CHAPTER 11

1383 Words
Nitidus’ POV   Hindi ko lubos maisip na nagawa ni lolo ang lahat ng iyon sa mga magulang ko. Nangilid ang luha ko kasabay ng galit na mas naramdaman ko matapos lahat ng katotohanang narinig ko. Ibig sabihin ay wala talagang kasalanan si Acutus sa akin. Napakatanga ko at nagpalinlang ako sa hayop na matandang ito. Kailangan kong maitakas si Acutus bago pa mahuli ang lahat. Kailangan kong bumawi sa laki ng kasalanan ko. Ipaghihiganti ko ang pamilya ko. Ipaghihiganti ko ang mga magulang ko.   Matapos ang diskusyon kagabi ay mabilis na lumisan si Adamas, at Pecunia pabalik sa kanilang silid. Hindi ko na maatim na tawagin pa siyang lolo pero kailangan kong magpanggap para manatili kaming buhay ni Acutus gaya ng bilin niya sa akin.   Nang makabalik ako sa aking silid nang gabing iyon ay halos masiraan ako ng bait sa kaiisip sa mga nangyari. Pakiwari ko ay ako ang nagdala kay Acutus sa kapahamakan. Hindi ko lubos maisip na nagawa ko siyang paputukan ng baril kahit na posibleng inosente siya sa lahat. Napakalaki kong tanga dahil hindi ako nagtiwala sa kaniya. Kung alam ko lang na sa ganito hahantong ang lahat hindi na sana ako muling nagpakita pa sa kaniya.   Ilang oras pa ang lumipas bago ako nagpasyang magtungo sa silid piitan ni Acutus. Sakto lang din ang punta ko dahil nahihimbing ang dalawang bantay nang datnan ko sila roon.   "Nitidus..." Nagulat pa ako nang tawagin niya ang pangalan ko.   "Acutus..." Dahan-dahan akong lumapit sa kaniya, at hinawakan ang kanyang pisnging sugatan dahil sa kagagawan ko.   "Patawad. Hindi man lang kita naprotektahan. Patawad dahil sa mga narinig mo," mahinahong sabi niya kaya naman hindi ko na napigilan ang pagtulo ng aking mga luha.   "Acutus, patawarin mo ‘ko, at naging mahina ako. Patawad at nagpalinlang ako sa kanila." Napahagulgol pa ako sa labis na sama ng loob, at bigat na nararamdaman ko.   "Nitidus, nakagapos ako kaya huwag kang umiyak diyan," sabi niya.   "Ano naman kung nakagapos ka? Gagawa naman ako ng paraan para makawala ka riyan," sabi ko naman habang patuloy sa pag-iyak.   "Hindi ko kasi mapupunasan ang mga luha mo." Mga salitang labis na nagpalambot nang tuluyan sa puso ko. Sa isang iglap nawala ang lahat ng galit ko sa kaniya, at napunta lahat kay Adamas. Hindi ko akalaing ang mismong kadugo ko pa ang maglalagay sa akin sa kapahamakan.   "Tahan na. Sige ka papangit ka niyan." Nakuha pa talaga niya magpatawa sa sitwasyon namin ngayon. "Bumalik ka na sa iyong silid. Kunwari ay wala kang narinig. Umakto kang parang walang nangyari," bilin pa niya.   "Pero--"   "Iyon lang ang paraan para manatili kang buhay, at ganoon rin ako. Sundin mo na lang ang mga sinasabi ko. Huwag matigas ang ulo." Kahit kailan talaga si Acutus parang tatay ko kung magsalita.   Nagpunas ako ng luha bago muling nagsalita. "Sige. Basta gagawa ako ng paraan. Itatakas kita rito, Acutus." Tumalikod na ako, at nagsimulang maglakad palapit sa pinto nang marinig kong muli siyang nagsalita.   "Nitidus, may gusto akong sabihin bago ka umalis," sabi niya kaya naman napaharap ako sa kaniya, at muling lumapit.   "Ano iyon?" tanong ko naman.   "Mahal kita, at totoo 'yon," sabi niya dahilan para bumalik ako sa kaniyang bisig. Doon ay tumingkayad ako, at wala sa sariling gumalaw ang kamay ko upang hawakan ang kaniyang magkabilang pisngi, at pinagdikit ang aming mga labi. Napangiti pa ako matapos ang tagpong iyon bago ako tuluyang lumabas ng silid.   “Nitidus, apo.” Napalingon ako sa matandang tumawag sa pangalan ko.   “Lolo?” Nagsimula akog magpanggap kagaya nang napag-usapan naming ni Acutus. Ito lang ang makakapagligtas sa aming dalawa.   “Mula kahapon ay hindi pa kita nakitang lumabas ng iyong silid.” Naupo ito sa aking tabi sa gilid ng kama at pinagmasdan ako. “Alam kong masakit sa iyo ang lahat ng nalaman mo. Kailangan mong maging matatag at harapin ang katotohanan. Hindi magtatagal ay ikaw rin ang magmamana ng lahat ng aking nasimulan. Mabuting hanggang maaga ay masanay ka nang dito sa mundong ito, ang mahihina ay namamatay, at ang makapangyarihan ang mananatiling buhay.”   Naikuyom ko ang aking kamao sa galit matapos marinig ang sinabi ng matanda. Tingin niya ba talaga ay ganoon kawalang halaga ang buhay ng isang tao? Kaya ba pati ako ay pinapaikot niya sa lahat ng kasinungalingan niya?   “Maghanda ka pala, apo. May darating kang panauhin sa mga susunod na araw. Gusto kong maganda ka sa araw na iyon.” Napalingon ako sa kaniya dahil sa sinabi niyang iyon.   “Ano pong ibig ninyong sabihin?” tanong ko.   “Malalaman mo rin kapag nagkaharap na kayo.” Tumayo na ito, at nagsimulang maglakad palabas ng silid habang ako ay naiwang naguguluhan sa kaniyang sinabi.   Mayroon akong panauhin? Sino? Bakit kailangan kong maghanda?   Tumayo ako kapagkuwan ay nagtungo sa harap ng salamin. Ipinuyod ko ang aking mahabang buhok, at nagpasyang lumabas upang magmatyag sa paligid. Napansin ko na halos lahat ay tila abala sa pag-aayos ng paligid.   Ano kayang meron?   Naglakad pa ako patungo sa isang silid at napansin kong naroon ang matanda kausap si Pecunia.   “Siguraduhin mong maayos ang kalakalan natin ng mga bihag,” sabi ng matanda kay Pecunia.   Bihag?   “Opo, Master Adamas. Sa katunayan ay dumarami na ang may nais na umangkat sa atin ng mga alipin,” tugon naman nito.   Alipin? Naguguluhan ako.   “Gusto ko silang dalawin. Samahan mo ako sa ibaba.” Nagsimula silang maglakad patungo sa hagdanang pababa.   Nagpasya akong sundan ang dalawa nang hindi nila ako napapansin. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na makakarating ako sa pinakailalim na bahagi ng palasyo ng Stamen. Habang pababa kami ng pababa ay pakipot ng pakaipot ang daan. Lumalamig din ang buong paligid na animo’y nababalutan ng yelo ang buong lugar. Hindi pa man kami tuluyang nakakarating sa pinakaibabang bahagi ng palasyo ay may naririnig na akong mga sumisigaw, at umiiyak. Napahinto ako saglit sa paglalakad nang huminto ang dalawa, at buksan ang pinto na nasa kanilang harapan. Nang makapasok na sila sa loob ay dahan-dahan akong humakbang palapit upang tingnan ang mga nangyayari lalo pa’t nakabukas naman ng kaunti ang pinto.   Halos bumaligtad ang sikmura ko nang makita ang walang awang pagpaslang nila sa mga tao na naroon. Parang mga baboy lang na kinakatay nang buhay. Pinaghahati-hati ang bawat parte ng katawan ng mga aliping naroon habang patuloy sila sa pag-iyak, at pagdaing dahil sa sakit na kanilang nararamdaman hanggang sa tuluyan na silang malagutan ng hininga. Natutop ko ang aking bibig upang hindi makagawa ng kahit na anong ingay. Napaluha na lang ako sa isiping ganitong buhay ang nais ipamana sa akin ng matandang ito. Lalo akong natulala nang tila mapansin ako ng isa sa alipin na naroon. Halos hindi mawala ang pagkakatitig niya sa akin, at ganoon rin ako. Nagsalubong ang mga luha naming dalawa. Kapwa kami tahimik, at tanging mata lang ang nag-uusap. Gustuhin ko man siyang tulungan ay wala akong nagawa.   “Lahat ng walang pakinabang ay igiling na, at ibenta sa mababang halaga. Lahat ng mananatiling buhay ay mas taasan ang halaga. Malaki ang kikitain natin sa bawat ulo nila.” Sa sinabing iyon ng matanda ay parang nanlambot ang buong katawan ko. Dahan-dahan akong lumayo sa pintuan, at nagpasyang umakyat na sa itaas na bahagi ng Stamen.   Nagtungo ako sa silid ni Acutus, at sinubukan kung papapasukin ba ako ng mga bantay. Hindi naman sila tumutol, at hinayaan lang nila akong pumasok sa loob. Mabibigat ang mga hakbang na nilapitan ko si Acutus. Natutuulog ito. Hinawakan ko ang kaniyang pisngi, at nagdasal na sana ay hindi niya maranasan ang buhay na nararanasan ng mga naroon sa ibaba. Walang-wala ang mga latay, at sugat na dulot ng latigo na nakamarka sa katawan ni Acutus kumpara sa mga dinaranas ng mga alipin ni Adamas. Napaiyak ako habang pilit na iwinawaksi sa isip ko ang lahat ng nasaksihan ko ngunit wala akong magawa upang matulungan sila. Nasusuka ako sa isiping napabilang ako sa pamilya ng Uchida. Namumuhi ako sa mundong aking pinagmulan. Natulala na lang ako dahil sa labis na sakit na aking nararamdaman para sa mga walang awang pinapaslang ng aming pamilya, at unti-unting naninikip ang aking dibdib.   “Nitidus…”   “Nitidus!”   “NITIDUS!”   Doon lang tila nagbalik ang ulirat ko nang marinig ang tinig ng tumatawag sa pangalan ko. Si Acutus, gising na siya.   “Acutus…” Napayakap ako sa kaniya dahil sa bigat ng nararamdaman ko. Hindi ko alam kung paano baa ko matutulog sa banagungot na kinakaharap ko ngayon.   “Anong nangyari?” tanong niya.   Sa huli ay nanatili lang akong tahimik. Nagpasya akong sarilinin ang lahat. Ayokong idamay pa siya. Ayokong may mangyari sa kaniyang tiyak kong pagsisisihan ko sa huli kaya nagpasya akong sa oras na lumisan siya itatama ko ang lahat ng pagkakamali ng aming angkan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD