“Calli? Hoy, ano ba? Kanina pa bumubuntong-hininga riyan. Ayos ka lang?”
Napalingon ako kay Line. “Ayos lang. Napapaisip lang ako dahil kay Mama.”
Si Line ay kapitbahay ko na naging kaibigan ko rin kalaunan. Kung ang bahay ni Jonesses ay nasa kaliwa ng bahay namin, ang bahay naman ni Line ay nasa aming kanan.
“Oh, bakit? Ano’ng nangyari?”
Bumuntong-hininga ako ulit. “Wala naman. Pinipilit na niya kasi akong maghanap ng mapapangasawa,” sabi ko sabay tawa naman niya.
Naituktok ko sa kaniyang bumbunan itong hawak kong tasa ng kape dahil sa pagtawa niya. Gabing-gabi na kasi kaya masyadong malakas kung tatawa pa siya.
“Aray Calli, ha,” daing niya sabay himas sa ulo niya.
“Hinaan mo nga iyang boses mo! Alas dies na ng gabi, tawang-tawa ka pa. Ano ba’ng nakakatawa?” saway ko sa kaniya.
Tumingin ako sa taas, partikular sa buwan. Nasa terrace kami ng bahay namin habang nagku-kuwentuhan.
Aniya, “Twenty-one ka pa lang, asawa na kamo? Ni wala ka ngang jowa e.”
“Iyon na nga e. Ayaw ko. Wala akong balak. Pero kasi, ang kulit ni Mama!” Sumimangot ako. “Nabanggit niya pa si Jonesses.”
“Ay.” Paglingon ko sa kaniya’y nakangisi siya at hinahawi ang kaniyang buhok. “O, tapos?”
“Ano’ng o tapos?” pagtataray ko.
Umirap siya. Sagot niya, “Bakit kako nabanggit ni Tita si Jonesses?”
“Maiba ako. Kumusta na nga pala si Jonesses? Nag-uusap pa ba kayo?” tanong niya sabay balik sa paghahalo ng kaniyang niluluto. “Ilang taon na ba simula nang umalis ang batang iyon, lima?”
Sa totoo lang ay hindi ko inaasahan ang tanong na iyon mula kay Mama. Tama. Limang taon nang wala si Jonesses pero paanong naalala niyang bigla ang lalaking iyon?
Bago ko siya sagutin ay naupo ako sa mesa na malapit lang sa kaniyang puwesto.
Sagot ko, “Wala na akong balita sa kaniya, Ma. Bakit bigla ninyong natanong?”
Nagkibit-balikat ang aking ina.
“Panigurado, lumaking guwapo ang batang iyon.”
Napatango naman ako. “Sadya namang guwapo iyon. Pagkakaguluhan ba iyon ng mga bakla kung hindi?” sambit ko. “Mas marunong tumingin ang mga bakla ng guwapo sa hindi.”
“Bakit ang dami mong alam?” nakatikwas na ngusong sabi niya. “Pero type mo?”
“Ano ho?” tila nabingi ko namang tugon.
“Guwapo, ‘di ba?”
“Ano naman po ngayon?”
“Bakit hindi mo kontakin?”
“Para saan?”
“Usap kayo.”
“Tungkol saan?”
“Kahit ano, Calli.”
“Sus! Hindi na ako kilala no’n!”
“Ligawan mo si Jonesses para magka-asawa ka na. Para rin—”
“Asawa? Agad? Mama naman!”
“Joke lang. Pero malay mo—”
“Mama, isa!”
Bumuntong-hininga muli ako saka napailing.
“Kausapin ko raw at ligawan.” Napanguso ako. Dagdag ko pa, “Ewan ko ba kay Mama kung bakit niya pa naalala ang lalaking iyon!”
Muli siyang natawa. Nang ambahan ko siya ng tasa sa ere malapit sa kaniyang mukha ay tumigil naman siya.
“Sayang naman kasi kayong dalawa e. Kung bakit kasi umalis pa si Jonesses.”
Napatikwas ang aking nguso sa kaniyang binanggit. Ani ko, “Sayang? Bakit? Paano? Magkaibigan lang naman kami at walang kahit ano sa amin.”
Mayamaya’y bigla niya akong iniharap sa kaniya nang husto na bahagya kong ikinagulat. Nanlalaking mga matang nahampas ko ang mga kamay niyang nakahawak sa magkabilang braso ko.
“Hoy, Line! Ano ba’ng trip mo?”
“Ganito,” aniya. “Hindi ka umamin?”
Nangunot ang noo ko. “Umamin? Kanino?”
“Kay Jonesses! Kanino ka ba?”
“Sira ka ba? Ano’ng aaminin ko sa kaniya? Line, wala akong gusto sa kaniya.”
Sumimangot siya. Sabi pa niya, “Siya? Hindi ba siya umamin o nagbigay ng motibo man lang na gusto ka niya?”
“Hindi,” agad na sagot ko.
Pagkatapos ay para siyang pinagbagsakan ng langit at lupa sa kaniyang hitsura. Bagsak ang kaniyang mga balikat at nakatungo lang.
Naalala ko, hindi pala niya alam na nag-away kami ni Jonesses isang araw bago siya umalis.
“Hindi nga ba?” bulong ko na dahilan para mag-angat siya ng kaniyang ulo.
“Hoy, ano? Naalala mo? Umamin ba?” ngingiti-ngiti niyang tanong.
Pinitik ko ang kaniyang noo saka humigop sa aking kape na malapit nang lumamig.
“Oo may inamin siya. Alam mo kung ano?” sambit ko.
“Ano? Dali! Excited akong malaman—”
“Hindi niya ako type. Malinaw iyon sa mga pandinig ko noong umamin siya sa akin.”
Nanahimik siya bigla. Napakurap naman ako saka siya muling nilingon. Napangiti ako sa hitsura niya. Nakanguso siya at parang batang hindi nabigyan ng kendi.
“Hoy, Line? Ano’ng hitsura iyan?” nakangiti ko pang tanong sa kaniya.
“Hindi ka ba nasaktan? Ang sama naman ng ugali niya para sabihing hindi ka niya type! Hindi naman siya guwapo!” maktol pa niya.
“At hindi rin ako maganda. Mabuti na iyon. Hindi talaga kami meant to be,” pang-aalo ko sa kaniya.
Aniya, “Maganda ka kaya.”
“Sus!” Pabiro akong napairap. “Umuwi ka na. Matulog na tayo.”
“Pero malay mo isang araw, bigla siyang bumalik para sa iyo?”
Natawa naman ako kasi parang sa mga telenobela at mga libro lang nangyayari ang ganoon.
Sabi ko, “Para sa akin? Ano ba ako para sa kaniya? Wala namang malalim na namamagitan sa amin kaya paanong magiging ako ang dahilan?”
“Law of attraction lang naman.”
“Hindi na ako kilala niyon. Tama na iyan. Wala naman akong balak mag-asawa kaya huwag mo nang ipilit si Jonesses sa akin. Para kang si Mama, e!”
Siya naman ngayon ang napabuntong-hininga. Mayamaya’y nagsalita ulit siya dahilan para mapahilamos ako sa aking mukha.
“Hindi ka talaga niya type?”
“Hindi nga!”
Bigla siyang tumayo sabay sabing, “Sige na. Uuwi na ako’t matutulog. Ikaw din, pumasok ka na at matulog.”
“Sige. Goodnight!” tipid kong sabi bago ko nilagok ang natitirang laman ng aking tasa. “Sweet dreams.”
Wala na akong narinig pagkatapos maliban sa kaluskos ng tsinelas niya palabas ng gate. Nalaglag ang aking mga balikat nang makita kong wala na sa paningin ko si Line.
“Hindi niya nga raw ako type pero...”
“Mabuti na lang at hindi kita type.”
Napapikit na ako dahil sa inis. Bukambibig na niya iyon kanina pa at nakakairita na iyon sa aking pandinig. Napailing ako.
“Jonesses, ano ba? Bakit—”
“Dahil kung nagkataon na gusto kita, mahihirapan akong umalis at iwanan ka.”
Kumabog nang malakas ang dibdib ko. Para iyong sasabog. Gusto kong magsalita pero nang titigan ko si Jonesses ay tila may pumipigil sa akin.
Seryoso ang mukha niya at ganoon rin ang boses. Hindi ko mabakas na nagbibiro siya. Iba ang mga mata niya. Pakiramdam ko ay nagsisinungaling siya.
Napalunok ako.
“Bakit parang iba ang sinabi mo sa totoong nararamdaman mo?” tanging nasabi ko.
Hanggang ngayon ay wala pa rin akong nakukuhang sagot. Limang taon nang nakalipas iyon pero parang sariwa pa rin pala.
“Kung babalik man siya, sigurado naman akong hindi para sa akin,” bulong ko. “Baka nga may asawa na iyon. Tss.”
Sa huling pagkakataon ay napabuntong-hininga muli ako bago ako tumayo at pumasok na sa loob ng aming bahay.