CHAPTER 17

1317 Words
"Lolo," panimulang bati ni Inxs kay Adamas pagkalabas ng silid na itinalaga nito para sa kanila. "Kumusta kayo ng aking apo?" tanong nito. "Katulad ng inaasahan ninyo, nagmatigas siya at nanlaban," sagot naman ng huli. "Sisiguraduhin kong mamamatay ang lalakeng kinababaliwan niya." Tumayo ang matanda at naglakad patungong bulwagan kung saan ngayon nagtitipon ang kaniyang mga alagad. "Lolo, naiinip na akong maikasal kami ni Nitidus. Hanggang kailan pa ba ako maghihintay?" tanong ni Inxs matapos sundan ang matanda. Ngumiti si Adamas pagkaraa'y ipinatawag nito si Pecunia. Ilang minuto pa lang ang lumilipas nang magbalik ang kawal kasama si Pecunia. "Ano po ang maipaglilingkod ko, Master Adamas?" nakayukong tanong nito. "Kamusta ang paglalakbay ng binatang si Acutus sa Valle Mortis?" "Nawala po siya sa aming radar. Malamang ay nasa isang lugar siya kung saan nababalutan ng malakas na mahika, o maaari ring patay na siya," pahayag ng lalake sakto sa pagpasok ni Nitidus sa bulwagan. "Apo, nariyan ka na pala. Narinig mo ba ang sinabi ni Pecunia? Maaari raw na patay na ang Acutus na iyon. Hindi ka man lang ba magluluksa?" nakangiting sabi ni Adamas. "Mabuti kung ganoon nga." Dumeretso si Nitidus patungong bulwagan at walang emosyong pinagmasdan ang mga kawal. "Alam ko Nitidus ang mga dahilan mo kung kaya't nagpaiwan ka rito at hindi sumama sa kaniya," sabi ng matanda. "Lolo, wala na akong planong suwayin pa ang inyong mga utos magmula ngayon. Lahat ng ipag-uutos ninyo ay malugod kong susundin." Walang kaemo-emosyon ang itsura ni Nitidus. Diretso lang itong nagtungo sa trono ng matanda at hinawakan ang mga diyamanteng nakabaon dito. Ngingiti pa ito habang pinagmamasdan iyon at tila may kakaibang naglalaro sa isipan nito nang mga oras na iyon. "Magaling kung ganoon. Ngayon mismo ay ipatatawag ko ang ilang mga kawal upang iyong makasama patungong Valle Mortis upang paslangin ang binata at kunin ang kwintas. Umaasa akong madadala mo rito ang kwintas kasama ng pagbabalik mo," sabi ni Adamas bago niyakap ang dalaga. "Opo, lolo. Makakaasa po kayo," tanging nasambit ni Nitidus bago nagbalik sa kanyang silid. *** Tahimik na lumapit si Nitidus sa harap ng kaniyang salamin matapos makabalik ng kaniyang silid. Panandaliang tinitigan ang sarili bago kinuha ang gunting na nakapatong roon sa ibabaw ng lamesita at kaagad niya itong ginamit sa kaniyang buhok. Ang dati ay mahaba niyang buhok ay pinutol niya ng sobrang ikli. Hindi niya pa rin lubusang matanggap na sa ganito hahantong ang lahat. Wala na ang lahat sa kaniya. Ano pa bang maipagmamalaki niya kay Acutus? Kinaumagahan ay kaagad na nagtungo sila Nitidus kasama si Pecunia sa Valley Mortis. Walang pagdadalawang isip na dumeretso si Nitidus sa tulay na bato patungong tarangkahan. Kung mamamatay man siya ay nakahanda na siya. Hinding-hindi na siya natatakot na mawala sa mundo dahil sa kadahilanang alam niyang pinatay na rin naman siya Inxs nang kuhanin siya nito nang sapilitan. Tahimik lang ang buong paligid at tila walang nagbabadyang panganib. Mabilis lang nilang pinasok ang loob ng lugar at nagpaikut-ikot roon. Napatigilin sila nang mapansin na tila iyon at iyon lang ang tinatahak nilang landas. "Nakita ko na ang lugar na ito. Hindi ako maaaring magkamali." Pagkarinig noon ni Nitidus ay nagpalinga-linga siya at sinuri ang buong paligid. Tama nga siya, naroon pa rin ang kwebang kanina pa nila nadadaanan. Nagpasya si Nitidus na pasukin ang kweba habang tangan ang baril na pag-aari niya. Nagulat pa siya nang makalapit siya rito ay bigla itong nagliwanag. Napaatras pa siya sa labis na pagkabigla hanggang sa may lumabas mula rito at hinila siya papasok. Naramdaman na lamang ni Nitidus na parang unti-unti siyang bumabagsak sa isang malalim na bangin kaya ganoon na lamang ang kaniyang pagsigaw nang mapagtantong isang bangin nga ang kaniyang binabagsakan. Pumikit siya sa isiping iyon na ang katapusan niya ngunit hindi ganoon ang nangyari dahil naramdaman na lamang niya ang dahan-dahang paglapat ng kaniyang katawan sa isang malambot na bagay. Tumingin siya sa paligid at natagpuan ang sarili sa isang malambot na kama sa loob ng isang napakalawak na silid. Bumangon siya at tiningnan ang sariling repleksiyon sa salamin. "Kumusta ka na, Nitidus?" Napaatras si Nitidus nang magsalita ang sarili niyang repleksiyon sa salamin. "Alam ko ang dahilan ng iyong pagparito. Si Acutus hindi ba?" "Anong klaseng nilalang ka?" tanong ni Nitidus sa sariling repleksiyon. "Ako ay ikaw, at ikaw ay ako." Halos hindi makapaniwala si Nitidus sa narinig? Nananaginip lang ba siya? Pagkasabi noon ay lumabas ang kamay ng kaniyang repleksiyon sa salamin hanggang sa buong katawan na nito. Hinawakan siya nito sa pisngi at saka tahasang binigyan ng malakas na sampal na siyang naging dahilan ng kaniyang pagbagsak sa sahig. "Kung hindi mo kayang pahalagahan at mahalin si Acutus sa kabila ng lahat, ay ako na mismo ang gagawa no'n.” Nanlaki ang mga mata niya sa narinig. Kasabay noon ay ang pag-angat ng katawan niya sa sahig. Kusang gumalaw ang mga kamay niya paitaas sa kanyang ulo at nagulat na lang siya nang makaramdam ng kirot sa kanyang pulso. Napatingin siya sa kanyang mga kamay na ngayon ay nakatali ng mga tinik ng rosas. Kaagad siyang hinila nito papasok sa loob ng salamin. Doon lang nawala ang mga tinik na rosas na gumagapang sa sahig nang tuluyan na siyang makulong sa salamin. "Diyan ka muna, ako na muna ang mangangalaga sa lalakeng niloloko mo kahit pilit kang inaahon sa buhay na kinasadlakan mo." Saka ito tumalikod at tuluyang nawala. Pinilit ni Nitidus na makawala ngunit wala siyang magawa. Kahit na anong sigaw ang kaniyang gawin ay walang ibang nakaririnig sa kaniya. "Acutus!" buong lakas na sigaw niya ngunit sa tingin niya ay walang boses na lumalabas sa kaniyang lalamunan. Hindi niya mawari kung anong gagawin. Kung mayroon lang sanang magliligtas sa kaniya ngunit wala. Tanging sarili niya lamang ang masasandalan niya ngayon hanggang sa makarinig siya ng pagkalabog mula sa pinto. "TULONG!" Pinilit niyang isigaw ang boses niya ngunit kahit ibuhos niya ang kaniyang buong lakas ay walang nangyayari. Napaluhod na lamang siya sa loob ng salamin habang pinagmamasdan si Immitis na nililibot ang kabuuan ng silid. Sinubukan niyang kalampagin ang salamin ngunit wala ring nangyayari hanggang sa tuluyan na itong makalabas sa silid. Samantala, paikut-ikot naman sila Pecunia sa Valle Mortis habang hinahanap si Nitidus hanggang sa mapadpad sila sa Fluvius Calva. Ang Fluvius Calva ang tinaguriang ilog ng mga bungo. Minsan na nilang narinig na marami ang binabawian ng buhay sa ilog na iyon dahil sa init at asidong umaagos doon. Iyon lang kasi ang daan patungo sa palasyo ng Valle Mortis kung kaya ang lahat ay walang pagpipilian kung hindi ang dumaan doon. Tanging ang mga piling nilalang lamang ang direktang nakararating sa palasyo kung ang mga ito ay kusang iimbitahan ng Veneficus na nagbabantay sa lugar. "Sabi-sabi lang naman ang tungkol sa ilog na ito. Tingnan n'yo nga, mukhang normal na ilog lang naman ito. Walang palatandaan na mainit ito," pagyayabang ng isa sa mga tauhang kasama ni Pecunia. "Kung ganoon ang iyong palagay ay magpatiuna ka," pagkasabi ay kaagad na itinulak ni Pecunia ang kawal patungo sa ilog upang mauna ito sa paglusong sa ilog. Napasigaw ang kawal nang unti-unting nalalapnos ang kaniyang balat dahil sa labis na init ng tubig habang dahan-dahang nilalamon ng asido ang kaniyang mga binti. "Pinuno, tulungan n'yo ko!" pagmamakaawa nito at sinubukan pang abutin si Pecunia ngunit himbis na saklolohan ay pinanuod niya lang ito hanggang sa tuluyang maging kalansay at anurin ng tubig. Kaagad na nakaisip ng paraan si Pecunia upang tawirin ang ilog. Isa-isa niyang hinatak ang mga kawal at pinagbabato sa ilog. Pinilit pa ng mga ito na makaahon ngunit hindi na nila nagawa at nagmistula na lang daanan nang isa-isa silang lundagan ni Pecunia upang may matuntungan ito patawid ng ilog. Sa huli ay nagmistulang ilog ng dugo ang buong ilog nang tuluyang mawalan ng mga buhay ang mga kawal at anurin ang kanilang mga buto. *** Fluvius Calva - Skull River
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD