CHAPTER 31

1087 Words
Acutus’ POV Habol ko ang aking hininga dahil sa patuloy na pag-uumapaw ng galit sa aking dibdib. Bakas sa mukha ni Nitidus ang pagkagulat gayon din ang pag-aalala. Pinagsusuntok ko ang kama sa gilid ng kaniyang ulunan at doon inilabas ang lahat ng galit. Hindi ko matanggap na sa ganito rin pala hahantong ang lahat. Hindi ko pa rin pala mabibigyan ng hustisya ang mga buhay na sinayang niya. “Acutus...” malumanay lang ang boses niya, “ang braso mo...” Sa huli ay hindi ko rin siya nagawang paslangin. Kahit na gaano pa kalaki ang galit ko sa kaniya ay higit na mas nangingibabaw ang pagmamahal na nararamdaman ko para sa kaniya. Dahil sa labis na sama ng loob ay napapikit na lang ako at hinayaang tuluyang tumulo ang aking mga luha sa kaniyang pisngi hanggang sa naramdaman ko na lang ang pagdampi ng mainit niyang palad sa aking pisngi. kaagad akong napamulat sa pagkabigla. “Acutus... patawad.” Iyon ang unang pagkakataong narinig ko siyang humingi ng tawad sa lahat ng kasalanang nagawa niya. Iyon ang unang beses na naramdaman ko ang sinseridad sa kaniyang mga salita. Unti-unti ay ang tuluyang paglapat ng kaniyang mga labi sa aking mga labi at sa pagkakataong iyon ay pinagbigyan ko na ang sarili kong angkinin ang pagkakataong maging amin. *** Nagising ako at natagpuan siyang tahimik na nahihimbing sa aking tabi. Tanging ang itim na kumot lang ang nakatakip sa aming mga hubad na katawan. Animo’y isang anghel siyang natutulog. Napakaamo ng kaniyang mukha. Hindi mababakas sa kaniya na maraming buhay na ang kaniyang pinaslang. Na ilang tao na rin ang ninakawan niya ng kalayaang mabuhay ng normal. Ngunit kahit na ganoon ay nananatili pa ring siya lang ang natatanging yaman ko na kahit na kailangan ay hindi-hindi ko ipagpapalit. Tiningnan ko ang braso kong may marka pa ng sugat mula sa patalim na itinarak ko rito ‘wag ko lamang siyang masaktan. Napasinghap ako at saka kumuha ng benta sa tokador sa tabi ng kaniyang kama. Kaagad ko itong binalot sa aking braso upang kahit paano ay matakpan ang markang iyon. Hindi naman mababakas ang marka ng dugo sa kama dahil na rin sa kulay itim ito. Tumingin ako sa liwanag ng buwan sa labas at nagdasal na sana, sana nga ay tama ang landas na tatahakin ko ngayon. *** Hindi katulad ng mga nagdaang araw, halos parang nagiging normal na ang relasyon sa pagitan naming dalawa. Hindi na masyadong mainitin ang kaniyang ulo at kahit paano ay hindi na siya bugnutin kagaya ng dati. Patuloy pa rin ang paglabas-pasok ni Inxs sa palasyo ngunit hindi ko na siya hinahayaang makalapit pa kay Nitidus. Hanggang maaari ay binabakuran ko na ang mga pag-aari ko upang mailayo sila sa magulong mundo. “Gusto kong makausap si Nitidus,” sabi nito. “Sinabi ko na sa’yo, hindi mabuti ang kaniyang pakiramdam kung kaya makabubuting bumalik ka na lang sa susunod na araw,” paliwanag ko. Alam ko kasing hindi na makabubuti pang lumapit pa siya kay Nitidus. “O kung may nais ka mang sabihin ay sa akin mo na lang ipadaan.” Tiim-bagang naman siya habang nakakuyom ang mga palad. “Baka nakakalimutan mo, Acutus kung ano ang lugar mo rito? Nasa kuta ka pa rin ng Uchida kung kaya matuto kang lumugar.” Tinapik ko ito sa braso kapagkuwan ay nagsalita, “baka nakakalimutan mo rin kung sino ako, Inxs,” ngumiti ako at inismiran ito. “Isa akong Sugatzu, binabawi ko lamang ang pag-aari ko - ang kwintas ng Tractatio at ang babaeng pinakamamahal ko.” Inilapit ko ang aking mukha sa gilid ng mukha nito at saka bumulong sa tabi ng tenga nito, “kaya kung ako sa’yo, ilulugar ko ang sarili ko sa palasyong ito.” Hindi na naman ito nakapagsalita kung kaya minabuti na lang nito na umalis tangan-tangan ang galit na nakarehistro sa labi nito. Pagpasok ko sa loob ng silid ay sinalat ko ang noo ni Nitidus habang kasalukuyan siyang natutulog na tila naramdaman naman niya. “Acutus...” “Paumanhin. Nagambala ko ba ang iyong pagpapahinga?” tanong ko sa kaniya. Umiling siya kapagkuwan ay muling ipinikit ang mga mata. “Magpahinga ka lang muna rito hanggang sa maging maayos ang iyong pakiramdam,” sabi ko at inayos ang kumot na bumabalot sa kaniyang katawan. Tumango lang siya at doon ay nakaramdam ako ng kapayapaan sa mga sandaling iyon. Sa mga nagdaang araw ay napakarami nang nangyari. Hindi ko akalaing darating pa ang ganitong pagkakataon sa pagitan namin ni Nitidus. Naupo lang ako sa gilid ng kama habang binabantayan siya. Hanggang sa makaramdam ako ng lagabog sa may salamin. Lumapit ako rito at pinagmasdan itong maigi. Unti-unti ay pigura ni Nitidus ang rumehistro dito. “Sino ka bang talaga?” tanong ko rito. “Ako si Nitidus. Siya ay ako,” maikling tugon nito. “Hindi ako naniniwala sa iyo.” Nakagat ko ang pang-ibabang labi ko dahil sa inis at nalasahan ko pa ang sariling dugo na nagmula rito. “Ako ang nananahan sa kailaliman ng puso ni Nitidus. Kahit na kailan ay hindi mo mababago ang nakatakda. Kahit na kailan ay hindi kayo magiging masaya.” Ngumiti ito dahilan para lalo akong mainis kung kaya nagawa ko itong suntukin sa labis na galit. Nabasag ito at nagulat na lang ako nang marinig ang malakas na pagsigaw ni Nitidus. Kaagad ko itong nilapitan at nakita ko ang matinding pagkakakapit nito sa kaniyang dibdib. Hirap na hirap itong huminga na tila ba magkarugtong ang buhay ng salamin at ang buhay niya hanggang sa tuluyang siyang magmulat ng kaniyang mga mata. Nagulat naman ako nang unti-unting lumutang ang mga nagkalat na bubog sa sahig at unti-unting nabuo ang salamin. Nagliliwanag ang kwintas gayon din ang mga butil na diyamante nito at nang tuluyang nabuo ang salamin ay doon lang nanumbalik ang lahat sa dati. Payapa na ulit si Nitidus at tila walang nangyari. Muli akong lumapit sa salamin at pinagmasdan ito ng maigi. Ang repleksyon ni Nitidus sa loob ng salamin ay hindi ko na makita. Hinawakan ko ito at hindi mababakasan ng laman mula sa pagkakabasag. Tila wala itong pinagbago at parang walang nangyaring kahit na ano rito. Muli kong nilingon si Nitidus upang muling tingnan ang lagay nito at sa mga oras na iyon ay natutulog na itong muli. Sa ganoon kabilis na pangyayari ay mas lalo akong nadagdagan ng palaisipan na gugulo sa aking isip. Akala ko si Inxs na ang pinakamatindi kong kalaban ngunit mali ako dahil isang kalabang hindi ko pala nakikita ang siyang tunay kong katunggali. Doon ko mas lalong nasiguro na ang kwintas ay may kinalaman sa salamin. Ang salamin ay may koneksyon sa buhay ni Nitidus. Kaya naman kailangan kong pag-isipang maigi ang aking mga magiging bawat galaw upang hindi malagay sa kapahamakan ang babaeng aking pinakamamahal nang lubos.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD