MAHABANG katahimikan ang bumalot sa aming tatlo matapos n'yang sabihin ang mga kundisyon. Hindi ko alam kung matutuwa ako o malulungkot sa pwedeng maging buhay ng aming magiging anak. Hindi masayang tumanda mag-isa. At bagamat matagal kaming hindi nagkaanak ni Kanor ay hindi pa rin maiwasan ang mga sandaling makaramdam ng pighati tungkol sa mga bagay na sana ay nakamit.
Una, bawal s'yang umibig sa mortal at mas higit na ipinagbabawal ang pag-ibig sa ibang nilalang na may taglay na kapangyarihan. Sa edad na labing anim ay mawawala sa pagkagapos ang aking mga munting regalo. At bilang kanyang pangalawang ina, ipinagkakaloob ko ang kakayahan na makapagpagalaw s'ya ng kahit anong bagay gamit ang kanyang isip. At kung dumating ang araw na magmahal s'ya ng hindi sinasadya, maghahatid ito ng labis na pighati at kamatayan sa minamahal n'ya o maging dahilan ng kanyang pagkasawi.
Ibig kong mangilabot sa mga salitang namutawi sa kanyang mga labi pero nakita ko ang sarili kong tumatango at umaayon sa mga sinabi n'ya, ganoon din si Kanor. Nang masabi n'ya ang kundisyon sa amin at marinig ang aming pagpayag ay unti unti s'yang naglaho hanggang sa kami na lang ni Kanor ang matira.
Lumipas ang siyam na buwan at dumating ang araw ng aking panganganak. Ang komadrona sa bayan ay kaibigan ng aking yumaong ina.
"Umire ka, Lena. Malakas ang pakiramdam ko na kambal ang ilalabas mo ngayong gabi," sabi ni Manang Tasing. Sa edad na otsenta ay mahusay pa rin itong magpaanak.
Si Kanor ay nasa gilid ko at naririnig ko ang malakas na pintig ng puso n'ya. Alam kong kinakabahan s'ya sa panganganak ko. Pero may awa ang nasa Itaas, makakaraos ako ng maluwalhati. Pero hindi kambal ang iniluwal ko at hindi rin lalake. Babae ito at apat silang magkakapareho ang mukha. Pinangalanan ko sila. Si Katja ang una kong iniluwal. Si Kamila ang sumunod dito at si Kalara. Ang bunso ay pinangalanan kong Karisa.
Umalingawngaw ang iyak ng tatlong bata mapwera kay Katja na bagamat pikit ay nakangiti sa amin ng kanyang ama. Hindi ko naisip ang mga munting regalo na ipinagkaloob ni Parisa. Ngayon na apat sila ay hindi ko alam kung lahat sila ay mayroong kakayahan na magpagalaw ng mga bagay gamit ang isip nila o isa lamang. Ang mahalaga para sa akin ay malulusog sila at walang sakit.
Naging masaya ang pamumuhay namin kahit payak at kahit maraming puyat wala na kaming mahihiling pa.
"Nanay, nagugutom na po ako," sabi ni Karisa na yumakap sa aking hita.
"Ako rin po, Nanay," segunda ni Kalara.
Si Kamila ang tumutulong sa akin sa pagluluto ng balinghoy. Napansin ko sa kanya na mahilig s'yang manood sa akin sa kusina kahit sa batang edad pa lamang at ngayon ay kasama ko ng magluto. Si Katja naman ay nagtitiklop ng aking pininaw na sinampay kanina. Ang aking mga anak ay nasa edad lima na at papasok na sa paaralan sa Hunyo.
"Anong gusto ng mga bunso ko?" masuyo kong tanong sa kanilang dalawa.
"Nanay, gusto ko po ng sopas katulad ng niluto n'yo ni Tatay noong isang araw."
Nagpatay ng manok si Kanor noong isang araw at gumawa ako ng sopas na may ninitnit na laman ng manok. Gustong gusto ng mga bata. Nilagyan ko ito ng ilang mga dahon mula sa aking mga pananim at tunay na humahalimuyak ang aroma nito.
"Sige, pag-uwi ni Tatay ay magpapahuli ako ng manok at magluluto ako. Sa ngayon ay ito munang kamote at balinghoy ang meryenda natin."
Tumango naman ang mga bata. Alas kwatro pa lamang ng hapon ngayon at malapit ng umuwi galing sa trabaho si Kanor. Nagtatrabaho ito sa bayan bilang isang karpintero. Mayamaya lang ay nagpulasan ang mga bata at sinalubong ang kanilang ama.
"Tatay! Tatay!"halinhinan ang mga bata sa pagtawag sa bagong dating.
May bitbit itong pasalubong para sa aming mga anak. Tuwing B'yernes ay may sahod ito at hindi kinaliligtaang bumili ng kaunting kakanin. Paborito ito ng mga bata lalo na ni Karisa. Ginawaran n'ya ako ng halik ng makalapit sa amin habang ang mga anak namin ay masayang kumakain sa hapag.
"Kumusta ang trabaho mo? Nagugutom ka ba? Gusto mo ng kape?" tanong ko sa kanya.
"Basta para sa inyo ng mga bata ay hindi ako nakakaramdam ng pagod. Pero parang gusto ko ng kape. Maaari mo ba akong ipagtimpla, mahal ko?" yumakap s'ya sa akin at kinintalan ako ng isa pang halik sa sentido.
"Maaari ba namang hindi? Sige, maupo ka na muna d'yan at igagawa kita," natatawa kong saad sa kanya.
Tumalima naman ito at tumabi kay Karisa.
"Tatay, gusto ko po ng sopas."
Nagtama ang mata naming mag-asawa at nagkangitian.
"Sopas na may manok?" tanong ng ama dito.
Tumango naman ng sunod sunod.
"O sige, samahan n'yo ako at huhuli ako ng manok para maluto ni Nanay. Iyon na ang hapunan natin at kung may tira pa para bukas ay agahan din natin."
Pagdating sa amin ng mga bata ay balewala kay Kanor ang pagod. Hayun at nakikipaghabulan sa manok para lamang makatikim ang mga bata ng sopas na gusto ng mga ito. Nang mahuli nito ang manok ay nagpalakpakan pa ang mga anak namin. Matapos malinis ang manok at mapakuluan ay nagninitnit kami ni Kamila ng laman nito.
"Nanay, lagyan natin nito," itinuro n'ya ang dahon ng romero. Magaling talaga ang memorya ng aking anak pagdating sa pagluluto. Kabagay nga naman ng romero ang manok.
"Sige, lagyan natin. Paano kapag hindi masarap?" biro ko sa kanya.
Napakamot ito sa ulo n'ya. "Si Nanay talaga! S'yempre masarap po 'yan. At saka kakainin pa rin naman po ni Karisa ang sopas kahit hindi masarap," dagdag nito at humagikhik. Likas na mahilig kumain ang bunso namin pero hindi naman tumataba.
"Ikaw talaga," guguluhin ko sana ang buhok n'ya pero marumi ang aking mga kamay.
Mabilis na lumipas ang panahon at ngayon ay ganap ng labing anim ang edad nila. Nakita naming mag-asawa sa kauna-unahang pagkakataon ang mga munting regalo na ipinagkaloob ni Parisa. Si Karisa ang may kakayanang magmanipula ng mga bagay na may kinalaman sa kalikasan katulad ng mga puno at halaman. Si Kalara ay kayang kontrolin ang hangin. Habang si Kamila naman ay may kapangyarihan sa tubig.
Ang may hawak ng kapangyarihan na apoy ay si Katja at bilang panganay, nasa kanya ang kakayanan na magpagalaw ng kahit anong bagay gamit ang isip n'ya.
Mas malakas sila kung sama-sama. Parang may bumulong sa akin mula sa hangin ng sumapit ang kaarawan nila. Kung hindi ako nagkakamali ay tinig iyon ni Parisa. Sa kabila ng kanilang kakaibang talento ay pinili naming mag-asawa na hindi ipagamit ito sa kanila sa pangamba namin na katakutan sila ng buong bayan. Palibhasa ay may mga isip na, sinunod nila kami ng walang kahit anong tanong. Namuhay sila ng normal katulad ng lahat.
At ngayon sumapit ang ika-labing walong taong kaarawan nila, ganap na silang mga dalaga. Anuman ang mangyari sa amin ni Kanor, masaya na akong nakapiling ang aking apat na supling. Alam kong hindi nila pababayaan ang isa't isa.