Five years earlier...
“Wala akong balak mag-asawa—aray!”
“You’re just 16, Calli. Stop talking about nonsense.”
Napairap ako kay Jonesses habang inaayos ang aking buhok. Bahagya niya kasing hinila ang hibla nito kaya bahagyang nagulo.
“Nonsense ba iyon? Bakit? Ikaw ba, may balak ka bang mag-asawa?” tanong ko saka siya hinabol nang maglakad siya nang mabilis sa hallway.
“Maybe,” aniya sabay pamulsa. “Maybe not.”
Nang maabutan ko siya ay sinabayan ko siya sa paglalakad papuntang classroom namin.
“Hindi ka rin sure?”
“It depends, Calli. Pero syempre, I wanted to have a wife.”
Bigla akong kinilabutan sa kaniyang sinabi. Hinimas ko ang aking mga braso dahil pakiramdam ko ay nagtaasan ang aking mga balahibo. Pero kahit na ganoon ay gusto kong mag-usisa kung ano ba ang mga tipo ni Jonesses.
Si Jonesses ay kapitbahay lang namin. Bukod sa parehas naman kami ng pinapasukang eskuwelahan ay magkaklase pa kami ngayong Senior high school kaya naging magkaibigan kami.
Kaibigan lang. Wala akong ibang motibo sa kaniya. Sadyang siya lang ang makulit at gusto ako palaging asarin.
“Ano ba’ng type mo?” tanong ko.
Binalingan muli ako ng tingin ni Jonesses saka niya sinabing, “Type ko? Basta ang alam ko, hindi ikaw.”
Agad siyang tumakbo palayo sa akin habang tumatawa. Ako naman ay bahagyang naging bobo dahil hindi ko agad na-process sa utak ko ang kaniyang sinabi. Ngunit nang maintindihan ko na ang kaniyang sinabi ay tila nag-usok bigla ang aking ilong.
“Jonesses! Siraulo ka! Ano’ng gusto mong iparating, ha? Tarantado ka!” sigaw ko saka tumakbo habang nanggigigil.
Nang maabutan ko siya sa loob ng classroom ay agad akong napatigil sa may pinto nang makita ko siyang pinaliligiran—pinaliligiran ng mga baklang pinagsama-sama mula pa sa iba’t ibang section.
May anim na bakla siguro iyon. Lahat sila ay tumitili. At dahil matangkad si Jonesses ay kitang-kita ko mula sa kinatatayuan ko kung ano ang reaksiyon niya.
Lukot ang kaniyang mukha, halatang nandidiri. Iyon bang mukhang nasusuka? Pero dahil iisa siya laban sa anim ay nagpakabait pa siya nang kaunti.
“Ano ba’ng kailangan ninyo? Malapit nang magsimula ang klase ko, hindi pa ba kayo aalis?” aniya.
Pero makulit sila. Gusto nilang makuha ang cellphone number ni Jonesses at mukhang hindi sila aalis hangga’t hindi nila iyon nakukuha.
“Ang bilis ng karma,” nakangisi kong sambit saka pinagkrus ang aking mga braso.
Mayamaya’y nakita ko nang nakatingin sa akin si Jonesses at nakamulaga pa sa akin. Naituro ko pa ang aking sarili dahil panay ang nguso niya sa akin sabay tingin doon sa mga bading.
“Ano’ng gusto mong gawin ko?” impit na boses na tanong ko.
Nagtataka man ay unti-unti akong lumapit sa kanila habang nakangibit at nagkakamot sa aking batok.
“Please, umalis na kayo rito,” pakiusap pa ni Jonesses na hindi pa rin pinapansin ng mga bading na kursunada siya. Hindi rin siya pinaabot sa kaniyang upuan at doon talaga sila nagkakagulo sa may gitna.
“Number mo lang naman, bakit ba ayaw mong ibigay? Hindi ba’t wala ka namang jowa?” ani ng isang bading na lantik na lantik ang mga daliri.
“Hindi ka naman namin guguluhin kung may jowa ka na. Pero kalat kasi na wala ka namang girlfriend, so ano? Give us your number na!”
Agad na napahilamos si Jonesses dahil doon. Pero nang mapatingin siya ulit sa akin at saglit na napatitig ay bigla akong kinabahan.
“Hindi ninyo na ba ako guguluhin kapag nalaman ninyong may girlfriend na ako?”
Ang lahat ng bading ay tumango na parang asong sumunod sa kanilang amo.
“Fine. I have a girlfriend. Okay na? Umalis na kayo.”
Sa halip na umalis ay agad na umiling ang mga bakla sa harapan niya. Gulat man ay mas nangibabaw ang pag-uusisa.
“Nasaan? Sino? Bakit hindi kami na-infromed? Ay naku, Jonesses! Nagjo-joke ka lang, e!”
Pati ako ay napataas din ang kilay. Sa pagkakaalam ko kasi ay wala naman talagang nobya itong si Jonesses. Ni wala nga rin siyang ipinakikilala sa kanila kaya paanong may girlfriend na siya ngayon?
“Nasa likod ninyo,” sambit ni Jonesses sabay tingin sa akin.
Agad na lumingon ang mga bading sa gawi ko. At dahil nasa likod daw ng mga ito ang kung anumang sinasabi ni Jonesses ay agad din naman akong napalingon sa aking likuran. Pero wala naman akong nakita.
“Ito?”
Agad akong napabalik ng tingin sa kanila at nakita kong ako na ang pinagpi-piyestahan ng kanilang mga mata.
Nakatingin sila sa akin. Punong-puno iyon ng kuryosidad at pagtataka.
“Ano’ng mayroon?” tanong ko.
“She’s Calli, my girlfriend,” sambit pa ni Jonesses na nakapagpasamid sa akin.
“Itong mukhang kawayan? Itong babaeng straight ang katawan at wala man lang ka-curve-curve ang katawan ang girlfriend mo? Ganito ang taste mo?” tila nandidiring sabi nitong bading na malaki ang tiyan.
Makailang-beses akong napakurap habang nakanganga. Hindi ko kasi matanggap ang pangungutya ng mga ito lalo na ang sinabi ni Jonesses na ngayon ay nakikita kong nagpipigil sa kaniyang pagtawa.
“Hindi ako—”
“Tara na. Sa ganito lang pala mahuhulog si Jonesses! Ang cheap ng hitsura!”
“Hoy—aray! Aray ko!”
Hindi ko na nagawa pang magreklamo tungkol sa mga pinagsasabi nila dahil isa-isa nila akong binangga habang lumalabas ng classroom.
Natuod ako sa kinatatayuan ko pagkatapos. Nang makaalis silang lahat ay agad kong tiningnan nang masama si Jonesses na nakangisi habang nakatingin din sa akin.
“Kasasabi mo lamang kanina na hindi ako ang type mo tapos ako ang isasangkalang mo sa mga bading na iyon? Ako ba ay talagang pinipikon mo?” asik ko sa kaniya sabay lapit. Ngunit dahil matangkad nga siya ay halos tumingkayad na ako para lang harapin ang mukha niya.
“Hindi naman talaga kita type, Calli,” aniya na malapad pa rin ang ngiti. “Pero mabilis kasing magbago ang panahon.”
Napatikwas ang nguso ko sa kaniyang sinabi kaya naman ay agad siyang nakatikim ng sabunot mula sa akin.
“Mabilis? Baka naman kasi maluwag na iyang turnilyo sa utak mo kaya kung anu-anong lumalabas diyan sa bibig mo!”
“Tama na, Calli! Masakit, hoy!” reklamo niya habang nakahawak sa aking braso at pilit na inaalis ang buhok niya sa pagkakasabunot ko.
Natatawa ako kasi panay ang bulong niya habang inaayos ang kaniyang buhok.
“Kahit na sinabi kong hindi kita type, mas gugustuhin naman kita kaysa sa mga bading na iyon.”
Nanliit ang aking mga mata makaraang magtagumpay siya sa pag-alis ng aking kamay mula sa kaniyang buhok.
“May sinabi ka?” taas-kilay kong tanong.
“Wala. Pero may sasabihin talaga ako.”
Nang tumayo siya nang maayos sa aking harapan habang hinahagod ang kaniyang buhok ay ngumiti siya.
“Huwag kang ngumiti nang ganyan. Kaya ka na lang pinagkakaguluhan ng mga bading sa paligid e,” reklamo ko pa saka siya inambahan ng sapak.
Habang tumatawa ay kaniyang sinabi, “Bakit? Masyado ba akong guwapo kapag nakangiti?”
Mas lumapad ang ngiti niya at halos mawala ang kaniyang mga mata dahil sa kaniyang ginawa.
“Assuming ka! Ang ayaw ko lang naman ay ang gawin mo akong panangga at palusot kapag ginugulo ka nila!”
“Sorry na. Pero Calli, kahit sinabi kong hindi kita type, mas type naman kita kaysa sa bading.”
Sinamaan ko siya nang tingin.
“Ewan ko sa iyo.”
Lumakad ako patungo sa aking upuan at hindi na siya pinansin. Pero nang maalala kong katabi ko nga pala siya ay napairap na lamang ako.
“Hindi mo ba ako naging crush, Calli?”
Nakanganga akong napalingon sa kaniya. Sabi ko, “Hoy! Seryoso ka sa tanong mo?”
“Sagutin mo na lang.”
Pinagkrus ko naman ang aking mga braso at pansamantala ko siyang tinitigan.
“Hindi mo alam ang sagot?” tanong ko pabalik.
Dahan-dahan siyang umiling na parang asong nagpapaawa.
“Syempre,” Ngumiti ako, “hindi.”
Napatunganga siya sa akin samantalang inayos ko naman ang aking mga gamit sa ibabaw ng aking table.
Hindi pangit si Jonesses. Pero hindi naman iyon dahilan para magustuhan ko siya. Hindi ko naman sinasabing ayaw ko sa kaniya, hindi ko nga lang siya type. Ewan ko pero sa pagiging kaibigan ko siya nagustuhan.
Nang maalala ko naman na may sasabihin nga pala siya ay agad ko siyang nilingon.
“Hoy?” untag ko.
Nakatingin pa rin pala siya sa akin. Sa tantiya ko’y kanina pa siyang nakatitig at parang ang lalim ng iniisip.
“Hoy, Jonesses?”
“Um?” mahina niyang tugon kaya napataas ang aking kilay.
“Akala ko ba may sasabihin ka? Ano iyon?”
“Ah, iyon ba?” Tumikhim siya saka umupo nang maayos. Hindi na siya nakatingin sa akin kung hindi sa unahan na.
“Ano nga?” halos naiinip ko nang tanong.
“Napaisip lang ako.”
Kumunot ang noo ko. “Na?”
“Napaisip lang ako na mabuti na lang at hindi talaga kita type.”
Agad kong pinadapuan ng hampas ang braso niya na halatang ikinagulat niya. Bahagya kasi siyang napaigtad. Sa lahat naman, akala ko seryoso na iyon pala, kalokohan pa rin!
“Pinaglololoko mo ba talaga ako?” singhal ko. Tumawa naman siya habang hinihimas ang braso niya.
“Calli, alam kong mami-miss mo ako. Tigilan mo na ang p*******t. Pagsisisihan mo iyan, sinasabi ko sa iyo.”
Pabiro at may halong panghahamon ang tono ni Jonesses habang nakangisi sa akin. Awtomatiko naman akong napairap dahil hindi ko mabasa ang takbo ngayon ng kaniyang utak.
“Ano bang mayroon at ganiyan ka?”
Bumuntong-hininga siya saka pansamantalang nanahimik.
“Huwag mo akong dinadaan sa mga paghinga mo nang malalim. Kung may sasabihin ka, sabihin mo na. At kung hindi, iiwan na kita riyan kasi naiihi pa ako.”
“Sige, ako rin.”
Nauna pa siyang tumayo sa akin. Sa pagtataka ko nama’y naisigaw ko, “Sasamahan mo akong umihi?”
Ang kararating lang na mga kaklase namin ay biglang natawa at napalingon sa amin. Ito namang si Jonesses ay mukhang nakaisip na naman ang kademonyohan nang bigla siyang ngumisi.
“Oo, sasamahan kita. Ayaw mo? Escort mo ako sa CR—”
“Gago.”
Agad kong naibato sa kaniya iyong wallet kong puno nang barya kaya naman ay agad siyang napahiyaw nang masapul ko siya sa kaniyang mukha.
“Calli, ang sakit na,” daing niya.
Sumimangot lamang ako saka tumayo. Lalapitan ko na sana siya para na rin kuhanin iyong wallet kong nasa sahig nang bigla naman siyang tumingin nang masama sa akin sabay labas ng pinto. Dire-diretso siyang naglakad paalis ng classroom.
Napatigil ako saglit habang pinanonood si Jonesses na naglalakad na palayo.
“Ang sakit nga niyon, Calli.”
“Mukhang nagalit.”
Napakagat ako sa aking labi dahil sa kumento ng mga kaklase namin. Agad kong pinulot iyong wallet ko saka siya hinabol. Tumakbo ako palabas ng classroom habang tinatawag siya sa kaniyang pangalan.
“Jonesses!” hinihingal kong sambit nang mahawakan ko ang kaniyang braso. Tumigil naman siya ngunit hindi niya ako nilingon.
“Hoy, sorry na. Masakit ba?” tanong ko pero hindi siya umimik.
Binitiwan ko siya saka naghabol ng hininga. Habang hawak ang aking dibdib ay muli akong nagsalita.
“Ang weird mo ngayon,” sabi ko.
“Mabuti na lang talaga at hindi kita type.”
Umikot siya paharap sa akin at doon ko nakita ang namumula niyang pisngi. Sa halip na maawa ako ay napikon na ako nang husto dahil sa kaniyang sinabi. Para siyang sirang plaka. Paulit-ulit.
“Ano bang problema mo? Bakit iyan na naman ang—”
“I’ll be leaving tomorrow. Kinukuha na ako ni Dad papuntang States. Doon na ako mag-aaral.”
Napipi ako pansamantala dahil sa kaniyang sinabi. Malinaw iyon sa aking pandinig ngunit parang hindi agad iyon kainin ng utak ko.
Nang maipahinga ko na ang hinihingal ko kaninang dibdib ay aking sinabi, “Nagbibiro ka ba?”
“Mabuti na lang at hindi kita type.”
Napapikit na ako dahil sa inis. Bukambibig na niya iyon kanina pa at nakakairita na iyon sa aking pandinig. Napailing ako.
“Jonesses, ano ba? Bakit—”
“Dahil kung nagkataon na gusto kita, mahihirapan akong umalis at iwanan ka.”
Kumabog nang malakas ang dibdib ko. Para iyong sasabog. Gusto kong magsalita pero nang titigan ko si Jonesses ay tila may pumipigil sa akin.
Seryoso ang mukha niya at ganoon rin ang boses. Hindi ko mabakas na nagbibiro siya. Iba ang mga mata niya. Pakiramdam ko ay nagsisinungaling siya.
Napalunok ako.
“Bakit parang iba ang sinabi mo sa totoong nararamdaman mo?” tanging nasabi ko.
Kinabukasan nga ay hindi ko na inabutan si Jonesses. Umalis siya nang hindi kami nag-uusap ni nagkakaayos man lang. Pumunta siya sa States dala ang pag-aaway naming iyon.
At ako? Naiwanan akong maraming tanong dahil sa sinabi niyang tila biglang nagpabago sa t***k ng puso ko.