsak sa sahig. “Hindi mo alam?” pang-aamok niya. Ang bitbit niyang kulay asul na bestida ay padabog niyang ibinato sa akin. Sa pagkakaalam ko ay iyon ang magara niyang damit na isusuot sa gaganaping business event mamaya. Pinalabhan niya sa akin noong nakaraang linggo at siniguro kong malinis at iningatan ko iyon kaya wala akong ideya kung anuman ang maling nagawa ko. Pero nang kunin ko iyon at pagmasdang mabuti ay natumbok ko kung ano ang ikinagagalit niya. Kumupas ang malaking bahagi ng harapan niyon, maging ang laylayan. Kabado akong umiling. “Tita, s-sinigurado ko pong . . .” “Magdadahilan ka pa! Alam mo ba kung gaano kamahal ang halaga ng damit na iyan para sirain mo?” Humakbang siyang palapit sa akin. Naipikit ko na lamang ang aking mga mata nang muli niyang hilahin ang buhok ko at halos mapilitan na akong halikan ang sahig matapos niyang idikit ang pisngi ko sa asul na bestida sa lapag. “Mas malaki pa ang halaga niyan kumpara sa natitirang pera ng ama mo. Mga wala kayong kwenta, walang pakinabang at mga sakit sa ulo!” Katulad ng nakasanayan ko nang gawin ay kinain ko ang lahat masasakit na paratang na iyon sa akin at sa amin ni Papa. Ano pa nga ba ang magagawa ko bukod sa tanggapin na lang ang mga iyon? Wala. Wala akong ibang kayang gawin. Minsan ay nakakapagod at nakakasawa na rin kahit na nakatanim na sa isip ko na kailangan kong magtiis, hindi lang para sa sarili ko kundi pati na rin kay Papa. Kakayanin ko dahil hindi naman ito ang unang beses. Hindi kaagad ako susuko. Iisipin ko na lang na pagkatapos ng lahat ng ito ay muli kong makakasama si Papa. Aayusin namin ang lahat. Gustong gusto kong idulog sa kaniya ang lahat, gusto kong humagulgol at makatanggap mula sa kaniya ng isang mahigpit na yakap. Sinundan kami ni Nanang Precy at ng iba pang mga kasambahay. Naabutan nila akong nakalupagi pa rin sa sahig. Hindi ko sila tinignan dahil hindi ko gustong makita na naman ang paninisi nila sa kanilang sarili kung bakit wala silang magawa upang maipagtanggol ako. Higit sa lahat ay ayaw ko rin munang makatanggap ng awa mula sa kanila. “Huwag mo huwag ninyong palalabasin ng silid na ito ang babaeng ’yan. Kapag nalaman kong umapak siya sa labas, lahat kayo ay malilintikan sa akin at isa-isa ko kayong tatanggalan ng trabaho,” pananakot pa ni Tita. “Don’t give her a lunch, even a glass of water. Dalhan niyo ng pagkain sa gabi kung talagang naaawa kayo pero iyong sira o tira-tira. Nagkakaintindihan tayo?” Walang umimik ni isa ngunit nang muling tumaas ang boses ni Tita Constancia ay napilitan na lang din silang tumango. Lumapit si Tita Constancia sa akin at tumayo sa harapan ko. Nanatili akong nakayuko dahilan upang ang tanging makita ko lamang ay ang kaniyang mataas na sapatos. “Did you hear that? Hindi ka lalabas dito,” paglilinaw niya Mariin niyang sinapo ang panga ko. “Itong natatandaan mo, Chaine. Habang hindi nagigising ang ama mo, ako ang masusunod sa pamamahay na ito. At ikaw . . .” Mas dumiin pa ang mga matutulis niyang kuko sa akin. “Mananatili kang sunud-sunuran at gagawin mo ang lahat ng iuutos ko.” I nodded repeatedly. Walang ingat niyang binitawan ang aking panga at hindi ko na nagawa pang indahin ang sakit na dulot niyon dahil sa pagkahabag ko sa aking sarili. Napaluha na lang ako nang sa wakas ay humakbang nang paatras ang kaniyang mga paa hudyat na papalabas na siya ng silid. Hindi ko na inabala pa ang sarili ko na punasan ang aking mga luha dahil kahit anong gawin ko ay hindi iyon tumitigil sa pagbuhos. Kaagad akong dinaluhan ni Nanang Precy. Mahigpit niya akong niyakap at masuyong tinapik tapik ang likod ko habang hindi ko mapatahan ang aking sarili. “Nakakapagod na po. Ang sakit-sakit po,” habol-hininga kong sumbong. “Ano po ba ang kasalanan ko s-sa kanila, Nanang?” “Wala, Chaine. Wala. Wala kang nagawang kasalanan,” pag-aalo niya pa. Lalo akong napa-iyak nang mas hinigpitan niya pa ang yakap niya. “Tahan na. Tahan na, anak.” Mariin kong ipinikit ang aking mga mata. Malalagpasan ko rin ito. Kakapit pa rin ako sa natitirang pag-asa ko, si Papa. Hindi ko alam kung paano ko nagawang tumahan gayunpaman ay nanatiling mabigat ang loob ko. Madilim na nang nagising ako. Mabigat ang ibaba ng aking mga mata at nahirapan pa akong magmulat dahil sa matindi kong pag-iyak kanina. Hindi kaagad ako bumangon sa manipis na kutson na hinihigaan ko, nakipagtitigan pa muna ako sa ceiling upang mag-ipon muli ng panibagong tapang. Kanina ay ginamot pa muna ni Nanang Precy ang sugat na natamo ko sa gilid ng labi, naghanda rin siya ng yelo upang maibsan ang pamamanhid ng aking pisngi bago niya ako iwan sa loob ng silid. Napahawak ako sa aking kumakalam na sikmura nang bumangon ako. Diretso akong tumingin sa nakasaradong pinto ng silid bago ko iniligid ang aking paningin. I smiled when I realized that Nanang Precy left a plate of food and a glass of milk for me. Sobra-sobra na ang pasasalamat ko sa kaniya. Naiintindihan ko kung bakit malaki rin ang takot ni Nanang Precy kay Tita Constancia. Ang pamilya kasi namin ang sumusuporta sa pagpapagamot ng kaniyang apo na naiwan sa kaniya ng nag-iisa niyang anak. Kung magkataon na pag-initan siya ni Tita ay sigurado ako na walang pagdadalawang isip niyang patitigilin ang gamutan. Lumapit ako sa mesa. Sa tabi ng baso ay naaninag ko ang isang maliit na papel, at nakapatong doon ang susi nitong silid. ‘Hija, iniwan ko itong susi sa’yo. Kung sakaling may kailangan ka ay dumiretso ka kaagad sa akin. Kumain ka na at uminom ng gatas.’ I smiled again and sighed. Tumingala na kaagad ako nang maramdaman ko muli ang pagbabadya ng aking luha. Kung wala si Nanang Precy, hindi ko alam kung saan ko pupulutin ang aking sarili. Tinapos ko ang dinner ko. Lumabas ako upang isauli sa kusina ang nagamit kong baso at pinggan. Napagtanto ko na malalim na pala ang gabi kaya naman hindi na ako nagtaka pa kung bakit tahimik na, naka-off na rin ang ilaw at mukhang nagpapahinga na ang lahat. Hindi na ako dumaan pa sa silid na tinutuluyan ni Nanang dahil ayaw ko na siyang abalahin pa. Isa pa ay plano kong silipin si Papa bago matulog, sasaglit lang ako at hindi magtatagal. Sa tulong ng liwanag ng buwan ay nakarating ako sa kitchen ng walang ingay ngunit napatda ako nang makita ko sa loob si Tita Constancia. Naka-upo siya sa isang stool, hawak ng isa niyang kamay ang maliit na baso ng alak habang ang isa naman ay hawak ang isang stick ng sigarilyo. Hindi niya ako napansin dahil sa ibang bagay naka-focus ang kaniyang atensyon. Aatras sana ako upang bumalik na lang sa silid ko pero hindi ko sinasadyang masagi ang isang vase dahilan para makagawa ako ng ingay. Bumilis ang kabog ng dibdib ko nang tignan kong muli ang gawi ni Tita Constancia. Nang maabutan kong nakatingin siya sa akin ay halos maubusan na ako ng hininga sa dumagok sa akin na kaba. “S-sorry po. H-hindi ko po sinasadya,” utal kong sambit. Ipinakita ko sa kaniya ang dala ko. “Isasauli ko lang po sana itong plate na n-nagamit ko po.” “Go on,” malamya niyang tugon. Nagdalawang isip pa ako. Nanginig ang aking mga tuhod nang humakbang ako palapit. Sa mga sandaling ito ay para akong naka-apak sa isang manipis na tulay na kaunting pagkakamali lamang ay maaari akong bumagsak at masaktan. Kaya naman pigil ko ang aking paghinga nang mailapag ko sa kitchen sink ang bitbit ko. Sa kabila niyon ay pinakikiramdam ko ang pagsimsim niya ng alak. Sa suot niyang fitted evening dress ay nahuhulaan kong kauuwi niya lang galing sa isang event at mukhang dito niya lang itinutuloy ang kaniyang paglalasing. Lakas-loob akong lumapit sa kaniya habang kurot-kurot ko ang aking mga daliri. Para sa akin ay magandang pagkakataon ito upang humingi ng pasensiya sa kung anuman ang nagawa kong pagkakamali kanina. Baka sakaling tanggapin niya ngayon. Aamin ako na nagbabakasakali akong baka lumambot ang puso niya at tanggapin niya ako na parang tunay niyang anak. Handa akong gawin ang lahat, magkasundo-sundo lamang kami. “S-sorry po kanina. Hindi na po mauulit,” mahinang usal ko. Bumuntonghininga siya bago niya ako binalingan ng tingin. Nagtagal ang titig niya sa aking mga mata, nagsusuri ito na para bang may kung ano na namang mali sa akin. “Do you have an idea why I hate you so much, Chaine?” she asked. Nagbaba ako ng tingin. Umiling ako at nakagat ko ang aking pang-ibabang labi. “It’s because you resembles your mom’s eyes,” aniya. Pinagmasdan niya ang kabuuan ng mukha ko. “Sa tuwing nadadaanan ka ng paningin ko, naaalala kong lahat ang ginawang pagtatraydor niya sa akin.” “Ano pong i-ibig niyong sabihin?” “Kung hindi lang siya nagpabuntis noon sa nobyo ko, baka sakaling ako ang pinili at pinakasalan ni Eulogio. Poor woman. Ako pa rin ang nanalo sa huli. Ako pa rin ang nagwagi sa amin. Ang swerte ko pa dahil iniwan ka niya sa akin.” “T-tita Constancia,” usal ko, tila napaos ang boses ko. “Kung naghahangad ka ng pagmamahal ng isang ina mula sa akin, kabaligtaran na kabaligtaran niyon ang ibibigay ko sa’yo,” she blurted out directly. “Malaki ang kasalanan mo and I loathed you. I despise your existence, Chaine.” Na-blangkong bigla ang isip ko. Gusto ko na lamang muling balikan ang mga sandaling kasama namin si Papa. At least doon, kahit hindi tunay ang mga ngiti nila ay kaya kong maging masaya. Ngayon kasi, kahit ano pang pagpapalakas ko sa aking loob ay parati pa rin akong bigo. Para akong nakagapos habang paulit-ulit na nilalatigo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD