CHAPTER 34

1445 Words
“Cres...” Nanginginig si Immitis at hindi makapaniwala habang pinagmamasdan ngayon ang lalakeng nasa harap niya. Hindi niya akalaing makikitang buhay pa ito matapos ang malagim na kamatayan nito. “Tila gulat na gulat kang makita ako, mahal kong kapatid.” Ngumiti ito nang ubod ng tamis pagkaraan ay nilapitan si Immitis. “Patay ka na,” sabi ni Immitis. “Kung sabagay, ikaw nga pala ang siyang pumaslang sa akin,” sabi nito. Nagulat na lang si Lux nang sa isang kurap ay nasa harap na ito ni Immitis at mabilis pa sa alas kwatro ang ginawa nitong pagsuntok sa mukha ng binata dahilan para tumilapon ito isang metro ang layo sa kanila. Dahan-dahan namang kumilos si Immitis habang iniinda pa rin ang sakit ng suntok nito sa kaniyang panga. “Alam mong hindi ‘yan totoo.” Sumigaw siya dahil sa labis na pagdaramdam. “Talaga ba, Immitis? Ikaw ang inaasahan kong magliligtas sa akin. Ikaw na kapatid ko!” Inunat nito ang kanang kamay at saka ikinuyom ang palad. “Ngunit pinabayaan mo ako!” Sa unang pagkakataon ay umihip ang malakas na hangin. Animo’y isang ipo-ipo ang dumaan at sa isang iglap at bumuka ang lupa at nilamon noon ang mga gusaling naroon. “Cres!” Nananatili lang si Cres sa kinatatayuan at dahan-dahang naupo at sa paglapat ng palad nito sa sahig ay naglabas ng mga bolang apoy ang lupa at kaagad na lumutang sa ere. “Tamang-tama na narito ka, Immitis. Dahil dito ka na rin babawian ng buhay!” Tila may mga isip ang mga bolang apoy dahil sa isang kumpas lang ng kamay ni Cres ay kaaagad itong sumugod sa kinalulugaran ni Immitis. Napatingin naman si Immitis nang makita ang kaniyang paanang nababalot ng makapal na lupa dahilan upang hindi siya makagalaw. “Katapusan mo na!” sigaw nito. Unti-unting bumagal ang lahat sa paligid ni Immitis. Nakaramdam siya ng takot at lungkot dahil hindi niya na magagawa pang ilagan iyon. Alam niyang hindi niya na rin maililigtas si Acutus. “Cres...” Nanginginig ang mga kamay ni Immitis habang pinagmamasdan ngayon si Cres na napalilibutan ng nagbabagang apoy mula sa natutupok nilang bahay. “Immitis, tulungan mo ako!” sigaw nito habang humihingi ng saklolo. “Hintayin mo ako, tatawag ako ng tulong,” sabi niya. Paalis na sana siya nang marinig niya ang unti-unting paglangitngit ng mga kahoy mula sa kanilang natutupok na bahay. “Cres!” “Ayoko pang mamatay...” kitang-kita niya ang pagtulo ng mga luha nito bago ito tuluyang bagsakan ng kanilang natutupok na bahay. Natulala na lang si Immitis habang pinagmamasdan ang pagkamatay ng kaniyang kapatid ngunit wala siyang nagawa. Sa huli ay sinisisi niya ang kaniyang sarili dahil sa mga nangyari. Kung mas maaga lang sana siyang nakarating doon hindi sana hahantong sa ganoon ang lahat. Hindi nagtagal ay napag-alaman niyang mga tauhan ni Pecunia ang may kagagawan sa sunog nang minsang taliwasin niya ang nais nito. Mula noon ay minabuti niyang sundin na lang ito para sa sariling kapakanan. “Cres...” ngumiti siya rito dahilan para lalo itong magalit sa kaniya at walang pag-aalinlangan nitong itinuloy ang pag-atake. Kaagad namang humarang si Lux sa harapan ni Immitis upang saluhin ang pag-atake ni Cres. Sa isang iglap ay tumilapon ang katawan ni Lux na may mga paso sa katawan at duguang bumagsak sa sahig. “GINOONG LUX!” Tumatawa naman si Cres habang pinagmamasdan ang kapatid niyang punung-puno ng sakit sa kaniyang mga mata. Hindi nito maitatangging nagiging kasiyahan nitong makita ang kapatid na nasasaktan. “Nasisiyahan ako sa mga nangyayari.” Humalakhak naman ito at kaagad na naglabas ng mumunting boltahe ng kuryente sa mga kamay. “Pupulbusin kita, Immitis. Sa pagkakataong ito ay hindi na ako magmimintis.” Handa na nitong pakawalan ang boltahe ng kuryente at ihagis sa kinaroroonan ni Immitis nang unti-unting magdilim ang paligid. Isang malakas na kidlat ang kaagad na tumama sa sahig na siyang nagpaatras kay Cres. Tumingin ito sa kalangitan at sa isang iglap at bigla itong naglaho. Ganoon rin ang nangyari sa hangin, apoy at mga lupa. Sa sandaling iyon ay tuluyang winasak nito ang mga natitirang gusaling nakatayo roon. Maging ang mga labi ng mga yumaong kanilang inilibing ay tuluyang naging abo. Kaagad na humangos si Immitis kay Lux habang pinagmamasdan itong walang malay. Kaagad niya itong niyugyog nang makailang ulit subalit walang senyales ng pagtugon mula rito. Nagdesisyon siyang bombahin ang dibdib nito at nagbabakasaling magbalik ang malay ng ginoo subalit walang nangyayaring pagbabago hanggang sa tuluyan na siyang mawalan ng pag-asa. Gigil na gigil siya habang kagat-kagat ang pang-ibabang labi dahil sa labis na galit. Pakiramdam niya ay wala siyang silbi. Sa ikalawang pagkakataon kasi ay may namatay na naman na taong mahalaga sa buhay niya at ang katotohanang ang pagkamatay nito ay dahil na naman sa kapabayaan niya. Hindi niya rin matanggap na sarili niya pang kadugo ang gagawa noon sa minsang itinuring niyang kaibigan. “Gumising ka, Ginoong Lux. Imulat mo ang mga mata mo,” sabi niya sa pagitang ng mga luha at paghikbi. “Hindi ko kakayanin ito nang mag-isa.” Napahugulgol na lang siya dahil sa labis na pagdadalamhati. Handa na sana siyang pakawalan ito nang bigla nitong igalaw ang mga braso at hinawakan ang kaniyang ulo para isubsob sa dibdib nito. “Para ka talagang... bata...” sabi nito sa garalgal at nanghihinang tinig. “Ginoong Lux...” dahil sa tuwa ay napayakap na lang siya sa ginoo at doon ibinuhos ang mga luha dulot ng matinding takot mula sa mga pangyayari. *** “Immitis!” Napabalikwas ng bangon si Acutus dahil sa isang masamang panaginip. Nakita niya ang kaibigang si Immitis na wala ng buhay at nagliliyab ang buong katawan. Si Lux naman ay ganoon rin ang itsura habang naliligo sa sarili nitong dugo. Lingid sa kaniyang kaalaman ay iyon nga ang muntik kaharapin ng kaniyang mga kaibigan. Dahil doon ay mabilis na bumangon si Acutus upang magtungo sa bulwagan at harapin si Nitidus. “Nitidus, nais kitang makausap,” tuwirang sabi niya. “Wala ako sa kondisyong makipag-usap ngayon,” sagot nito. Kasalukuyan itong nakapilit habang hinihimas ang sariling sintido. “Gusto kong malaman ang kalagayan nila Immitis,” pagpukaw niya sa atensyon nito. Nagmulat ito ng mga mata at hinarap siya. “Ibibigay ko ang impormasyong kailangan mo kung ipapangako mo sa aking mananatili ka rito at susundin ang lahat ng kagustuhan ko,” diretsong tugon nito. Dahil doon ay naikuyom niya ang mga kamay at tinalikuran ito. Hindi niya gagawin ang nais nito kahit na anong mangyari. Nagsimula siyang maglakad pabalik sa kaniyang silid ngunit kaagad rin siyang napatigil sa paglalakad nang muling magsalita si Nitidus. “Patay na sila!” sabi nito. Nagulat naman siya matapos marinig ang sinabi nito. Kaagad niyang nilapitan ito at hinawakan sa magkabilang balikat. “Huwag kang magbibiro dahil hindi nakakatuwa, Nitidus,” gigil na sabi niya. “Tinanong mo ako. Sinagot lang kita. Ano pa ang kailangan mo upang maniwala ka? Ebidensya?” Sa labis na gigil niya sa tono ng pananalita nito ay nasuntok niya ang ulunang bahagi ng trono nito dahilan para masugatan ang kamay niya. “Anong ginawa mo sa kanila?” tanong niya. Nakatitiyak kasi siyang ito lang ang may kakayahang gumawa nang karumal-dumal na bagay na iyon sa kaniyang mga kaibigan. “Ang sakit mo namang magsalita, Acutus.” Dahan-dahan nitong ibinaba ang kamay niya at pinagsaklob ang kanilang mga daliri habang ang kabilang kamay nito ay naglalaro sa kaniyang mga labi. “Hindi lang naman ako ang natatanging may galit sa kanila.” Tumayo ito at tinulak siya paupo sa trono. Naglakad ito paikot sa kaniya bago kumandong sa kaniyang harapan. “Kung makapagsalita ka naman sa akin, mahal ko, ay parang kilalang-kilala mo ang mga taong tinuturing mong kaibigan. Umaasa ka bang babalik pa sila rito?” Bumungisngis ito kapagkuwan at kinintalan siya sa halik sa pisngi. “Binibiro lamang kita, mahal ko. Masyado ka namang seryoso.” Kapagkuwan ay tumawa ito at naglakad paalis sa bulwagan at iniwan siyang tulala roon dahil sa tagpong iyon. Aminin niya man o hindi ay nakaramdam siya ng inis dahil sa ginawa nitong pang-aasar sa kaniya. Naipukpok niya na lang ang kamaong nakakuyom sa braso ng trono dahil sa labis na pag-aalala. Mabuti na lang din at inamin din nitong biro lang ang lahat kung kaya kahit paano ay nakaramdam siya ng pagluwag sa kaniyang dibdib. “Marahil ay panaginip lang ang lahat.” Ipinikit niya ang kaniyang mga mata at saka isinandal ang kaniyang ulo sa ulunang bahagi ng trono at mula sa kaniyang isip ay nanalangin siya sa kaligtasan ng dalawa. Ngunit sa kabilang banda ay napansin niyang may punto ang mga sinasabi sa kaniya ni Nitidus. Gaano niya nga ba kakilala si Immitis? Sino nga ba talaga si Lux at ano ang kaugnayan nito sa kaniyang yumaong ama-amahan? Nanatili na wala siyang alam. Bagay na alam niyang hindi niya kailanman maitatanggi. “Immitis, katapusan mo na! Papatayin kita!” Malalakas na sigaw ang nagmumula sa isang binatang hindi niya maaninagan ang itsura. Tanging ang pulang buhok lamang nito ang nagmimistulang palatadaan o pagkakakilanlan nito. “Acutus...” sabi ni Immitis bago ito tuluyang binawian ng buhay. Biglang nilamon ng makapal na hamog ang paligid at tanaw na tanaw niya naman ang lawak ng kapatagan. Naroon si Lux habang kausap ang isang magandang dilag ngunit sa isang iglap lang ay napuno ng dugo ang buong katawan nito nang saluhin niya ito. “Patawad...”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD