CHAPTER 30

1331 Words
“Immitis, siguro naman ngayon ay magagawa na nating hintayin ang hatinggabi,” sabi ni Lux sa kaniya habang iniinom ang kanilang baong inumin. “Oo naman, Ginoong Lux. Isa pa ay mahaba-haba na rin ang naging tulog ko. Bukod pa roon, pakiramdam ko ay buhay na buhay ako sa sarap ng mga pagkaing kinain natin,” tugon naman niya. “Oo nga, maging ako ay gayon din.” Tumayo ito at pagkaraan ay nag-unat-unat pa ng kaniyang mga braso. Habang naghihintay ay nagpasya si Immitis na muling ilatag ang kaniyang naimbentong kubol at doon pansamantalang magpalipas ng oras. Hindi na rin naman nagtagal sa labas si Lux at pumasok na rin sa loob nito at doon ay naupo sa bakanteng upuan at nagsimulang magbasa nang tahimik. “Ginoong Lux, sa tingin n’yo po ba ay ayos lang talaga si Acutus ngayon sa Stamen?” tanong niya habang hindi mawala-wala sa kaniya ang pag-aalala sa kaibigan. “Ayos lang siya,” sagot nito habang nananatiling ang atensyon ay nasa binabasa, “nakatitiyak akong hindi siya magagawang paslangin ni Nitidus at hindi niya iyon hahayaang mangyari.” “Tingin n’yo po ba talaga ay may kabutihan pang natitira sa puso ng mangkukulam na iyon?” tanong niya dahilan para matawa si Lux at mabaling ang atensyon sa kaniya. “Nakakatawa ka talaga, bata.” Inilapit nito ang sarili kay Immitis kapagkuwan ay ginulo ang buhok nito. “Magtiwala ka na lang kay Acutus. Alam kong hindi niya hahayaang tuluyang maging masamang mangkukulam ang babaeng lubos niyang minamahal.” “Parang malalim yata ang pinanghuhugutan ninyo, Ginoong Lux.” Napansin niya kasi kaagad ang biglang lungkot na rumehistro sa mukha ni Lux. “Minsan na rin kasi akong nagmahal ng lubos noong nasa edad n’yo pa lamang ako.” Isinara nito ang libro at yumuko matapos pagsaklubin ang dalawang kamay. “Ngunit binawi rin kaagad sa kaniya ang buhay niya.” “Bakit? Anong nangyari?” Nakatingin lang si Immitis sa kaniya habang pinapakinggan ang pagkukwento niya. Tumingin si Lux sa kaniyang mga palad at sa isang iglap lang ay unti-unting umagos ang mga luha sa kaniyang mga mata na labis namang ipinag-alala ni Immitis. “Ako mismo ang pumaslang sa kaniya gamit ang sariling mga kamay ko.” Tila nabigla naman si Immitis sa mga narinig kaya nabitawan niya pa ang hawak na baso na sa kasalukuyang iyon ay may lamang tubig. “Noong panahong iyon ay hindi ko pa alam ang sumpang dala ng kwintas. Pinaslang ko siya dahil sa pag-aakalang naging masama na siyang talaga nang paslangin niya ang matalik kong kaibigan.” Sinapo nito ang mukha habang patuloy sa pag-agos ang mga luhang dala-dala niya buhat sa nakaraan. “Akala ko maitatama ko ang lahat at mabibigyan ng hustisya ang matalik kong kaibigan ngunit isang malaking pagkakamali pala ang aking nagawa.” Pinagid nito ang luha subalit tila hindi naman iyon nauubos dahil sa sakit ng mga alaalang nagdaan. “Dahil hindi ko akalaing ang puno’t dulo ng lahat ay ang kwintas ng Tractatio. Huli na nang malaman ko nang minsang nag-iinuman nga kami ni Gaza gaya nang naunang kwento ko sa iyo. Ngunit wala na akong magagawa, wala na siya sa piling ko at kahit na kailan ay hindi ko na siya muling maibabalik sa mundong ito.” “Ginoong Lux...” Wala namang magawa si Immitis kung hindi panoorin na lang ang kasama niyang nagdurusa sa sakit dulot ng nakaraan. “Ang pinakamasakit sa lahat ay hindi ko man lang mabibigyan, kahit na kailan, ng hustisya ang pagkamatay niya lalo na at ang mga kamay na ito ang mismong tumapos sa buhay niya.” Napahagulgol na ito kaya naman tila nahawa na rin si Immitis at napahagulgol na rin. Lumapit siya rito at niyakap ito habang kasabay nilang sinasariwa ang sakit na dulot ng sumpa ng Tractatio. Makalipas ang ilang sandali ay humupa na rin ang sakit na pinagsaluhan nilang alalahanin. “Pasensya ka na, Immitis sa naging asal ko kanina,” sabi ni Lux habang nahihiya pang patingin-tingin sa kaniya. “Naiintindihan ko naman, Ginoong Lux.” Tinapik niya ang balikat ng kasama, “gaya ng sabi mo, magtiwala na lang tayo kay Acutus. Sana nga ay hindi siya magkamali ng desisyong tatahakin. Sana ay hindi mangyari sa kanila ang nangyari sa inyo ng babaeng minamahal mo ng lubos.” “Tama ka. Kung nagkamali man ako noon, sana ay hindi magkamali si Acutus ngayon. Kahit sa ganoong paraan man lang ay maramdaman kong naitama ko ang mga pagkakamaling nagawa ko sa aking nakaraan,” sabi nito. “Ginoong Lux, tara. Palubog na ang araw. Maaari na siguro tayong maghintay sa labas,” yaya ni Immitis. Lumabas naman din si Lux gaya ng paanyaya ni Immitis. Pinagmasdan nilang dalawa ang paglubog ng araw habang pinagpapasaDiyos na lang ang lahat ng mga maaaring mangyari sa hinaharap. Sabay nilang ipinagdasal na sana ay matapos na ang lahat ng masasamang panaginip at ang kaligtasan ni Acutus at Nitidus. *** Tulala lang si Acutus habang nakatingin sa labas ng bintana ng silid ni Nitidus. Patuloy lang ang paulit-ulit na pagpasok sa utak niya ang nagdaang nangyari sa kawal. Kahit na pilitin niyang iwaksi ay hindi niya iyon mapaglabanan dahil sa sakit na kaniyang nararamdaman. Ni minsan kasi ay hindi sumagi sa isip niya na mayroong isang kawal pala sa palasyo ang nagpapahalaga sa kaniya. Ngunit nawala lang sa isang iglap dahil sa isang pagkakamali. “Gusto ko lang malaman kung bakit ka nagtitiis sa lugar na ito? Kung tutuusin ay may kakayahan kang lisanin ang lugar na ito.” Kahit na hindi pa man sila lubos na magkakilala ay nakita niya ang pag-aalala sa mga mata nito. Lalo na ang pagnanais nitong maging malaya at magawa ang nais nitong gawin sa labas ng palasyo. “Dahil hindi pa ako handing mamatay. Natatakot akong bawiin kaagad sa akin ang buhay ko nang hindi ko man lang nagagawa ang nais ko,” Humugot siya ng malalim na paghinga bago ito pinakawalan sa hangin. Iniisip niya pa rin kung tama ba ang napagpasyahan niyang desisyon. Alam niyang iyon na lang ang natitirang paraan na maaari niyang gawin para sa ikatatahimik ng lahat, para maging malaya na lahat mula sa sumpang bigay ni Nitidus. Mula sa kaniyang binti ay binunot ni Acutus ang punyal na tangan-tangan niya noon pa man. Ni minsan ay hindi niya pa ito nagamit. Ayaw niya kasing gamitin ito upang kumitil ng buhay. Pinagmasdan niya ang nakaukit na tanda sa talim nito - Dilectio. Planado niya na ang lahat para sa gabing iyon. Tanging pgkakataon na lang at tamang tyempo ang hinihintay niya para maisakatuparan ang kaniyang plano. Handa na siyang manindigan. Handa na siyang masaktan. Pumasok si Nitidus sa loob ng silid pagkaraan ay ibinagsak ang katawan sa kama nito. Hindi niya iyon pinansin at nanatili lang na nakatayo roon hanggang sa tuluyang balutin ng dilim ang kalangitan. Tanging liwanag ng buwan ang matatanaw sa kalangitan. Maging ang mga bituin ay tila nagtago na rin dahil sa takot sa mga maaaring mangyari. Nagsimula siyang humakbang palapit kay Nitidus habang ito naman ay nananatiling nakapilit hanggang sa magsalita na ito. “Papaslangin mo ba ako, Acutus?” tanong nito kaya napahinto siya saglit. Pagkaraan ay muling humakbang at pumaibabaw rito. “Oo, papaslangin kita, Nitidus.” Dahilan para mapamulay ito ng mga mata ngunit himbis na takot ang makita niya rito ay tapang ang siyang rumeshistro sa mga mata nito. Nakikita niyang handa itong mamatay ano mang oras at hindi ito natatakot. “Malaya kang gawin iyon, Acutus. Gawin mo na habang dalawa lang tayong narito. Sa ganoong paraan ay makakalaya ka na rin sa mga kamay ko,” sabi nito na hindi nagbabago ang ekspresyon sa mga mata nito. “Hindi ka man lang ba nakaramdam ng awa nang paslangin mo ang mga inosenteng tao? Hindi ka man lang ba natakot ni minsan nang kuhanin mo ang kalayaan ng mga narito?” tanong niya habang pilit na itinatago ang galit sa kaniyang puso. “Bakit naman ako matatakot sa bagay na alam kong ano mang oras ay darating.” Ngumiti ito dahilan para lalong magpuyos ng galit ang kaniyang dibdib. “At hindi ako naaawa sa kanila. Para sa akin ay isa lamang silang mga basura, nakakasuka!” “Hay*p ka!” Kaagad niyang inangat ang punyal na kaniyang hawak at handa na siyang itarak ito sa dibdib ni Nitidus. Buong lakas siyang sumigaw at sa isang iglap lang ay nabalot ng paghihinagpis ang paligid habang napupuno ng pulang likido ang dibdib ng dalaga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD