Pagkalipas ng apat na taon...
"Kam, sigurado ka ba sa iniisip mong kainan?" tanong ko sa aking kapatid.
Ngumiti ito. "S'yempre naman. Matagal ko na talagang gustong magtayo ng maliit na kainan sa bayan para makilala ang mga luto ko. Maaari bang si Kari na lang palagi ang kakain ng niluto -- aray!"
Kinurit ito ni Kari, ang bunso namin. "Ako na nga ang taga-ubos, nagrereklamo ka pa rin?"
Nagkatinginan kami ni Kala at nagkatawanan. Sa aming apat ay si Kamila at Karisa ang madalas na magbangayan dahil sa pagkain. Isang mahilig magluto at isang mahilig kumain. Kami naman ni Kala ay kuntento ng maglinis ng pinagkainan at pinaglutuan.
Simula ng mawala sina Nanay at Tatay ay ako na ang tumayong magulang sa kanilang tatlo. Bagamat parehas kami ng mga edad ay ako pa rin ang unang iniluwal at sa tuwina ay sa akin sila inihahabilin nina Nanay noon. Nasawi sila sa isang aksidente sa laot apat na taon na ang nakakaraan at hindi na natagpuan ang labi nila. Taimtim naming ipinagdasal ang kanilang kaluluwa para sa ikatatahimik nila.
Tumira kami sa nag-iisang kapatid ni Tatay subalit pumanaw din ito isang taon pagkatapos naming lumipat sa kanya. May anak s'ya, si Isadora. Noong una ay mabait s'ya sa amin pero nang maglaon ay napuno ng inggit at galit ang puso n'ya. Sinabi n'ya sa amin na inaagaw namin ang atensyong ng kanyang ina sa kanya. Wala na daw s'yang ama ay kukuhanin pa namin ang nag-iisang nagmamahal sa kanya.
Kaya naman nang pumanaw si Tiyang Sabel mula sa isang misteryosong sakit ay napilitan kaming umalis sa bahay n'ya at bumalik sa bahay namin sa may kakahuyan. Madami ng sira ang bahay dahil isang taon din na hindi natirhan. At dahil puro kami mga babae ay madaling mapagod sa mga gawain. Kinausap ko ang aking mga kapatid at napagpasyahan na pagkagat ng dilim ko sisimulan ang pag-gamit ng aking kapangyarihan. Hanggat walang nakakakita ay walang dapat ipangamba. Napagalaw ko lahat ng bagay na kailangan at ilang sandali lang ay maayos na ang bahay namin.
Ang sumunod na pinag-usapan namin kinaumagahan ay kung paano kami mabubuhay ngayong wala na kami sa poder ni Tiyang.
"Problema ba 'yon? Magtanim tayo. Ako ang bahala. Saglit lang at may aanihin na tayo," sabi ni Kari.
Napaisip ako. "Hindi kaya may kapalit itong pag-gamit natin ng mga regalo? Sabi ni Nanay ay iwasan daw natin ang pag gamit nito kung hindi kailangan."
"Kat, kailangan na nating gamitin kung hindi ay magugutom tayo. Isa pa, wala naman tayong inaapakan na kahit sino. Sa totoo lang, mas makakatulong pa nga tayo. Pwede tayong magbenta ng mga gulay at prutas sa murang halaga para sa atin na sila lagi bibili."
Maganda ang naisip n'ya at nang magbotohan kaming apat, lahat kami ay sumang-ayon. Naging masagana ang aming mga ani at nagtagumpay ang aming plano. Sa amin na kumukuha ng mga gulay at prutas ang mga nasa bayan. Gigising kami ng maaga at saka maglalakad tulak ang kariton na may lamang paninda.
At ngayon, isang maliit na kainan ang gusto naming buksan. Ang aming naipon ay iniambag namin dito sa negosyo ni Kam. Bilang panganay, ako ang naatasan na mag-balanse ng kita at lumalabas na pera. Maayos at dinagsa ng tao ang unang araw ng aming pagbubukas. At makalipas ang isang buwan ay naging regular ang mga taong kumakain dito. Nababawi na namin ang aming ginastos pero ang pinakamahalaga ay ang saya naming apat.
"Kat, malapit ng mag-alas nuwebe. Wala na siguro kakain dito dahil magsasara na tayo ngayong gabi. Medyo masama kasi ang pakilasa ko. Mauuna na muna akong umuwi sa atin," sabi ni Kam sa akin.
"Sige, mauna ka na pero isama mo na itong dalawa at ako na lang ang magliligpit dito," tinawag ko ang dalawa pa naming kapatid. "Kala, Kari, samahan n'yo na pauwi si Kam at baka kung mapaano pa sa daan. Ako na ang bahalang magligpit dito. Kinse minutos na lang naman at magsasara na tayo. Wala na sigurong kakain."
"Sige, kami na ang bahala sa kanya."
Umalis na ang mga kapatid ko at naiwan ako dito sa pwesto namin. Sampung minuto na lang at nag-aayos ako ng mga silya ng may pumasok sa pinto. S'ya na yata ang pinakagwapong nilalang na nakita ko. Itim na itim ang buhok nito, matangos ang ilong, malantik ang pilik ng mata at matangkad. Ang mata n'ya ay parang inaarok ang buong pagkatao ko hanggang kaluluwa.
"May sakit ka ba?" tanong n'ya sa akin.
Bumalik ako sa kasalukuyan. "Ha?"
"Kanina pa ako nagsasalita at humihingi ng pagkain pero nakatitig ka lamang sa akin. Magkakilala ba tayo?"
"Ah, eh --" Ano bang nangyayari sa akin? "A-anong gusto mong kainin?"
Bakit 'yon ang lumabas sa bibig ko? Bukod sa magsasara na kami ay hindi ako marunong magluto. Dapat paalisin ko na lang s'ya.
"Kahit anong pwedeng kainin. Hindi ako mapili. Sa oras na ito ay hindi mo alam kung gaano ako kasaya na bukas pa ang kainan n'yo. Buong araw akong hindi nakakain dahil sa panggagamot sa mga pasyente ko."
Nakaramdam naman ako ng awa sa kanya. Paano ko itataboy ito kung buong araw pala s'yang hindi pa kumakain. Dali dali akong nagtungo sa kusina at isinantabi muna ang nauna kong gawain. Sa malas ay wala ng tirang luto si Kam. Paano ngayon ito? Saglit akong nag-isip at nagtingin tingin ng mga natitirang pwedeng lutuin dito sa kusina. Itlog at patatas. Nakita ko na itong lutuin ni Kam at maging si Kala at Kari ay kayang gayahin 'yon. Sa tingin ko ay kayang kaya ko rin.
Nagsimula akong magluto at kahit may kakayanan akong kontrolin ang apoy, nagmadali akong lutuin 'yon at mas nilakasan pa para maluto kaagad. Ang kinalabasan ay sunog na tortang itlog at kahit patatas ay kulay brown. Inihain ko sa harap n'ya ng niluto ko at hinintay ang kanyang hatol.
Tumikhim ito. "Kaya ba hindi ka pa nag-aasawa ay dahil balak mo s'yang patayin sa gutom?"
Gusto ko ng bumuka ang lupa at lamunin ako ng buong buo pero sa halip ay hinarap ko s'yang buong tapang.
"Kaya mo namang gamutin ang sarili mo kung sakaling mamatay ka sa gutom, hindi ba?" balik ko sa kanya.
"Balak mo akong asawahin kung ganoon?" humalakhak s'ya pagkatapos at saka ginagap ang aking kamay. Dinala n'ya ito sa mga labi n'ya at kinintalan ng mainit na halik. "Napakaganda mo, Katja."