CHAPTER 29

1409 Words
Acutus’ POV   Kasalukuyan akong nakatanaw sa mga ibong malayang lumilipad sa kalangitan. Sapo ang aking baba gamit ang aking kaliwang kamay ay pinagmamasdan ko lang silang tangayin ang kanilang mga sarili sa tila bulak na mga ulap. Hindi mawaglit sa isipan ko ang sitwasyong kinahaharap ngayon nila Immitis at ng ginoong nagngangalan raw na Lux. Kung tutuusin ay mas gusto ko pang malayo sila sa akin nang sa gayon ay ligtas sila sa kahit na anong kapahamakan ngunit nang malaman kong pinasusundan sila ni Nitidus sa mga alagad nito ay napuno ng pangamba ang aking puso. Sana lang talaga ay nasa mabuti silang kalagayan. Sana ay ligtas sila.   Napalingon ako sa kawal nang maramdaman ko ang presensya niya sa aking likuran.   “Anong kailangan mo?” tanong ko.   “Ipinatatawag po kayo sa bulwagan ng mahal na Regina,” sagot nito. Malumanay ang pakikitungo nito kumpara sa ibang kawal na naroon. Maayos ako nitong kinausap na tila ba matagal na kaming magkakilala.   “Salamat. Susunod na ako.” Pahakbang na sana ako patungo sa bulwagan nang mapansin kong tila hindi siya umaalis sa kaniyang kinatatayuan. “May iba ka pa bang nais?”   “Gusto ko lang malaman kung bakit ka nagtitiis sa lugar na ito? Kung tutuusin ay may kakayahan kang lisanin ang lugar na ito.” Kitang-kita ko sa mga mata nito ang kyuryosidad.   “Ikaw? Bakit nananatili ka rito gayong malaya ka rin namang makakaalis dito?”” tanong ko.   “Dahil hindi pa ako handing mamatay. Natatakot akong bawiin kaagad sa akin ang buhay ko nang hindi ko man lang nagagawa ang nais ko,” paliwanag nito at sa pagkakatong iyon ay naramdaman ko ang lungkot sa kaniyang tinig. Napansin ko rin na nag-iba ang ekspresyon sa kaniyang mukha. Nakahalata ako ng kaunting pagkabalisa sa kaniya.   “Si Nitidus. Siya ang dahilan kaya nananatili ako rito,” sagot ko sa kaniya. “May kaniya-kaniya tayong dahilan kung bakit tayo nabubuhay at si Nitidus ang dahilan ng lahat kung bakit ako nakikipagsapalaran, buhay man o kamatayan ang nakataya.”   “Ngunit papatayin niya rin naman kayo kagaya ng iba.” Napayuko ito dala ng takot at saka muling tumngin sa akin na may nangungusap na mga mata.   “Kahit na marami na siyang buhay na pinaslang, naniniwala pa rin akong hindi siya ganoon kasamang tao. Kilala ko siya. Hindi niya ko magagawang paslangin at nararamdaman kong mahalaga pa rin ako sa kaniya,” at saka ko muling ipinagpatuloy ang paglalakad.   Nang makarating ako sa bulwagan ay natagpuan ko roon si Nitidus na pabalik-balik ng lakad. Tila malalim ang iniisip nito at may bumabagabag na kung ano.   “Nitidus…”   Lumingon namana kaagad ito at sinalubong ako ng mahigpit na yakap na labis ko namang ikinagulat.   “Acutus!”   “Anong problema?” tanong ko. Napatingin naman ako sa kaniyang leeg at napansin kong hindi niya suot ang kwintas.   Nilingon niya ako at nakita ko ang labis na pagkabahala sa kaniyang mukha. “Ang kwintas. May nagnakaw ng kwintas ng Tractatio,” agarang sabi niya na siyang labis kong ikinabigla.   “A-ano?”   “Tulungan mo akong hanapin ang kwintas, Acutus. Hindi ako mabubuhay nang wala ito sa akin.” Nakaramdam naman ako ng pagdaramdam dahil sa sinabi niya. Kung dati ay nabubuhay lang kami para sa isa’t isa, ngayon ay ako na lang ang lumalaban para sa aming dalawa.   “Kung iyon lang naman ang dahilan kaya ipinatawag mo ako, hindi ka na sana nag-aksaya pa ng oras,” sagot ko. Alam kong mas makabubuti para sa kaniya na malayo sa kwintas kahit na ang kapalit nito ay makitang nadudurog ang kaniyang puso.   “Acutus, alam kong alam mo kung gaano kahalaga ang kwintas sa ating lahat. Nanaisin mo bang mawala itong muli sa pangangalaga nating dalawa?” sabi niya habang pilit na ipinapaliwanag sa akin ang kaniyang panig. “Maraming maaaring mawalang buhay ng dahl sa kwintas na iyon.”   “Handa akong mawala sa kamay ko ang lahat ng yaman ng aming angkan.” Tiningnan ko ito ng seryoso  kaniyang mga mata at alam kong naririnig niya ako sa pagkakataong ito kaya sinamantala ko nang sabihin sa kaniya ang tunay kong nararamdaman. “Ngunit hinding-hindi ko nanaising mawala ka sa akin, Nitidus. Kahit buhay ko pa ang maging kapalit.”   “Acutus…” Kaagad na nagbago ang kaniyang mga mata. Kung kanina ay nakikita ko ang pag-aalala niya sa kwintas ngayon ay ang matang matagal na nanabik sa akin. Naramdaman ko na lang ang pagdampi ng kaniyang palad sa aking pisngi at hindi ko naiwasang hawakan ang mga kamay na iyon. Sa tagal ng panahon ay hindi ko inakalang muling makikita ang mukhang pakiramdam ko ay kaytagal nawalay sa akin. Ang maamo niyang mukha at ang mga mata niyang nagniningning sa liwanag ng mga bituin na animo’y mga diyamante. Para sa akin, siya ang natatanging yaman sa buhay ko na kahit na kailan ay hinding-hindi ko ipagpapalit.   Handa na sana akong kalimutan ang lahat. Handa na akong sumunod sa kaniya. Dahan-dahang naglalapit ang aming mga labi sa isa’t isa nang biglang pumasok ang isa sa kaniyang mga kawal.   “Mahal na Regina, natagpuan na po namin ang kwintas.” Itinaas nito ang kanang kamay na tangan ang kwintas. “Isang kawal nagtangkang ipuslit ito palabas ng palasyo.”   Kaagad na nabaling ang atensyon nito sa kwintas at mabilis na kumalas sa pagkakakapit sa akin. Nilapitan niya ang kwintas at kaagad na kinuha ito sa kawal. Isinuot niya ito at sa isang iglap ay muling nagbago ang kaniyang mga ipinaglalaban.   “Salamat na lang, mahal ko.” Nilingon niya ako nang may ngiting nang-aakit. “Huwag ka ring masyadong magmadali, darating din tayo sa oras na ako mismo ang papaslang sa iyo.” Kapagkuwan ay naglakad na ito pabalik sa kaniyang silid habang hindi mawala ang ngiti sa kaniyang mga labi.   ***   “Mahal na Regina, patawarin ninyo po ako.” Naririnig kong pakiusap ng isa sa kaniyang mga kawal at tila pamilyar ang boses na nahihimigan ko nang mga oras na iyon.   “Bigyan mo ako ng sapat na dahilan upang hayaan kitang mabuhay,” sabi niya.   “Paglilingkuran ko po kayo habang buhay kahit na buhay ko pa ang maging kapalit. Mahal na Regina, huwag n’yo lang po akong papaslangin.” Nakaluhod pa ito habang nakikiusap kay Nitidus.   Nagpasya na akong lumapit upang mapagsino ang kawal at ganoon na lang aking pagkagulat nang mapagsino ito. Ito ang kawal na kanina lang ay kausap ko. Ang natatanging kawal na tinrato akong iba sa lahat. Ang taong nagnais ng kalayaan ko.   “Nitidus!”   Napatingin sa akin si Nitidus nang marinig ang boses ko.   “Tamang-tama ang dating mo, mahal ko.” Ngumiti siya kapagkuwan at hinila ako palapit sa kaniya.   “Ginoo…” Tumingon ito sa akin na tila nanghihingi ng saklolo.   “Itigil mo na ‘to, Nitidus. Hindi ka na nakakatuwa,” sabi ko habang may kahalong inis.   “Kung ganoon ay gusto mong itigil ko ang pagpapataw ng hatol sa isang magnanakaw?” nag-ibang bigla ang timbre ng boses ni Nitidus at nagmistulang isang tigreng handa na pumatay ng kaniyang biktima.   “Wala siyang ninakaw sa iyo. Ako ang siyang kumuha ng kwintas. Ako ang nag-utos sa kaniya na ilayo sa iyo ang kwintas!” Tila nagulat naman ang kawal nang marinig iyon mula sa akin ngunit ito lang ang naiisip kong paraan upang mailigtas siya. Hindi ko hahayaang may isang mabuting tao na naman ang mawawala sa aking harapan.   “Ginoo…” bulong niya na abot naman sa aming pandinig. “Hindi po totoo ang sinasabi niya.” Tumingin ang kawal kay Nitidus nang buong paninindigan kung kaya’t kaagad humarang sa kaniyang harapan.   “Ako ang siyang nag-utos sa kaniyang gawin iyon. Kung nais mo ng hatol na ninanais mo ay malugod akong tatanggapin iyon,” sabi ko habang diretsong nakatingin kay Nitidus.   Napalingon ako sa kawal sa kaniyang tabi matapos niyang sumenyas dito kapagkuwan ay inabot sa kaniya ang isang baril at sa isang iglap lang ay itinutok niya ito sa akin.   “Paslangin mo ako kung iyan ang ikatatahimik ng iyong kalooban,” sabi ko subalit nagulat na lang ako nang muli siyang sumenyas at kaagad akong hinala ng dalawang kawal at inilayo sa kaniyang harapan.   Unti-unting umagos ang luha mula sa aking mga mata nang dahan-dahang bumabagsak ang kawal sa sahig – duguan at wala nang buhay kasabay ng isang malakas na putok ng baril.   “ANONG GINAWA MO?!” sigaw ko habang tangan ang labis na sakit at galit sa aking dibdib.   “Kung akala mong mapagtatakpan mo siya sa klase ng iyong pagsisinungaling ay nagkakamali ka, Acutus.” Tumayo ito at nilapitan ako. “Tandaan mo, gagawin kong impyerno ang buhay mo rito hanggang hindi ka sumusunod sa lahat ng nais ko.”   Pagkalagpas nito ay napaluhod na lang ako habang tinitingnan ang duguang katawan ng kawal na minsang nagpahalaga sa Kalayaan ko. Hindi ko akalaing sa isang iglap lang ay babawiin rin ang kaniyang buhay na siyang labis kong ipinagdaramdam dahil hindi ko inaasahang sa mga kamay pa mismo ni Nitidus siya mawawalan ng pangarap.   “Patawad!” Tulala lang ako roon habang nagtatagis ang aking bagang sa labis na galit. “Sinisiguro ko sa iyong, magbabayad ang taong gumawa nito sa iyo.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD