CHAPTER 28

1255 Words
“Volant, gratias ago tibi.” Hinimas ni Immitis si Volant sa katawan bago ito lumipad palayo sa lugar. “Ngayon, Ginoong Lux. Paano natin tatawirin ang dagat na iyan upang makarating sa bayan ng Praespero?”   Tinanaw nila ang laki ng karagatan habang ang malalaking alon nito ay nag-uunahang makarating sa dalampasigan. May malalaki ring bato sa paligid na animo’y inukit sa iba’t ibang disenyo. Alam kasi ni Lux na ito lang talaga ang daan patungo sa Insula Astra, ang isla kung saan matatagpuan ang bayan ng Praespero. Ang Insula Astra ay isang islang nakatayo sa gitna ng karagatan. Pinaniniwalaan rin na bukod sa angkan ng Sugatzu ay dito rin nananahan ang mga Astrologus, ang mga taong naniniwalang ang kapalaran ng tao ay nakaukit sa mga bituin sa kalangitan.   “Nag-iisip pa ako, Immitis. Huwag ka munang magulo,” tugon nito.   Kakamut-kamot naman siya ng ulo habang nag-iisip rin ng ibang pupwedeng gawin. Sa tagal niya kasi bilang isang imbentor ay hindi niya naisip ni minsan na gumawa ng kahit na anong bagay na maaaring magamit sa paglalayag sa gitna ng isang malawak na karagatan. Lumaki kasi siyang tanging Stamen lang ang nakikitaan niya ng tubig bukod sa oasis ng Harenae.   “Hindi ko alam kung totoo ang sabi-sabi na pagsapit ng hatinggabi ay umaangat ang lupa mula sa ilalim ng karagatan at nagkokorteng tulay patungo sa Insula Astra.” Hinawakan nito ang baba habang nakakunot ang noo. “Walang mawawala kung susubukan nating maghintay.” Sumalampak ito nang upo sa buhanginan habang nakatingin naman si Immitis dito.   “Mukhang ganoon na lang nga talaga rin ang gagawin ko, ang maghintay.” Naupo na rin ito sa buhanginan habang hinihintay ang hatinggabi.   Maaga pa lang nang mga oras na iyon at mababanaag pa ang tirik na araw. Mabuti na lang din at nasa tabing dagat sila kung kaya hindi nila masyadong alintana ang init dahil sa lakas ng simoy ng hangin na dumadampi sa kanilang balat.   Ilang oras pa ang lumipas hanggang sa tuluyang lamunin ng liwanag ng buwan ang buong paligid. Nagkaroon rin ng mga hamog sa paligid na animo’y usok na kulay puti. Hindi man kakapalan subalit mararamdaman naman ang lamig ng paligid. Tahimik lang silang nagmamatyag sa paligid kung sakaling may kakaibang mangyari hanggang sa hindi inaasahan ni Immitis na makaramdam ng antok.   “Ginoong Lux, matutulog na muna ako. Gisingin mo ako sa oras na sumapit na ang hatinggabi,” sabi niya sa kasama.   “Sige. Mahaba pa naman ang gabi. May oras ka pa kahit umidlip kahit sandali,” tugon naman nito.   Pumusisyon na si Immitis ng higa sa damuhan upang matulog habang nakayakap ang dalawang braso sa sarili dahil sa lamig. Samantala, si Lux naman ay pagawi-gawi ng tingin sa kalangitan habang naghihintay ng hatinggabi. Ito kasi ang nagmimistulang palatandaan nila upang malaman ang eksaktong oras. Ngunit sa hindi inaasahan, ilang minuto pa lang ang lumilipas ay tila bumibigat na rin ang talukap ng mga mata nito.   Napahikab ito dahil sa antok na nararamdaman. “Mukhang dalawang oras pa bago tuluyang maghatinggabi. Wala namang mawawala kung iidlip din ako kahit na sandali.” Nagsimula na rin itong humiga sa buhanginan hanggang sa tuluyan itong nilamon ng antok.   ***   Dahan-dahang nagmulat ng mga mata si Lux dahil sa liwanag ng sikat ng araw na tumatama sa mukha nito. Kaagad itong napabangon dahil sa labis na pagkabigla at kaagad na niyugyog ang kasamang kasalukuyan pa ring himbing na natutulog nang mga oras na iyon.   “Immitis! Imiitis!”   “Natutulog pa ‘yong tao, Ginoong Lux,” sabi nito sa garalgal na tinig.   “Umaga na Immitis! Gumising ka na riyan.” Pagkarinig noon ay kaagad ding napabangon si Immitis dahil sa labis na pagkabigla. Tiningnan niya si Lux na tila nagtatanong sa mga nangyari nang nagdaang gabi habang natutulog siya. “Nakatulog din ako.”   “Ginoong Lux, binilinan pa kit ana gisingin ako gayong tutulugan mo lang din pala ako,” sabi nito.   Ngingiti-ngiti naman si Lux habang pilit na ipinapaliwang ang kaniyang sarili. “Hindi ko naman sinasadya. Marahil ay dala lang din ng pagod sa layo ng naging paglalakbay natin patungo rito.”   Inilagay ni Immitis ang kabilaang kamay sa kaniyang bewang at sandaling nag-isip. “Kung sabagay, Ginoong Lux. Mulan ang umalis tayo ng Stamen ay halos wala pa tayong pahingang dalawa. Ang tulog natin ay tatlong oras na ang pinakamatagal. Ngunit ngayon lang ata napatagal nang sobra ang tulog natin na sumakto sa oras.”   “Kaya nga, iyon nga ang sinasabi ko,” sabi ni Lux kung kaya tatango-tango na lang si Immitis bilang pagsang-ayon. “Mamayang gabi, walang matutulog. Tutal ay mahaba na ang itinulog natin ngayon. Mahaba na rin ang ating naging pahinga. Sa ngayon ay manguha na lang muna tayo sa paligid ng mga maaari nating kainin.”   Nagpasya sila na maglibut-libot sa paligid upang manguha ng maaari nilang makain. Si Immitis ay nakakuha ng mga iba’t ibang klaseng prutas na natagpuan niya sa kalapit na kakahuyan habang si Lux naman ay nanghuli ng mga isda sa malalim na parte ng dagat hindi kalayuan sa dalampasigan.   “Siguro naman ay sapat na itong mga nakuha natin upang malamnan ang ating tiyan para sa araw na ito,” sabi ni Immitis habang pinagmamasdan ang mga pagkaing nakahain sa kanilang harapan.   Napalingon naman si Immitis kay Lux nang makita itong patungo sa kakahuyan. “Ginoong Lux, saan ang punta mo?”   “Mangunguha lang ako ng mga tuyong dahon at sanga para maihaw natin ang mga isda,” tugon nito habang papalayo sa kaniya.   Naupo na lang si Immitis at sinimulang kumuha ng isang klase ng prutas na kulay pula at hinati ito sa gitna gamit ang kaniyang kutsilyong dala. Mayroon itong maliliit na buto na maaari naman ding kainin kung kaya ligtas para sa kanilang dalawa. Kumagat siya ng kaunti upang malaman kung may lason ba ito ngunit wala namang naging kakaibang epekto sa kaniya kung kaya kumagat na siya ng malaki at nangningning ang kaniyang mga mata nang malasahan ito at lumabas ang katas nitong kasing tamis ng pulot.   “Ang sarap!” napabulalas niya. “Ngayon lang ako nakatikim ng ganitong klaseng prutas.” Kaagad niya itong naubos dahil sa lasang animo’y naag-iimbita ng mga bubuyog. Dinampot naman niya ang isang pahabang kulay berde at nang kakagatin niya na sana ang isang ‘to ay sakto namang pagdating ni Lux.   “Huwag mong tatangkaing kainin ‘yan.” Nakanganga pa siya habang nakatingin kay Lux. “Kung ayaw mong maagang mamaalam sa mundong ito.” Kaagad naman siyang napatingin dito at pinagmasdan itong maigi. Hinati niya ito sa gitna at kulay itim ang tumambad sa kaniyang kulay ng loob nito at ang buto naman nito ay kulay puti na may katamtamang laki. “May lason ang isang iyan.”   “Paano mo naman nalaman, Ginoong Lux?” tanong niya.   “Kahit paano naman ay may kaalaman naman ako pagdating sa mga pagkain. Hindi nga lang halata sa itsura ko dahil hindi naman ako kalakihang tao,” sabi nito habang si Immitis naman ay namamangha sa sinasabi nito. “Iyang hawak mo ang tinatawag na Venenum Baca. Isa ‘yan sa pinakamabisang lason na inilalagay ng tribus sa kanilang mga sandata laban sa kanilang mga kaaway.”   Dinampot naman ni Immitis ang kanina lang na kinain niya na siyang labis niyang nagustuhan. “Ito, Ginoong Lux? Ligtas naman itong kainin hindi ba?”   “Oo. Iyan ang Eous, isang uri ng prutas na paboritong kainin ng mga avem dahil sa tamis ng lasa nito,” tugon nito. “Titingnan ko ang mga dala mo, at tatanggalin ko ang mga hindi maaaring kainin. Ikaw naman ay gumawa ng aapoy para sa iihawin nating isda.”   “Masusunod, Ginoong Lux,” sabi nito at sumaludo pa pagkaraan.   Isang oras din ang lumipas bago nila nasimulang kainin ang kanilang mga nakuhang pagkain. Tuwang-tuwa naman si Lux habang pinagmamasdan si Immitis na ginagahan sa lahat ng pagkaing nakahain sa hapag. Bigla niyang naalala si Acutus at nag-alala rito dahil sa mga oras na iyon ay hindi sila nakatitiyak sa maaaring sinasapit ng binata sa kamay ni Nitidus.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD