Chapter 1
MALAPIT ng sumapit ang dilim. Sa pangangahoy namin ng aking asawa na si Kanor ay mukhang dito na kami magpapalipas ng gabi sa gubat. Bukod sa bahay at ilang pananim ay wala kaming ibang inaalala kung hindi makauwi. Hindi kami biniyayaan ng kahit isang anak. Minsan ay hindi ko maiwasang makaramdam ng lungkot lalo na kapag pumupunta kami sa kabayanan at nakikita ang mga dati kong kaeskwela na may mga supling na buhat habang ang iba ay nakakapit sa saya nila.
Hindi naman ako naghahangad ng madaming anak. Kahit isa lang ay masaya na ako. Pakiramdam ko tuloy ay may kakulangan ako bilang isang babae. Nangamba pa ako noong una sapagkat baka ito ang maging dahilan ng paghihiwalay naming mag-asawa. Pero wala pala akong dapat na ipag-alala. Mahal ako ni Kanor ng walang kondisyon. Sa mahigit labing limang taon na pagsasama namin at ngayong pareho na kaming kwarenta ang edad ay hindi n'ya ako niloko ni minsan.
"Malayo layo pa ang ating lalakarin pauwi. Dito na kaya tayo magpalipas ng gabi, Lena?" tanong n'ya sa akin.
Nakagawa na ito ng maliit na apoy at niluluto ang ligaw na manok na nahuli n'ya kanina matapos malinisan. Dito kami tumigil malapit sa may tabi ng lawa. Napakaganda ng tanawin habang nagkukulay kahel ang kalangitan.
"Walang problema sa akin," nilingon ko s'ya at nginitian. "May tubig pa tayong natitira at may isang kumot rin akong dala."
Narinig ko ang mahina n'yang tawa. "Laging handa ang aking esposa."
Hindi nagtagal at nakakain kami ng hapunan. Inugali na namin ang pag-uusap sa hapag at kahit ngayon na nandito kami sa ilalim ng puno, patuloy pa rin ang pagpapalitan namin ng mga saloobin hanggang dumako tungkol sa mga bata.
"Nasasabik akong mag-alaga ng bata," sabi ko sa kanya.
Tumikhim s'ya. "Gusto mo bang magpunta tayo sa simbahan at itanong kung may batang nangangailangan ng magulang?"
Gusto n'yang magkupkop ng mga batang hindi namin kaano-ano. Hindi ako tutol doon pero mas gusto ko pa rin na maranasan ang pagbubuntis. Ang karanasan na may sisipa at gagalaw sa loob ng aking sinapupunan.
"Pag-iisipan ko," maikli kong tugon sa kanya.
Natuon ang paningin ko sa lawa na nasisinagan ng bilog na bilog na buwan.
"Parang gusto kong maligo. Naiinitan ako."
"Lena, alam mo naman ang usap usapan sa lawa. Baka kung mapaano ka pa," nag-aalalang sabi nito.
Pero hindi ako nakinig sa kanya at tulyang hinubad ang lahat ng saplot ko. Nakita ko pa ang paglunok n'ya bago ako tuluyang lumusong sa lawa. Hindi nagtagal at sumunod s'ya sa akin. Nasa mababaw lang kaming parte ng tubig. Naramdaman ko ang pagyakap n'ya mula sa likod ko at ang mumunting halik sa aking batok. Hindi kami nag-aalala na may makakakita sa amin sa kadahilanan na liblib ang parte ng gubat na ito. Kung paano kami nagniig sa lawa ay hindi ko kayang ipaliwanag. Wala akong matandaan na pagkakataon na hindi n'ya ako pinaligaya sa bagay na 'yon simula ng kami ay ikinasal.
Nang umahon kami at makapagbihis ay dinagdagan n'ya ng kahoy ang siga para magsilbing liwanag namin ngayong gabi. Gayon na lamang ang gulat namin ng may magsalita sa may gilid. Isa itong babae na nakasuot ng puti at may talukbong. Kumikinang kinang ang buong itsura n'ya. Ito na ba ang katapusan namin?
Bahagya itong napatawa. "Natakot ko ba kayo?"
Wala pa ring namutawi sa mga labi namin pero si Kanor ay marahang isinangga ang katawan n'ya kung sakaling may dalang panganib ang nilalang na ito.
"Wala kayong dapat ikatakot. Ako ang pinaguusapan nilang babae sa lawa. Hindi ko akalain na katatakutan nila ako, gayong hindi naman ako mukhang halimaw."
Marahan n'yang tinanggal ang talukbong n'ya at nakita ko ang napakaganda n'yang mukha. Kung totoo ang mga anghel sa mga aklat, ganito siguro ang itsura nila. Lamang ay wala itong pakpak.
"Ako si Parisa, isa akong nilalang na pinababa dito mula sa itaas para sa isang misyon. Matagal ko na kayong hinihintay na magawi dito."
"B-bakit? A-anong kailangan m-mo sa amin?" tanong ko sa kanya.
Mahinang bumulong sa akin si Kanor, "Huwag mo s'yang kausapin. Mahirap na at ba—"
"Kanor ang pangalan mo, hindi ba? Matagal na kayong mag-asawa ni Lena pero hindi kayo biyayaan ng anak? Alam mo ba kung bakit?" tanong ni Parisa sa aking asawa.
"Dahil may diprensya ang isa sa amin o marahil ay pareho kami."
Umiling si Parisa. "Naaalala mo pa ba si Crisanta?"
Tumango ang asawa ko.
"Hindi ba at nagtapat s'ya ng pag-ibig sa 'yo? Pero dahil may iba kang mahal ay hindi mo tinugon ang nararamdaman n'ya?"
Alam ko 'yon dahil sinabi sa akin ni Kanor ang tungkol doon noong magkasintahan pa lamang kami. Pero napakatagal ng panahon at para saan ang pag-uungkat dito.
"Alam mo ba na isinumpa ka n'ya? Ang buong akala n'ya ay hihiwalayan ka ni Lena kung hindi kayo magkakaanak kaya hiniling n'ya kay Theodora na huwag kang magkaroon ng anak sa kahit kaninong babae kung hindi mo s'ya mamahalin."
"P-paaano mo alam ang mga b-bagay na ito?" humigpit ang kapit ni Kanon sa kamay ko.
Ngayon ay alam na namin na wala kaming sakit. At kahit hindi kami naniniwala sa mga sumpa at kung ano ano pang kwentong kuchero ay hindi namin maalis sa aming isipan na posible ngang may kinalaman ang salamangka sa nangyayari sa amin.
Nagkibit-balikat ang babae. "Kilala ko si Theodora. Una s'yang ipinadala dito sa lupa para pag-aralan ang mga tao. Umibig s'ya sa isang mortal kahit bawal. Masaya ang pagsasama nila ng lalakeng iniibig n'ya hanggang sa manawa ito sa kanya at humanap ng iba. Hindi na s'ya makakabalik sa itaas kapalit ng pagpili n'ya dito. Ganoon pa man ay hindi binawi ang kapangyarihan n'ya. Lamang ay naging itim na ito dahil pinamahayan na s'ya ng poot at galit at nabalot na ng paghihiganti ang puso n'ya. Si Crisanta ay isa lamang sa mga babaeng tinulungan n'ya, marami pang iba. Dahil dito, ipinadala ako para linisin ang kalat n'ya. Ikaw at si Lena ang misyon ko at ilang taon na akong naghihintay dito sa may lawa."
"Anong gusto mong gawin namin?"
"Ako ang dapat magtanong sa inyo. Alam ko ang nilalaman ng mga puso n'yo at kaya kong ibigay ang bagay na 'yon. Pero dapat n'yo ring malaman na may kapalit at kundisyon ito."
"Nakahanda kami sa lahat," ani ko sa kanya.
"Bweno, kaya kong ipagkaloob ang supling na hinihingi n'yo. Sa oras na ito ay may laman na ang sinapupunan mo. Matapos n'yong lumusong sa lawa ay ipinagkaloob ko na 'yon sa inyo."
Nakaramdam ako ng tuwa at napahawak sa aking impis pang t'yan. Nagkatinginan kami ni Kanor at bakas ang tuwa at gulat sa mukha n'ya.
"Una, kung maging lalaki ang anak n'yo -- Castiel ang kanyang magiging pangalan. Pero kung babae, kahit anong ibigin n'yo."
Bahagya pang napatawa si Kanor. "Hindi mo alam kung babae o lalake ang magiging anak namin?"
Tumalim ang mata ng babae. "May hangganan ang kapangyarihan ko."
Tumikhim ako. "Ipagpaumanhin mo ang sinabi ng asawa ko, Parisa. Labis lang ang katuwaan n'ya na matutupad na ang aming matagal ng inaasam. Makakaasa ka na susundin namin ang iyong kundisyon."
Tumango ito. "Handa na ba kayong marinig ang natitirang kundisyon at ang maaaring mangyari kung hindi masunod ito?"
Malakas ang kabog ng akin dibdib subalit kaya kong gawin ang lahat para makasama at makilala ang aking magiging anak -- kahit maging kapalit pa nito ang buhay ko.