CHAPTER 13

1473 Words
Acutus' POV "Acutus..." mahinang bulong ang gumising sa akin mula sa pagkakahimbing.   "Bakit, Immitis?" tanong ko.   "Anong bakit? Nananaginip ka ba?" nagtatakang tanong ni Immitis.   "May tumawag kasi sa pangalan ko."   "Wala naman akong narinig at hindi rin naman kita tinawag," sabi ni Immitis. "Baka panaginip mo lang Acutus."   Napaisip naman ako. Siguro nga ay panaginip ko lang pero hindi pa rin maalis sa isip ko ang pag-aalala. Parang totoong-totoo kasi. Dinig na dinig ko ang boses ng isang lalake na tumawag sa pangalan ko. Kung totoo man ito ay bakit ako lang ang nakarinig gayong natutulog ako nang mga oras na ‘yon?   Makalipas ang mahigit isang araw na paglalakbay ay nakarating din kami ni Immitis sa Valle Mortis kung saan namin matatagpuan ang kwintas. Kung pagmamasdan ang lugar ay wala kang makikitang gaanong liwanag. Madilim ang paligid at wala ring ibang daanan maliban sa isang tulay na bato sa gitna ng dagat. Makikita rin ang naglalakihang bundok na bato sa paligid nito. Nakakatakot ang lugar, hindi ko maitatangging nakakaramdam ako ng kaba pagkarating namin dito. Pakiramdam ko hindi na kami makalalabas pa nang buhay kapag pumasok kami sa loob.   Nang makababa na kami ay napagpasyahan ni Immitis na iwan na si Volant doon sa labas ng pinto. Hindi rin daw kasi ito makakapasok sa loob na labis ko namang ipanagtaka. Nagsimula na kaming lumakad sa tulay habang tumatalsik pa sa aming mga katawan ang naglalakihang alon sa palibot ng lugar nang may maaninagan kaming kung anong pigura ang nakatayo sa aming harapan.   "Acutus..." Ang boses na iyon. Hindi ako maaaring magkamali. Iyon ang boses ng lalakeng narinig kong tumawag sa aking pangalan kanina lang.   "Sino ka? Bakit mo ako kilala?" kaagad na tanong ko.   "Ipakita mo sa akin kung ikaw nga ang tagapagmana ng kwintas. Ipakita mo sa akin ang nilalaman ng iyong puso," sabi ng lalake, at sa isang iglap ay nagulat na lang kami nang maramdaman namin ang presensiya niya sa aming likuran. Sa ganoon kabilis, paano siya nakarating sa aming likuran nang hindi namin napapansin?   "Paanong--"   "Eto ang inyong sadya, hindi ba?" Ipinakita nito ang isang alahas na kumikislap kahit walang liwanag. Punung-puno ng diyamante at may malaking bato sa gitna. Ito na marahil ang kwintas na hinahanap namin.   "Ibigay mo sa akin ang kwintas," mariing utos.   Isang malakas na tawa naman ang umalingawngaw sa buong lugar. "Hindi ganoon kadali mong makukuha sa akin ang kwintas. Ang kwintas na ito ay isinumpa ni Magnus upang maging kamatayan ng sinumang kukuha nito sa angkan ng Sugatzu."   "Pero, ako si Acutus, ang nag-iisang tagapagmana ng Sugatzu," pagmamalaking sabi ko. Nagbabakasakaling uubra.   "Hindi ko na muling uulitin ang sinabi ko, Acutus. Mananatili ang kwintas sa aking pangangalaga," sabi nito.   "Kung hindi mo ibibigay sa akin 'yan nang matiwasay ay kukuhanin ko sa iyo 'yan nang sapilitan." Pagkasabi ko nun ay kaagad kong binunot ang aking baril, at pinaputok iyon sa kaniya pero sa kasamaang palad hindi ko alam pero ayaw gumana ng baril. Hindi ko rin alam pero pakiramdam ko ay kinakapos ako ng hininga hanggang sa tuluyan akong mapaluhod sa lupa.   "Subsisto!" Narinig kong wika ni Immitis kasabay ng pagwasiwas niya ng kaniyang kamay na animo'y hinawi ang hangin.   Unti-unti namang bumalik sa normal ang aking paghinga, at sa isang iglap ay nawala na rin ang lalake.   "Ayos ka lang ba, Acutus?" tanong ni Immitis.   "Ang lalakeng iyon. Tapat siyang tagapagbantay ng kwintas. Sa sandaling panahon na kausap ko siya, pakiramdam ko ay nakikipag-usap ako kay kamatayan," sabi ko. "Ipaliwanag mo nga ang mga nangyayari?"   "Acutus, isa siyang Veneficus. Isang makapangyarihang uri ng nilalang na gumagamit ng mahika. Ano mang oras ay kaya ka nitong patayin nang hindi ito gumagalaw sa kinatatayuan niya." Kaya pala ganoon na lang ang masamang pakiramdam ko sa lugar. Kaya pala bigla na lang akong nakaramdam na parang hinihigit ang aking paghinga. Marahil ay ginagamitan niya ako ng salamangka.   "Acutus..." muli ay narinig ko ang tinig niya mula sa malayo. "Meron kang isang oras para makarating sa aking palasyo. Doon natin gagawin ang nakatakda." Seryoso ba siya? Isang oras? Sa laki ng lugar na ito at hindi pa namin alam kung saang lupalop iyon nakatayo. "Kamatayan ng iyong sinisinta ang magiging kabayaran kapag nabigo kang makarating sa takdang oras." Napansin ko na lang ang pulang liwanag na bumalot sa aking palapulsuhan. "Iyan ang iyong magiging orasan. Sa oras na mawala na ang liwanag na iyan, iyon na rin ang oras na mamamaalam ka kay Nitidus." Napamura ko sa mga narinig ko. Nabalot ng takot ang buong sistema ko sa mga tinuran niya. Bakit kailangang madamay ni Nitidus dito? Bakit siya ang magiging kabayaran? Kung kaya't hindi ako dapat matalo. Kailangan kong makarating sa palasyo bago ang takdang oras. Hindi ko kakayaning mawala si Nitidus sa akin. Alam ng Diyos na siya lang ang buhay ko. Kung mawawala siya sa akin ay mas mabuti pang mamamatay na lang din ako.   "Kailangan na nating magmadali Acutus. Hindi mo naman siguro nanaising mawala si Nitidus sa'yo," sabi ni Immitis dahilan para mapatango na lang ako.   Kaagad naming tinungo ang tarangkahan ng lugar na siyang matatagpuan sa pinakadulo ng tulay na daan. Mataas ito na gawa sa ginto. Makapal ang pagkakagawa rito na tipong kahit sino ay mahihirapang itulak ito. Napagpasyahan namin ni Immitis na maghanap ng ibang daanan na siya namang nakita namin kaagad. Isang makipot na pasilyo na may mumunting tubig sa sahig. Nang makapasok na kami sa loob ay biglang nagdilim ang paligid. Kahit sarili naming katawan ay hindi namin maaninag hanggang sa may kung anong mumuntik liwanag kaming natanaw na paparating sa aming kinatatayuan. Mabilis ito sa paglipad na animo'y lawin. Ang kinaibahan lang ay tila isa lang itong insekto.   "Dapa, Acutus!" Narinig kong sigaw ni Immitis kung kaya't hindi na ako nagdalawang isip na sundin ang sinabi niya at sa isang iglap lang ay naramdaman ko na lang ang hapdi sa aking kanang pisngi.   "Ayos ka lang ba riyan, Acutus?" tanong ni Immitis.   "Nasugatan yata ako," tanging naisagot ko dahil hindi rin talaga ako sigurado.   "Bilisan na natin bago sila muling bumalik," sabi ni Immitis kung kaya't tumakbo na kami nang mabilis para makalabas sa pasilyong iyon. Nariyan at mauntog pa kami at madapa dahil para kaming mga bulag na nangangapa sa dilim hanggang sa makarating na kami sa pinakadulo ng pasilyo at doon nakapa namin ang isang tarangkahan na siyang binuksan namin at nagliwanag ang buong paligid. Nilingon ko ang aking likuran at nagulat ako nang makita ang mga bungo at kalansay na nagkalat sa sahig kasabay niyon ay ang mga humahangos na mumunting liwanag na muling papalapit sa amin kaya't alerto na kami sa pagdapa at doon ko lang nakita ng maliwanag ang itsura ng mga ito. Tila isa itong maliliit na tao na may pakpak. Parang isang "fairy" na may matutulis na pangil at matatalim na pakpak. Ngunit sa mahigit sampung segundo ay bigla na lang itong naglaho sa paningin ko at tuluyang naging abo.   "Iyan ang mga Ardens Pixie. Maliwanag at mabagsik sa dilim ngunit namamatay sa kahit anong uri ng liwanag," paliwanag ni Immitis. "Kailangan nating magamot kaagad ang sugat mo. Mabisa itong gamot na ito sa malalalim na sugat na dulot ng Ardens," sabi nito habang ipinapakita ang isang maliit na bote na may lamang likido kung kaya't doon ko lang naisipang tingnan ang sugat na natamo ko sa kanang pisngi at laking gulat ko nang makita ang repleksyon ng aking mukha sa isang maliit na batis sa aming harapan. Isang malalim na sugat na tila tinubuan ng ugat sa paligid. Kulay asul ito ngunit wala ring lumalabas na dugo mula rito.   Isang patak pa lang ng likidong sinasabi ni Immitis na gamot sa sugat sa aking pisngi ay kulang na lang maubusan ako ng lakas sa sobrang kirot at sakit. Ramdam ko ang pagdaloy nito sa bawat ugat sa aking mukha. Halos maubusan ako ng lakas kung kaya't hindi ko na napigilan ang mapahiyaw sa hapdi.   "Kailangan mong tiisin ang sakit, kung ayaw mong labasan ng mga itlog ng Ardens iyang mukha mo," sabi niya. Ganoon pala ang epekto ng sugat na ito. Isang patak pa nga lang pakiramdam ko ay mamamatay na ako paano pa ang tatlong patak?   Ikalawang patak na at ganoon pa rin ang naramdaman ko. Ngunit mas masakit kaysa sa una. Tila hinihiwa ang pisngi ko ng isang matalim na bagay. Lalong lumalim at bumigat ang paghinga ko dahil sa mga nangyari na iyon.   At sa ikatlong patak, ay naramdaman ko ang parang pagpunit sa balat ng aking pisngi. Mas masakit kumpara sa una at ikalawang patak. Tila winawasak ng gamot na ito ang lamang loob sa mukha ko. Nararamdaman ko ang unti-unting pagsikip ng aking paghinga at doon naramdaman ko na lang ang sarili kong bumagsak sa batis sa aking harapan. "Subsisto!" - "Stop!" Veneficus - Wizard/Sorcerer Ardens Pixie - Fiery Fairy
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD