CHAPTER 27

1327 Words
Nang makarating sila Immitis at Lux sa Valle Mortis ay kaagad nilang nilibot ang lugar upang makahanap ng kahit anong maaari nilang magamit upang mailigtas si Acutus ngunit hindi nila inaasahang isang estranghero ang kanilang makakasalubong doon. Napalingon si Immitis sa kaniyang likuran matapos makabangga ang isang lalakeng may balingkinitang katawan. Napansin niya rin kaagad ang buhok nitong mahaba na nakatirintas sa likurang bahagi nito at tanging ang natirang maikling buhok lang ang nakabagsak hanggang leeg nito. Kaagad niya itong kinompronta nang hindi man lang ito humingi ng dispensa sa kaniya. “Hoy! Tila hindi mo yata alam kung paano humingi ng paumanhin,” sabi niya rito. Napahilamos na lang si Lux sa ginagawang eksena ngayon ng kasama nito. “Bakit ako hihingi ng paumanhin gayong ikaw mismo’y bumangga rin sa akin?” Lumingon ito sa kaniya habang nakareareaksyong mababakas sa mukha nito. “Ibig sabihin ay hindi ka rin nakatingin sa iyong nilalakaran.” Tila nainsulto naman si Immitis dahil sa sinabi nito kaya naman nagpakawala siya ng suntok sa mukha nito na kaagad niya ring inihinto nang makitang hindi man lang ito natinag o natakot sa pag-atakeng kaniyang gagawin pagkaraan ay tumindig siya nang diretso at tinitigan ito ng matalim. “Kalma lang mga bata,” napagdesisyunan naman ni Lux na mamagitan na sa dalawa dahil sa tensyong namamagitan sa kasama at sa estranghero. Nilingon nito ang lalake at saka ito kinausap. “Bata, anong dahilan at narito ka sa Valle Mortis? Ang kwintas ba ng Tractatio ang iyong nais?” “Narito ako upang manghuli ng mga Verris,” sagot nito. “Verris? At ano naman ang gagawin mo sa mga Verris?” tanong na naman ni Lux. “Pagkain,” matipid na tugon nito. “Kayo? Ano ang sadya ninyo sa lugar na ito gayong wala na ang kwintas sa pangangalaga ng Veneficus?” Nagkatinginan naman ang dalawa matapos marinig ang sinabi nito. Tila nahinuha kaagad nila na may nalalaman ang mga ito tungkol sa yaman ng Sugatzu. “Ano ang alam mo tungkol sa kwintas ng Tractatio?” tanong ni Lux. “Kung may nalalaman man ako ay bakit ko naman ipababatid sa inyo?” Tumingin ito kay Immitis bago muling ipinagpatuloy ang nais sabihin, “gayong pinagtangkaan akong saktan ng uhuging batang kasama mo?” “Anong sabi mo?” Napaabante naman si Immitis at akmang maghahamon ng away ngunit kaagad din siyang pinigilan ni Lux. Muli na namang nainis si Immitis sa lalake dahil sa ipinapakita nitong kagaspangan sa kaniya. Ngunit sa kabilang banda ay alam niya ring may pagkakamali siya. Kaya minabuti niya na lang na huminahon. “Ang totoo kasi niyan ay naparito kami upang maghanap ng kahit anong tanda na maaaring makapagturo sa amin sa lunas sa sumpang dala ng kwintas ng Tractatio,” paliwanag ni Lux. Sumalampak na lang ng upo si Immitis at saka pinakinggan ang pag-uusap ng dalawa. “Hindi ninyo makikita rito ang hinahanap ninyo.” Humarap ito nang diretso kay Lux at nagsimulang magsabi ng impormasyong nalalaman nito sa naturang yaman. “Magtungo kayo sa Praespero. Doon ninyo matatagpuan ang sagot sa lahat ng inyong katanungan.” Pagkasabi no’n ay nagsimula na itong maglakad at saka biglang naglaho na parang bula. Tumayo naman si Immitis at nagsimulang kausapin ang kasama niya. “Ginoong Lux, tingin mo ba ay mapagkakatiwalaan natin ang isang iyon?” “Sa tingin ko naman ay oo. Habang pinagmamasdan ko siya kanina ay hindi ko maintindihan ngunit parang marami siyang nalalaman tungkol sa mga yaman ng Sugatzu. Ngunit sa kabilang banda ay pinili pa rin nitong magbigay lang ng kaunting impormasyon sa atin,” tugon nito. “Ngunit nakasisiguro ba tayong tama ang impormasyong ibinigay niya?” tanong niya. “Walang mawawala kung susundin natin ang sinabi niya.” Pinagsaklob nito ang braso sa kaniyang dibdib at bumuntong-hininga. “Kung tutuusin ay may punto siya. Sa Praespero nagmula ang lahat, kung kaya doon lang din natin maaaring matagpuan ang mga sagot sa ating mga katanungan.” “Sabagay ay tama ka, Ginoong Lux.” Hinawakan niya ang kaniyang baba at pagkaraan ay inakbayan si Lux, “kung ganoon ay ano pa ang ginagawa natin dito. Tara na at magtungo na tayo sa bayan ng Praespero.” Ngumiti naman si Lux sa sinabi ni Immitis at doon nila sinimulang tunguhin ang daan patungo sa bayang pinagmulan ng Sugatzu, ang bayan ng Praespero. *** “Mahal na Regina...” yumuko ang isang kawal sa harap ni Nitidus matapos nitong pumasok sa loob ng bulwagan. Kasalukuyang nakaupo si Nitidus sa kaniyang trono habang hinihimas-himas ang kwintas na hawak. Sa tabi niya ay naroon si Acutus at tahimik lang na nakaupo sa itinalaga niyang pwesto nito. “Kamusta ang iyong pagmamatyag?” tanong niya. “Patungo po ngayon sina Immitis at ang misteryosong lalakeng nagngangalang Lux sa bayan ng Praespero,” tugon nito. Inangat ni Nitidus ang hawak nitong kopita sa kaniyang kanang kamay at sumimsim ng kaunting alak mula roon bago muling nagsalita, “hhmm... ano kaya ang dahilan ng kanilang pagtungo sa isang sirang bayan?” Binalingan nito ang kawal bago ipinagpatuloy ang sasabihin. “Ituloy ninyo ang pagmamatyag.” “Masusunod po, mahal na Regina.” Pagkaraan ay muli itong yumuko bilang paggalang at saka tuluyang nawala sa hangin. “Lux pala ang pangalan ng lalakeng nagtangkang kuhanin ka sa akin.” Ngumiti ito at muling sumimsim ng alak sa hawak na kopita. “Nananabik na akong malaman ang mga susunod na mangyayari.” “Ano bang pinaplano mo, Nitidus?” tanong ni Acutus sa kaniya. Malamig ang mga tinig nito gaya ng sa yelo. Hindi malaman ni Nitidus kung dapat ba siyang matuwa rito o mainis dahil sa lamig nang pakikitungo nito sa kaniya. Tumayo siya at inilapag ang kopitang hawak. Pagkaraan ay hinawakan ang pisngi ng binata. “Wala naman, mahal ko. Gusto ko lang malaman ang kanilang sadya sa bayang isinumpa ng tadhana.” “Ano bang sinasabi mo?” tanong muli ni Acutus. “Hindi mo ba alam? Ang bayan ng Praespero ay ang bayan kung saan ka isinilang. Doon masayang nabubuhay ang iyong ama at ina noon at sa isang iglap lang ay naging abo sa mga kamay ng aming angkan,” sagot niya. Sa pagkakataong iyon ay nais niyang makita ang galit sa mga mata ng binata. Pakiramdam niya ay iyon na lang ang bumubuhay sa kaniya at iyon na lang din ang nagpapasaya sa kaniya. “Anong sabi mo?” Napatiim-bagang na lang si Acutus dahil sa narinig. Napatayo siya sa inis at hinawakan ang magkabilang balikat ng dalaga. “Hindi ka naman bingi hindi ba?” Tumawa siya pagkaraan ay tumalikod sa binata. “Ang sabi ko, sa bayan ng Praespero naging abo ang iyong buong angkan.” Humalakhak ito dahilan para lalong mainis si Acutus. Hinatak niya si Nitidus palapit sa kaniya at hinawakan ito nang mahigpit sa mga braso. “Oras na may mangyaring hindi maganda kina Immitis at Lux, sinisiguro ko sa’yong hinding-hindi kita mapapatawad!” Pagkaraan ay itinulak siya nito na siya namang nagpaupong muli sa kaniya sa trono at saka ito naglakad palayo sa kaniya. Hindi malaman ni Nitidus kung ano ang dapat na maramdaman sa tagpong iyon. Naghahalo ang kaniyang samu’t saring emosyon na hindi niya malabanan. Napahawak siya sa kwintas na suot niya at nakaramdam siya ng pagkirot sa kaniyang ulo. Kaagad namang lumapit ang isang nag-aalalang kawal sa kaniya ngunit himbis na pakitaan ito nang mabuti, ay nagawa pa nitong batuhin ng kopita ang kawal. Tinamaan naman ito sa ulo at dahil doon ay nagtamo ito ng sugat sa noo na siya namang kaaagad na nagdugo kung kaya nagpasya ito na lumayo na lang upang hindi na muling masaktan. *** Pabagsak na isinara ni Acutus ang pintuan ng silid ni Nitidus matapos niyang pumasok doon. Doon na kasi siya nagsimulang manatili matapos ang tagpong nasilayan niya nang nagdaang araw. “Kung inaakala mong hahayaan kitang paslangin si Inxs ay nagkakamali ka,” sabi ni Nitidus matapos ang halik na namagitan dito at sa lalakeng handa na sana niyang paslangin. “Nitidus, bakit?” Nanghihina na siya dahil sa labis na pagkahilo. “Hindi pa rin ba malinaw sa iyo ang lahat, Acutus? Hindi ka na niya kailangan,” tugon naman ni Inxs at isang sipol ang kaniyang narinig. Mabilis na dumating ang dalawang kawal at kinaladkad siya patungo sa kaniyang kulungan. Paalis na sana ang dalawang kanan nang sipain niya ang mga ito sa kanilang mga pagkalalake dahilan para mamilipit ang mga ito sa labis na sakit. Pinilit niyang tumayo at muling bumalik sa silid ni Nitidus at doon natagpuan niya itong nag-iisa at luhaan na siyang lalong dumurog sa kaniyang puso.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD