CHAPTER 21

1219 Words
Acutus' POV Dalawang araw na ang nakakalipas nang mangyari ang lahat. Hindi ko akalain na sa tinagal-tagal na nawala si Bellus ay matatagpuan ko siya sa Valle Mortis bilang tagapangalaga ng kwintas. Ang kwintas na pag-aari ng pamilya namin at maaari daw makapagbigay ng buhay na walang hanggan. Kinuha ko ang kwintas mula sa aking bulsa at matamang tinitigan ito. Ang kwintas na siyang dahilan kung bakit nagiging makasarili ang mga tao gaya na lamang ni Adamas, ang lolo ni Nitidus na siyang pumaslang sa aking buong angkan. Maswerte na lang talaga at nabuhay pa ako. "Malalim yata ang iniisip mo," sabi ni Nitidus. "Nitidus, ang kwintas na ito ang dahilan kung bakit nawala si Bellus. Ito rin ang dahilan kung bakit maraming buhay ang nasayang. Ayokong dumating sa puntong pati ikaw ay mawala sa akin. Ikaw na lang ang tanging yaman ko na pinakaiingatan. Natatakot akong baka sa susunod ang buhay mo naman ang kuhanin sa akin ng kwintas na ito." Nakayuko lang ako habang sinasambit ang mga katagang iyon. Nanginginig ang mga kamay ko habang pinagmamasdan ang kwintas. Ang kwintas na nagniningning sa sinag ng buwan. Hindi mo aakalaing may itinatago pa lang misteryoso ang kwintas na ito. "Acutus, hindi ako mawawala sa iyo. Hinding-hindi iyon mangyayari." Gumaan naman ang pakiramdam ko sa tinuran ni Nitidus. Marahil ay masyado lamang akong nag-iisip. Nagitla naman ako bigla nang maalala ang mga tinuran ni Bellus. "Marami ka pang hindi nalalaman sa landas na tinatahak mo, Acutus." Ano kayang ibig niyang sabihin na marami pa akong hindi nalalaman sa landas na tinatahak ko? Malinaw na naman sa akin ang lahat. Kung sino ako at kung ano ang mayroon sa kwintas na ito. Ano pa ba ang hindi ko alam? May mga alam kaya si Bellus na dapat kong malaman. Subalit wala naman siyang sinabi sa akin. Naguguluhan na ako. Ano ba ang dapat kong gawin? Kung ibibigay ko ito kay Adamas ay matatapos na ang problema namin ni Nitidus ngunit hindi rin naman ako nakatitiyak na hindi niya ako papaslangin. Sumulyap ako kay Nitidus nang mapansin kong tahimik lang siyang nakatingin sa akin at sa kwintas. "B-bakit?" tanong ko. "W-wala naman." Ngumiti ito bago sumandal sa balikat ko. "Natatanaw ko na ang palasyo. Handa na ba kayo?" wika ni Immitis. Tama siya, malapit na nga kami sa palasyo. Handa na ba talaga ako sa lahat ng mga mangyayari? Ilang minuto pa ang lumipas nang makalapit kami sa palasyo. Kaagad kaming lumundag sa bubong nito at naghanda. "Kailangan nating maging maingat. Maraming kalaban sa loob. Nitidus, huwag kang lalayo sa tabi ko kahit na anong mangyari," bilin ko bago kami nagpadulas pababa sa bukana nito at hindi nga kami nagkamali sapagkat kaagad kaming nakita ng tatlong bantay at inatake. Sakto naman din at tatlo kami kaya patas lang ang laban. Umatake ang isang bantay kay Nitidus sa pamamagitan ng paggamit ng espada na kaagad ko namang sinalag gamit ang aking baril. Ipinukpok ko ito sa kaniyang batok kung kaya nawalan kaagad ito ng malay. "Acutus, sa likod mo!" sigaw ni Nitidus kung kaya nagkaroon ako ng pagkakataon para makailag. Kaagad kong sinipa sa tiyan ang isa pang bantay na nagpabagsak naman sa kaniya sa sahig. Muli itong tumayo at iwinasiwas ang kaniyang espada sa aming direksyon at kaagad ko rin naman itong iniwasan. Buong pwersa kong itinulak ang kaniyang likuran gamit ang aking palad kung kaya napunta siya sa harap ni Nitidus. Kaagad itong sinuntok ni Nitidus sa sikmura kaya napaluhod ito at nabitawan ang espada. Dahil doon ay nagkaroon ng pagkakataon si Nitidus upang kuhanin ito at tahasang itinarak sa dibdib ng bantay. "Immitis," nilingon ko si Immitis nang maalala kong kasama pala namin siya. "Ayos lang ako, Acutus. Wala kang dapat na ipag-alala," sabi nito habang pinapagpag pa ang kaniyang mga kamay. Paghakbang namin ay nagulat kaming tatlo nang biglang bumukas ang pintuan sa aming harapan. Ang ilan pang mga tauhan ay sumulpot mula rito. Dali-daling binunot ni Nitidus ang kanyang baril at ipinutok sa isa sa mga tauhan. Bumagsak itong duguan sa sahig kung kaya nakaramdam ng takot ang mga kasama nito subalit iyon rin ang naging dahilan kung kaya naalarma ang buong palasyo. Isang tunog ang gumising sa mga bantay na naroon. "Patay, mukhang mapapalaban tayo," sabi ni Immitis bago inihilamos ang kaniyang kamay sa mukha. "Ako na ang bahala sa mga ito. Umalis na kayo. Ikaw na ang bahala kay Nitidus," bilin ko matapos iabot ang kamay ni Nitidus kay Immitis. "Makakaasa ka," tanging tugon ni Immitis bago sila tuluyang tumakbo paalis sa lugar na iyon. Sa dami ng tauhan ni Adamas ay hindi ko na alam kung sino ang uunahin. Bahala na. Iyon na lang tumatakbo sa isip ko. Ang mahalaga ngayon ay matapos na ang gusot na ito. Binunot ko ang aking baril at isa-isang pinaputukan ang mga kalaban. Ang ilan pa nga ay nakakailag at ang ilan naman ay kaagad ring bumabagsak. Nang maubusan ako ng bala ay kaagad akong tumakbo upang magtago sa makapal na haligi ng palasyo. Nakaupo ako habang sila naman ay kani-kaniyang paputok din ng baril kaya halos mawasak na rin ang pinagtataguan ko. Mabuti na lang din at nakapaglagay na ako ng sapat na bala bago pa man may biglang sumulpot sa aking harapan. "Katapusan mo na!" At isang malakas na putok ng baril ang umalingawngaw sa kabuuan ng silid. Nagulat pa ako nang bumagsak ang lalaki sa sahig. Hindi ko pa kasi nakakalabit ang gatilyo ng aking baril pero paano siyang namatay? "Utang mo sa akin ang buhay mo, bata." Lumingon ako sa aking likuran at natagpuan ang isang lalaking may tangan na baril kagaya ng kay Nitidus. Kulay lamang ang ipinagiba nito. Inilahad niya ang kaniyang kamay na kaagad ko rin namang inabot saka tumayo. "Mamaya ka na magpasalamat at mamaya na rin ako magpapakilala," sabi nito at muli ay nagpaputok ito ng baril sa kalaban. Lumipas ang ilang minuto. Marami na ang duguan na nakahandusay sa sahig at wala ng buhay. Iilan na lamang kaming humihinga nang biglang pumasok ang puno't dulo ng lahat. "Adamas…" mahina ngunit tiim bagang na sabi ko. "Sino ang mag-aakalang tatagal ka hanggang dito, Acutus? Anak ka nga talaga ng iyong ama. Hindi maitatangging nananalaytay sa'yo ang dugo ng swerte," sabi nito. "Dala ko na ang kailangan mo. Kapalit ng kalayaan namin ni Nitidus," wika ko. Inilahad nito ang kamay nito kung kaya inilabas ko na ang kwintas na matagal na niyang inaasam na makuha. "Tuso siya, bata. Huwag kang papalinlang." Iniharang pa ng lalaking tumulong sa akin ang kaniyang braso para pigilan akong lumapit sa matanda. "Huwag mo akong paghintayin. Naiinip na ako," sabi nito kapagkuwan ay sumenyas ito at kaagad ipinasok ng mga kawal ang walang malay na si Immitis at si Nitidus. "Nitidus!" sigaw ko. "Acutus!" "Ibibigay ko na ang nais mo, pakawalan mo sila!" Hindi ako papalinlang sa kaniya. Kaya mabuti na ang handa. Kaagad na sinipa ni Adamas ang walang malay na si Immitis palapit sa kinatatayuan ko. "Si Nitidus," sabi ko nang mapansing hindi niya ibinibigay si Nitidus sa akin. "Ibigay mo muna sa akin ang kwintas," gigil na sabi nito. "Nauubusan na ako ng pasensya sa'yo, Acutus!" Kung kaya inihagis ko ang kwintas sa sahig at kaagad rin namang dinampot iyon ng matanda. Isang malakas na tawa ang bumalot sa buong lugar. "Sa akin na ang buhay na walang hanggan! Ako ay magiging isa nang imortal." Ngunit hindi ko inakala ang mga sumunod na pangyayari. Parang bumagal ang lahat. Parang nagbago na ang lahat. Si Adamas unti-unting bumabagsak sa sahig. Isang putok ng baril. At ang duguang mukha ni Nitidus.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD