Prologue
Madalas sabihin ni Mama sa akin na mahirap kapag hindi ako nag-asawa. Mahirap daw ang tumandang dalaga. Mahirap daw ang mag-isa sa buhay.
Pero hindi ba mas mahirap kung sa kapipilit kong humanap ng mapapangasawa ay puro naman maling tao ang matagpuan ko?
Una sa lahat, wala naman akong pakialam kung magkaasawa man ako o hindi. Pero ang sabi ni Mama, baka raw pagsisihan ko.
Ganoon ba talaga kahalaga ang pag-aasawa?
Napatingin ako sa taas habang nasa loob ng banyo. May kaunting siwang doon sa sulok at mula sa pagkakaupo ko sa inidoro ay kitang-kita ko ang bilog na buwan. Ang liwanag niyon ay nagsilbing ilaw sa madilim at walang ilaw naming palikuran. Hindi naman nakakatakot dahil panatag akong wala namang sisilip doon.
Matapos kong maitaas ang panty at suot kong shorts ay lumabas na ako ng banyo. Simula kagabi ay iyon ang nasa aking isip dahil na rin sa aking ina. Hindi ko rin kasi mapigilang hindi mapaisip kung required na ba sa edad ko ang pag-aasawa.
Sakto namang nasa kusina si Mama kaya nakita niya ako. Paglabas kasi ng banyo ay madadaanan ang kusina kapag pupunta ka ng sala. Ganoon ang loob ng bahay namin.
“Kailan ka ba matututong magluto?” mataray na sabi niya sa akin.
Nakataas ang kaniyang kilay habang nakatingin sa akin. Mula sa harap ng pinto ng banyo ay kitang-kita ko rin ang kintab ng kaniyang mukha dahil kahit apatnapu’t lima na si Mama ay mas masipag pa siyang magpahid ng rejuvenating skin care kumpara sa akin. Bukod sa nakakatamad ay wala naman akong pinagpapagandahan.
Sumimangot ako. Ako na kalalabas lang ng banyo ay nagkrus ng aking mga braso. Sabi ko, “Marunong po akong magluto, hindi lang ako nagluluto.”
Ang init kaya sa harap ng lutuan, naisip ko. Agad niya akong dinuro-duro ng sandok nang makalapit ako sa kaniya.
“Mag-aasawa ka na’t lahat, hindi ka pa maalam,” sabi pa niya sabay halo doon sa niluluto niyang adobong kikiam. Pang-ulam namin ngayong gabi.
“Marunong nga po akong magluto. Saka ano, mag-aasawa? Iyan na naman kayo e. Mama, wala akong balak mag-asawa,” sagot ko sa kaniya saka siya pinanood doon. Akala mo naman ay napakasarap niyong niluluto niya kung makahalo.
Tiningnan niya ako. Hindi niya siguro inasahan ang sinabi ko.
Dagdag ko, “Isa pa, 21 pa lang po ako. Gusto ko munang magpayaman kung mag-aasawa man ako.”
Magpayaman.
Pero ito ako, nag-aaral pa rin ng letseng Law na iyan. Halata naman ang hirap ko at ng pamilya ko dahil kikiam lang ang uulamin namin ngayon. Pero maigi na rin kaysa sa tubig at asin.
“Calli, mahirap ang walang asawa. Mahirap din ang walang anak. Pagtanda mo, sino’ng mag-aalaga sa iyo? Walang maghuhugas ng puwet mo,” aniya.
Tiningnan ko na lamang si Mama.
Iyon lang ba ang magiging problema kung hindi ako mag-asawa? Dahil walang maghuhugas sa puwet ko?
“Bahala na, Mama. Kung may darating, sige lang,” sambit ko. “Puwede naman akong mag-ampon na lang. O kaya ay mag-hire ng guwapong baby maker—aray!”
“Gaga! Hindi ka nag-aaral para magpatira lang sa hotdog ng kung sinu-sino lang. Ayus-ayusin mo ang desisyon mo sa buhay, ha!”
Napahagikgik ako habang hinihimas ang aking tagiliran na kinurot ni Mama. Hotdog?
“Mama, ang bastos ng bunganga mo. Hotdog?” natatawa kong sabi.
Mas lalo namang nalukot ang kaniyang mukha. Aniya, “Ano’ng bastos doon? Ano’ng gusto mong marinig? Iyong ti—”
“Mama!”
Si Mama naman ngayon ang tumatawa habang ako ay nakatakip sa aking mga tainga. Mahirap na. Mas okay na iyong hotdog ang marinig ko kaysa sa ti—nevermind.
“Maiba ako. Kumusta na nga pala si Jonesses? Nag-uusap pa ba kayo?” tanong niya sabay balik sa paghahalo ng kaniyang niluluto. “Ilang taon na ba simula nang umalis ang batang iyon, lima?”
Sa totoo lang ay hindi ko inaasahan ang tanong na iyon mula kay Mama. Tama. Limang taon nang wala si Jonesses pero paanong naalala niyang bigla ang lalaking iyon?
Bago ko siya sagutin ay naupo ako sa mesa na malapit lang sa kaniyang puwesto.
Sagot ko, “Wala na akong balita sa kaniya, Ma. Bakit bigla ninyong natanong?”
Nagkibit-balikat ang aking ina.
“Panigurado, lumaking guwapo ang batang iyon.”
Napatango naman ako. “Sadya namang guwapo iyon. Pagkakaguluhan ba iyon ng mga bakla kung hindi?” sambit ko. “Mas marunong tumingin ang mga bakla ng guwapo sa hindi.”
“Bakit ang dami mong alam?” nakatikwas na ngusong sabi niya. “Pero type mo?”
“Ano ho?” tila nabingi ko namang tugon.
“Guwapo, ‘di ba?”
“Ano naman po ngayon?”
“Bakit hindi mo kontakin?”
“Para saan?”
“Usap kayo.”
“Tungkol saan?”
“Kahit ano, Calli.”
“Sus! Hindi na ako kilala no’n!”
“Ligawan mo si Jonesses para magka-asawa ka na. Para rin—”
“Asawa? Agad? Mama naman!”
“Joke lang. Pero malay mo—”
“Mama, isa!”
Muli niya akong tinawanan bago nagsimulang maghain ng kakainin namin. Napabuntong-hininga na lamang ako bago pumangalumbaba. Nakaka-stress! Ang daming kuda ng aking ina!
“Calli, maghanda ka ng mga pinggan at kutsara diyan,” utos ni Mama. “Huwag kang pumangalumbaba riyan. Ang pangit mong tingnan!”
“Si Mama, bully,” sambit ko at walang ganang tumayo saka dumiretso sa pingganan. “Huwag na kayong magtataka kung hindi ako makapag-asawa, pangit pala ako e!”
“Wala akong sinabi.”
“Nahiya naman ako sa magulang kong napakaganda!”
“Pinupuri mo ba ako?”
“Hindi ho. Ang ibig kong sabihin, kung pangit man ako, kasalanan ninyo iyon!”
Akma na sana akong hahampasin ni Mama ng kaniyang sandok kaya lang ay agad akong nakaiwas.
“Umayos ka riyan!”
“Opo,” natatawa kong tugon.
Ngunit kahit gaano ko man itanggi kay Mama na ayaw kong mag-asawa ay hindi ko rin napigilan ang aking sarili na magkagusto sa lalaki. Ang malala, kung gaano ako kabilis tumanggi ay ganoon din naman pala akong kabilis mahuhulog at... masasaktan.