CHAPTER 33

1823 Words
Gulat na gulat ang dalawa sa nakikitang itsura ngayon ng isla.   “Eto ba talaga ang Insula Astra?” tanong ni Immitis. “Mukhang mali yata ang impormasyong nakalap mo, Ginoong Lux.”   Tinuro nito ang isang bato na may nakaukit na mga salita. May bitak na ito at tapyas sa itaas na bahagi habang ang mga katabi nitong bato ay nagkasira-sira na.   Ad Astra   Nilapitan ito ni Lux at hinawakan ang mga salitang nakaukit dito. “Ang mga salitang ito ang sumisimbolo sa lugar.”   “Bakit ganito na ang itsura ng lugar? Parang isang malawak na ruinae.” Nilibot niya ng tingin ang kabuuan ng lugar at tanging buhangin, mga sirang gusali, mga tuyo at patay na puno ang naroon. Nagsimula silang maglakad ni Lux upang mas makapag-ikot sa lugar at wala silang ibang makitang nabubuhay roon. Nakapanlulumong ang ilan sa mga bungo ng tao at hayop ay nagkalat sa paligid kasama ng mga sirang kabahayan at kagamitan. Wala ring palatandaan ng kung paano ito winasak sa ganoong paraan. “Hindi kaya winasak ito ng isang malakas na bagyo o daluyong?”   “Imposible iyan, Immitis. Ang lugar na ito ay pinaniniwalaang protektado ng mga Diyos at Bathala. Hindi ito dinaraanan ng bagyo o kahit na ano pa mang klase ng unos o daluyong,” paliwanag ni Lux.   “Ngunit sino naman kaya ang siyang gagawa ng walang-awang pagsira sa lugar na ito gayon din ang pagpaslang sa mga taong naninirahan dito?” Naupo si Immitis at dinampot ang isa sa mga buto ng tao na naroon. Pinagmasdan niya ito at ganoon na lang ang lungkot na bumalot sa kaniyang puso. Hindi niya akalaing may mas masama pa pala kay Adamas.   “Hindi ko rin alam. Subalit dito tayo itinuro ng lalakeng nakilala natin sa Valle Mortis,” sagot ni Lux kapagkuwan ay naglakad patungo sa isang dambanang nakatayo sa gitna ng mga wasak na gusali.   Yumuko ito sa harap ng dambana at kapagkuwan ay pinagdaop ang kaniyang mga palad upang humingi ng basbas sa Diyos na pinaniniwalaan ng mga taga Insula Astra. Ganoon na rin ang ginawa ni Immitis bilang paggalang at payapang pinagdasal ang mga yumao roon.   Bago sila magpasyang lakarin ang patungo sa bayang sadya nila ay minabuti muna nilang gumawa ng himlayan para sa mga nagkalat na buto roon.   “Immitis, may isa pa roon.” Itinuro nito ang isa sa ‘di kalayuan sa kanila. Maliit lang iyon kumpara sa iba.   Nang lapitan ni Immitis ang buto ay hindi niya napigilang maging emosyonal. Binuhat niya ito habang pinagmamasdan ang bawat parte ng kalansay nito.   “Ginoong Lux, maaari bang akin na lang ang isang ito? Nais kong isama siya sa ating paglalakbay,” tanong niya.   “Naloloko ka na ba? Alam mo naman siguro kung ano iyan? Bakit mo hihingin ang isang ‘yan na animo’y isang kagamitan lang?” Nakakunot ang noo ni Lux habang kinakausap ang binata.   “Naaawa kasi ako sa kaniya, Ginoong Lux. Hindi man lang niya naranasang libutin ang ganda ng mundo,” sagot niya. Kaagad naman siyang nilapitan ni Lux at binatukan nang matapos ito sa paglilibing ng ibang mga kalansay. “Aray naman, Ginoong Lux. Masakit iyon.”   “Masasaktan ka talaga kapag hindi mo itinigil ang kalokohang naiisip mo.” Napatapik na lang ito sa sariling noo dahil sa naisip ni Lux. “Wala nang buhay ang isang iyan. Ang kailangan nating gawin ay palayain na sila sa mundong ito nang marating na nila ang kanilang kapayapaan.”   “Sige na, Ginoong Lux. Pagbigyan mo na ako.” Lumuhod pa siya sa harapan nito at niyakap ang kaliwang binti nito.   “Tumayo ka nga riyan, Immitis,” sabi nito habang palinga-linga sa paligid na animo’y may ibang makakakita sa kanila.  Pilit nitong tinatanggal ang pagkakakapit ni Immitis sa kaniya subalit sadyang determinado itong makuha ang nais nito. “Sige na. Pumapayag na ako.”   Sa labis na galak ni Immitis ay kaagad siyang tumayo at niyakap nang mahigpit si Lux.   Lingid sa kaalaman Lux ay ang mas malalim na dahilan na nagkukubli sa kaibuturan ng puso ni Immitis.   Pasan-pasan ni Immitis ang mga buto ng bata na pinagdugtung-dugtong niya pa para maging wangis ng isang bata habang sila ay naglalakad patungo sa lugar na kanilang sadya. Napapasulyap pa si Lux sa kalansay na tangan ni Immitis at nakararamdam ng kilabot mula rito.   “Ginoong Lux, mukhang narito na tayo,” sabi ni Immitis habang pinagmamasdan ang nasa kanilang nasa harapan. Isa itong malaking tarangkahang yari sa matigas na klase ng bakal at makapal na bato. Sa taas nito ay nakaukit ang mga salitang Ad Dei Gloriam.   May maliit itong pinto na tila daanan para sa mga panauhin na ngayon ay bitak-bitak na. Nang makapasok sila sa lugar ay tumambad sa kanila ang mga abong nagkalat sa paligid at ang mga vexillum na nakatayo sa paligid ay gula-gulanit na at may mga markang kulay itim. Isang marka ng pagkawasak. Marka ng apoy o sunog na bumalot sa buong lugar kagaya ng mga abong nagkalat sa lugar. Napansin rin ni Lux na ang mga abo ay hindi nawawala sa lugar at umiikot lang sa lugar na iyon. Hanggang unti-unti nitong napagtanto na hindi lumalamig ang lugar na iyon. Wala ring hangin ang dumaraan sa kanilang mga balat.   Ipinagpatuloy nila ang paglalakad sa bayan ng Praespero hanggang sa mapadpad sila sa isang sirang palasyo. Kaagad silang pumasok doon at matamang nagmasid sa paligid. Nagpasya silang maghiwalay ni Immitis upang mas mapabilis ang kanilang paghahanap ng mga bagay na maaaring makatulong sa kanila sa paghahanap ng lunas sa sumpang dala ng kwintas. Hanggang sa tawagin siya ni Immitis na dumungaw mula sa isang silid.    *** “Ginoong Lux, tingnan mo dali.” Kaagad namang tumungo si Lux sa loob ng silid at nakita nila roon ang isang baul na nababalutan ng isang makapangyarihang selyo mula sa isang Veneficus. “Maaari kayang si Bellus ang nagsara ng baul na ito?”   “Maaari. Maaaring dito siya unang nagtungo nang maatasan siya ni Gaza na tagapangalaga ng kwintas,” sagot ni Lux ngunit sa kabilang banda ay hindi rin talaga ito sigurado. Sinubukan nilang maghanap ng maaaring magamit nila para buksan ang baul subalit bigo sila.   “Marahil ay dito nakatago ang isa sa mga yaman ng Sugatzu o maaaring… lahat?”   Nagkatinginan silang dalawa nang mapagtantong posibleng lahat ng yaman ng Sugatzu ay naroon. Nagkaroon sila ng pag-asa na posibleng naroon din ang lunas sa sumpang dala ng kwintas.   “Kung dalhin na lang kaya natin ang baul na iyan?” suhestiyon niya.   “Sa laki niyan at hindi natin iyan madadala.” Sinubukan namang iangat ni Lux ang kabilang bahagi ng baul ngunit hindi man lang ito natinag sa pinupwestuhan. “Masyado ring mabigat. Mukhang mahihirapan tayong buksan ang isang ‘to.”   “Alam ko na. Bakit hindi natin subukang wasakin?” Kumuha siya nang malaking pamalo na nasipat ng kaniyang mga mata at kaagad na ipinukpok sa baul subalit isang malakas na boltahe ng kuyente ang kaagad na pinakawalan nito na dumaloy naman sa buong katawan ni Immitis dahilan para tumlapon siya at bumagsak sa sahig na walang malay.   “Immitis!” Niyugyog ito ni Lux ngunit tila labis itong naapektuhan ng sorpresang depensa ng baul. “IMMITIS!”   *** Hinayaan na lang ni Lux sa ganoong sitwasyon ang lahat. Habang hinihintay na magising si Immitis ay naisipan niyang libutin pa ang ilang mga silid na hindi pa nila napapasok hanggang sa makarating siya sa isang silid. Nakikita niya kung gaano kaelegante ang naturang silid base sa mga sira-sira at sunog na kagamitan na naroon. Isang litrato ang natagpuan niya sa tabi ng malaking kama at pinagmasdan ito. Litrato ng mag-asawang may kargang sanggol na nababalutan ng pulang tela. Labis ang saya at galak sa itsura ng mga ito. Ang babae ay nakatingin sa maamong mukha ng kaniyang anak samantalang ang lalake naman ay nakatingin sa kaniyang nakangiting katipan. Masaya ang tagpong iyon habang inosenteng nakatingin ang bata sa kaniya. Inilapag niya ang litrato mula sa pinagkunan niya upang makaalis na sa lugar na iyon. Palabas na sana siya ng silid nang mapukaw muli ang atensyon niya nang litratong iyon. Sa litratong iyon ay nakasulat ang salitang nagpabilis ng t***k ng kaniyang puso.   “Acutus…” Hinawakan niya ang sariling baba at nag-isip. “Ibig sabihin… si Acutus ang sanggol na ito.” Tiningnan niya ang likuran ng litrato at nakasulat doon ang mga salitang tila nakalaan lang para mabasa ng tagapagmana. Kaagad itong kinuha ni Lux at isinilid sa kaniyang bulsa kapagkuwan ay nagmamadaling bumalik sa silid kung saan niya tahimik na iniwanan si Immitis ngunit laking gulat niya nang wala na ito roon. Maging ang baul ay wala na roon kaya dali-dali siyang nagtatakbo palabas upang hanapin ang dalawa.   “IMMITIS!” Halos nalibot niya na ang buong palasyo ngunit hindi pa rin niya natatagpuan si Imiitis. “Nasaan na kaya ang batang iyon? Paano niya nabuhat ang baul na iyon?” Nagsisimula nang maguluhan si Lux dahil sa mga nangyayari. Ang pagkawala ni Immitis. Ang mabigat na baul. Lahat ay nawala na parang bula sa sandaling iniwan niya ang mga ito hanggang sa mapatingala siya sa kaniyang itaas kung saan nanggaling ang isang sorpresang pag-atake.   “Sino ka?!” sigaw niya habang pinagmamasdan ang isang nilalang na nagkukubli sa likod ng itim na roba.   Himbis na sumagot ay mabilis lang itong bumaba mula sa bubungan ng palasyo at tumalon sa kaniyang harapan. Kaagad namang inatake ito ni Lux gamit ang sariling kamao na kaagad ring nailagan ng huli.   “Magpakilala ka!” Binunot niya ang dala niyang baril at kaagad na itinutok sa nilalang na ngayon ay nasa kaniyang harapan. Ngunit himbis na sumagot ay naglakad lang ito paabante sa kaniya kaya wala na siyang nagawa kung hindi paputukan ito ng baril ngunit laking gulat niya nang ang bala ay tuluyang naging abo bago pa man tumama sa kaniyang kalaban. Ngayong nasa harap niya na ito at walang pagdududang malakas nga ito lalo na nang tuluyan na sya nitong hawakan sa kaniyang leeg. Nakakaramdam siya ng init mula sa kaniyang leeg. Tila napapaso siya sa mga kamay nito ngunit wala siyang magawa para tanggalin ito. Unti-unting umangat ang kaniyang mga paa sa lupa.   “Concremo…” Napapikit na lang siya nang marinig ang winika nito ngunit hindi niya inaasahang may magliligtas pa sa kaniya.   “Ginoong Lux!” Humahangos si Immitis papalapit sa kaniya kasabay nang pagbagsak ng nilalang sa sahig. “Ayos ka lang?”   “Oo. Salamat. Muntik na ako roon. Saan ka ba nagpunta?” tanong ni Lux.   “Mahabang istorya, Ginoong Lux. Kinuha ng nilalang na iyan ang baul,” tanging sagot ni Immitis na kaagad namang naintindihan ni Lux.   Dahan-dahan itong bumangon mula sa pagkakabagsak ngunit nananatili pa ring nakaupo. Natanggal ang ulunang bahagi ng roba na tumatabing sa mukha nito at doon lumantad sa kanilang harapan ang kulay pulang buhok nito.   Kaagad nanlaki ang mga mata ni Immitis nang humarao ito sa kanila at nagtanggal ng suot na roba. Doon napagmasdang maigi ni Lux ang itsura nito. Tantsa niya ay hindi nalalayo sa edad ni Immitis ang lalakeng ngayon ay kaharap nila.   “Kinuha ko lang ang pag-aari ko,” sabi nito nang sa wakas ay magsalita ito.   “Pag-aari mo?” Naguguluhang tanong ni Lux.   “Recludo!” at sa isang salitang iyon ay tuluyang nawala ang makapangyarihang selyo pagkaraan ay bumukas ang baul. Doon sa loob ng baul ay natagpuan nila ang isang singsing na kaagad namang kinuha ng lalake pagkaraan ay isinuot.   “Immitis, wala ka man lang bang sasabihin?” tanong ni Lux at ganoon na lang ang pagkabigla niya nang makita ang gulat na gulat na itsura nang kasama niya.   “Matagal rin tayong hindi nagkita, mahal kong kapatid,”   “Cres…”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD