CHAPTER 22

1347 Words
"Lolo!" Humahangos si Inxs na tumungo sa duguang katawan ni Adamas sa sahig habang ang mga tauhan ay tila nawala sa wisyo at tulala lamang na nakatayo roon. Halata naman sa itsura ni Acutus ang pagkabigla nang makita roon si Inxs. Napakatagal na panahon na kasi ang lumipas nang huli niyang makita si Inxs sa bayan nila. Hindi niya sukat akalain na sa lugar na ito niya pa ito makikita. At muli isang putok ng baril ang namayani sa katahimikan ng lahat na siyang nagpabagsak sa katawan ni Inxs sa sahig. "N-Nitidus, b-bakit?" tanong nito habang nakahawak pa sa mga binti ng dalaga. "Hindi mo pa rin ba nahuhulaan?" tugon nito. Sapo lamang ni Inxs ang balikat dahil sa pinsalang dulot ng tama ng baril. Hindi makapaniwala si Acutus habang pinagmamasdan ang babaeng kaniyang sinisinta na unti-unting kumukitil ng buhay ng iba. Wala sa plano niya ang mga ganitong pangyayari. Ayaw niya na matuto si Nitidus ng mga bagay na alam niyang ikapapahamak nito. Ngunit nangyari na ang lahat ngayon. Naging palaisipan ang lahat sa isip ni Acutus kung paano ito naatim ni Nitidus. Ang kaniyang Nitidus na may maamong mukha at mahinhing pagkilos ay gagawa ng ganito kagaspang na bagay. Dinampot ni Nitidus ang kwintas bago nagpakawala ng malalakas na tawa. "N-Nitidus..." nanginginig na sambit ni Acutus. "Ang kwintas na siyang naging dahilan ng lahat ng paghihirap ko. Itong kwintas na pag-aari ninyo, Acutus. Sa wakas, nasa kamay ko na rin ito. Hindi ito isang panaginip hindi ba? Matatapos na ang lahat. Tapos na ang lahat ng pasakit sa akin." Humarap si Nitidus kay Acutus at sa kasama nito saka isinuot ang kwintas. "Kay gandang pagmasdan hindi ba, mahal ko? Bagay ang mga kumikinang nitong diyamante sa itsura ko." "Acutus, umalis ka na sa lugar na ito," sabi ng lalaking nagligtas sa buhay niya. "S-si Nitidus..." "Marami ka pang hindi nalalaman, Acutus. Mabuti na lang talaga at ibinilin kayo sa akin ni Gaza kung hindi malamang dadatnan kita ritong wala ng buhay," sabi nito na siya namang lalong nagpagulo sa isipan ng binata. "Nitidus, tapos na ang lahat. Tara na. Aalis na tayo rito kasama sila Immitis," sabi ni Acutus kay Nitidus. "Aalis? Ayaw mo bang makasama ako rito, mahal ko?" Napakunot naman ang mga noo ng binata sa tinuran ng dalaga. Anong nangyayari? Iyon lang ang tanging tumatakbo sa isipan ngayon ni Acutus. "Nitidus, ano bang sinasabi mo? Ang kwintas na iyan ay maaari na nating ibaon sa limot. Hindi natin kailangan ang kwintas na iyan para mabuhay," sabi ni Acutus subalit tila walang naririnig si Nitidus at tahimik lang itong ngumingiti habang pinagmamasdan ang kwintas. "Acutus, tara na! Isipin mo na lang si Immitis." Bigla namang naalala ni Acutus si Immitis dahil sa sinabi ng lalake. Wala pa rin itong malay habang nakahandusay sa sahig. Lumapit siya sa kaibigan at niyugyog ito hanggang sa magkamalay. "Acutus," bulong nito. "Ihanda mo si Volant. Lilisan na tayo sa lugar na ito," sabi niya. Ngunit ang sumunod na pangyayari ang tuluyang gumising sa katotohanang matagal nang itinago ng tadhana. "Immitis!" Hawak-hawak ni Acutus si Immitis habang unti-unti itong nawawalan ng balanse dahil sa sugat na natamo mula sa isang espada na bumaon sa likod nito. "At sinong may sabing makakaalis pa kayo rito ng buhay?" sabi ni Nitidus. Hilam ng mga luha ang mga mata ni Acutus habang pinagmamasdan ngayon ang babaeng pinakamamahal niya. Paanong nangyayari ang lahat ng ito ngayon? Sino ba talaga ang babaeng nasa harap niya ngayon? Malayung-malayo sa Nitidus na kilala niya. Ang Nitidus na kahit na kailan ay hindi magagawang pumaslang. Lumapit si Nitidus kay Acutus at dinampian ito nang mabilis na halik sa labi. Nakagat pa ni Acutus ang pang-ibabang labi dahil sa sama ng loob at galit na hindi niya maipaliwanag. Pinatay nito si Bellus at ngayon naman ay pinagtangkaan patayin ang kaibigan niya. Subalit sa kabilang banda ay hindi niya alam kung paano ito gagantihan kung ito rin ang dahilan kung bakit siya nakikipaglaban. "Naguguluhan ka na ba ngayon, Acutus?" Kasunod ng mga katagang iyon ay ang muling pag-alingawngaw ng tawa ni Nitidus sa kabuuan ng silid. "Tumakas na tayo. Tumayo ka na riyan, Acutus. Hindi pa ito ang tamang panahon para maging maayos ang lahat. Kailangan natin itong pagplanuhan," sabi ng lalake. Alam ni Acutus na tama ito. Kailangan nilang pagplanuhan ang lahat nang maigi lalo na at naguguluhan pa siya. Hindi niya na nga alam kung sino ang kaaway at sino ang kakampi at higit sa lahat, hindi niya rin akalain na si Nitidus pa mismo ang magtatangka sa buhay ng kinilala niyang matalik na kaibigan. Kahit labag sa loob ni Acutus ay pinili niyang tumayo at nagsimulang ihakbang ang mga paa habang tangan-tangan si Immitis palabas sa silid na iyon ngunit hindi pa man sila nakakalayo ay sunud-sunod na ang mga putok ng baril ang humahabol sa kanila. Halos hindi nila alam kung saan sila magtatago kung kaya dinaraan na lang nila sa swerte ang lahat. "Habulin sila, at huwag hahayaang makaalis sa lugar na ito." Iyon ang mga salitang narinig ni Acutus na nagmula kay Nitidus. Hindi niya pa rin matanggap na sa ganito hahantong ang lahat. Akmang pagharap niya sa gawi ng labasan ay ang pagbagsak ng kaniyang katawan sa sahig at ang tuluyang pagkawala ng kaniyang malay. Nagising si Acutus dahil sa lamig ng paligid at ang maingay na lagaslas ng tubig mula sa talon ang tangi niyang naririnig habang ang kaniyang mga kamay at paa ay nakagapos ng kadena na animo'y isa siyang bakang handa nang katayin. Gula-gulanit ang kaniyang damit at halos butas-butas na rin ang kaniyang pantalon. Pinagmasdan ni Acutus ang paligid nang bigla niyang maalala ang lalakeng tumulong sa kaniya kanina lang. Siguro ay nakatakas ito. Kung gayon ay may tsansa ring makaalis siya sa lugar na iyon sa pamamagitan ng lalakeng iyon. Iyon na lang ang tangi niyang pinanghahawakan nang mga oras na iyon. Nagawi ang paningin niya sa may pintuan nang marinig niya ang pagbukas nito at iniluwa nito ang isang lalakeng may malaking pangangatawan at may suot na maskara ang mukha. Kinalagan siya nito kaya bumagsak siya sa sahig. Iniangat siya ng lalake saka sapilitang itinayo bago muling may pumasok sa loob ng silid na iyon, si Nitidus. "Iwan mo muna kami," sabi nito sa maskuladong lalake. "Wala ka man lang bang sasabihin sa akin, mahal ko?" tanong nito sa kaniya. "Hindi na kita kilala, Nitidus," tuwirang tugon niya. "Simula pa naman noon ay hindi mo na naman talaga ako kilala, Acutus. Akalain mong naniwala ka sa mga pakulo ko." Lumapit siya kay Acutus at marahang yumuko. "Ako ang nagpapatay kay Gaza." Nanlaki naman ang mga mata ni Acutus sa narinig. Ibig sabihin ay sa simula pa lang ay planado na ang lahat pero hindi niya man lang napagtanto ito. Sa halip ay nahulog pa siya sa patibong na gawa nito. "Pero wala siyang alam na ako ang pumaslang sa kaniya.” Tumawa ito bago muling nagsalita. “Nang malaman ko ang tungkol sa kwintas ay isa lang ang tumakbo sa utak ko. Ang mapasaakin iyon. Kung magiging imortal ako ay maaari ko nang maipaghiganti ang mga ninuno ko. Maaari ko nang ubusin lahat ng pumaslang sa mga magulang ko!" Kasabay ng mga hinagpis ng nakaraan ay ang pagtulo ng mga luha ni Nitidus. "Pero narinig mo naman hindi ba? Si Adamas ang siyang pumaslang sa mga magulang mo at maging sa mga magulang ko. Hindi mo kailangang maghiganti," malumanay na tugon ni Acutus. "Dahil nga wala kang alam sa totoong kwento, Acutus. Bulag ka sa katotohanan. Hindi lahat ng naririnig mo ay totoo, at hindi lahat ng sinasabi nila ay dapat mong paniwalaan," dagdag pa ni Nitidus habang patuloy ang sakit na dumadaloy sa kaniyang puso. "Ibig bang sabihin... pati ang mga nararamdaman mo ay isa ring malaking kasinungalingan?" Kung tutuusin ay tama si Nitidus, masyado siyang mabilis magtiwala. Hindi niya muna inisip kung totoo ba ang lahat ng naririnig niya. "Iyan ang pinakamalaking palaisipang iiwanan ko sa iyo, Acutus." Tumayo na ito matapos ang huling pangungusap na iyon at tuluyang lumabas sa silid. Ano nga ba ang tunay na nararamdaman ni Nitidus para sa kaniya? Pati ba naman iyon ay kailangan niyang isipin pa? Pero sa kabilang banda ay isa lang ang tumatakbo sa isip ngayon ni Acutus, si Nitidus, ang kaligtasan nito at ang dating sila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD