CHAPTER 35

1906 Words
“Utang ko sa iyo ang buhay ko, Ginoong Lux,” sabi ni immitis habang akay-akay si Lux dahil sa pinsalang natamo nito. “Hanggang ngayon ay wala pa rin akong magawa para iligtas ang mga taong importante sa buhay ko.”   “Cres ang pangalan niya hindi ba?’ tanong ni Lux sa kaniya.   Tumango siya at dahan-dahang iniupo si Lux sa batong naroon. Naupo rin siya sa likuran nito upang magsilbi siyang sandalan nito.   “Baka gusto mong ikwento sa akin ang nangyari. Bakit ganoon na lang kalaki ang galit sa iyo ng kapatid mo?” tanong nito.   “Dahil ako ang may kagagawan ng lahat. Ako ang siyang puno’t dulo ng mga nangyari sa kaniya. Kung hindi lang sana ako tumaliwas sa mga nais nila Pecunia noon, marahil ay masaya pa rin kami at marahil hindi nangyari ang lahat ng ito,” panimula niya.   “Ano ba ang nais ni Pecunia na gawin mo?” Bakas naman sa itsura ni Lux ang labis na kyuryosidad at pag-aalala para kay Immitis.   “Nais nilang ibigay ko si Cres sa kanila. Gusto nilang gawing isang tapat na alagad ang kapatid ko na mariin kong tinutulan.” Tumingin siya sa kalangitan at doon nagsimulang pumatak ang ulan sa kanilang mga balat. “Hanggang sa ikinulong nila ako sa Ludo. Napag-alaman ko na lang na dudukutin nila ang kapatid ko. Ginawa ko ang lahat upang makaalis doon. Nagtagumpay naman ako kaya dali-dali akong umuwi sa amin at tumambad sa aking harapan ang bahay naming unti-unting nilalamon ng apoy at ang pinakamasakit sa lahat ay naroon ang kapatid ko, nakahandusay sa sahig habang nadadaganan ng aming lamesa.” Huminga siya ng malalim at saka ipinagpatuloy ang pagsasalaysay. “Ngunit wala akong nagawa. Sinubukan kong humingi ng tulong ngunit bago pa man ako umalis para tumawag ng tulong ay tuluyan na siyang nilamon ng apoy.”   “Immitis…”   Kasabay ng mga ulang bumabagsak sa kaniyang pisngi ay umaagos ang mga luhang nagmula sa mapait na nakaraan. “Kaya hindi ko masisisi si Cres kung bakit ganoon na lang kalaki ang galit niya sa akin. Naging pabaya ako. Hindi ko siya nagawang iligtas dahil sa takot kong masama sa sunog. Napakalaki kong duwag.”   “Si Cres, likas bas a kaniya ang kakayahan niyang ‘yon?” tanong ni Lux nang maalala ang kakayahan nitong kontrolin ang element ng apoy, hangin at lupa.   Bigla namang parang nagulat si Immitis. Noon niya lang din napagtanto ang sinabi ni Lux sa kaniya. “Hindi naman, Ginoong Lux. Isang simpleng bata lang din ang kapatid ko gaya ko. Wala siyang kakayahang kahit na ano. Tanging ang pulang buhok niya lang ang madalas na napapansin ng karamihan.”   “Kung ganoon, bakit nais nila Pecunia na kunin ang kapatid mo gayong hindi pala likas sa kapatid mo ang kakayahan niyang iyon?” Napaisip si Lux. Kilala niya si Adamas. Hindi ito kukuha ng isang tapat na alagad kung wala itong sapat na lakas o kakayahan lalo na at alam nilang isa lamang itong bata.   “Hindi ko rin alam.” Yumuko ito dahil nagsisimula na ring gumulo ang kaniyang isip dahil sa mga palaisipang iyon.   “At ang pinakamalaking katanungan pa ay kung paano nakaligtas ang kapatid mo.” Naalala niyang bigla ang singsing na kinuha nito sa loob ng baul. “Ang singsing na laman ng baul, marahil ay may koneksyon ito sa mga nangyayari.”   “Naguguluhan na rin ako, Ginoong Lux. Pero sa totoo lang, masayang-masaya akong makita siyang buhay. Napakasaya ko nang muli ko siyang makita.” Ngumiti siya at sapat na iyon kay Lux upang mapanatag ang kaniyang kalooban.   “Maaari mo akong maging nakatatandang kapatid kung iyong nanaisin, Immitis.” Inakbayan naman ni Lux si Immitis at sa unang pagkakataon ay naramdaman ni Immitis na hindi siya nag-iisa.     Kasalukuyang nakatayo sa tuktok ng talon si Cres habang nakatanaw sa malayo.   Ikinuyom niya ang kaniyang mga palad dahil sa labis na galit sa kapatid.   “Hindi kita mapapatawad, Immitis. Pagbabayaran mo ng buhay mo ang ginawa mo sa akin,” sabi nito at mula sa tuktok nito ay tinalon niya ang ibabang bahagi at talon ngunit bago pa man lumapat ang kaniyang katawan sa tubig ay lumutang na ito patayo roon. Mula sa kaniyang kinalulugaran ay sinubukan niyang kontrolin ang tubig at sa unang pagkakataon ay nagawa niyang hatiin ang tubig sa talon sa dalawa. “Konting panahon na lang ay magagawa ko na ring makontrol ang lahat ng elemento.”   Bigla naman siyang napalingon sa kaniyang likuran nang makarinig ng pagkaluskos mula roon.   “Volant?” Lumapit ito sa kaniya na animo’y mayroon itong sariling pag-iisip. Kaagad niya itong niyakap dahil na rin sa pananabik dito. “Pinapunta ka ba ng magaling kong kapatid dito?”   Ipinaling lang nito ang ulo sa kabilang direksyon bilang pagtugon sa kaniya.   Naalala niya ang mga panahong masaya pa silang nagsasamang magkapatid. Magkatulong nilang ginawa si Volant at katuwang din nila ang isa’t isa sa pag-aalaga nito. Para sa kanila ay hindi basta imbesyon si Volant dahil na rin sa may puso ito kumpara sa iba nilang imbesyon. Ang pusong kinuha pa nila mula sa isang hydrus na kanilang natagpuang nag-aagaw buhay mula sa kakahuyan. Madalas ay siya ang kasa-kasama ni Volant upang mamasyal at mangaso sa kagubatan upang pag-uwi ng bahay ay mayroon na silang makakain habang si Immitis naman ang siyang nagtutungo ng Ludo upang tumanggap ng mga trabahong iniaatas dito ni Pecunia.   Nilingon ni Volant ang kalangitan at nagsimula itong itaas ang mga pakpak.   “Hanggang sa muli, Volant.” Ngunit himbis na umalis ay kinagat siya nito sa suot niyang robang itim at inilagay siya sa likuran nito. “Anong gagawin mo?”   At sa isang iglap ay inilipad siya nito sa kalangitan. Kasabay ng maliliit na ibong lumilipad sa malawak na himpapawid ay ang pagpagaspas ng mga pakpak nitong nagdadala sa kaniya sa katahimikan.   “Hindi maaari ang nais mo, Volant.”   Kaagad naman nitong pinabulusok pababa ang paglipad dahilan para mapasigaw si Cres,   “VOLANT!”   Nagpaikut-ikot ito sa ere dahilan para mapabitaw siya ng pagkakakapit ito. Mabilis na bumubulusok ang katawan niya pababa sa dagat ngunit bago pa man siya tuluyag bumagsak sa katubigan ay kaagad din siyang nasalo ni Volant.   Tatawa-tawa siya habang hinihimas ang katawan nito.   “Salamat, Volant.” Sa pagkakataong iyon ay umalis na rin si Volant at iniwan siyang nag-iisa roon.   Napasalampak siya ng upo sa sahig nang mapagtanto ang nais iparating sa kaniya ni Volant. Hindi si nag-iisa. Naroon ito para sa kanilang dalawa ni Immitis at naroon pa rin si Immitis para sa kaniya. Napatakip siya sa kaniya mukha at bumalik ang katotohanan mula sa nakaraan na pilit niyang ikinubli.   “Sumama ka na sa amin, Cres. Huwag mo na kaming pahirapan pa kung ayaw mong malagay sa bingit ng kamatayan ang kapatid mo.” Gigil na gigil si Pecunia habang pilit na kinakalampag ang pintuan ng kanilang munting tahanan.   “Hindi ako sasama sa inyo!” sagot niya ngunit hindi siya pinakinggan nila Pecunia at tahasang binuksan ang pinto.   “Nasaan ang kapatid ko?” mariing tanong niya.   “Bihag namin siya. Kung sasama ka sa amin nang matiwasay dala ang singsing na iyan ay hindi naming siya sasaktan.” Ngumiti si Pecunia sa kaniya habang papalapit naman ang ilan sa mga kawal sa kinatatayuan niya.   “Hindi ako naniniwala sa inyo. Ang kapatid ko, babalik siya rito. Babalik siya rito at ililigtas niya—” isang malakas na sampal ang kaniyang natanggap na naging dahilan ng pagbagsak niya sa sahig.   Sapu-sapo ang kaniyang namumulang pisngi habang iniisip ang maaaring gawin hanggang sa maalala niya ang singsing na nasa kaniyang pangangalaga. Kaagad niya itong isinuot at mula sa dulo ng kaniyang daliri ay nakalikha siya ng apoy na maaaring magligtas sa kaniya. Kaagad niya iyong pinakawalan gamit ang isang kumpas kung kaya napaatras ang mga kawal na kasama si Pecunia.   “Alam kong hindi mo alam kung paano kokontrolin ang singsing na iyan,” sabi nito sa kaniya. Alam niyang tama ito ngunit wala na siyang pagpipilian. Ito lang ang tanging makapagliligtas sa kaniya gayundin kay Immitis.   Dahan-dahan siyang tumayo at tumindig at mula sa kaniyang kamay ay naglabas ito ng mga bolang apoy na kaagad niya namang pinakawalan papunta sa mga kawal. Dahil sa sunud-sunod na apoy na kaniyang inilalabas ay unti-unti na ring nagkalat iyon sa kanilang kabahayan. Natatakot man ay pinilit niya pa ring lumaban hanggang sa bumagsak sa kaniyang paanan ang lamesa nilang yari sa mabigat na kahoy.   “Pinuno, umalis na tayo rito baka pati tayo ay lamunin ng apoy,” suhestiyon ng isa sa kanila.   Ngumiti naman si Pecunia at akma na sana nitong kukunin ang singsing nang may malaking kahoy ang bumagsak mula sa kisame dahilan para mapaatras ito.   Pumalatak ito dahil doon. Pakiramdam nito ay nabigo ito sa pagkakataong iyon kaya minabuti na lang na lisanin ang bahay nila.   Pilit mang itulak ni Cres ang lamesa ay hindi niya magawa. Masyado itong mabigat para maitulak ng isang batang kagaya niya. Buong lakas siyang sumigaw hanggang sa makalanghap siya ng usok mula sa mga nasusunog na kagamitan nila.   “Tulong!”   Ngunit walang nakaririnig sa kaniya hanggang sa makita niya si Immitis mula sa labas ng kanilang bahay.   “Cres...” Kitang-kita niya sa mga mata ng kaniyang kapatid ang labis na pag-aalala sa kaniya. Kung hindi lang sana siya naging pasaway marahil ay hindi sila aabot sa ganoong punto.   “Immitis, tulungan mo ako!” sigaw niya habang humihingi ng saklolo.   “Hintayin mo ako, tatawag ako ng tulong,” sabi nito. Paalis na sana ito upang humingi ng karagdagang tulong ngunit hindi na nito nakagawa. Sa huling pagkakataon ay nasilayan niya ang kapatid niya. Sa mga sandaling iyon ay alam niyang wala ng pag-asa ang lahat ngunit natutuwa siyang ayos ito at malayo sa kapahamakan.   “Cres!” narinig pa niyang sigaw nito habang papalapit sa natutupok nilang bahay.   “Ayoko pang mamatay...” sabi niya kasabay ng mga luhang dala ng takot sa maaaring sapitin ng kaniyang buhay at sa isang iglap ay tuluyan nang bumagsak sa kaniya ang natutupok nilang bahay at tuluyan na siyang nawalan ng malay.   Akala niya ay katapusan niya na ang lahat ngunit nagising na lamang siya sa gilid ng ibabang bahagi ng talon. Nakalaylay ang kalahati ng katawan niya sa tubig at wala ng suot na damit. Bumangon siya at saka uminom ng tubig mula sa talon. Pinagmasdan niya ang kaniyang sarili at walang bakas ng paso o sunog mula sa kaniyang katawan. Inilibot niya ang paningin sa paligid at walang kahit na sino ang naroon. Sinubukan niyang bumalik sa kanilang bahay ngunit wala na roon si Immitis. Doon nagsimula ang galit sa kaniyang puso dahil pakiramdam niya ay iniwan siya nito at tuluyan na siyang pinabayaan. Ni hindi man lang nito nagawang hanapin siya o siguraduhin wala na talaga siya at basta na lang umalis sa bahay nila. Ang tagal niyang naglakbay sa kung saan-saan mahanap lang ito hanggang sa mapadpad siya sa bayan ng Praespero.   Dahil sa labis na pangamba sa mga taong mapagmatyag ay napuno ng takot ang kaniyang puso hanggang sa mayroong tao roon ang nagtangka sa kaniyang buhay. Hindi niya man ginustong saktang ito ngunit tila may sariling pag-iisip ang singsing. Yumanig ng malakas ang lupa na inakala niyang simpleng lindol lang ngunit mula sa ilalim ay naglabas ito ng mga bolang apoy na siyang tumupo at sumunog ng buhay sa mga taong naroon. Maging bata at matanda ay hindi nakaligtas sa pag-atake na iyon lalo na nang lumaki ang apoy na pinalakas pa lalo ng malakas na hangin na nagmistulang ipo-ipo. Unti-unting naglaho ang buhay ng mga taong ni minsan ay hindi niya ginustong saktan o paslangin.   Hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling palaisipan pa rin sa kaniya kung paano siya nakaligtas at nabuhay. Walang kahit na anong palatandaan na may nagligtas sa kaniya noong araw na lamunin siya ng apoy. Tanging sarili niya lang ang naroon at ang singsing na suot niya. Minsan ay ipinagdasal niya na lang na sana nga ay binawi na lang ng Diyos ang buhay na ibinigay sa kaniya nang sa ganoon ay hindi niya na kailangang pagsisihan pa ang mga masasamang nangyari dahil sa kaniyang kakulangan at kapabayaan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD