I had never imagined being touched by a man. Naiisip ko pa lang, kinikilabutan na ako. Gusto ko, ako lang ang hahawak sa sarili ko. Kaya siguro ayaw kong mag-asawa. Hindi kasi mawawala iyon. Iniisip ko pa lang na hahawakan ako, huhubaran at kakainin—I mean, basta. Nakakakilabot.
Linggo ngayon. Bukod sa wala naman akong pasok at wala rin akong lakad kung saan ay naghalungkat ako ng aming refrigerator.
May isang kilo pa roong fries, tatlong balot na siomai at may mga manggang kinalabaw sa pinakailalim na pitak nito.
Tiningnan ko si Line na nakasilip din sa loob ng refrigerator namin. Nang lumingon siya sa akin ay minulagaan niya ako.
“Bahala na,” sabi ko.
Alas nueve ng umaga at kasama ko na agad si Line sa amin. Niyaya ko rin naman kasi siya para samahan ako rito dahil wala si Mama.
Naghanda ako ng lutuan nang makuha ko ang mga pagkaing nakita ko sa loob ng refrigerator kanina.
“Ano’ng trip mo? Fries, siomai at manggang hilaw?” hindi makapaniwalang tanong sa akin ni Line habang nakadungaw sa kawaling nakasalang sa electric stove namin. Puno iyon ng langis at nakalutang roon ang sandamakmak na fries at siomai.
Nilingon ko naman siya habang nagtatalop ng mangga. Sabi ko, “Gusto ko lang kumain. Ano’ng masama sa ganoong trip?”
“Wala naman.” Ngumuso siya. “Stress eating ba iyan? Stress ka?”
Umiling naman ako sabay silip doon sa kawali. “Ikaw muna ang magtalop niyang mangga. Hahanguin ko lang iyang nakasalang.”
Kinuha naman niya iyong mangga at kutsilyo mula sa akin saka ngumibit. “Ang asim nito panigurado.”
Bahagya akong natawa sa hitsura niya habang naglalatag ng tissue sa platong paglalagyan niyong fries at siomai.
“Oo nga. Hindi mo pa nga natitikman, ang asim na ng mukha mo,” sambit ko.
May mahigit kalahating oras siguro kaming nakaharap sa lutuan bago kami pumunta sa terrace dala ang mga pagkain.
Si Line ang nagtimpla ng sawsawan ng siomai pati mangga. Toyo iyon na may fried garlic, kalamansi, chilli oil, at alamang. Samantalang ako naman ang nagkalog ng fries sa isang malaking platic container na may cheese.
Napalunok ako dahil sa masarap na amoy ng mga iyon.
“Ano ba’ng pagkukuwentuhan natin?” tanong ni Line saka umupo paharap sa akin sa pagitan ng mesa.
“Kahit ano. Wala ka namang lakad ngayon, ‘di ba?”
Umiling siya bago kumuha ng isang pirasong mangga saka iyon kinain. Awtomatiko namang umasim ang mukha niya bago niya sinabing, “Napag-usapan nga pala namin saglit ni Mama ang tungkol sa pag-aasawa.”
Napataas ang kilay ko.“Binubugaw ka na rin ba, ni Tita Lily?”
Tumawa naman siya. Ako na napanguso ay binuksan iyong plastic container ng fries saka iyon nilantakan.
“Hindi naman. Hindi niya naman ako kailangang ibugaw dahil may balak naman akong mag-asawa,” aniya sabay kindat.
“Ewan sa iyo. E, ano nga’ng pinag-usapan ninyo?”
“So ganito nga,” panimula niya bago pumangalumbaba habang tinitira iyong mangga. “Tungkol talaga iyon sa ginagawa ng mag-asawa.”
“Ano?” tanong ko habang ngumunguya.
“Sex.”
Agad akong nasamid sa sinabi niya. Hindi pa durog iyong fries sa bibig ko pero aksidenteng dumausdos iyon sa lalamunan ko na buo-buo pa. Nabato ko tuloy si Line ng tatlong piraso niyong fries.
“Problema mo?” natatawa niyang tanong sa akin saka pinulot sa mesa iyong ibinato ko sa kaniya saka iyon isinubo. “Don’t be hypocrite, Calli. Gawain talaga ng mag-asawa iyon. Walang masama doon kasi mag-asawa nga, basta kasal, ha.”
“Seryoso? Iyan talaga ang pinag-usapan ninyo?”
“Oo. Para siyang baseball.”
“Baseball?”
“May base 1, base 2, base 3, at home run,” aniya sabay bungisngis. “May level kumbaga.”
Tumikwas ang nguso ko. Sa hitsura ni Line, mukhang nag-enjoy siya sa pag-uusap nila ng mama niya tungkol doon.
“Kadiri ka.”
“Hala. Hindi daw iyon kadiri sabi ni Mama.”
“Letse ka. Dinudungisan mo ang utak ko,” sabi ko sabay sama nang tingin sa kaniya.
“Hindi ko dinudungisan ang utak mo, ine-educate lang kita,” aniya sabay ngata niyong siomai. “Malay mo, mabago ang isip mo kapag nalaman mo ito?”
“Hindi. Kadiri talaga!” Umasim lalo ang hitsura ko lalo nang nilantakan ko naman iyong manggang malutong at maasim.
“Pakinggan mo muna kasi, Calli.”
Tinitigan ko siya. Dahil mukhang wala naman sa bokabularyo niya ang tigilan ako ay hinayaan ko na rin siyang magkuwento tungkol sa bagay na ayaw ko tungkol sa pag-aasawa.
“First base, kiss lang,” aniya. “Masarap iyon.”
Napalunok ako bago ko siya sinagot. “Masarap? Ang alin? Laway?”
“Gaga! Hindi. Basta masarap iyon.”
“Bakit? Nakatikim ka na ba ng halik?”
“Hindi pa.” Umiwas pa siya ng tingin sa akin bago niya sinamual iyong isang buong siomai. Bukol tuloy iyong pisngi niya.
“Mas gaga ka pala. Paano mo nasabing masarap kung hindi mo pa natitikman?” Inirapan ko naman siya. “Tumigil ka na nga!”
“Sabi kasi ni Mama, masarap daw iyon. Hindi raw kasi ako mabubuo kung hindi masarap ang halik ni Papa.” Sinabi iyon ni Line habang puno ang kaniyang bibig. Pakiramdam ko ay nagtaasan ang mga balahibo ko dahil sa narinig ko.
“Sana kinakaya pa ng sikmura mo iyan. Saka paano ka mabubuo sa halik lang?”
“Siyempre, may kasunod ang halik. Base 2, may touching na. Iyong may pahawak-hawak na sa likod tapos iyong mga kamay ay gagapang papuntang dibdib, tiyan hanggang sa p—”
“Line!”
Agad akong napasigaw para matigilan siya sa kaniyang sinasabi. Napahawak din ako sa magkabila kong tainga kahit puro bahid ng toyo iyong mga daliri ko huwag lang akong marinig ang mga susunod niya pang sasabihin.
Sabi ko pa, “Gaga ka talaga! Para kang nagkukuwento ng p**n sa akin!”
Namilog naman ang kaniyang mga mata. Aniya, “Nakapanood ka na?”
Hindi ako makatanggi. Hindi rin naman ako maka-oo. Hindi naman talaga ako nanood. Tampalasan lang ngayon mga ads sa iba’t ibang website. Bigla na lang may lalabas na video ng mga nagyuyugyugan. Letse. Binato ko ulit siya ng fries.
“Tsk! Huwag mong sayangin ang pagkain! Kainin mo iyan at huwag mong ibato sa akin!”
Sa halip ma tumigil ay bagkus ko pa siyang pinagbabato.
“Gaga ka. Huwag mo nang ikuwento kung paano ka ginawa. Nakakasuka!”
“As if! Ang ganda kaya ng bunga nila. Ako! Aray! Tama na, Calli!” saway niya habang sinasalo iyong ibinabato ko sabay subo naman sa kaniyang bibig.
“Ang baboy mo!”
Nang tumigil ako ay ngumiti siya. Sabi niya, “Ang kasunod ay base 3. Hubad na ang dalawang saging, ready to eat na. At ang home run, natusok na ng hotdog ang—”
“Oo na! Oo na!” putol ko na sa kaniyang sasabihin. “Saging at hotdog? Letseng example iyan!”
Humagalpak nang pagtawa si Line pagkatapos. Habang lukot ang aking mukha dahil sa mga kuwento niya ay tuwang-tuwa naman siya dahil sa reaksyon ko.
“Masarap nga daw iyon,” aniya pa kaya ibinato ko na sa kaniya iyong takip ng plastic container.
“Tumigil ka na. Hindi ko naman pinapangarap ang may maka-home run sa akin!”
“Kailangan bang ibato mo sa akin ito?” Kinuha niya iyong takip saka pa sinabing, “Huwag ko lang malalaman na nagbago ang isip mo kasi ipagdadasal ko talagang mabubuntis ka taon-taon!”
Pagkakagat niya niyong mangga ay agad siyang nasamid nang sabihin kong, “Hindi pa nga ako dinadatnan.”
Namilog ang kaniyang mga mata at tila napipi. Ako naman ay napatitig lang sa kaniya habang pinapanood ang reaksiyon niya sa sinabi ko.
“Dalawang buwan na,” dagdag ko.
“Buntis ka?” bulalas niya.
Nalaglag nang bahagya ang aking panga sa tanong niya. “Buntis saan? Sa demonyo?” Umismid pa ako.
“Ay, naniniwala ka sa ganoon?”
“Gaga. Hindi iyon totoo! Utak mo nga, ituwid mo muna. Saka noong mga huling buwan, masakit lagi ang puson ko sa tuwing dadatnan ako.”
Umirap naman siya sa akin. Sabi ko pa, “Walang makakabuntis sa akin na tao o kahit anong elemento riyan sa paligid.”
“E, bakit dalawang buwan ka ng delayed?”
Bumagsak ang mga balikat ko saka napabuntong-hininga.
“Ewan ko,” sagot ko.
“Tapos kumain ka pa ng mangga. Lalo na sigurong naunsyami iyang period mo. Feeling ko, kailangan mo nang magpa-check up,” aniya. Tila iyon ang pinakamatinong nasabi niya sa akin ngayong umaga na binabalak ko nang gawin bukas pagkatapos ng aking klase.