Chapter 27

1377 Words
Tahimik akong nahiga mag-isa sa kuwarto. Nakatihaya ako sa kama at nakatitig lamang ako sa ceiling fan na kanina pa umiikot doon. Hindi kasi maalis sa isip ko iyong sinabi ni Lola kanina. Base kasi sa tono ng boses niya ay parang may hindi magandang mangyayari. Pumaling ako sa gilid at tumambad sa akin ang picture ni Mama at Papa na nakasabit sa pader. Kakakasal pa lamang nila noon. Sa pagkakatanda ko base sa kuwento ni Mama, si Papa ang unang lalaki nagustuhan niya. Napabuntong-hininga ako. Sana lahat sa una pa lang, alam na kung sino ang makakasama habambuhay. “Calli?” Agad akong napalingon sa pinto ng kuwarto at nakita kong nakabukas na iyon habang nakasilip si Lola Yumi. Mabilis akong bumangon saka naupo sa ibabaw ng kama. Ngumiti ako pagkatapos. “Lola, bakit po?” tanong ko at pasimpleng tumingin sa likuran niya nang maglakad siya papalapit sa akin. “Ang Lolo Geunsoo mo ay isinama saglit si Maxim sa pamilihan para sa pananghalian mamaya. Hindi na siya nakapagpaalam sa iyo dahil iniisip niya na baka natutulog ka rito. Sinasabi ko lang kasi pansin kong nanghahaba na ang leeg mo sa kasisilip sa likuran ko,” nangingiti niyang sabi bago umupo sa aking tabi. Isa rin talagang mapang-asar si Lola kaya bahagya akong natawa. “Hindi ko naman po siya hinahanap, Lola,” tanggi ko saka inayos ang bahagyang nagulo kong buhok. “Nag-aalala ka ba?” tanong niya na hindi ko agad nagawang sagutin. “Teka nga, Apo. Paano mo ba nakilala si Maxim?” Tinitigan ko si Lola. Bakas na bakas sa kaniyang hitsura ang pagka-interes kung paano kami nagkakilala ni Maxim. Nagdalawang-isip agad ako kasi kung ikukuwento ko sa kaniya, baka madismaya siya lalo sa akin. “Ikuwento mo na. Lola mo naman ako. Hindi ako magagalit. Hindi rin kita isusumbong sa Mama mo,” ngiting-ngiting sabi niya. Kaya kahit matanda na si Lola at kulubot na ang balat ay nahuhumaling ako sa cute niyang hitsura lalo na kapag nakangiti at halos tumago na ang kaniyang mga mata. Ngumiti ako bago ko simulan ang pagkukuwento tungkol kay Maxim. “Izvinite!” Excuse me! Isang wikang Russian ang maya-maya’y aking narinig. Minsan na rin akong nakarinig ng ganoong lenggwahe at hindi ako maaaring magkamali. Isa pa, minsan ko na ring tinangkang pag-aralan ang lenggwaheng iyon at sa kabutihang-palad nama’y natuto na rin ako nang bahagya. Dahil doo’y naalala ko ang isang taong kalahating Russian na nakilala ko dalawang taon na ang nakararaan. Sa dami ng lahi sa mundo, bakit kailangang Russian? Hinanap ko iyon at paglingon ko sa gawing likuran ko ay doon ko nakita ang isang lalaking kumakaripas nang takbo patungo sa akin. Binata. I guess? Maputi siya’t halos magkulay rosas ang kaniyang balat habang nasisinagan ng araw. Nakasuot rin siya ng isang kulay asul na Hawaiian polo shirt, khaki shorts at sa tantiya ko’y anim na talampakan ang kaniyang taas. Nang makalapit siya sa akin ay kaniya pang sinabi, “Stoy.” Stop. Sapo niya ang kaniyang dibdib at habol ang kaniyang hininga. Sino ba namang hindi hihingalin sa pagtakbo? “Zdravstvuyte,” Hello, bati ko sa kaniya. Mabuti na nga lamang at kahit papaano ay may nalaman na ako tungkol sa wikang ito. “Kak ya mahgoo vahm pahmohch?” How can I help you? Bahagya namang kumunot ang kaniyang noo. “Vy govorite porusski?” You speak Russian? tanong niya. “Da, nemnogo,” Yes, a little, sagot ko naman. Basic lang ang alam ko. Kung matatanong pa siya ng iba ay baka hindi ko na iyon masagot pa. “English?” “Oh, yes,” tatango-tango ko pang sagot. “Better, so you can be comfortable.” “Dahil sa kapirasong papel po kaya kami nagkakilala,” sabi ko kay Lola. “Hindi ko alam na ganoon pala kalakas ang karisma mo para magustuhan ka kaagad ng isang lalaking kakikilala mo pa lamang kahapon. Manang-mana ka sa Lola,” aniya sabay bungisngis. “Siguro’y nabighani mo siya sa pagsasalita mo ng Russian?” Umiling ako. “Hindi ko alam, Lola. Hindi rin nga po agad ako makapaniwala na ganoon nga ang nangyari. Pero paano po kayo natuto ng lenggwaheng iyon?” Ngumiti siya. “Noong kabataan ko, may naka-pen pal akong Russian National na marunong mag-ingles. Ang sipag niyang magsulat at talagang tina-translate niya iyon para sa akin dahil gusto kong matutunan ang kaniyang salita. Taon ang lumipas kaya nasanay na ako sa salitang iyan. Bukod doon ay nakapalagayan ko siya ng loob.” Namilog naman ang aking mga mata dahil sa kuwento niya. Tanong ko, “Nasaan na po siya ngayon?” Tumingin muna siya sa bukas na bintana niyong kuwarto kung saan ay kitang-kita ang walang ulap na kalangitan. Aniya, “Hugo ang pangalan niya. Isa siyang sundalo. Malapit na sana kaming magkita noon nang masawi naman siya sa giyera. Doon natapos ang lahat sa amin. Pero dumating ang Lolo Geunsoo mo sa buhay ko.” “Ang sakit naman po niyon,” komento ko. Tumango naman si Lola Yumi. “Totoo, pero pinunan ako ng lolo ng pagmamahal kaya malaki ang pasasalamat ko sa kaniya. Pero balik tayo kay Maxim,” aniya sabay ngisi. “Pagkatapos ng papel?” Natawa ako sa tanong niya. Tumango naman ako saka muling nagkuwento. “You’re Maxim, right?” panimulang tanong ko bilang pagbubukas ng pag-uusapan habang kumakain. Nang malunok niya ang kaniyang nginunguya ay sinagot niya ako. Sabi niya, “Yes. How did you know?” Hindi ako sumagot bagkus ay tiningnan ko ang papel na kaniya pa ring hawak-hawak kaya’t napatango siya. Agad niya iyong naintindihan. Nakasulat kasi ang pangalan niya sa papel na iyon. “Ah. This,” sambit niya sabay tingin sa papel. “Why are you here in Korea by the way?” biglang tanong niya. Bago sumagot ay linunok ko muna ang aking nginunguya. Bahagya akong napasipol dahil sa anghang. Habang pinupunasan ang gilid ng aking labi, sabi ko, “Short vacation. I won a 7-day-trip here in a school debate. A good prize to take a break from stress in school and... and everything.” Ngumiti siya. Ang aliwalas ng mukha niya. Nakakainis kasi ang sarap niyang titigan. “Really? Well, they got you the right place to rewind and relax,” aniya sabay tingin sa ilog. Tama naman. Ang ganda kasi rito. Napatango  ako saka pumaling sa kalawakan ng ilog. Paglingon niyang muli sa akin ay muli siyang nagbato ng tanong. “Are you... single?” tanong niya. “Just wanna know.” Nagulat ako roon nang bahagya kaya nasamid ako. Tila sinundot din ang puso ko kasi para iyong tumalon dahil sa tanong niya. Ngumiti ako bago ko siya sinagot. Wala naman sigurong masama sa tanong niya at kung sasagutin ko iyon? “I am,” sagot ko habang tumatango. “I’m single.” “Anyway, I don’t know your name yet.” “I’m Calli. Calli Silvallana.” “A Filipina, right?” sambit niya saka ngumiti nang malapad. “Yes,” sagot ko na may pagtango pa saka ko siya tinitigang maigi. Mukha kasing may gusto siyang sabihin. “This is random, okay? Don’t take it as a big deal, but what... what do you think about Russian guys?” Complicated mahalin, naisip ko habang nakatingin lang sa kaniya. Dagdag niya, “Would you like to date a Russian guy... like me?” “Iyon po, Lola. Pakiramdam ko kasi, okay siya,” sabi ko. Bigla namang inayos ni Lola ang buhok ko pagkatapos kong magsalita. Para akong isang bata sa kaniyang harapan na inaayusan ng gulong buhok. “Apo, ang totoo kasi ay hindi maganda ang pakiramdam ko sa lalaking iyon,” aniya na nakapagpakabog sa aking dibdib. “Ano ba ang dahilan at naging mapusok ang apo ko na dating ayaw sa lalaki noon?” Gusto kong maiyak sa tanong ni Lola Yumi nang mga sandaling iyon. Pakiramdam ko kasi ay napakalaki ng kasalanang nagawa ko hindi lang sa mga taong kilala ako, kung hindi sa sarili ko. “Lola...” Agad na nabasag ang boses ko bago ako napayakap kay Lola.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD